Amos 5
Ang Dating Biblia (1905)
5 Dinggin ninyo ang salitang ito na aking itinataghoy sa inyo, Oh sangbahayan ni Israel.
2 Ang dalaga ng Israel ay nabuwal; siya'y hindi na magbabangon pa, siya'y nahagis sa kaniyang lupain; walang magbangon sa kaniya.
3 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ang bayan na lalabas na isang libo, maiiwang isang daan, at ang lalabas na isang daan ay maiiwang sangpu, sa sangbahayan ni Israel.
4 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon sa sangbahayan ni Israel; Hanapin ninyo ako, at kayo'y mangabubuhay;
5 Nguni't huwag ninyong hanapin ang Beth-el, ni magsipasok man sa Gilgal, at huwag kayong magsidaan sa Beer-seba: sapagka't walang pagsala ang Gilgal ay papasok sa pagkabihag, at ang Beth-el ay mauuwi sa wala.
6 Inyong hanapin ang Panginoon, at kayo'y mangabubuhay; baka siya'y sumigalbong parang apoy sa sangbahayan ni Jose, at supukin yaon, at sa Beth-el ay walang makapapatay niyaon:
7 Kayong nagpapaging ajenjo sa kahatulan, at nagwawaksi ng katuwiran sa lupa.
8 Inyong hanapin ang lumikha ng mga Pleyades at ng Orion, at ang lilim ng kamatayan ay pinapaging umaga, pinapagdilim ang araw sa pamamagitan ng gabi; yaong tumatawag sa tubig sa dagat, at nagbubugso ng mga yaon sa ibabaw ng lupa (Panginoon ang siya niyang pangalan);
9 Yaong nagdadala ng biglang kabuwalan sa malakas, na anopa't ang pagkasira ay dumarating sa katibayan.
10 Kanilang kinapopootan ang nananaway sa pintuang-bayan, at kanilang kinasusuklaman ang nagsasalita ng matuwid.
11 Palibhasa nga't inyong niyayapakan ang dukha, at inyong hinihingan siya ng trigo: kayo'y nangagtayo ng mga bahay na batong tinabas, nguni't hindi ninyo tatahanan; kayo'y nangagtanim ng mga maligayang ubasan, nguni't hindi kayo magsisiinom ng alak niyaon.
12 Sapagka't talastas ko kung gaano karami ang inyong mga pagsalangsang, at kung gaano kalaki ang inyong mga kasalanan: kayong nagsisidalamhati sa ganap, na kinukunan ninyo ng suhol, at inyong inililigaw sa kanilang matuwid ang mapagkailangan sa pintuang-bayan.
13 Kaya't siya na mabait ay tatahimik sa panahong yaon; sapagka't masamang panahon.
14 Magsihanap kayo ng kabutihan, at huwag kasamaan, upang kayo'y mangabuhay; at sa gayo'y ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo, ay sasa inyo, gaya ng inyong sinasabi.
15 Inyong kapootan ang masama, at ibigin ang mabuti, at kayo'y mangagtatatag ng kahatulan sa pintuang-bayan: marahil ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo ay magiging mapagbiyaya sa nalabi sa Jose.
16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga hukbo, ng Panginoon: Panaghoy ay sa lahat na daan; at sila'y mangagsasabi sa lahat na lansangan, Sa aba! sa aba! at kanilang tatawagin ang mangbubukid sa pananambitan, at ang lahat na bihasa sa pananaghoy sa pagtaghoy.
17 At sa lahat ng ubasan ay magkakaroon ng panaghoy; sapagka't ako'y daraan sa gitna mo, sabi ng Panginoon.
18 Sa aba ninyo na nangagnanasa ng kaarawan ng Panginoon! bakit ninyo ninanasa ang kaarawan ng Panginoon? kadiliman nga, at hindi kaliwanagan.
