Add parallel Print Page Options

Mula(A) kina Pablo, Silas, at Timoteo—

Para sa iglesya sa Tesalonica, na nasa Diyos na ating Ama at nasa Panginoong Jesu-Cristo.

Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at ang kapayapaang mula sa [ating][a] Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Paghuhukom

Mga kapatid, tama lamang na kami'y laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, sapagkat patuloy na lumalago ang inyong pananampalataya kay Cristo at lalong nagiging maalab ang inyong pagmamahalan sa isa't isa. Kaya nga, ipinagmamalaki namin kayo sa lahat ng mga iglesya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya, sa gitna ng mga pag-uusig at mga kahirapang dinaranas ninyo.

Ang lahat ng ito'y nagpapatunay na makatarungan ang paghatol ng Diyos, upang gawin niya kayong karapat-dapat sa kanyang kaharian na siyang dahilan ng inyong pagtitiis. Gagawin ng Diyos ang nararapat; tiyak na pahihirapan niya ang mga nagpapahirap sa inyo. Kayo namang mga nagtitiis ay aaliwin niyang kasama namin kapag ang Panginoong Jesus ay inihayag na mula sa langit kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel, na may naglalagablab na apoy. Parurusahan ang lahat ng hindi kumikilala sa Diyos at hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Panginoong Jesus. Magdurusa(B) sila ng walang hanggang kapahamakan at mahihiwalay sila sa Panginoon at sa dakila niyang kapangyarihan. 10 Mangyayari ito sa Araw ng kanyang pagparito upang tumanggap ng papuri mula sa kanyang mga hinirang at ng parangal ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Kabilang kayo roon sapagkat sinampalatayanan ninyo ang patotoong ipinahayag namin sa inyo. 11 Dahil dito, lagi namin kayong idinadalangin sa Diyos, na nawa'y maging karapat-dapat kayo sa pagkatawag niya sa inyo. At sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng mabuti ninyong hinahangad, at maging ganap ang inyong mga gawaing ibinunga ng pananampalataya. 12 Sa gayon, mapaparangalan ninyo ang pangalan ng ating Panginoong Jesus, at kayo naman ay pararangalan din niya, ayon sa kagandahang-loob ng Diyos at ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Footnotes

  1. 2 Tesalonica 1:2 ating: Sa ibang manuskrito’y hindi nakasulat ang salitang ito.