Mga Awit 12
Ang Biblia (1978)
Ang Panginoon ay tulong laban sa masama. Sa Pangulong manunugtog; itinugma sa Seminith. Awit ni David.
12 Tumulong ka, Panginoon, sapagka't ang banal na tao ay (A)nalilipol;
Sapagka't nagkukulang ng tapat sa gitna ng mga anak ng mga tao.
2 Sila'y nangagsasalitaan bawa't isa ng kabulaanan, sa kanikaniyang kapuwa:
(B)Na may mapanuyang labi, at may giring pulang puso na nangagsasalita.
3 Ihihiwalay ng Panginoon, ang lahat na mapanuyang labi,
Ang dila na nagsasalita ng mga dakilang bagay:
4 Na nagsipagsabi, Sa pamamagitan ng aming dila ay magsisipanaig kami;
Ang aming mga labi ay aming sarili: sino ang panginoon sa amin?
5 Dahil sa pagsamsam sa dukha, dahil sa buntong hininga ng mapagkailangan,
(C)Titindig nga ako, sabi ng Panginoon;
Ilalagay ko siya sa kaligtasang kaniyang pinagmimithian.
6 (D)Ang mga salita ng Panginoon ay mga dalisay na salita;
Na gaya ng pilak na sinubok sa hurno sa lupa,
Na makapitong dinalisay.
7 Iyong iingatan sila, Oh Panginoon,
Iyong pakaingatan sila mula sa lahing ito magpakailan man.
8 Ang masama ay naggala saa't saan man.
Pagka ang kapariwaraan ay natataas sa gitna ng mga anak ng mga tao.
Salmo 12
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Panalangin para Tulungan ng Dios
12 Panginoon, tulungan nʼyo po kami,
dahil wala nang makadios,
at wala na ring may paninindigan.
2 Nagsisinungaling sila sa kanilang kapwa.
Nambobola sila para makapandaya ng iba.
3 Panginoon, patigilin nʼyo na sana ang mga mayayabang at mambobola.
4 Sinasabi nila,
“Sa pamamagitan ng aming pananalita ay magtatagumpay kami.
Sasabihin namin ang gusto naming sabihin,
at walang sinumang makakapigil sa amin.”
5 Sinabi ng Panginoon,
“Kikilos ako! Nakikita ko ang kaapihan ng mga dukha,
at naririnig ko ang iyakan ng mga naghihirap.
Kayaʼt ibibigay ko sa kanila ang pinapangarap nilang kaligtasan.”
6 Ang pangako ng Panginoon ay purong katotohanan,
gaya ng purong pilak na pitong ulit na nasubukan sa nagliliyab na pugon.
7 Panginoon, nalalaman namin na kami ay inyong iingatan,
at ilalayo sa masamang henerasyong ito magpakailanman.
8 Pinalibutan nila kami,
at pinupuri pa ng lahat ang kanilang kasuklam-suklam na gawain.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®