Amos 8
Magandang Balita Biblia
Ang Pangitain tungkol sa Isang Basket ng Prutas
8 Ipinakita naman sa akin ng Panginoong Yahweh ang isang basket ng prutas. 2 Sinabi niya, “Amos, ano ang nakikita mo?” “Isa pong basket ng prutas,” sagot ko. At sinabi sa akin ni Yahweh,
“Dumating na ang wakas[a] ng Israel.
Ang pagpaparusa sa kanila'y di ko na maipagpapaliban pa.
3 At sa araw na iyon, malulungkot na awitin ang maririnig sa palasyo.[b]
May mga bangkay na naghambalang sa labas
at maghahari ang katahimikan.”
Ang Kapahamakan ng Israel
4 Pakinggan ninyo ito, kayong sumisikil sa mga nangangailangan,
at kayong umaapi sa mga dukha.
5 Ang sabi ninyo sa inyong sarili,
“Inip na inip na kaming matapos ang mga araw ng pagdiriwang.
Hindi tuloy namin maipagbili ang aming mga inani.
Kailan ba matatapos ang Sabbath,
para maipagbili namin ang mga trigo?
Tataasan namin ang halaga, gagamit kami ng madayang takalan,
at dadayain namin sa timbang ang mga mamimili.
6 Bibilhin namin upang maging alipin ang mga mahihirap sa halagang isang pilak,
at ang mga nangangailangan ay sa halagang katumbas ng isang pares na sandalyas.
At ipagbibili namin ang ipa ng trigo.”
7 Sumumpa si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
“Hindi ko na mapapatawad ang masasama nilang gawa.
8 Magkakaroon ng lindol sa lupa at mananangis ang bawat isa.
Mayayanig ang buong bayan; tataas-bababâ ito na tulad ng Ilog Nilo.”
9 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoong Yahweh,
“Lulubog ang araw sa katanghaliang-tapat,
at magdidilim sa buong maghapon.
10 Ang iyong kapistahan ay gagawin kong araw ng kapighatian;
at ang masasayang awitin ninyo'y magiging panaghoy.
Pipilitin ko kayong magsuot ng panluksa,
at mapipilitan kayong mag-ahit ng ulo.
Matutulad kayo sa magulang na nagdadalamhati, dahil sa pagkamatay ng kaisa-isang anak.
Ang araw na iyon ay magiging mapait hanggang sa wakas.”
11 Sinabi ng Panginoong Yahweh,
“Darating din ang araw na papairalin ko sa lupain ang taggutom.
Magugutom sila ngunit hindi sa pagkain; mauuhaw sila ngunit hindi sa tubig,
kundi sa pakikinig ng aking mga salita.
12 Mula sa hilaga papuntang timog,
mula sa silangan hanggang sa kanluran,
hahanapin nila ang salita ni Yahweh,
subalit iyon ay hindi nila matatagpuan.
13 Dahil sa matinding pagkauhaw na ito,
mawawalan ng malay-tao ang magagandang dalaga at ang malalakas na binata.
14 Ang mga sumusumpa sa pangalan ng mga diyus-diyosan sa Samaria,
ang mga nagsasabing, ‘Sa ngalan ng diyos ng Dan,’
at ‘Sa ngalan ng diyos ng Beer-seba,’
sila'y mabubuwal at hindi na makakabangon pa.”
Amos 8
Ang Dating Biblia (1905)
8 Ganito nagpakita ang Panginoong Dios sa akin: at, narito, ang isang bakol ng bunga ng taginit.
2 At kaniyang sinabi, Amos, anong iyong nakikita? At aking sinabi, Isang bakol ng bunga ng taginit. Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon sa akin, Ang wakas ay dumating sa aking bayang Israel; hindi na ako daraan pa uli sa kanila.
3 At ang mga awit sa templo ay magiging mga pananambitan sa araw na yaon, sabi ng Panginoong Dios: ang mga bangkay ay magiging marami; sa bawa't dako ay tahimik silang itatapon.
4 Pakinggan ninyo ito, Oh kayong nananakmal ng mapagkailangan, at inyong pinagkukulang ang dukha sa lupain,
5 Na sinasabi, Kailan daraan ang bagong buwan, upang tayo'y makapagbili ng gugulayin at ang sabbath, upang ating mailabas ang trigo? na gawing munti ang efa, at malaki ang siklo, at gumawa ng karayaan sa magdarayang timbangan;
6 Upang ating mabili ng pilak ang dukha, at ng dalawang paang panyapak ang mapagkailangan, at maipagbili ang pinagbithayan sa trigo.
7 Ang Panginoon ay sumumpa alangalang sa karilagan ng Jacob, Tunay na hindi ko kalilimutan kailan man ang alin man sa kanilang mga gawa.
8 Hindi baga manginginig ang lupain dahil dito, at mananaghoy ang bawa't tumatahan doon? oo, sasampang buo na gaya ng Ilog; at mababagabag at lulubog uli, gaya ng Ilog ng Egipto.
9 At mangyayari sa araw na yaon, sabi ng Panginoong Dios, na aking palulubugin ang araw sa katanghaliang tapat, at aking padidilimin ang lupa sa maliwanag na araw.
10 At aking papalitan ng panaghoy ang inyong mga kapistahan, at taghoy ang lahat ninyong awit; at ako'y maglalagay ng kayong magaspang sa lahat na balakang, at kakalbuhan sa bawa't ulo; at aking gagawing gaya ng pagtaghoy sa isang bugtong na anak, at ang wakas niyaon ay gaya ng mapanglaw na araw.
11 Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoong Dios, na ako'y magpapasapit ng kagutom sa lupain, hindi kagutom sa tinapay, o kauhawan man dahil sa tubig, kundi sa pagkarinig ng mga salita ng Panginoon.
12 At sila'y magsisilaboy sa dagat at dagat, at mula sa hilagaan hanggang sa silanganan; sila'y magsisitakbo ng paroo't parito upang hanapin ang salita ng Panginoon, at hindi masusumpungan.
13 Sa araw na yaon ay manglulupaypay sa uhaw ang mga magandang dalaga at ang mga binata.
14 Silang nagsisisumpa sa pamamagitan ng kasalanan ng Samaria, at nagsasabi, Buhay ang Dios mo, Oh Dan; at, Buhay ang daan ng Beer-seba; sila'y mangabubuwal, at kailan may hindi na mangakababangon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.