2 Samuel 6-8
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Dinala ang Kahon ng Kasunduan sa Jerusalem(A)
6 Muling tinipon ni David ang pinakamagagaling na sundalo ng Israel at umabot ito sa 30,000. 2 Lumakad sila papuntang Baala na sakop ng Juda para kunin doon ang Kahon ng Dios,[a] kung saan naroon ang presensya[b] ng Panginoong Makapangyarihan. Nakaluklok ang Panginoon sa gitna ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng Kahon. 3-4 Kinuha nina David ang Kahon ng Kasunduan ng Dios na nandoon sa bahay ni Abinadab sa burol at isinakay ito sa bagong kariton. Sina Uza at Ahio na anak ni Abinadab ang umaalalay sa kariton; si Ahio ang nasa unahan. 5 Buong kagalakang nagdiwang si David at ang buong Israel sa presensya ng Panginoon nang buong kalakasan. Umaawit sila[c] at tumutugtog ng mga alpa, lira, tamburin, kastaneta at pompyang.
6 Nang dumating sila sa may giikan ni Nacon, natisod ang mga baka at hinawakan ni Uza ang Kahon ng Kasunduan ng Dios. 7 Nagalit nang matindi ang Panginoon kay Uza dahil sa ginawa niya. Kaya pinatay siya ng Dios doon sa tabi ng Kahon. 8 Nagalit si David dahil biglang pinarusahan ng Panginoon si Uza. Ito ang dahilan kaya hanggang ngayon ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez Uza.[d] 9 Nang araw na iyon, natakot si David sa Panginoon at sinabi niya, “Paano madadala sa lungsod ko ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon?” 10 Kaya nagdesisyon siyang huwag na lang dalhin sa lungsod niya[e] ang Kahon ng Panginoon. Iniwan na lang niya ito sa bahay ni Obed Edom na taga-Gat. 11 Nanatili ang Kahon ng Panginoon sa bahay ni Obed Edom sa loob ng tatlong buwan, at pinagpala siya ng Panginoon, maging ang buo niyang sambahayan.
12 Ngayon, nabalitaan ni Haring David na pinagpala ng Panginoon ang sambahayan ni Obed Edom at ang lahat ng pag-aari nito dahil sa Kahon ng Dios. Kaya pumunta siya sa bahay nito at kinuha ang Kahon ng Dios at dinala sa Jerusalem nang may kagalakan. 13 Nang makaanim na hakbang na ang mga nagbubuhat ng Kahon ng Panginoon, pinahinto sila ni David at naghandog siya ng isang toro at isang pinatabang guya. 14 At sumayaw si David nang buong sigla sa presensya ng Panginoon na nakasuot ng espesyal na damit[f] na gawa sa telang linen. 15 Habang dinadala ni David at ng mga Israelita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, nagsisigawan sila at umiihip ng trumpeta.
16 Nang papasok na ng lungsod ang Kahon ng Panginoon, dumungaw sa bintana si Mical na anak ni Saul. Nakita niyang nagtatatalon at nagsasasayaw si Haring David sa presensya ng Panginoon, at ikinahiya niya ang ginawa nito. 17 Inilagay nila ang Kahon ng Panginoon sa loob ng toldang ipinatayo ni David para rito. Pagkatapos, nag-alay siya sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[g] 18 Pagkatapos niyang maghandog, binasbasan niya ang mga tao sa pangalan ng Panginoong Makapangyarihan. 19 Binigyan niya ng tinapay, karne[h] at pasas ang bawat isang Israelita, lalaki man o babae. Pagkatapos, umuwi sila sa kani-kanilang mga bahay.
20 Nang umuwi si David para basbasan ang sambahayan niya, sinalubong siya ni Mical na anak ni Saul at kinutya, “Napakadakila ng araw na ito para sa kagalang-galang na hari ng Israel! Sumasayaw kang halos hubad na, sa harap ng mga babaeng alipin ng mga opisyal mo, hindi ka man lang nahiya!” 21 Sinabi ni David kay Mical, “Ginawa ko iyon sa presensya ng Panginoon na pumili sa akin kapalit ng iyong ama o ng kahit sino pa sa angkan niya. Pinili niya akong mamahala sa mga mamamayan niyang Israelita kaya ipagpapatuloy ko ang pagsasaya sa presensya ng Panginoon. 22 At kahit na nakakahiya pa ang gagawin ko para sa pagdiriwang ng Panginoon, gagawin ko pa rin ito. Kahiya-hiya ako sa paningin mo[i] pero marangal ako sa paningin ng mga babaeng alipin na sinasabi mo.”
