Amos 6
Ang Biblia, 2001
Ang Pagkawasak ng Israel
6 “Kahabag-habag sila na nagwawalang-bahala sa Zion,
at sila na tiwasay sa bundok ng Samaria,
ang mga kilalang tao ng una sa mga bansa,
na pinagmulan ng sambahayan ni Israel!
2 Dumaan kayo sa Calne, at inyong tingnan;
at mula roon ay pumunta kayo sa Hamat na dakila;
at pagkatapos ay bumaba kayo sa Gat ng mga Filisteo.
Magaling ba sila kaysa mga kahariang ito?
O mas malaki ba ang kanilang nasasakupan kaysa inyong nasasakupan?
3 Naglalayo ba kayo ng araw ng sakuna
at maglalapit ba kayo ng upuan ng karahasan?
4 “Silang mga nahihiga sa mga higaang garing,
at nag-uunat ng kanilang sarili sa kanilang mga hiligan,
at kumakain ng mga batang tupa mula sa kawan,
at ng mga guya na mula sa gitna ng kulungan;
5 na kumakatha ng mga tunog ng alpa na walang paghahanda;
na kumakatha para sa kanilang sarili ng mga panugtog ng tugtugin, na gaya ni David;
6 na umiinom ng alak sa mga mangkok,
at binubuhusan ang kanilang sarili ng pinakamagandang uri ng langis,
ngunit hindi nahahapis sa pagkaguho ni Jose.
7 Kaya't sila ngayon ay tutungo sa pagkabihag sa unahan ng mga bihag,
at ang kasayahan nila na nag-uunat ng sarili ay mapaparam.”
8 Ang Panginoong Diyos ay sumumpa sa kanyang sarili,
ang Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo ay nagsabi:
“Aking kinapopootan ang kapalaluan ng Jacob,
at aking kinamumuhian ang kanyang mga muog;
kaya't aking ibibigay ang lunsod at lahat ng naroroon.”
9 At kung may natitirang sampung tao sa isang bahay, sila'y pawang mamatay.
10 At kapag ang isang tiyuhin o yaong sumusunog ng patay, ang magbubuhat upang ilabas ang buto mula sa bahay, at sasabihin doon sa nasa loob na bahagi ng bahay, “Mayroon ka pa bang kasama?” at kanyang sasabihin: “Wala”; kung magkagayo'y kanyang sasabihin: “Tumahimik ka! Hindi natin dapat banggitin ang pangalan ng Panginoon.”
11 Sapagkat narito, ang Panginoon ay mag-uutos
na ang malaking bahay ay mawawasak,
at ang munting bahay ay madudurog.
12 Tumatakbo ba ang mga kabayo sa malaking bato?
Inaararo ba ng sinuman ang dagat sa pamamagitan ng mga toro?
Ngunit inyong ginawang lason ang katarungan,
at ginawang mapait na kahoy ang bunga ng katuwiran.
13 Kayong nagagalak sa isang bagay na walang kabuluhan, na nagsasabi;
“Hindi ba sa pamamagitan ng sarili naming lakas
ay nagapi namin ang mga sungay para sa aming sarili?”
14 “Sapagkat aking ititindig laban sa inyo ang isang bansa,
O sambahayan ni Israel,” sabi ng Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo;
“at kanilang pahihirapan kayo mula sa pasukan sa Hamat
hanggang sa batis ng Araba.”