2 Samuel 22
Magandang Balita Biblia
Ang Awit ng Pagtatagumpay ni David(A)
22 Inawit ni David ang awit na ito para kay Yahweh nang araw na iniligtas siya ni Yahweh mula sa kamay ng kanyang mga kaaway at sa kamay ni Saul.
2 “Si Yahweh ang aking tagapagligtas,
matibay na muog na aking sanggalang.
3 Ang Diyos ang bato na aking kanlungan,
aking kalasag at tanging kaligtasan.
Siya ang aking pananggalang,
sa mga marahas ay siya kong tanggulan.
4 Kay Yahweh ako'y tumatawag,
sa mga kaaway ako'y kanyang inililigtas.
Purihin si Yahweh!
5 “Pinapalibutan ako ng alon ng kamatayan,
tinutugis ako nitong agos ng kapahamakan.
6 Daigdig ng mga patay, ako'y pinupuluputan,
patibong ng kamatayan, ang aking dinaraanan.
7 “Sa kagipitan ko, ako ay tumawag,
ang Diyos na si Yahweh ay aking hinanap.
Mula sa templo niya ay kanyang dininig,
ang aking pagsamo at ang aking hibik.
8 “Nayanig ang lupa nang siya'y magalit,
at nauga pati sandigan ng langit.
9 Nagbuga ng usok ang kanyang ilong,
at mula sa bibig, lumabas ang apoy.
10 Hinawi ang langit, bumabâ sa lupa
makapal na ulap ang tuntungang pababa.
11 Sakay ng kerubin mabilis lumipad;
sa bilis ng hangin siya ay naglayag.
12 Nagtago sa likod ng dilim,
naipong tubig, ulap na maitim.
13 At magmula roon gumuhit ang kidlat,
at sa harap niya'y biglang nagliwanag.
14 Nagpakulog si Yahweh mula sa langit,
tinig ng Kataas-taasang Diyos ay narinig.
15 Mga palaso niya'y pinakawalan,
dahil sa kidlat mga kaaway niya'y nagtakbuhan.
16 Sa sigaw ni Yahweh sa mga kaaway,
sa apoy ng galit niyang nag-aalab,
ang tubig sa dagat ay halos maparam,
mga pundasyon ng mundo'y naglitawan.
17 “Mula sa ilalim ng tubig sa dagat,
iniahon ako't kanyang iniligtas.
18 Iniligtas ako sa mga kaaway
na di ko makayang mag-isang labanan.
19 Sa kagipitan ko, ako'y sinalakay,
subalit para sa akin si Yahweh ang lumaban.
20 Sapagkat sa akin siya'y nasiyahan,
iniligtas niya ako sa kapahamakan.
21 “Ginantimpalaan ako ni Yahweh pagkat ako'y nasa katuwiran,
pinagpapala niya ako dahil ako'y walang kasalanan.
22 Sapagkat ang tuntunin ni Yahweh ay aking sinunod,
hindi ako lumihis sa landas ng aking Diyos.
23 Aking sinunod ang buong kautusan,
isa mang utos niya'y hindi ko sinuway.
24 Nalalaman niyang ako'y walang sala,
sa gawang masama'y lumalayo tuwina.
25 Kaya't ginantimpalaan ako ni Yahweh pagkat ako'y nasa katuwiran;
pinagpapala niya ako dahil ako'y walang kasalanan.
26 “Sa mga taong tapat, ikaw rin ay tapat,
sa mga matuwid, matuwid kang ganap.
27 Sa pusong malinis, bukás ka at tapat,
ngunit sa mga baluktot, hatol mo'y marahas.
28 Mga nagpapakumbaba'y iyong inililigtas,
ngunit ang palalo'y iyong ibinabagsak.
29 Ikaw po, O Yahweh, ang aking tanglaw,
pinawi mong lubos ang aking kadiliman.
30 Sa tulong mo'y nalulupig ko ang mga kaaway,
sa pamamagitan mo, Diyos, anumang pader ay nahahakbang.
31 Mga paraan ng Diyos ay walang kapintasan;
pangako ni Yahweh ay sadyang maaasahan.
Sa nagpapakupkop, siya ay kalasag.
32 “Maliban kay Yahweh, may Diyos pa bang iba?
Iisang tanggulan, hindi ba't siya na?
33 Ang Diyos ang aking muog na kanlungan,
ang nag-iingat sa aking daraanan.
34 Tulad(B) ng sa usa, paa ko'y pinatatag,
sa mga bundok iniingatan akong ligtas.
35 Sinanay niya ako sa pakikipagdigma,
matigas na pana kaya kong mahila.
36 “Ako'y iniligtas mo, Yahweh, ng iyong kalinga,
at sa tulong mo ako'y naging dakila.
37 Binigyan mo ako ng pagtataguan,
kaya di mahuli ng mga kalaban.
38 Mga kaaway ko ay aking tinugis,
hanggang sa malipol, di ako nagbalik.
39 Nilipol ko sila at saka sinaksak,
at sa paanan ko sila ay bumagsak!
40 Pinalakas mo ako para sa labanan,
kaya't nagsisuko ang aking kalaban.
41 Mga kaaway ko'y iyong itinaboy,
mga namumuhi sa aki'y pawang nalipol.
42 Humanap sila ng saklolo, ngunit walang matagpuan.
Hindi sila pinansin ni Yahweh nang sila'y nanawagan.
43 Tinapakan ko sila hanggang sa madurog,
pinulbos ko silang parang alikabok;
sa mga lansangan, putik ang inabot.
44 “Sa mga naghimagsik, ako'y iyong iniligtas,
pamamahala sa mga bansa sa aki'y iniatas;
at marami pang ibang sumuko't nabihag.
45 Ang mga dayuhan sa aki'y yumuyukod,
kapag narinig ang tinig ko, sila'y sumusunod.
46 Sa laki ng takot ay naglalabasan
sa kanilang kutang pinagtataguan.
47 “Mabuhay si Yahweh! Purihin ang aking batong tanggulan.
Dakilain ang aking Diyos! Ang bato ng aking kaligtasan.
48 Nilulupig niya ang aking kalaban
at pinapasuko sa aking paanan.
49 Iniligtas ako sa aking kaaway,
ako'y inilayo sa sumasalakay;
sa taong marahas, ipinagsanggalang.
50 “Sa(C) lahat ng bansa ika'y aking pupurihin,
ang karangalan mo'y aking aawitin, ang iyong pangalan, aking sasambahin.
51 Pinagkaloobang magtagumpay lagi, ang abang lingkod mong piniling hari;
di mo kailanman pababayaan ang iyong pinili,
na si Haring David at ang kanyang mga susunod na lahi.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.