23 Dahil dito, hindi nagkaanak si Mical hanggang sa mamatay siya.
Ang Pangako ng Panginoon kay David(B)
7 Nang manirahan si Haring David sa kanyang palasyo, binigyan ng kapayapaan ng Panginoon ang kaharian niya; hindi siya sinasalakay ng mga kalaban niya. 2 Isang araw, sinabi ni David kay Propeta Natan, “Tingnan mo, nakatira ako sa magandang palasyo na gawa sa kahoy na sedro, pero ang Kahon ng Dios ay nasa tolda lang.” 3 Sumagot si Natan sa hari, “Gawin mo ang gusto mong gawin dahil ang Panginoon ay sumasaiyo.” 4 Pero nang gabi ring iyon, sinabi ng Panginoon kay Natan, 5 “Lumakad ka, at sabihin mo sa lingkod kong si David na ito ang sinabi ko, ‘Ikaw ba ang magpapatayo ng templong titirhan ko? 6 Hanggang ngayon hindi pa ako tumitira sa templo mula noong inilabas ko ang mga Israelita sa Egipto. Nagpalipat-lipat ako ng lugar na tolda lang ang pinananahanan ko. 7 Sa paglipat-lipat ko kasama ang lahat ng mamamayan kong Israelita, hindi ako nagreklamo sa mga pinuno nila na inuutusan akong mag-alaga sa kanila. Ni hindi ako nagtanong kung bakit hindi nila ako ipinagpapatayo ng templo na gawa sa sedro.’
8 “Sabihin mo pa kay David na ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay nagsasabi, ‘Tagapagbantay ka noon ng mga tupa, pero pinili kita para mamuno sa mga mamamayan kong Israelita. 9 Sinasamahan kita kahit saan ka magpunta, at nilipol ko ang lahat ng mga kalaban mo. Ngayon, gagawin kitang tanyag katulad ng ibang mga tanyag na tao sa mundo. 10 Binigyan ko ng sariling lupain ang mga mamamayan kong Israelita, para may sarili silang tirahan at wala nang gagambala sa kanila. Hindi na sila aapihin ng masasamang tao gaya nang dati, 11 mula nang maglagay ako ng mga pinuno sa mga mamamayan kong Israelita. Magiging payapa ang paghahari mo at wala ng kalaban na sasalakay sa iyo. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabi sa iyo na hindi mawawalan ng maghahari galing sa angkan mo. 12 Kapag namatay ka at ilibing kasama ng mga ninuno mo, ipapalit ko sa iyo ang isa sa mga anak mo, at patatatagin ko ang kaharian niya. 13 Siya ang magpapatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan, at titiyakin ko na ang kanyang angkan ang maghahari magpakailanman. 14 Kikilalanin niya akong ama at kikilalanin ko siyang anak. Kung magkakasala siya, didisiplinahin ko siya gaya ng pagdidisiplina ng isang ama sa kanyang anak. 15 Pero hindi magbabago ang pagmamahal ko sa kanya hindi gaya ng ginawa ko kay Saul na pinalitan mo bilang hari. 16 Magpapatuloy ang paghahari mo magpakailanman, ganoon din ang paghahari ng iyong angkan.’ ” 17 Isinalaysay ni Natan kay David ang lahat ng ipinahayag ng Dios sa kanya.
