Amos 8
Ang Biblia (1978)
Ang nalalapit na katapusan ng Israel ay hinulaan.
8 (A)Ganito nagpakita ang Panginoong Dios sa akin: at, narito, ang isang bakol ng bunga ng taginit.
2 At kaniyang sinabi, Amos, anong iyong nakikita? At aking sinabi, Isang bakol ng bunga ng taginit. Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon sa akin, Ang wakas ay dumating sa aking bayang Israel; (B)hindi na ako daraan pa uli sa kanila.
3 At ang mga awit sa templo ay magiging mga pananambitan sa araw na yaon, sabi ng Panginoong Dios: ang mga bangkay ay magiging marami; sa bawa't dako ay tahimik silang itatapon.
4 Pakinggan ninyo ito, Oh kayong nananakmal ng mapagkailangan, at inyong pinagkukulang ang dukha sa lupain,
5 Na sinasabi, Kailan daraan ang bagong buwan, upang tayo'y makapagbili ng gugulayin at ang sabbath, upang ating mailabas ang trigo? na (C)gawing munti ang efa, at malaki ang siklo, at gumawa ng karayaan (D)sa magdarayang timbangan;
6 Upang ating mabili (E)ng pilak ang dukha, at ng dalawang paang panyapak ang mapagkailangan, at maipagbili ang pinagbithayan sa trigo.
7 Ang Panginoon ay sumumpa alangalang (F)sa karilagan ng Jacob, Tunay na (G)hindi ko kalilimutan kailan man ang alin man sa kanilang mga gawa.
8 Hindi baga manginginig ang lupain dahil dito, at mananaghoy ang bawa't tumatahan doon? oo, sasampang buo na gaya ng Ilog; at mababagabag at lulubog uli, gaya ng Ilog ng Egipto.
9 At mangyayari sa araw na yaon, sabi ng Panginoong Dios, (H)na aking palulubugin ang araw sa katanghaliang tapat, at aking padidilimin ang lupa sa maliwanag na araw.
10 At aking papalitan ng panaghoy ang inyong mga kapistahan, at taghoy ang lahat ninyong awit; at ako'y maglalagay ng kayong magaspang sa lahat na balakang, at (I)kakalbuhan sa bawa't ulo; at aking gagawing (J)gaya ng pagtaghoy sa isang bugtong na anak, at ang wakas niyaon ay gaya ng mapanglaw na araw.
Ang pagkakagutom sa buong lupa ay ibinabala.
11 Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoong Dios, na ako'y magpapasapit ng kagutom sa lupain, hindi kagutom sa tinapay, o kauhawan man dahil sa tubig, kundi (K)sa pagkarinig ng mga salita ng Panginoon.
12 At sila'y magsisilaboy sa dagat at dagat, at mula sa hilagaan hanggang sa silanganan; sila'y magsisitakbo ng paroo't parito upang hanapin ang salita ng Panginoon, at hindi masusumpungan.
13 Sa araw na yaon ay manglulupaypay sa uhaw ang mga magandang dalaga at ang mga binata.
14 Silang nagsisisumpa sa pamamagitan ng (L)kasalanan ng Samaria, at nagsasabi, Buhay ang Dios mo, Oh (M)Dan; at, Buhay ang daan ng (N)Beer-seba; sila'y mangabubuwal, at kailan may hindi na mangakababangon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978