19 Gaya ng kung ang tao ay tumatakas sa leon, at isang oso ang sumasalubong sa kaniya; o pumapasok sa bahay at ikinakapit ang kaniyang kamay sa pinid, at isang ahas ang tumutuka sa kaniya.
20 Hindi baga magiging kadiliman ang kaarawan ng Panginoon, at hindi kaliwanagan? na totoong madilim, at walang ningning?
21 Aking kinapopootan, aking hinahamak ang inyong mga kapistahan, at hindi ako malulugod sa inyong mga takdang kapulungan.
22 Oo, bagaman inyong ihandog sa akin ang inyong mga handog na susunugin at mga handog na harina, hindi ko tatanggapin; ni akin mang kalulugdan ang mga handog tungkol sa kapayapaan na inyong mga matabang hayop.
23 Ihiwalay mo sa akin ang ingay ng iyong mga awit; sapagka't hindi ko didinggin ang tinig ng iyong mga biola.
24 Kundi bumugso ang katarungan na parang tubig, at ang katuwiran na parang malakas na agos.
25 Nagdala baga kayo sa akin ng mga hain, at ng mga handog sa ilang na apat na pung taon, Oh sangbahayan ni Israel?
26 Oo, inyong pinasan ang tabernakulo ng inyong hari at ang dambana ng inyong mga larawan, ang bituin ng inyong dios, na inyong ginawa para sa inyong sarili.
27 Kaya't kayo'y aking papapasukin sa pagkabihag sa dako roon ng Damasco, sabi ng Panginoon, na ang pangala'y Dios ng mga hukbo.
Amos 5
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Panawagan sa Pagsisisi
5 Mga Israelita, pakinggan nʼyo itong panaghoy tungkol sa inyo:
2 Ang Israel na katulad ng isang babaeng birhen ay nabuwal at hindi na muling makabangon.
Pinabayaan siyang nakahandusay sa sarili niyang lupain at walang tumutulong para ibangon siya.
3 Ito ang sinabi ng Panginoong Dios, “Sa 1,000 sundalo na ipapadala ng isang lungsod sa Israel, 100 na lang ang matitira. At sa 100 sundalo na kanyang ipapadala, 10 na lang ang matitira. 4 Kaya kayong mga Israelita, dumulog kayo sa akin at mabubuhay kayo. 5 Huwag na kayong pumunta sa Betel, sa Gilgal, o sa Beersheba, upang sumamba roon. Sapagkat siguradong bibihagin ang mga mamamayan ng Gilgal at mawawala ang Betel. 6 Dumulog kayo sa akin, kayong mga lahi ni Jose, at mabubuhay kayo. Dahil kung hindi, lulusubin ko kayo na parang apoy. Kaya malilipol ang Betel at walang makakapigil nito.[a] 7 Nakakaawa kayo! Ang katarungan ay ginagawa ninyong marumi[b] at pinawawalang-halaga ninyo ang katuwiran!”
8 Ang Dios ang lumikha ng grupo ng mga bituing tinatawag na Pleyades at Orion. Siya ang nagpapalipas ng liwanag sa dilim, at ng araw sa gabi. Tinitipon niya ang tubig mula sa karagatan para pumunta sa mga ulap upang muling ibuhos sa lupa sa pamamagitan ng ulan. Panginoon ang kanyang pangalan. 9 Agad niyang winawasak ang matitibay na napapaderang bayan,[c] at dinudurog ang napapaderang lungsod.
