2 Samuel 3
Magandang Balita Biblia
3 Tumagal ang digmaan sa pagitan ng mga tauhan nina David at ng angkan ni Saul. Lumakas nang lumakas ang pangkat ni David samantalang patuloy namang humina ang angkan ni Saul.
Mga Anak ni David sa Hebron
2 Samantalang nasa Hebron, ito ang mga naging anak na lalaki ni David: ang panganay ay si Amnon na anak niya kay Ahinoam. 3 Si Quileab ang sumunod na anak naman niya kay Abigail, ang balo ni Nabal. Ang ikatlo'y si Absalom na anak kay Maaca na anak ni Talmai na hari sa Gesur. 4 Si Adonias ang ikaapat, anak niya kay Haggit; ang ikalima'y si Sefatias, anak niya kay Abital; 5 at ang ikaanim ay si Itream, anak niya kay Egla. Ang mga ito ang naging anak ni David sa Hebron.
Ang Kasunduan nina Abner at David
6 Habang naglalaban ang mga pangkat nina Saul at David, si Abner ang kinilalang pinuno ng mga tauhan ni Saul.
7 Minsa'y pinagsabihan ni Isboset si Abner, “Bakit mo sinipingan si Rizpa, ang anak ni Aya, ang asawang-lingkod ng aking ama?”
8 Nagalit si Abner sa sinabing ito ni Isboset at sumagot siya, “Anong palagay mo sa akin, isang taksil? Isang lihim na tauhan ng Juda? Hanggang sa araw na ito'y tapat ako sa sambahayan ng iyong amang si Saul, sa kanyang mga kapatid at mga kaibigan. Maging ikaw ay hindi ko ipinagkanulo kay David; bakit pagbibintangan mo ako sa babaing ito? 9 Saksi ko ang Diyos; tulungan sana niya ako upang maisakatuparan ang pangako ni Yahweh kay David 10 na(A) maalis ang kaharian mula sa sambahayan ni Saul, at maitatag ang paghahari ni David sa Juda, mula sa Dan hanggang Beer-seba.” 11 Hindi nakasagot si Isboset dahil sa takot kay Abner.
12 Nagpadala si Abner ng mga sugo kay David sa Hebron at ito ang ipinasabi, “Kanino nga ba ang lupaing ito? Makipagkasundo ka sa akin at tutulungan kitang mapasaiyo ang buong Israel.”
13 “Mabuti!” tugon ni David. “Papayag ako sa isang kondisyon: Hindi ka muna makikipagkita sa akin hangga't hindi mo nadadala rito si Mical na anak ni Saul.” 14 Samantala,(B) nagpadala rin si David ng mga sugo kay Isboset at ito naman ang ipinasabi, “Dalhin mo sa akin si Mical, ang napangasawa ko bilang kapalit ng sandaang balat ng pinagtulian ng mga Filisteo.” 15 Kaya't pinahiwalay ni Isboset si Mical sa asawa nito, kay Paltiel na anak ni Lais. 16 Sumama si Paltiel hanggang Bahurim, at habang daa'y umiiyak. Ngunit ang lalaki'y pinabalik ni Abner at hindi ito nakatutol.
17 Nilapitan ni Abner ang pinuno ng Israel at sinabi, “Matagal nang hinahangad ninyong maging hari si David. 18 Dumating na ang panahon upang matupad iyan. Ganito ang sinabi ni Yahweh tungkol sa kanya: ‘Sa pamamagitan ni David, ililigtas ko ang bansang Israel mula sa kamay ng mga Filisteo at iba pa nilang mga kaaway.’” 19 Kinausap din ni Abner ang lipi ni Benjamin. Pagkatapos, nagpunta siya sa Hebron at sinabi kay David ang pinagkasunduan ng mga Israelita at ng lipi ni Benjamin.
20 Nang tanggapin ni David si Abner, may kasama itong dalawampung tauhan. Hinandugan niya ito ng isang salu-salo. 21 Sinabi ni Abner kay David, “Ngayo'y lalakad na ako upang ihandog nang buong-buo ang Israel sa inyong kamahalan. Magpapasakop sila sa inyo at maghari kayo sa kanila ayon sa inyong kagustuhan.” At mapayapang pinalakad ni David si Abner.
