Awit 11
Ang Dating Biblia (1905)
11 Sa Panginoon ay nanganganlong ako: ano't inyong sinasabi sa aking kaluluwa, tumakas ka na gaya ng isang ibon sa iyong bundok?
2 Sapagka't, narito, binalantok ng masama ang busog, kanilang inihahanda ang kanilang palaso sa bagting, upang kanilang mapahilagpusan sa kadiliman ang matuwid sa puso,
3 Kung ang mga patibayan ay masira, anong magagawa ng matuwid?
4 Ang panginoon ay nasa kaniyang banal na templo, ang Panginoon, ang kaniyang luklukan ay nasa langit; ang kaniyang mga mata ay nagmamalas, ang kaniyang mga talukap-mata ay nagmamasid, sa mga anak ng mga tao.
5 Sinusubok ng Panginoon ang matuwid; nguni't ang masama at ang umiibig ng pangdadahas ay kinapopootan ng kaniyang kaluluwa.
6 Sa masama ay magpapaulan siya ng mga silo; apoy at azufre at nagaalab na hangin ay magiging bahagi ng kanilang saro.
7 Sapagka't ang Panginoon ay matuwid; minamahal niya ang katuwiran: Mamasdan ng matuwid ang kaniyang mukha.
Salmo 11
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Pagtitiwala sa Panginoon
11 Nagtitiwala ako sa Panginoon na aking kanlungan.
O tao, bakit ninyo sinasabi sa akin,
“Tumakas ka papuntang kabundukan, at lumipad tulad ng ibon.[a]
2 Inihanda na ng mga masama ang kanilang mga pana,
para panain nang palihim ang mga matuwid.
3 Ano ang magagawa ng mga matuwid kung ang batas
na pundasyon ng bayan ay wala nang halaga?”
4 Ang Panginoon ay nasa kanyang templo;
at nasa langit ang kanyang trono.
Tinitingnan niya at sinisiyasat ang lahat ng tao.
5 Sinisiyasat niya ang matutuwid at masasama.
At siyaʼy napopoot sa malulupit.
6 Pauulanan niya ng lumalagablab na baga at asupre ang masasama;
at ipapadala niya ang mainit na hangin na papaso sa kanila.
7 Dahil ang Panginoon ay matuwid at iniibig niya ang mga gawang mabuti,
kaya ang mga namumuhay nang tama ay makakalapit sa kanya.[b]
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®