Add parallel Print Page Options

Mapalad ang Taong Matuwid

Mapalad ang taong hindi namumuhay ayon sa payo ng masasama,
    o sumusunod sa mali nilang halimbawa,
    at hindi nakikisama sa mgataong nangungutya.
Sa halip ay nagagalak siyang sumunod sa mga aral na mula sa Panginoon,
    at araw-gabi ito ay kanyang pinagbubulay-bulayan.
Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na itinanim sa tabi ng sapa,
    na namumunga sa takdang panahon at hindi nalalanta ang mga dahon.
    Magtatagumpay siya sa anumang kanyang ginagawa.
Ngunit iba ang mga taong masama;
    silaʼy parang ipa na tinatangay ng hangin.
Parurusahan sila ng Dios sa araw ng paghatol,
    at ihihiwalay sa mga matuwid.
Sapagkat pinapatnubayan ng Panginoon ang mga matuwid,
    ngunit ang buhay ng taong masama ay hahantong sa kapahamakan.

Ang Haring Hinirang ng Panginoon

Bakit nagsipagtipon ang mga bansa sa pagpaplano ng masama?
    Bakit sila nagpaplano ng wala namang patutunguhan?
Ang mga hari at mga pinuno sa mundo ay nagsama-sama,
    at nagsipaghanda sa pakikipaglaban sa Panginoon,
    at sa hari na kanyang hinirang.
Sinabi nila,
    “Huwag tayong pasakop o sumunod man sa kanilang pamamahala!”
Ngunit siyang nakaupo sa kanyang trono sa langit ay natatawa lang, at kumukutya sa kanila.
Sa galit ng Dios, silaʼy binigyang babala,
    at sa tindi ng kanyang poot silaʼy natatakot.
Sinabi niya,
    “Iniluklok ko na ang hinirang kong hari sa kanyang trono sa Zion,[a] sa banal kong bundok.”
Sinabi ng hari na hinirang ng Dios,
    “Sasabihin ko ang sinabi sa akin ng Panginoon: ‘Ikaw ang Anak ko,
    at ngayon, ipapahayag ko na ako ang iyong Ama.[b]
Hilingin mo sa akin ang mga bansa sa buong mundo,
    at ibibigay ko ito sa iyo bilang mana mo.
Pamumunuan mo sila,
    at walang sasalungat sa iyong pamamahala.
    Silaʼy magiging parang palayok na iyong dudurugin.’ ”

10 Kaya kayong mga hari at pinuno sa buong mundo,
    unawain ninyo ang mga salitang ito at pakinggan ang mga babala laban sa inyo.
11 Paglingkuran ninyo ang Panginoon nang may takot,
    at magalak kayo sa kanya.
12 Magpasakop kayo sa hari na kanyang hinirang,
    kung hindi ay baka magalit siya at kayoʼy ipahamak niya.
    Mapalad ang mga nanganganlong sa Panginoon.

Panalangin sa Oras ng Panganib

Panginoon, kay dami kong kaaway;
    kay daming kumakalaban sa akin!
Sinasabi nilang hindi nʼyo raw ako ililigtas.
Ngunit kayo ang aking kalasag.
    Pinalalakas nʼyo ako at pinagtatagumpay sa aking mga kaaway.
Tumawag ako sa inyo Panginoon at sinagot nʼyo ako mula sa inyong banal[c] na bundok.
At dahil iniingatan nʼyo ako, nakakatulog ako at nagigising pa.
Hindi ako matatakot kahit ilang libo pang kaaway ang nakapalibot sa akin.

Pumarito kayo, Panginoon!
    Iligtas nʼyo po ako, Dios ko,
    dahil noon ay inilagay nʼyo sa kahihiyan ang lahat ng mga kaaway ko,
    at inalis mo sa mga masamang tao ang kanilang kakayahang saktan ako.
Kayo, Panginoon, ang nagliligtas.
    Kayo rin po ang nagpapala sa inyong mga mamamayan.

Footnotes

  1. 2:6 Zion: o, Jerusalem.
  2. 2:7 ako ang iyong Ama: o, ipinapakilala mong ama mo ako.
  3. 3:4 banal: o, hinirang.