Mga Gawa 21:16-40
Ang Biblia, 2001
16 Sumama sa amin ang ilang alagad mula sa Cesarea at dinala kami sa bahay ni Mnason, na taga-Cyprus, isa sa mga naunang alagad, na sa kanya kami manunuluyan.
Ang Pagdalaw ni Pablo kay Santiago
17 Nang makarating kami sa Jerusalem, masaya kaming tinanggap ng mga kapatid.
18 Nang sumunod na araw, sumama si Pablo sa amin kay Santiago; at ang lahat ng matatanda ay naroroon.
19 Pagkatapos niyang batiin sila, isa-isang isinalaysay niya sa kanila ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang ministeryo.
20 Nang kanilang marinig iyon, pinuri nila ang Diyos. At sinabi nila sa kanya, “Nakikita mo, kapatid, kung ilang libo sa mga Judio ang sumampalataya; at silang lahat ay pawang masisigasig sa kautusan.
21 Nabalitaan nila ang tungkol sa iyo na itinuturo mo raw sa lahat ng mga Judio na kasama ng mga Hentil na talikdan si Moises, at sinasabi sa kanila na huwag tuliin ang kanilang mga anak ni sumunod sa mga kaugalian.
22 Ano nga ba ang dapat gawin? Tiyak na kanilang mababalitaang dumating ka.
23 Kaya't(A) gawin mo ang sinasabi namin sa iyo. Mayroon kaming apat na lalaki na may panata sa kanilang sarili.
24 Sumama ka sa mga lalaking ito, isagawa ninyo ang seremonya ng paglilinis at ipagbayad mo sila para maahit ang kanilang mga ulo. At malalaman ng lahat na walang katotohanan ang mga bagay na kanilang nabalitaan tungkol sa iyo kundi ikaw mismo ay sumasang-ayon sa pagtupad sa kautusan.
25 Ngunit(B) tungkol sa mga Hentil na naging mga mananampalataya na, kami ay nagpadala na ng liham na aming ipinasiyang umiwas sila sa mga inihandog sa mga diyus-diyosan, sa dugo, sa hayop na binigti,[a] at sa pakikiapid.”
26 Nang magkagayo'y isinama ni Pablo ang mga lalaking iyon. Nang sumunod na araw, pagkatapos malinis ang kanyang sarili, pumasok siya sa templo upang ipahayag kung kailan magaganap ang mga araw ng paglilinis, at ang pag-aalay ng handog para sa bawat isa sa kanila.
Dinakip si Pablo
27 Nang halos matapos na ang pitong araw, ang mga Judiong taga-Asia, nang makita siya sa templo, ay inudyukan ang maraming tao at siya'y kanilang dinakip,
28 na isinisigaw, “Mga lalaking taga-Israel, tumulong kayo! Ito ang taong nagtuturo sa mga tao sa lahat ng dako laban sa sambayanan, sa kautusan, at sa dakong ito; at bukod pa rito'y nagdala rin siya ng mga Griyego sa templo, at dinungisan ang banal na lugar na ito.”
29 Sapagkat(C) nakita nila noong una na kasama niya sa lunsod si Trofimo na taga-Efeso, at iniisip nilang ipinasok siya ni Pablo sa templo.
30 At ang buong lunsod ay nagkagulo at ang mga tao'y sama-samang nagtakbuhan. Kanilang hinuli si Pablo, siya'y kinaladkad palabas sa templo at agad isinara ang mga pinto.
31 Samantalang sinisikap nilang patayin siya, dumating ang balita sa pinunong kapitan ng mga kawal na ang buong Jerusalem ay nagkakagulo.
32 Nagsama siya kaagad ng mga kawal at mga senturion, at tumakbo sa kanila. Nang kanilang makita ang pinunong kapitan at ang mga kawal ay tumigil sila sa pagbugbog kay Pablo.
33 Pagkatapos nito, lumapit ang pinunong kapitan, dinakip siya at ipinagapos ng dalawang tanikala. Itinanong kung sino siya, at kung ano ang ginawa niya.
34 Ang ilan sa maraming tao ay sumigaw ng isang bagay, ang ilan ay iba naman; at nang hindi niya maunawaan ang totoong nangyari dahil sa kaguluhan, ay iniutos niyang dalhin siya sa himpilan.
35 Nang dumating si Pablo[b] sa hagdanan, siya'y binuhat na ng mga kawal dahil sa karahasan ng napakaraming tao.
36 Ang maraming tao na sumunod sa kanya ay patuloy na sumisigaw, “Alisin siya!”
Ipinagtanggol ni Pablo ang Sarili
37 Nang ipapasok na si Pablo sa himpilan, ay sinabi niya sa pinunong kapitan, “Maaari ba akong makipag-usap sa iyo?”
At sinabi ng pinunong kapitan,[c] “Marunong ka ba ng Griyego?
38 Kung gayon, hindi ikaw ang Ehipcio, na nag-udyok ng paghihimagsik nang mga nakaraang araw at nagdala sa apat na libong mamamatay-tao sa ilang?”
39 Sumagot si Pablo, “Ako'y Judio, na taga-Tarso sa Cilicia, isang mamamayan ng isang hindi karaniwang lunsod. Nakikiusap ako, pahintulutan mo akong magsalita sa mga taong-bayan.”
40 Nang siya'y mapahintulutan na niya, si Pablo ay tumayo sa mga baytang at isinenyas ang kamay sa mga tao, at nang magkaroon ng malaking katahimikan, nagsalita siya sa wikang Hebreo, na sinasabi:
Read full chapterFootnotes
- Mga Gawa 21:25 Sa ibang mga kasulatan ay walang sa hayop na binigti .
- Mga Gawa 21:35 Sa Griyego ay siya .
- Mga Gawa 21:37 Sa Griyego ay niya .