2 Samuel 5
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Naghari si David sa Israel at Juda(A)
5 Nagkaisa ang lahat ng lipi ng Israel na pumunta sa Hebron upang makipagkita kay David. Sinabi nila, “Kami'y laman ng iyong laman at dugo ng iyong dugo. 2 Nang si Saul pa ang hari namin, pinangunahan mo ang mga kawal ng Israel sa pakikipagdigma. Ipinangako sa iyo ni Yahweh na ikaw ang magiging pastor ng Israel at ikaw ang mamumuno sa kanyang bayan.” 3 Lahat ng pinuno ng Israel ay nagpunta nga sa Hebron at doo'y nakipagkasundo sa kanya sa harapan ni Yahweh. Binuhusan nila ng langis si David at kinilalang hari sa Israel. 4 Tatlumpung(B) taon na noon si David nang siya'y magsimulang maghari, at naghari siya sa loob ng apatnapung taon. 5 Sa Hebron, pitong taon at kalahati siyang namuno sa Juda. Sa Jerusalem naman ay tatlumpu't tatlong taon siyang naghari sa buong Israel at Juda.
6 Nang(C) siya'y maging hari, pinangunahan niya ang kanyang mga kawal upang lusubin ang mga Jebuseo na nasa Jerusalem. Sinabi nila kay David, “Hindi ka makakapasok dito, kahit mga bulag at lumpo lamang ang magtanggol dito.” 7 Ngunit nakuha ni David ang kuta ng Zion at ito'y tinawag na Lunsod ni David hanggang ngayon.
8 Bago iyon nangyari ay sinabi ni David, “Sinumang may gustong sumalakay sa mga Jebuseo ay umakyat sa daluyan ng tubig at patayin ang mga kawawang bulag at pilay na iyon.” Doon nagmula ang kawikaang, “Walang bulag o pilay na makakapasok sa templo ni Yahweh!”
9 Doon tumira si David sa kuta at tinawag na Lunsod ni David. Pinalawak niya ang lunsod mula sa Millo sa gawing silangan ng burol. 10 Habang tumatagal ay lalong nagiging makapangyarihan si David sapagkat sumasakanya si Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
11 Si Haring Hiram ng Tiro ay nagpadala ng mga sugo kay David. Pagkatapos, nagpadala siya ng mga kahoy na sedar at mga karpintero at kanterong gagawa ng palasyo ni David. 12 Noon natiyak ni David na ang pagiging hari niya sa Israel ay pinagtibay na ni Yahweh at ginawang maunlad ang kanyang kaharian alang-alang sa bayang Israel.
13 Paglipat niya sa Jerusalem buhat sa Hebron, siya ay kumuha pa ng maraming asawa at asawang-lingkod. Nadagdagan pa ang kanyang mga anak. 14 Ito ang mga anak niya roon: sina Samua, Sobab, Natan, Solomon, 15 Ibhar, Elisua, Nefeg, Jafia, 16 Elisama, Eliada at Elifelet.
Nalupig ang mga Filisteo(D)
17 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay kinilala nang hari ng Israel, tinipon nila ang kanilang hukbo upang siya'y digmain. Umabot ito sa kaalaman ni David, kaya't nagpunta siya sa isang kuta. 18 Dumating ang mga Filisteo at humanay sa kapatagan ng Refaim. 19 Sumangguni si David kay Yahweh, “Lalabanan ko ba ang mga Filisteo? Matatalo ko ba sila?” tanong ni David.
Sumagot si Yahweh, “Lumusob ka at magtatagumpay ka.”
20 Lumusob nga si David at tinalo niya ang mga Filisteo sa Baal-perazim.[a] Sinabi niya, “Nilupig ni Yahweh ang aking mga kaaway na parang dinaanan ng rumaragasang baha.” Kaya, Baal-perazim ang itinawag sa lugar na iyon. 21 Naiwan ng mga Filisteo ang kanilang mga diyus-diyosan at ang mga iyo'y kinuha nina David.
22 Ngunit nagbalik ang mga Filisteo at humanay muli sa kapatagan ng Refaim. 23 Sumangguni na naman kay Yahweh si David at ito ang sagot: “Huwag mo silang lulusubin nang harapan. Lumigid ka sa kanilang likuran sa tapat ng mga puno ng balsam. 24 Pagkarinig mo ng mga yabag sa itaas ng mga kahuyan, lumusob ka agad, sapagkat ako ang nangunguna upang gapiin sila.” 25 Sinunod ni David ang iniutos ni Yahweh at tinalo nga nila ang mga Filisteo mula sa Geba hanggang Gezer.
Footnotes
- 20 BAAL-PERAZIM: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito'y “Panginoon ng Rumaragasang Baha”.
2 Samuel 5
Ang Biblia, 2001
Si David ay Ginawang Hari ng Israel at Juda(A)
5 Pagkatapos ay pumaroon ang lahat ng mga lipi ng Israel kay David sa Hebron, na nagsasabi, “Kami ay iyong buto at laman.