Ang Panalangin ni David(C)
18 Pagkatapos, pumasok si David sa tolda kung saan naroon ang Kahon ng Kasunduan. Umupo siya roon sa presensya ng Panginoon, at nanalangin, “O Panginoong Dios, sino po ako at ang pamilya ko at pinagpala nʼyo nang ganito? 19 At ngayon, Panginoong Dios, bukod pa rito, may pangako pa kayo tungkol sa kinabukasan ng angkan ko. Ganito po ba talaga kayo makitungo sa tao? 20 Ano pa po ba ang masasabi ko sa inyo, Panginoong Dios? Sapagkat nakikilala nʼyo kung sino talaga ako na inyong lingkod. 21 Ayon sa pangako nʼyo at kalooban, ginawa nʼyo po ang mga dakilang bagay na ito at inihayag nʼyo sa akin na inyong lingkod.
22 “Panginoong Dios, dakila kayo. Wala po kayong katulad. Walang ibang Dios maliban sa inyo at wala rin kaming ibang alam na dios na gaya ninyo. 23 At wala ring katulad ang inyong mga mamamayang Israelita. Ito lamang ang bansa sa mundo na inyong pinalaya mula sa pagkaalipin para maging mga mamamayan ninyo. Naging tanyag ang pangalan nʼyo dahil sa dakila at kamangha-manghang ginawa ninyo. Itinaboy nʼyo ang mga bansa at ang mga dios nila sa pamamagitan ng mga mamamayan nʼyo nang inilabas nʼyo sila sa Egipto. 24 Itinatag nʼyo ang Israel bilang sarili nʼyong mga mamamayan magpakailanman, at kayo Panginoon, ang kanilang naging Dios.
25-26 “At ngayon, Panginoong Dios, tuparin po ninyo ang ipinangako nʼyo sa akin na inyong lingkod at sa angkan ko, para maging tanyag kayo magpakailanman. At sasabihin ng mga tao, ‘Ang Panginoong Makapangyarihan ang Dios ng Israel!’ At ang sambahayan ko ay patuloy na maglilingkod sa inyo magpakailanman. 27 Panginoong Makapangyarihan, Dios ng Israel, malakas po ang loob ko na manalangin sa inyo nang ganito dahil ipinahayag nʼyo sa akin na inyong lingkod, na patuloy na manggagaling sa aking angkan ang magiging hari ng Israel. 28 Panginoong Dios, tunay ngang kayo ang Dios! Ipinangako nʼyo sa akin na inyong lingkod ang mabubuting bagay na ito, at tapat kayo sa mga pangako ninyo. 29 Nawa poʼy ikalugod nʼyo na pagpalain ang sambahayan ko para magpatuloy silang manahan sa inyong presensya magpakailanman, dahil ito po ang ipinangako nʼyo, Panginoong Dios. At sa pagpapala nʼyong ito, pinagpala ang aking angkan magpakailanman.”
Ang mga Pagtatagumpay ni Haring David(D)
8 Kinalaunan, natalo at nasakop ni David ang mga Filisteo. Inagaw niya mula sa kanila ang Meteg Amma. 2 Natalo rin ni David ang mga Moabita. Nakahanay na pinahiga niya ang mga ito sa lupa, at sinukat niya ang mga ito sa pamamagitan ng isang lubid. Ang mga napabilang sa sukat na dalawang lubid ay pinagpapatay, at ang mga napabilang naman sa sukat ng pangatlong lubid ay hinayaang mabuhay. Ang mga Moabitang hinayaang mabuhay ay nagpasakop kay David at nagbayad sa kanya ng buwis.
3 Nakipaglaban din si David kay Haring Hadadezer ng Zoba, na anak ni Rehob, habang papunta si Hadadezer sa lupaing malapit sa Ilog ng Eufrates para bawiin ito. 4 Naagaw nila David ang 1,000 niyang karwahe, 7,000 mangangarwahe,[j] at 20,000 sundalo. Pinilayan nila David ang mga kabayo na humihila ng mga karwahe, maliban lang sa 100 kabayo na itinira nila para gamitin.
5 Nang dumating ang mga Arameo[k] mula sa Damascus para tulungan si Hadadezer, pinatay nila David ang 22,000 sa mga ito. 6 Nagpatayo agad si David ng mga kampo sa Damascus, ang lugar ng mga Arameo. At naging sakop niya ang mga ito, at nagbayad sila ng buwis sa kanya. Pinagtagumpay ng Panginoon si David sa bawat labanang pupuntahan niya. 7 Kinuha ni David ang mga gintong kalasag na pag-aari ng mga opisyal ni Hadadezer, at dinala ang mga ito sa Jerusalem. 8 Kinuha rin niya ang napakaraming tanso sa Beta[l] at Berotai, mga bayang sakop ni Hadadezer.