10 Kayong mga taga-Israel, napopoot kayo sa humahatol nang tama at nagsasabi ng totoo sa hukuman. 11 Inaapi ninyo ang mga mahihirap at pinipilit na magbigay sa inyo ng kanilang ani.[d] Kaya hindi kayo makakatira sa ipinatayo ninyong mansyon, at hindi kayo makakainom ng katas mula sa itinanim ninyong mga ubas. 12 Sapagkat alam ko[e] kung gaano karami at kabigat ang inyong mga kasalanan. Inuusig ninyo ang mga taong walang kasalanan at kinikikilan pa ninyo. Hindi ninyo binibigyan ng hustisya sa hukuman ang mga mahihirap. 13 Dahil naghahari ngayon ang kasamaan, ang marurunong ay tumatahimik na lang. 14 Gawin na lamang ninyo ang mabuti at huwag ang masama para mabuhay kayo, at sasamahan kayo ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, gaya nang inyong sinasabi. 15 Kapootan ninyo ang masama at gawin ang mabuti, at pairalin ninyo ang hustisya sa inyong mga hukuman. Baka sakaling maawa ang Panginoong Dios na Makapangyarihan sa inyong mga natitira sa mga lahi ni Jose.
16 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Dios na Makapangyarihan: “Darating ang araw na maririnig ang mga iyakan at panaghoy sa mga plasa at mga lansangan. Ipapatawag ang mga magsasaka para umiyak sa mga patay[f] na kasama ng mga taong inupahan para umiyak. 17 May mga iyakan din sa inyong mga taniman ng ubas.[g] Mangyayari ito dahil parurusahan ko kayo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Araw ng Paghatol ng Dios
18 Nakakaawa kayong naghihintay ng araw ng Panginoon. Huwag ninyong isipin na araw iyon ng inyong kaligtasan. Sapagkat iyon ang araw na parurusahan kayo. 19 Para kayong taong nag-aakalang ligtas na siya dahil nakatakas siya sa leon, pero nasalubong naman niya ang oso. O di kayaʼy nag-aakalang ligtas na siya dahil nasa loob na siya ng kanyang bahay, pero nang isinandal niya ang kanyang kamay sa dingding, tinuklaw ito ng ahas. 20 Tiyak na darating ang araw ng Panginoon at itoʼy magdudulot ng kaparusahan at hindi kaligtasan; katulad ito ng dilim na walang liwanag kahit kaunti man lang.
Ang Gusto ng Panginoon na Dapat Gawin ng Kanyang mga Mamamayan
21 Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita, “Napopoot ako sa inyong mga pista; hindi ako nalulugod sa inyong ginagawang pagtitipon. 22 Kaya kahit dalhan pa ninyo ako ng sari-saring handog, kahit pa ang pinakamabuting handog ay hindi ko tatanggapin. 23 Tigilan na ninyo ang maingay ninyong awitan. Ayokong makinig sa tugtog ng inyong mga alpa. 24 Sa halip, nais kong makita na pinaiiral ninyo ang katarungan at ang katuwiran na parang ilog na patuloy na umaagos.
25 “Mga mamamayan ng Israel, noong nasa ilang ang inyong mga ninuno sa loob ng 40 taon, naghandog ba sila sa akin? Hindi! 26 At ngayon ay buhat-buhat ninyo si Sakut, ang dios-diosang itinuturing ninyong hari, at si Kaiwan, ang dios-diosan ninyong bituin. Ginawa ninyo itong mga imahen para sambahin. 27 Kaya ipapabihag ko kayo at dadalhin sa kabila pa ng Damascus.” Ito nga ang sinabi ng Panginoon na tinatawag na Dios na Makapangyarihan.
Footnotes
- 5:6 Kaya malilipol … makakapigil nito: sa literal, Kaya masusunog ang Betel at walang makakapatay nito.
- 5:7 marumi: sa literal, mapait na tanim.
- 5:9 napapaderang bayan: o, malalakas na kawal.
- 5:11 magbigay sa inyo ng kanilang ani bilang buwis o upa sa lupa.
- 5:12 ko: o, ng Dios.
- 5:16 Ipapatawag … umiyak sa mga patay: Ang ibig sabihin, ang mga magsasaka ay makikipaglibing sa mga umusig sa kanila.
- 5:17 Ang ubasan ay lugar ng kasayahan lalo na kapag panahon ng pagpitas ng mga bunga nito. Pero magiging lugar ito ng iyakan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®