2 Sa nakaraang panahon, nang si Saul ay hari sa amin, ikaw ang nangunguna at nagdadala sa Israel. Sinabi ng Panginoon sa iyo, ‘Ikaw ay magiging pastol ng aking bayang Israel at ikaw ay magiging pinuno sa Israel.’”
3 Kaya't pumunta ang lahat ng matatanda sa Israel sa hari na nasa Hebron; at si Haring David ay nakipagtipan sa kanila sa Hebron sa harap ng Panginoon at kanilang binuhusan ng langis si David bilang hari sa Israel.
4 Si(B) David ay tatlumpung taong gulang nang siya'y magsimulang maghari, at siya'y nagharing apatnapung taon.
5 Sa Hebron ay naghari siya sa Juda ng pitong taon at anim na buwan; at sa Jerusalem ay naghari siya ng tatlumpu't tatlong taon sa buong Israel at Juda.
Ang Zion ay Sinakop
6 Ang(C) hari at ang kanyang mga tauhan ay pumunta sa Jerusalem laban sa mga Jebuseo na naninirahan sa lupain, na nagsabi kay David, “Hindi ka makakapasok dito, kundi ang mga bulag at pilay ang hahadlang sa iyo,” na iniisip, “Si David ay hindi makakapasok dito.”
7 Gayunma'y sinakop ni David ang kuta ng Zion na siyang lunsod ni David.
8 Sinabi ni David nang araw na iyon, “Sinumang sumalakay sa mga Jebuseo ay umakyat siya sa inaagusan ng tubig upang salakayin ang pilay at ang bulag, na kinapopootan ng kaluluwa ni David.” Kaya't kanilang sinasabi, “Ang mga bulag at pilay ay hindi makakapasok sa bahay.”
9 Nanirahan si David sa kuta at tinawag itong lunsod ni David. At itinayo ni David ang lunsod sa palibot mula sa Milo hanggang sa loob.
10 Si David ay dumakila ng dumakila, sapagkat ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo ay kasama niya.
11 Si Hiram na hari sa Tiro ay nagpadala kay David ng mga sugo, ng mga puno ng sedro, mga karpintero, at mga kantero at ipinagtayo ng bahay si David.
12 Nabatid ni David na itinalaga siya ng Panginoon bilang hari ng Israel, at kanyang itinaas ang kanyang kaharian alang-alang sa kanyang bayang Israel.
13 Kumuha pa si David ng mga asawang-lingkod at mga asawa sa Jerusalem, pagkagaling niya sa Hebron; at may mga ipinanganak pang mga lalaki at babae kay David.
14 Ito ang mga pangalan ng mga ipinanganak sa kanya sa Jerusalem; sina Samua, Sobab, Natan, Solomon,
15 Ibhar, Elisua; Nefeg, Jafia;
16 Elisama, Eliada, at si Elifelet.
Tagumpay Laban sa Filisteo(D)
17 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay itinalagang hari sa Israel, ang lahat ng Filisteo ay umahon upang hanapin si David; ngunit ito ay nabalitaan ni David at siya'y pumunta sa kuta.
18 Ang mga Filisteo ay dumating at kumalat sa libis ng Refaim.
19 Sumangguni si David sa Panginoon, “Aahon ba ako laban sa mga Filisteo? Ibibigay mo ba sila sa aking kamay?” Sinabi ng Panginoon kay David, “Umahon ka sapagkat tunay na aking ibibigay ang mga Filisteo sa iyong kamay.”
20 Dumating si David sa Baal-perazim at sila'y ginapi doon ni David. Kanyang sinabi, “Winasak ng Panginoon ang aking mga kaaway sa harap ko, gaya ng umaapaw na baha.” Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Baal-perazim.
21 Doon ay iniwan ng mga Filisteo ang kanilang mga diyus-diyosan, at tinangay ni David at ng kanyang mga tauhan ang mga iyon.
22 Muling umahon ang mga Filisteo, at kumalat sa libis ng Refaim.
23 Nang sumangguni si David sa Panginoon ay kanyang sinabi, “Huwag kang aahon; liligid ka sa likuran nila, at ikaw ay sasalakay sa kanila sa tapat ng mga puno ng balsamo.
24 Kapag iyong narinig ang yabag ng lakad sa mga dulo ng mga puno ng balsamo, lumusob ka agad sapagkat lumabas na ang Panginoon sa harap mo upang lupigin ang hukbo ng mga Filisteo.”
25 Gayon ang ginawa ni David gaya ng iniutos ng Panginoon sa kanya; at tinalo niya ang mga Filisteo mula sa Geba hanggang sa dumating sa Gezer.
2 Samuel 5
Ang Biblia (1978)
Si David ay hari sa Israel at Juda.
5 Nang magkagayo'y (A)naparoon ang lahat ng mga lipi ng Israel kay David sa Hebron, at nagsipagsalita, na nagsisipagsabi, Narito, (B)kami ay iyong buto at iyong laman.