Pinatay ni Joab si Abner
22 Pagkaalis ni Abner, dumating naman mula sa pagsalakay ang mga kawal ni David sa pangunguna ni Joab. Napakarami nilang samsam na dala. 23 Nalaman agad ni Joab na si Abner ay nakipagkita sa hari at pinayagan nitong umalis nang payapa. 24 Pinuntahan agad ni Joab ang hari at sinabi, “Bakit po ninyo ginawa ito? Naparito na nga si Abner ay pinakawalan pa ninyo? Ngayo'y wala na siya! 25 Hindi ba ninyo kilala si Abner? Naparito siya upang pagtaksilan kayo, gusto lamang niyang tiktikan ang inyong mga ginagawa.”
26 Pagkatalikod sa hari, ipinahabol agad ni Joab si Abner. Inabutan nila ito sa may balon ng tubig sa Sira. Hindi alam ni David ang mga nangyayaring iyon. 27 Nang maibalik na sa Hebron si Abner, tinawag ito ni Joab sa may pintuan ng lunsod at kunwari'y mag-uusap lang sila nang sarilinan. Dito niya isinagawa ang paghihiganti sa pagkamatay ng kapatid niyang si Asahel. Sinaksak niya sa tiyan si Abner at ito'y namatay. 28 Nang mabalitaan ito ni David, sinabi niya, “Ako at ang aking kaharian ay walang sagutin sa harap ni Yahweh sa pagkamatay ni Abner. 29 Dapat itong panagutan ni Joab at ng kanyang sambahayan. Ang kanyang sambahayan sana'y huwag mawalan ng mga baldado, may sakit na tulo, sakit sa balat na parang ketong, mapapatay sa labanan o mamamatay sa gutom!” 30 Ngunit sa ganoong paraan ginantihan ng magkapatid na Joab at Abisai si Abner dahil sa pagpatay nito kay Asahel sa labanan sa Gibeon.
31 Iniutos ni David kay Joab at sa lahat ng kasama nito na punitin ang kanilang mga damit at magsuot ng panluksa bilang pagdadalamhati sa pagkamatay ni Abner. Pati ang Haring David ay nakipaglibing din 32 nang si Abner ay ilibing sa Hebron. Umiyak nang malakas ang hari at ang mga taong-bayan. 33 Ganito ang awit-pagluluksa ng hari:
“O Abner, dapat ka bang mamatay gaya ng isang tulisan?[a]
34 Ikaw naman ay malaya't walang gapos ang mga kamay.
Mga paa mo nama'y hindi natatanikalaan,
ngunit ikaw ay namatay sa kamay ng mga tampalasan.”
Pagkarinig nito'y muling tumangis ang mga tao.
35 Hinimok nila si David na kumain kahit bahagya, ngunit sinabi nito: “Isinusumpa kong hindi ako kakain kahit ano hangga't hindi lumulubog ang araw.” 36 Ang mga tao'y sumang-ayon sa nakita nilang ginawa ni David sapagkat ito'y nakalugod sa kanila, tulad ng iba pang ginawa ng hari. 37 Noon nalaman ng buong Israel na walang kinalaman ang hari sa pagkamatay ni Abner. 38 Sinabi ng hari sa kanyang mga alipin, “Hindi ba ninyo nalalamang isang dakilang pinuno ang nawala ngayon sa Israel? 39 Kahit na ako'y hari, nanliliit ako at kinikilabutan sa kasamaang ginawa ng mga anak ni Zeruias. Hindi ito maaatim ng aking kalooban. Parusahan nawa sila ni Yahweh!”
Footnotes
- 2 Samuel 3:33 isang tulisan: o kaya'y isang mangmang .
2 Samuel 3
Ang Biblia, 2001
3 Nagkaroon ng matagal na paglalaban ang sambahayan ni Saul at ang sambahayan ni David; si David ay lumakas nang lumakas, samantalang ang sambahayan ni Saul ay humina nang humina.
Mga Anak ni David
2 Nagkaroon ng mga anak na lalaki si David sa Hebron: ang kanyang panganay ay si Amnon kay Ahinoam na taga-Jezreel.
3 Ang kanyang pangalawa ay si Chileab, kay Abigail na balo ni Nabal na taga-Carmel; at ang ikatlo ay si Absalom na anak ni Maaca na anak ni Talmai na hari sa Geshur.
4 Ang ikaapat ay si Adonias na anak ni Hagit; at ang ikalima ay si Shefatias na anak ni Abital.
5 Ang ikaanim ay si Itream kay Egla, na asawa ni David. Ang mga ito'y ipinanganak kay David sa Hebron.
Umanib si Abner kay David
6 Samantalang may digmaan sa pagitan ng sambahayan ni Saul at ng sambahayan ni David, pinalakas ni Abner ang kanyang sarili sa sambahayan ni Saul.
