Add parallel Print Page Options

Pinatay ang mga Apo ni Saul

21 Sa panahon ng paghahari ni David, tatlong sunud-sunod na taon na nagkaroon ng taggutom, kaya't sumangguni siya kay Yahweh. Ito ang kanyang tugon, “Maraming buhay ang inutang ni Saul at ng kanyang sambahayan, sapagkat ipinapatay niya ang mga Gibeonita.” Ang(A) mga Gibeonita ay hindi buhat sa lahi ng Israel. Sila ang mga natira sa lahi ng mga Amoreo na pinangakuang hindi lilipulin ng mga Israelita. Ngunit sila'y sinikap lipulin ni Saul dahil sa pagmamalasakit niya para sa mga taga-Israel at Juda. Ipinatawag ni David ang mga Gibeonita at tinanong, “Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo upang mapagbayaran ang kasalanan sa inyo ng aming bayan, at nang sa gayon ay mapawi ang inyong galit at basbasan ang sambayanan ni Yahweh?”

Sumagot sila, “Ang sama ng loob namin kay Saul at sa kanyang sambahayan ay hindi kayang tumbasan ng ginto at pilak. Ngunit ayaw rin naming pumatay ng sinuman sa Israel.”

“Kung gayon, ano ang dapat kong gawin para sa inyo?” tanong ni David.

Sumagot sila, “Hinangad po ng Saul na iyon na ubusin ang lahi namin sa Israel. Kaya, ibigay ninyo sa amin ang pito sa mga lalaking mula sa kanyang angkan at bibitayin namin sila sa Gibeon sa harapan ni Yahweh.”

“Sige, ibibigay ko sila sa inyo,” sagot ni David.

Ngunit(B) dahil sa sumpaang ginawa nina David at Jonatan, iniligtas niya si Mefiboset, ang apo ni Saul kay Jonatan. Ang(C) ibinigay ng hari ay sina Armoni at isang Mefiboset din ang pangalan, mga anak ni Saul kay Rizpa na anak ni Aya, at ang limang anak ni Adriel kay Merab.[a] Si Merab ay anak ni Saul at si Adriel nama'y anak ni Barzilai na taga-Meholat. Ibinigay ni David sa mga Gibeonita ang pitong ito, at sila'y sama-samang binigti sa bundok sa harapan ni Yahweh. Nangyari ito nang nagsisimulang anihin ang sebada.

10 Sa buong panahon ng anihan hanggang dumating ang tag-ulan, si Rizpa na anak ni Aya ay hindi na umalis sa kinaroroonan ng mga bangkay. Gumawa siya ng isang silungang sako sa ibabaw ng isang malaking bato at binantayan ang mga bangkay upang hindi makain ng mga ibon at maiilap na hayop.

11 Nang mabalitaan ito ni David, 12 ipinakuha(D) niya ang bangkay ni Saul at ni Jonatan sa mga pinuno ng Jabes-gilead. Ninakaw ng mga ito ang bangkay nina Saul at Jonatan sa Bethsan na ibinitin doon ng mga Filisteo noong araw na sila'y mapatay sa Gilboa. 13 Ipinakuha nga niya ang mga bangkay nina Saul at Jonatan at isinama sa mga bangkay ng pitong binigti sa bundok. 14 Pagkatapos, dinala nila ito sa libingan ng kanyang amang si Kish, sa lupain ni Benjamin sa Zela. Ang lahat ng iniutos ng hari ay natupad, at mula noon, dininig ni Yahweh ang kanilang dalangin para sa bansa.

Nalupig ang mga Higante(E)

15 Dumating ang araw na nagdigmaan muli ang mga Filisteo at mga Israelita. Sumama si David sa kanyang mga kawal sa pakikipaglaban. Sa isang labanan ay lubhang napagod si David. 16 Papatayin na sana siya ng higanteng si Esbibenob, na may dalang bagong espada at sibat na may tatlo't kalahating kilo ang bigat. 17 Ngunit(F) tinulungan ni Abisai na anak ni Zeruias si David, at pinatay ang higanteng Filisteo. Mula noon, pinasumpa nila si David na hindi na siya muling sasama sa labanan. “Ikaw ang ilaw ng Israel. Ayaw naming mawala ka sa amin,” sabi ng mga kawal ni David.

18 Hindi nagtagal at muling naglaban ang mga Israelita at ang mga Filisteo. Nangyari naman ito sa Gob at doon napatay ni Sibecai na Husatita ang higanteng si Saf. 19 Sa isa pang sagupaan sa Gob laban sa mga Filisteo, napatay naman ni Elhanan, anak ni Jair na taga-Bethlehem, si Goliat na Geteo. Ang hawakan ng sibat nito'y sinlaki ng kahoy na pahalang sa habihan.

20 Sa isa namang labanan sa Gat, mayroong isang higante na dalawampu't apat ang daliri—tig-aanim bawat paa't kamay. 21 Hinamon nito ang mga Israelita ngunit napatay naman ni Jonatan na pamangkin ni David sa kanyang kapatid na si Simea.

22 Ang apat na ito'y buhat sa lahi ng mga higante sa Gat, at nasawi sa mga kamay ni David at ng kanyang mga tauhan.

Footnotes

  1. 2 Samuel 21:8 Merab: Sa ibang manuskrito'y Michal .