9 Nabalitaan ni Haring Tou[m] ng Hamat na tinalo ni David ang buong sundalo ni Hadadezer. 10 Kaya pinapunta niya ang anak niyang si Joram kay Haring David para kamustahin at batiin sa pagkakapanalo niya kay Hadadezer. (Noon pa man ay magkalaban na sina Tou at Hadadezer.) Nagdala si Joram ng mga regalong gawa sa pilak, ginto at tanso. 11 Inihandog ito ni Haring David sa Panginoon, gaya ng ginawa niya sa mga pilak at ginto na nasamsam niya mula lahat ng bansang tinalo niya – 12 ang Edom,[n] Moab, Ammon, Filistia at Amalek. Inihandog din niya ang mga nasamsam nila mula kay Haring Hadadezer ng Zoba, na anak ni Rehob. 13 Naging tanyag pa si David nang mapatay niya ang 18,000 Edomita[o] sa lambak na tinatawag na Asin. 14 Naglagay siya ng mga kampo sa buong Edom, at sinakop niya ang mga Edomita. Pinagtagumpay ng Panginoon si David sa bawat labanang pinupuntahan niya.
Ang mga Opisyal ni David
15 Naghari si David sa buong Israel. Ginawa niya ang matuwid at tama para sa lahat ng mamamayan niya. 16 Si Joab na anak ni Zeruya ang namumuno sa mga sundalo niya. Si Jehoshafat naman na anak ni Ahilud ang namamahala sa mga kasulatan ng kaharian. 17 Sina Zadok na anak ni Ahitub at Ahimelec na anak ni Abiatar ang mga punong pari. Si Seraya ang kalihim. 18 Si Benaya na anak ni Jehoyada ang namumuno sa mga Kereteo at Peleteo na mga personal niyang tagapagbantay. At ang mga anak niyang lalaki ang mga tagapayo[p] niya.
Footnotes
- 6:2 Kahon ng Dios: Ang Kahon ng Kasunduan.
- 6:2 presensya: sa literal, tinatawag na pangalan.
- 6:5 nang buong kalakasan. Umaawit sila: Itoʼy ayon sa Dead Sea Scrolls, Septuagint at 1 Cro. 13:8. Sa tekstong Masoretic, sa pamamagitan ng mga instrumento na gawa sa kahoy na sipres.
- 6:8 Perez Uza: Ang ibig sabihin, biglang pagparusa kay Uza.
- 6:10 lungsod niya: sa Hebreo, lungsod ni David. Ganito rin sa talatang 12 at 16.
- 6:14 espesyal na damit: sa Hebreo, “efod.”
- 6:17 handog para sa mabuting relasyon: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
- 6:19 karne: Ito ang nasa tekstong Septuagint at sa Syriac, pero sa Hebreo hindi malinaw.
- 6:22 sa paningin mo: Ito ang nasa tekstong Septuagint. Sa Hebreo, sa paningin ko.
- 8:4 1,000 niyang karwahe, 7,000 mangangarwahe: Itoʼy ayon sa tekstong Septuagint (at sa 1 Cro. 18:4). Sa Hebreo, 1,700 mangangarwahe.
- 8:5 Arameo: o, taga-Syria. Ganito rin sa talatang 6.
- 8:8 Beta: Sa ibang mga tekstong Septuagint (at sa 1 Cro. 18:8), Teba.
- 8:9 Tou: o, Toi.
- 8:12 Edom: Ito ay ayon sa Septuagint, Syriac at sa iba pang tekstong Hebreo. Sa ibang tekstong Hebreo, Aram.
- 8:13 Edomita: Itoʼy ayon sa tekstong Septuagint at Syriac; sa Hebreo, Aram (na ang ibig sabihin, mga Arameo.)
- 8:18 tagapayo: o, pari.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®