7 Si Saul ay may asawang-lingkod na ang pangalan ay Rispa, na anak ni Aya. Sinabi ni Isboset kay Abner, “Bakit ka sumiping sa asawang-lingkod ng aking ama?”
8 Kaya't galit na galit si Abner dahil sa mga salita ni Isboset, at sinabi, “Ako ba'y isang ulo ng aso ng Juda? Sa araw na ito ay patuloy akong nagpapakita ng katapatan sa sambahayan ni Saul na iyong ama, sa kanyang mga kapatid, at sa kanyang mga kaibigan, at hindi ka ibinigay sa kamay ni David. Gayunma'y pinagbibintangan mo ako sa araw na ito ng isang kasalanan tungkol sa isang babae.
9 Gawin ng Diyos kay Abner, at lalo na, kung hindi ko gawin para kay David ang isinumpa ng Panginoon sa kanya,
10 na(A) ilipat ang kaharian mula sa sambahayan ni Saul, at itayo ang trono ni David sa Israel at Juda, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba.”
11 At hindi nakasagot si Isboset[a] kay Abner ng isang salita, sapagkat siya'y natakot sa kanya.
12 Si Abner ay nagpadala ng mga sugo kay David sa kanyang kinaroroonan, na sinasabi, “Kanino nauukol ang lupain? Makipagtipan ka sa akin, at ang aking kamay ay sasaiyo upang dalhin sa iyo ang buong Israel.”
13 Kanyang sinabi, “Mabuti; ako'y makikipagtipan sa iyo. Ngunit isang bagay ang hinihiling ko sa iyo: hindi mo ako makikita[b] malibang dalhin mo muna si Mical na anak na babae ni Saul pagparito mo upang ako'y iyong makita.”
14 Nagpadala(B) ng mga sugo si David kay Isboset na anak ni Saul, na sinasabi, “Ibigay mo sa akin ang aking asawang si Mical, na siyang aking pinakasalan sa halagang isandaang balat na pinagtulian ng mga Filisteo.”
15 Nagsugo si Isboset, at kinuha si Mical sa kanyang asawang si Paltiel na anak ni Lais.
16 Subalit ang kanyang asawa'y sumama sa kanya na umiiyak na kasunod niya sa daan hanggang sa Bahurim. Pagkatapos ay sinabi ni Abner sa kanya, “Umuwi ka!” Kaya't siya'y umuwi.
17 Nakipag-usap si Abner sa matatanda sa Israel, na sinasabi, “Sa panahong nakaraan ay inyong hinangad na si David ay maging hari sa inyo.
18 Ngayon ay inyong isakatuparan ito, sapagkat ipinangako ng Panginoon kay David, na sinasabi, ‘Sa pamamagitan ng kamay ng aking lingkod na si David ay aking ililigtas ang aking bayang Israel sa kamay ng mga Filisteo at ng lahat nilang mga kaaway.’”
19 Nakipag-usap din si Abner sa Benjamin. At si Abner ay pumunta upang sabihin kay David sa Hebron ang lahat ng inaakalang mabuti ng Israel at ng buong sambahayan ni Benjamin.
20 Nang dumating si Abner kay David sa Hebron kasama ang dalawampung lalaki, nagdaos ng kasayahan si David para kay Abner at sa mga lalaking kasama niya.
21 Sinabi ni Abner kay David, “Ako'y aalis at aking titipunin ang buong Israel sa aking panginoong hari, upang sila'y makipagtipan sa iyo, at upang ikaw ay maghari sa lahat ng ninanasa ng iyong puso.” At pinaalis ni David si Abner, at siya'y umalis na payapa.
Pinatay si Abner
22 Pagkatapos noon ay dumating ang mga lingkod ni David kasama si Joab mula sa isang pagsalakay, na may dalang maraming samsam. Ngunit si Abner ay hindi kasama ni David sa Hebron, sapagkat siya'y pinaalis niya, at siya'y umalis na payapa.
23 Nang si Joab at ang buong hukbo na kasama niya ay dumating, sinabi kay Joab, “Si Abner na anak ni Ner ay pumunta sa hari, at siya'y pinahayo at siya'y humayong payapa.”
