Mga Awit 115
Ang Biblia (1978)
Ang ibang mga Dios ay ipinaris sa Panginoon.
115 Huwag (A)sa amin, Oh Panginoon, huwag sa amin,
Kundi sa iyong pangalan ay (B)magbigay kang karangalan,
Dahil sa iyong kagandahang-loob, at dahil sa iyong katotohanan.
2 Bakit sasabihin ng mga bansa,
(C)Saan nandoon ngayon ang kanilang Dios?
3 Ngunit ang aming Dios ay nasa mga langit:
Kaniyang ginagawa ang kaniyang ibigin.
4 (D)Ang kanilang mga diosdiosan ay pilak at ginto,
(E)Yari ng mga kamay ng mga tao.
5 Sila'y may mga bibig, (F)nguni't sila'y hindi nangagsasalita;
Mga mata'y mayroon sila, nguni't hindi sila nangakakakita;
6 Sila'y may mga tainga, nguni't hindi sila nangakakarinig;
Mga ilong ay mayroon sila, nguni't hindi sila nangakakaamoy;
7 Mayroon silang mga kamay, nguni't hindi sila nangakatatangan;
Mga paa ay mayroon sila, nguni't hindi sila nangakalalakad;
Ni nangagsasalita man sila sa kanilang ngalangala.
8 (G)Ang nagsisigawa sa kanila ay magiging gaya nila;
Oo, bawa't tumitiwala sa kanila.
9 (H)Oh Israel, tumiwala ka sa Panginoon:
Siya'y kanilang saklolo at (I)kanilang kalasag.
10 Oh sangbahayan ni Aaron, magsitiwala kayo sa Panginoon:
Siya'y kanilang saklolo at kanilang kalasag.
11 Kayong nangatatakot sa Panginoon, magsitiwala kayo sa Panginoon;
Siya'y kanilang saklolo at kanilang kalasag.
12 Inalaala tayo ng Panginoon; kaniyang pagpapalain tayo:
Kaniyang pagpapalain ang (J)sangbahayan ni Israel,
Kaniyang pagpapalain ang sangbahayan ni Aaron.
13 Kaniyang pagpapalain ang nangatatakot sa Panginoon,
Ang mababa at gayon ang mataas.
14 (K)Palalaguin kayo ng Panginoon ng higit at higit,
Kayo at ang inyong mga anak.
15 Pinagpala kayo ng Panginoon,
Na gumawa ng langit at lupa.
16 (L)Ang mga langit ay mga langit ng Panginoon;
Nguni't ang lupa ay kaniyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.
17 Ang patay ay (M)hindi pumupuri sa Panginoon,
Ni sinomang nabababa sa katahimikan;
18 (N)Nguni't aming pupurihin ang Panginoon
Mula sa panahong ito hanggang sa walang hanggan.
Purihin ninyo ang Panginoon.
Salmo 115
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Iisa ang Tunay na Dios
115 Panginoon, hindi kami ang dapat na parangalan,
kundi kayo, dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
2 Bakit kami kinukutya ng ibang bansa at sinasabi nilang,
“Nasaan na ang inyong Dios?”
3 Ang aming Dios ay nasa langit,
at ginagawa niya ang kanyang nais.
4 Ngunit ang kanilang mga dios ay yari sa pilak at ginto na gawa lang ng tao.
5 May bibig sila, ngunit hindi nakakapagsalita;
may mga mata, ngunit hindi nakakakita.
6 May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig;
may ilong, ngunit hindi nakakaamoy.
7 May mga kamay, ngunit hindi nakakahawak;
may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
at kahit munting tinig ay wala kang marinig.
8 Ang mga gumawa ng mga dios-diosan at nagtitiwala rito ay matutulad sa mga ito.
9-10 Kayong mga mamamayan ng Israel at kayong mga angkan ni Aaron,
magtiwala kayo sa Panginoon.
Siya ang tutulong at mag-iingat sa inyo.
11 Kayong mga may takot sa Panginoon,
magtiwala kayo sa kanya.
Siya ang tutulong at mag-iingat sa inyo.
12 Hindi tayo kinakalimutan ng Panginoon,
pagpapalain niya ang mga mamamayan ng Israel at ang mga angkan ni Aaron.
13 Pagpapalain niya ang lahat ng may takot sa kanya, dakila man o aba.
14 Paramihin sana kayo ng Panginoon,
kayo at ang inyong mga angkan.
15 Sanaʼy pagpalain kayo ng Panginoon na lumikha ng langit at ng lupa.
16 Ang kalangitan ay sa Panginoon, ngunit ang mundo ay ipinagkatiwala niya sa mga tao.
17 Ang mga patay ay hindi na makakapagpuri sa Panginoon, dahil sila ay nananahimik na.
18 Tayong mga buhay ang dapat magpuri sa Panginoon ngayon at magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®