2 Sa panahong nakaraan nang si Saul ay hari sa amin, ikaw (C)ang naglalabas at nagpapasok sa Israel: at sinabi ng Panginoon sa iyo: (D)Ikaw ay magiging pastor ng aking bayang Israel: at ikaw ay magiging prinsipe sa Israel.
3 Sa gayo'y (E)nagsiparoon ang lahat ng mga matanda sa Israel sa hari sa (F)Hebron: (G)at ang haring si David ay nakipagtipan sa kanila sa Hebron (H)sa harap ng Panginoon: at kanilang pinahiran ng langis si David na maging hari sa Israel.
4 Si David ay may tatlong pung taon nang siya'y magpasimulang maghari, at siya'y nagharing apat na pung taon.
5 Sa Hebron ay naghari siya sa Juda na (I)pitong taon at anim na buwan: at sa Jerusalem ay naghari siya na tatlong pu at tatlong taon sa buong Israel at Juda.
Ang Sion ay kinuha.
6 At ang hari at ang kaniyang mga lalake ay nagsiparoon sa (J)Jerusalem laban sa mga (K)Jebuseo na nagsisitahan sa lupain, na nangagsalita kay David, na nangagsasabi, Maliban na iyong alisin ang bulag at ang pilay, hindi ka papasok dito: na iniisip, na si David ay hindi makapapasok doon.
7 Gayon ma'y sinakop ni David ang katibayan sa Sion; (L)na siyang bayan ni David.
8 At sinabi ni David nang araw na yaon, Sino mang sumakit (M)sa mga Jebuseo, ay pumaroon siya sa inaagusan ng tubig, at saktan ang pilay at ang bulag, na kinapopootan ng kaluluwa ni David. Kaya't kanilang sinasabi, Mayroong bulag at pilay; hindi siya makapapasok sa bahay.
9 At tumahan si David sa katibayan at tinawag na bayan ni David. At itinayo ni David ang kuta sa palibot mula sa (N)Millo, at sa loob.
10 At si David ay dumakila ng dumakila; sapagka't ang Panginoon na Dios ng mga hukbo, ay sumasa kaniya.
11 (O)At si (P)Hiram na hari sa Tiro ay nagpadala kay David ng mga sugo, at ng mga puno ng sedro, at mga anluwagi, at mangdadaras sa bato; at kanilang ipinagtayo si David ng isang bahay.
12 At nahalata ni David, na itinalaga siya ng Panginoon na maging hari sa Israel, at kaniyang itinaas ang kaniyang kaharian dahil sa kaniyang bayang Israel.
13 At (Q)kumuha (R)pa si David ng mga babae at mga asawa sa Jerusalem, panggagaling niya sa Hebron: at may mga ipinanganak pa na lalake at babae kay David.
14 At ito ang mga pangalan niyaong mga ipinanganak sa kaniya sa Jerusalem; si Sammua, at si Sobab, at si Nathan, at si Salomon,
15 At si Ibhar, at si Elisua; at si Nephegh at si Japhia;
16 At si Elisama, at si Eliada, at si Eliphelet.
Nanagumpay laban sa Filisteo.
17 At nang mabalitaan ng mga Filisteo na kanilang inihalal si David na hari sa Israel, ang lahat ng Filisteo ay nagsiahon upang usigin si David; at nabalitaan ni David, at (S)lumusong sa katibayan.
18 Ang mga Filisteo nga ay nagsidating at nagsikalat sa (T)libis ng Rephaim.
19 (U)At nagusisa si David sa Panginoon, na nagsasabi, Aahon ba ako laban sa mga Filisteo? ibibigay mo ba sila sa aking kamay? At sinabi ng Panginoon kay David, Umahon ka: sapagka't tunay na aking ibibigay ang mga Filisteo sa iyong kamay.
20 At naparoon si David sa Baal-perasim at sila'y sinaktan doon ni David; at kaniyang sinabi, Pinanambulat ng Panginoon ang aking mga kaaway sa harap ko, na gaya ng pilansik ng tubig. Kaya't kaniyang tinawag ang pangalan ng dakong yaon na (V)Baal-perasim.
21 At kanilang iniwan doon ang kanilang mga larawan, at mga (W)inalis ni David at ng kaniyang mga lalake.
22 At nagsiahon pa uli ang mga Filisteo, at nagsikalat sa libis ng Rephaim.
23 At nang isangguni ni David sa Panginoon, kaniyang sinabi, Huwag kang aahon: liligid ka sa likuran nila, at ikaw ay sasagupa sa kanila sa mga puno ng morales.
24 At mangyayari, pagka iyong (X)narinig ang hugong ng lakad sa mga dulo ng mga puno ng morales, na ikaw nga ay magmamadali: sapagka't (Y)lumabas na ang Panginoon sa harap mo upang saktan ang hukbo ng mga Filisteo.
25 At ginawang gayon ni David; gaya ng iniutos ng Panginoon sa kaniya; at sinaktan niya ang mga Filisteo mula sa (Z)Geba hanggang sa dumating sa (AA)Gezer.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978