Add parallel Print Page Options

Ang mga Balang sa Pangitain

Ganito ang ipinakita sa akin ng Panginoong Diyos: at narito, siya'y lumikha ng mga balang sa pasimula ng huling pagsibol ng pananim, at narito, ang huling pananim ay pagkatapos ng mga gapas para sa hari.

At nangyari, nang kanilang matapos kainin ang damo ng lupain, aking sinabi,

“O Panginoong Diyos, isinasamo ko sa iyo, magpatawad ka!
    Paanong tatayo ang Jacob? Sapagkat siya'y maliit!
    Siya'y napakaliit!”
Ang Panginoon ay nagbago ng isip tungkol dito,
    “Hindi mangyayari,” sabi ng Panginoon.

Ang Pangitaing Apoy

Ganito ang ipinakita sa akin ng Panginoong Diyos: at narito, ang Panginoong Diyos ay tumatawag, upang humatol sa pamamagitan ng apoy, at tinupok nito ang malaking kalaliman, at kinakain ang lupain.

Nang magkagayo'y sinabi ko,

“O Panginoong Diyos, itigil mo, isinasamo ko sa iyo!
    Paanong makakatayo ang Jacob?
    Siya'y maliit!”
Ang Panginoon ay nagbago ng isip tungkol dito,
“Ito'y hindi rin mangyayari,” sabi ng Panginoong Diyos.

Ang Pangitaing Panghulog

Ipinakita niya sa akin: Narito, ang Panginoon ay nakatayo sa tabi ng isang kuta na itinayo na may panghulog, na may panghulog sa kanyang kamay.

At sinabi ng Panginoon sa akin, “Amos, anong nakikita mo?” At aking sinabi, “Isang panghulog.” At sinabi ng Panginoon,

“Tingnan ninyo, ako'y maglalagay ng panghulog sa gitna ng aking bayang Israel;
    hindi na ako magdaraan pa sa kanila.
At ang matataas na dako ng Isaac ay magiging sira,
    at ang mga santuwaryo ng Israel ay mahahandusay na wasak;
    at ako'y babangon na may tabak laban sa sambahayan ni Jeroboam.”

Si Amos at si Amasias

10 Nang magkagayo'y nagsugo si Amasias na pari sa Bethel kay Jeroboam na hari ng Israel, na nagsasabi, “Si Amos ay nakipagsabwatan laban sa iyo sa gitna ng sambahayan ni Israel. Hindi kayang dalhin ng lupain ang lahat niyang mga salita.

11 Sapagkat ganito ang sabi ni Amos,

‘Si Jeroboam ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak,
    at ang Israel ay tunay na pupunta sa pagkabihag
    mula sa kanyang lupain.’”

12 Sinabi ni Amasias kay Amos, “O ikaw na tagakita, humayo ka, at tumakas ka sa lupain ng Juda, at doo'y kumain ka ng tinapay, at magsalita ka ng propesiya roon.

13 Ngunit huwag ka nang muling magsalita ng propesiya sa Bethel, sapagkat iyon ay santuwaryo ng hari, at iyon ay templo ng kaharian.”

14 Nang magkagayo'y sumagot si Amos kay Amasias, “Ako'y hindi propeta, o anak man ng propeta; kundi ako'y pastol, at manggagawa sa mga puno ng sikomoro.

15 At kinuha ako ng Panginoon mula sa pagsunod sa kawan, at sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Humayo ka, magsalita ka ng propesiya sa aking bayang Israel.’

16 “Kaya't ngayo'y pakinggan mo ang salita ng Panginoon,
Iyong sinasabi, ‘Huwag kang magpahayag ng propesiya laban sa Israel,
    at huwag kang mangaral laban sa sambahayan ni Isaac.’
17 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
‘Ang iyong asawa ay magiging masamang babae[a] sa lunsod,
    at ang iyong mga anak na lalaki at babae ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak,
    at ang iyong lupain ay mahahati sa pamamagitan ng pising panukat;
at ikaw ay mamamatay sa isang lupaing marumi,
    at ang Israel ay tiyak na dadalhing bihag papalayo sa kanyang lupain.’”

Footnotes

  1. Amos 7:17 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw .