2 Tesalonica 2
Ang Biblia, 2001
Ang Taong Makasalanan
2 Ngayon,(A) hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, tungkol sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo, at sa ating pagkakatipon sa kanya;
2 na huwag kayong madaling matinag sa inyong pag-iisip, at huwag din namang mabagabag sa pamamagitan man ng espiritu, o sa pamamagitan ng salita, o sa pamamagitan ng sulat, na waring mula sa amin, na para bang dumating na ang araw ng Panginoon.
3 Huwag kayong padaya kanino man sa anumang paraan, sapagkat ito'y hindi darating malibang maunang maganap ang pagtalikod, at mahayag ang taong makasalanan, ang anak ng kapahamakan.
4 Siya(B) ay sumasalungat at nagmamataas laban sa lahat ng tinatawag na diyos o sinasamba; anupa't siya'y nauupo sa templo ng Diyos, na ipinahahayag ang kanyang sarili na Diyos.
5 Hindi ba ninyo naaalala na noong ako'y kasama pa ninyo ay sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito?
6 At ngayo'y nakikilala ninyo kung ano ang nakakapigil upang siya'y mahayag sa kanyang takdang panahon.
7 Sapagkat ang hiwaga ng kasamaan ay gumagawa na; tanging siya na sa ngayon ay pumipigil niyon ang gagawa ng gayon hanggang sa siya ay maalis.
8 At(C) kung magkagayo'y mahahayag ang taong makasalanan na siyang pupuksain ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng hininga ng kanyang bibig, at lilipulin sa pamamagitan ng pagkahayag ng kanyang pagdating.
9 Ang(D) pagdating ng taong makasalanan ay ayon sa paggawa ni Satanas na may buong kapangyarihan at mga tanda at mga mapanlinlang na kababalaghan,
10 at may lahat ng mapandayang kasamaan para sa mga napapahamak, sapagkat tumanggi silang ibigin ang katotohanan upang sila'y maligtas.
11 At dahil dito'y pinapadalhan sila ng Diyos ng makapangyarihang pagkalinlang upang maniwala sila sa kasinungalingan,
12 upang mahatulan silang lahat na hindi sumampalataya sa katotohanan, sa halip ay nalugod sa kalikuan.
Hinirang para sa Kaligtasan
13 Ngunit kami ay dapat laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, mga kapatid na minamahal ng Panginoon, sapagkat hinirang kayo ng Diyos bilang unang bunga sa kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapabanal ng Espiritu at pananampalataya sa katotohanan.
14 Dito'y tinawag niya kayo sa pamamagitan ng aming ebanghelyo, upang magkamit ng kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
15 Kaya nga, mga kapatid, kayo'y manindigang matibay at inyong panghawakan ang mga tradisyon na sa inyo'y itinuro namin, maging sa pamamagitan ng salita, o ng sulat mula sa amin.
16 Ngayon, ang ating Panginoong Jesu-Cristo mismo at ang Diyos na ating Ama na umibig sa atin at nagbigay ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa sa pamamagitan ng biyaya,
17 ang umaliw sa inyong mga puso, at patibayin kayo sa bawat mabuting gawa at salita.
2 Tesalonica 2
Ang Dating Biblia (1905)
2 Ngayon aming ipinamamanhik sa inyo, mga kapatid, tungkol sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo, at sa ating pagkakatipon sa kaniya:
2 Upang huwag kayong madaling makilos sa inyong pagiisip, at huwag din naman kayong mabagabag maging sa pamamagitan man ng espiritu, o sa pamamagitan ng salita, o sa pamamagitan ng sulat na waring mula sa amin, na wari bagang nalalapit na ang kaarawan ng Panginoon;
3 Huwag kayong padaya kanino man sa anomang paraan: sapagka't ito'y hindi darating, maliban nang dumating mula ang pagtaliwakas, at mahayag ang taong makasalanan, ang anak ng kapahamakan,
4 Na sumasalangsang at nagmamataas laban sa lahat na tinatawag na Dios o sinasamba; ano pa't siya'y nauupo sa templo ng Dios, na siya'y nagtatanyag sa kaniyang sarili na tulad sa Dios.
5 Hindi baga ninyo naaalaala nang ako'y kasama ninyo pa, ay sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito?
6 At ngayo'y nalalaman ninyo ang nakapipigil, upang siya'y mahayag sa kaniyang talagang kapanahunan.
7 Sapagka't ang hiwaga ng kasamaan ay gumagawa na: lamang ay may pumipigil ngayon, hanggang sa alisin ito.
8 At kung magkagayo'y mahahayag ang tampalasan, na papatayin ng Panginoong Jesus ng hininga ng kaniyang bibig, at sa pamamagitan ng pagkahayag ng kaniyang pagparito ay lilipulin;
9 Siya, na ang kaniyang pagparito ay ayon sa paggawa ni Satanas na may buong kapangyarihan at mga tanda at mga kahangahangang kasinungalingan,
10 At may buong daya ng kalikuan sa nangapapahamak; sapagka't hindi nila tinanggap ang pagibig sa katotohanan, upang sila'y mangaligtas.
11 At dahil dito'y ipinadadala sa kanila ng Dios ang paggawa ng kamalian, upang magsipaniwala sila sa kasinungalingan:
12 Upang mangahatulan silang lahat na hindi nagsisampalataya sa katotohanan, kundi nangalugod sa kalikuan.
13 Nguni't kami ay nararapat magpasalamat sa Dios dahil sa inyo, mga kapatid na minamahal ng Panginoon, sa pagkakahirang sa inyo ng Dios buhat nang pasimula sa ikaliligtas sa pagpapabanal ng Espiritu at pananampalataya sa katotohanan:
14 Sa kalagayang ito'y tinawag niya kayo sa pamamagitan ng aming evangelio, upang magkamit ng kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesucristo.
15 Kaya nga, mga kapatid, kayo'y mangagpakatibay, at inyong panghawakan ang mga aral na sa inyo'y itinuro, maging sa pamamagitan ng salita, o ng aming sulat.
16 Ngayon ang ating Panginoong Jesucristo rin, at ang Dios na ating Ama na sa amin ay umibig at sa amin ay nagbigay ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pagasa sa pamamagitan ng biyaya,
17 Aliwin nawa ang inyong puso, at patibayin kayo sa bawa't mabuting gawa at salita.
2 Tesalonica 2
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Paglitaw ng Suwail
2 Tungkol naman sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pagtitipon sa atin upang makasama siya, nakikiusap kami sa inyo, mga kapatid, 2 na huwag agad magugulo ang inyong isip o mababahala dahil sa ilang ulat, pahayag o liham na mula raw sa amin na nagsasabing dumating na ang Araw ng Panginoon. 3 Huwag kayong padaya kaninuman sa anumang paraan. Sapagkat hindi darating ang araw na iyon hanggang hindi pa nangyayari ang paghihimagsik laban sa Diyos at ang paglitaw ng suwail, na nakatakda naman sa kapahamakan. 4 Lalabanan niya ang lahat ng kinikilalang diyos at sinasamba ng mga tao, at itataas niya ang sarili sa lahat ng ito. Uupo siya sa Templo ng Diyos at magpapakilalang siya ang Diyos.
5 Hindi ba ninyo natatandaan na binanggit ko na ito sa inyo noong ako'y kasama pa ninyo? 6 Alam ninyo kung ano ang pumipigil kaya hindi pa lumilitaw ang suwail sa takdang panahon. 7 Palihim nang kumikilos ang kapangyarihan ng kasamaan, at magpapatuloy ang ganyan hangga't hindi naaalis ang humahadlang sa kanya. 8 At kung maalis na ang hadlang, lilitaw na ang suwail. Ngunit lubusan siyang pupuksain ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng hininga ng kanyang bibig sa panahon ng kanyang maluwalhating pagdating. 9 Ngunit sa kanyang paglitaw, ang suwail ay magtataglay ng kapangyarihan ni Satanas. Makikita ang lahat ng uri ng huwad na himala, mga tanda, at mga kababalaghan. 10 Lilinlangin niya sa pamamagitan ng maraming uri ng pandaraya ang mga mapapahamak, mga taong ayaw umibig sa katotohanan na sana sa kanila'y makapagliligtas. 11 Dahil dito, hahayaan na ng Diyos na sila'y malinlang ng espiritu ng kamalian at maniwala sa kasinungalingan. 12 Parurusahan ang lahat ng ayaw tumanggap sa katotohanan, at sa halip ay nagpakasaya sa kasamaan.
Mga Pinili Upang Maligtas
13 Ngunit dapat kaming laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, mga kapatid na minamahal ng Panginoon. Sapagkat kabilang na kayo sa mga hinirang bilang unang bunga.[a] Ito'y sa pamamagitan ng Espiritung nagpapabanal sa inyo, at ng pananalig ninyo sa katotohanan. 14 Ginamit niya ang pangangaral namin ng ebanghelyo upang kayo'y makibahagi sa kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya nga, mga kapatid, maging matibay kayo sa paninindigan at pamumuhay sa mga aral na ibinahagi namin sa inyo, ito man ay sa salita namin o sa sulat.
16 Nawa ang ating Panginoong Jesu-Cristo at ang Diyos nating Ama na sa pamamagitan ng kanyang kagandahang-loob ay siyang umibig sa atin at nagbigay sa atin ng walang-hanggang lakas ng loob at mabuting pag-asa, 17 ang umaliw sa inyo at magbigay ng matatag na kalooban upang maipahayag ninyo sa salita at gawa ang lahat ng mabuti.
Footnotes
- 2 Tesalonica 2:13 unang bunga: o kaya'y, noong una pa man.
2 Tesalonica 2
Ang Salita ng Diyos
Ang Tao ng Kasalanan
2 Ngayon, mga kapatid, sa pamamagitan ng pagparito ng ating Panginoong Jesucristo at sa ating pagkakatipon sa kaniya, nakikiusap kami sa inyo.
2 Huwag madalaling maguluhan ang inyong pag-iisip, ni magulumihanan sa pamamagitan man ng espiritu, o salita, o sulat na sinasabi ng mga tao na galing sa amin, na para bang ang araw ng Panginoon ay dumating na. 3 Huwag ninyong hayaan na kayo ay madaya ng sinuman sa anumang paraan sapagkat ang araw na iyon ay hindi darating malibang mangyari muna ang pagtalikod sa pananampalataya at mahayag ang tao ng kasalanan, ang anak ng paglipol. 4 Siya ay sasalungat sa Diyos at itinataas ang kaniyang sarili nang higit sa kanilang lahat na tinatawag na Diyos o sa anumang sinasamba. Sa gayon, siya ay papasok sa banal na dako ng Diyos at uupo bilang Diyos. Ipinahahayag niya ang kaniyang sarili na siya ang Diyos.
5 Hindi ba ninyo naaala-ala na ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo nang ako ay kasama pa ninyo? 6 Ngayon, alam ninyo kung sino ang pumipigil sa kaniya upang siya ay mahayag sa kaniyang takdang panahon. 7 Ito ay sapagkat gumagawa na ang hiwaga ng kawalang pagkikilala sa kautusan ng Diyos. May pumipigil pa rito sa ngayon hanggang sa ang pumipigil ay maalis. 8 Kung magkagayon, mahahayag siya na walang kinikilalang kautusan ng Diyos. Ang Panginoon ang pupuksa sa kaniya sa pamamagitan ng hininga ng kaniyang bibig. Sa pamamagitan ng kasinagan ng kaniyang pagdating at ang Panginoon ay siya ring magpapawalang-bisa sa taong iyon. 9 Ang pagparito ng taong walang kinikilalang kautusan ng Diyos ay ayon sa paggawa ni Satanas ayon sa lahat ng uri ng kapangyarihan at mga tanda at mga kamangha-manghanggawa ng kasinungalingan. 10 Gagawa siya ng lahat ng daya ng kalikuan sa kanila na napapahamak sapagkat hindi nila tinanggap ang pag-ibig ng katotohanan upang sila ay maligtas. 11 Dahil dito, ang Diyos ay magpapadala sa kanila ng makapangyarihang gawain ng panlilinlang upang sila ay maniwala sa kasinungalingan. 12 Ito ay upang hatulan niya ang lahat ng hindi naniwala sa katotohanan kundi nasiyahan sa kalikuan.
Tumayo nang Matatag
13 Mga kapatid na minamahal ng Panginoon, nararapat na kami ay laging magpasalamat sa Diyos patungkol sa inyo. Ito ay sapagkat pinili kayo ng Diyos mula pa sa pasimula para sa kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapaging-banal ng Espiritu at paniniwala sa katotohanan.
14 Tinawag niya kayo dito sa pamamagitan ng aming ebanghelyo upang matamo ninyo ang kalwalhatian ng ating Panginoong Jesucristo. 15 Kaya nga, mga kapatid, tumayo kayong matatag at panghawakan ninyong matibay ang mga dating aral na itinuro sa inyo, maging ito man ay sa pamamagitan ng salita o sa pamamagitan ng aming sulat.
16 Ang ating Panginoong Jesucristo at ating Diyos Ama ay nagmahal sa atin at nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa sa pamamagitan ng biyaya. 17 Palakasin nawa niya ang inyong kalooban at patatagin nawa kayo sa lahat ng mabuting salita at gawa.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Copyright © 1998 by Bibles International