24 Nang magkagayo'y pumunta si Joab sa hari, at sinabi, “Ano ang iyong ginawa? Si Abner ay pumarito sa iyo; bakit mo siya pinaalis, kaya't siya'y umalis?
25 Nalalaman mong si Abner na anak ni Ner ay pumarito upang dayain ka at upang malaman ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok, at upang malaman ang lahat ng iyong ginagawa.”
26 Nang lumabas si Joab mula sa harapan ni David, siya'y nagpadala ng mga sugo upang sundan si Abner, at kanilang ibinalik siya mula sa balon ng Sira, ngunit ito'y hindi nalalaman ni David.
27 Nang bumalik si Abner sa Hebron, siya ay dinala ni Joab sa isang tabi ng pintuang-bayan upang makipag-usap sa kanya ng sarilinan, at doon ay kanyang sinaksak siya sa tiyan. Kaya't siya'y namatay para sa dugo ni Asahel na kanyang kapatid.
28 Pagkatapos, nang mabalitaan ito ni David ay kanyang sinabi, “Ako at ang aking kaharian ay walang sala magpakailanman sa harap ng Panginoon para sa dugo ni Abner na anak ni Ner.
29 Nawa'y bumagsak ito sa ulo ni Joab, at sa buong sambahayan ng kanyang ama. Nawa'y huwag mawalan sa sambahayan ni Joab ng isang dinudugo, o ng ketongin, o may pantahi,[c] o napapatay sa pamamagitan ng tabak, o ng kinukulang ng tinapay!”
30 Gayon pinatay si Abner ni Joab at ni Abisai na kanyang kapatid, sapagkat pinatay niya ang kanilang kapatid na si Asahel sa labanan sa Gibeon.
Si Abner ay Inilibing
31 Sinabi ni David kay Joab at sa lahat ng taong kasama niya, “Punitin ninyo ang inyong mga suot, at magbigkis kayo ng damit-sako, at magluksa kayo sa harap ni Abner.” At si Haring David ay sumunod sa kabaong.
32 Kanilang inilibing si Abner sa Hebron, at inilakas ng hari ang kanyang tinig, at umiyak sa libingan ni Abner; at ang buong bayan ay umiyak.
33 Tinangisan ng hari si Abner na sinasabi,
“Dapat bang mamatay si Abner, na gaya ng pagkamatay ng isang hangal?
34 Ang iyong mga kamay ay hindi natalian,
ang iyong mga paa ay hindi nakagapos;
kung paanong nabubuwal ang isang lalaki sa harap ng masama
ay gayon ka nabuwal.”
At iniyakan siyang muli ng buong bayan.
35 Ang buong bayan ay dumating upang himukin si David na kumain ng tinapay samantalang araw pa; ngunit sumumpa si David, na sinasabi, “Gawin sa akin ng Diyos, at higit pa, kung ako'y tumikim ng tinapay o ng anumang bagay hanggang sa lumubog ang araw!”
36 Iyon ay napansin ng buong bayan, at ikinalugod nila; gaya ng anumang ginagawa ng hari ay nakakalugod sa buong bayan.
37 Kaya't naunawaan ng buong bayan at ng buong Israel nang araw na iyon na hindi kalooban ng hari na patayin si Abner na anak ni Ner.
38 At sinabi ng hari sa kanyang mga lingkod, “Hindi ba ninyo nalalaman na may isang pinuno at isang dakilang tao ang nabuwal sa araw na ito sa Israel?
39 Ako ngayon ay walang kapangyarihan, kahit na hinirang[d] na hari; at ang mga lalaking ito na mga anak ni Zeruia ay napakarahas para sa akin. Gantihan nawa ng Panginoon ang gumagawa ng kasamaan ayon sa kanyang kasamaan!”
Footnotes
- 2 Samuel 3:11 Sa Hebreo ay siya .
- 2 Samuel 3:13 Sa Hebreo ay hindi mo makikita ang aking mukha .
- 2 Samuel 3:29 Nagpapahiwatig ng lalaking gumagawa ng gawain ng babae.
- 2 Samuel 3:39 o binuhusan ng langis .
2 Samuel 3
Ang Dating Biblia (1905)
3 Nagkaroon nga ng matagal na pagbabaka ang sangbahayan ni Saul at ang sangbahayan ni David: at si David ay lumakas ng lumakas, nguni't ang sangbahayan ni Saul ay humina ng humina.
2 At nagkaanak si David sa Hebron: at ang kaniyang panganay ay si Amnon kay Ahinoam na taga Jezreel;
3 At ang kaniyang pangalawa ay si Chileab, kay Abigail na asawa ni Nabal na taga Carmelo; at ang ikatlo ay si Absalom na anak ni Maacha na anak ni Talmai na hari sa Gessur;
4 At ang ikaapat ay si Adonias na anak ni Haggith; at ang ikalima ay si Saphatias na anak ni Abital;
5 At ang ikaanim ay si Jetream kay Egla, na asawa ni David. Ang mga ito'y ipinanganak kay David sa Hebron.
6 At nangyari, samantalang may pagbabaka ang sangbahayan ni Saul at ang sangbahayan ni David, na si Abner ay nagpakalakas sa sangbahayan ni Saul.
7 Si Saul nga ay may babae na ang pangalan ay Rispa, na anak ni Aja: at sinabi ni Is-boseth kay Abner, Bakit ka sumiping sa babae ng aking ama?
8 Nang magkagayo'y nagalit na mainam si Abner dahil sa mga salita ni Is-boseth, at sinabi, Ako ba'y isang ulo ng aso na nauukol sa Juda? Sa araw na ito ay nagpapakita ako ng kagandahang loob sa sangbahayan ni Saul na iyong ama, sa kaniyang mga kapatid, at sa kaniyang mga kaibigan, at hindi ka ibinigay sa kamay ni David, at gayon ma'y iyong ibinibintang sa araw na ito sa akin ang isang kasalanan tungkol sa babaing ito.
9 Hatulan ng Dios si Abner, at lalo na, malibang gawin kong gayon sa kaniya, na gaya ng isinumpa ng Panginoon kay David;
10 Na ilipat ang kaharian mula sa sangbahayan ni Saul, at itatag ang luklukan ni David sa Israel, at sa Juda mula sa Dan hanggang sa Beer-seba.
11 At hindi siya nakasagot kay Abner ng isang salita, sapagka't siya'y natakot sa kaniya.
12 At si Abner ay nagsugo ng mga sugo kay David, sa ganang kaniya, na sinasabi naman, Makipagtipan ka sa akin, at, narito, ang aking kamay ay sasa iyo, upang dalhin sa iyo ang buong Israel.
13 At kaniyang sinabi, Mabuti; ako'y makikipagtipan sa iyo; nguni't isang bagay ang hinihiling ko sa iyo, na ito nga: huwag mong titingnan ang aking mukha, maliban na iyo munang dalhin si Michal na anak na babae ni Saul, pagparito mo upang tingnan ang aking mukha.
14 At nagsugo ng mga sugo si David kay Is-boseth na anak ni Saul, na sinasabi, Isauli mo sa akin ang aking asawa na si Michal, na siyang aking pinakasalan sa halaga na isang daang balat ng masama ng mga Filisteo.
15 At nagsugo si Is-boseth, at kinuha siya sa kaniyang asawa, kay Paltiel na anak ni Lais.
16 At ang kaniyang asawa'y yumaong kasama niya na umiyak habang siya'y yumayaon, at sumusunod sa kaniya hanggang sa Bahurim. Nang magkagayo'y sinabi ni Abner sa kaniya, Ikaw ay yumaon, bumalik ka: at siya'y bumalik.
17 At nakipag-usap si Abner sa mga matanda sa Israel, na sinasabi, Sa panahong nakaraan ay inyong hinanap si David upang maging hari sa inyo:
18 Ngayon nga ay inyong gawin: sapagka't sinalita ng Panginoon tungkol kay David, na sinasabi, Sa pamamagitan ng kamay ng aking lingkod na si David ay aking ililigtas ang aking bayang Israel sa kamay ng mga Filisteo at sa kamay ng lahat nilang mga kaaway.
19 At nagsalita naman si Abner sa pakinig ng Benjamin: at si Abner naman ay naparoong nagsalita sa pakinig ni David sa Hebron ng lahat na inaakalang mabuti ng Israel, at ng buong sangbahayan ni Benjamin.
20 Sa gayo'y naparoon si Abner kay David sa Hebron, at dalawang pung lalake ang kasama niya. At ginawan ni David ng isang kasayahan si Abner at ang mga lalake na kasama niya.
21 At sinabi ni Abner kay David, Ako'y babangon at yayaon, at aking pipisanin ang buong Israel sa aking panginoon na hari, upang sila'y makipagtipan sa iyo, at upang iyong pagharian ng buong ninanasa ng iyong kaluluwa. At pinayaon ni David si Abner; at siya'y yumaong payapa.
22 At, narito, ang mga lingkod ni David at si Joab ay nagsidating na mula sa isang paghabol, at may dalang malaking samsam: nguni't si Abner ay wala kay David sa Hebron, sapagka't pinayaon niya siya, at siya'y yumaong payapa.
23 Nang si Joab at ang buong hukbo na kasama niya ay magsidating, kanilang isinaysay kay Joab, na sinasabi, Si Abner na anak ni Ner ay naparoon sa hari, at siya'y pinayaon at siya'y yumaong payapa.
24 Nang magkagayo'y naparoon si Joab sa hari, at nagsabi, Ano ang iyong ginawa? narito, si Abner ay naparito sa iyo; bakit mo pinayaon siya, at siya'y lubos na yumaon?
25 Nalalaman mo si Abner na anak ni Ner ay naparito upang dayain ka at upang maalaman ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok, at upang maalaman ang lahat na iyong ginagawa.
26 At nang lumabas si Joab na mula kay David, siya'y nagsugo ng mga sugo na sumunod kay Abner, at kanilang ibinalik siya na mula sa balon ng Sira: nguni't hindi nalalaman ni David.
27 At nang bumalik si Abner sa Hebron, ay dinala siya ni Joab na bukod sa gitna ng pintuang-bayan upang makipagsalitaan sa kaniya ng lihim, at sinaktan niya siya roon sa tiyan, na anopa't siya'y namatay, dahil sa dugo ni Asael na kaniyang kapatid.
28 At pagkatapos nang mabalitaan ni David, ay kaniyang sinabi, Ako at ang aking kaharian ay walang sala sa harap ng Panginoon magpakailan man sa dugo ni Abner na anak ni Ner:
29 Bumagsak sa ulo ni Joab, at sa buong sangbahayan ng kaniyang ama; at huwag na di magkaroon sa sangbahayan ni Joab ng isang inaagasan, o ng isang may ketong, o ng umaagapay sa isang tungkod, o nabubuwal sa pamamagitan ng tabak, o ng kinukulang ng tinapay.
30 Sa gayo'y pinatay si Abner ni Joab at ni Abisal na kaniyang kapatid, sapagka't pinatay niya ang kanilang kapatid na si Asael sa Gabaon, sa pagbabaka.
31 At sinabi ni David kay Joab at sa buong bayan na kasama niya: Hapakin ninyo ang inyong mga suot, at magbigkis kayo ng magaspang na damit, at magluksa kayo sa harap ni Abner. At ang haring si David ay sumunod sa kabaong.
32 At kanilang inilibing si Abner sa Hebron: at inilakas ng hari ang kaniyang tinig, at umiyak sa libingan ni Abner; at ang buong bayan ay umiyak.
33 At tinangisan ng hari si Abner, at sinabi, Marapat bang mamatay si Abner, na gaya ng pagkamatay ng isang mangmang?
34 Ang iyong mga kamay ay hindi nangatatalian, o ang iyong mga paa man ay nangagagapos: Kung paanong nabubuwal ang isang lalake sa harap ng mga anak ng kasamaan ay gayon ka nabuwal. At iniyakan siyang muli ng buong bayan.
35 At ang buong bayan ay naparoon upang pakanin ng tinapay si David samantalang araw pa; nguni't sumumpa si David, na sinasabi, Hatulan ng Dios ako, at lalo na, kung ako'y tumikim ng tinapay o ng anomang bagay hanggang sa ang araw ay lumubog.
36 At nahalata ng buong bayan, at minagaling nila: palibhasa'y anomang ginagawa ng hari ay nakalulugod sa buong bayan.
37 Sa gayo'y naunawa ng buong bayan at ng buong Israel sa araw na yaon, na hindi sa hari ang pagpatay kay Abner na anak ni Ner.
38 At sinabi ng hari sa kaniyang mga bataan, Hindi ba ninyo nalalaman na may isang prinsipe at mahal na tao, na nabuwal sa araw na ito sa Israel?
39 At ako'y mahina sa araw na ito, bagaman pinahirang hari; at ang mga lalaking ito na mga anak ni Sarvia ay totoong mahirap kasamahin: gantihan nawa ng Panginoon ang manggagawang masama ayon sa kaniyang kasamaan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.