2 Samuel 14
Ang Biblia, 2001
Isinaayos ni Joab ang Pagpapabalik kay Absalom
14 Ngayon ay nahalata ni Joab, na anak ni Zeruia, na ang puso ng hari ay nakatuon kay Absalom.
2 At nagsugo si Joab sa Tekoa, at ipinasundo mula roon ang isang pantas na babae, at sinabi sa kanya, “Ikaw ay magkunwaring isang nagluluksa at magsuot ka ng damit pangluksa. Huwag kang magpahid ng langis, kundi ikaw ay magkunwaring isang babaing nagluluksa nang mahabang panahon dahil sa isang namatay.
3 Pumunta ka sa hari, at magsalita ka ng gayon sa kanya.” Kaya't inilagay ni Joab ang mga salita sa bibig ng babae.
4 Nang magsalita ang babaing taga-Tekoa sa hari, siya ay nagpatirapa sa lupa, nagbigay galang, at nagsabi, “Tulungan mo ako, O hari.”
5 Sinabi ng hari sa kanya, “Anong bumabagabag sa iyo?” At siya'y sumagot, “Sa katotohanan ako'y balo, at ang aking asawa ay patay na.
6 Ang iyong lingkod ay may dalawang anak at silang dalawa'y nag-away sa parang. Walang umawat sa kanila, at sinaktan ng isa ang isa at napatay ito.
7 Ang buong angkan ay bumangon laban sa iyong lingkod, at sila'y nagsabi, ‘Ibigay mo ang taong pumatay sa kanyang kapatid, upang siya'y mapatay namin dahil sa buhay ng kanyang kapatid na kanyang pinatay’; sa gayo'y mapapatay din nila ang tagapagmana. Sa gayo'y mapapatay nila ang aking nalalabing baga at walang maiiwan sa aking asawa kahit pangalan o anumang nalabi sa balat ng lupa.”
8 Sinabi ng hari sa babae, “Umuwi ka sa iyong bahay, at ako'y mag-uutos tungkol sa iyo.”
9 At sinabi ng babaing taga-Tekoa sa hari, “Panginoon kong hari, ang kasamaan ay maging akin nawa, at sa sambahayan ng aking ama; at ang hari at ang kanyang trono ay mawalan nawa ng sala.”
10 Sinabi ng hari, “Sinumang magsabi sa iyo ng anuman, dalhin mo siya sa akin, at hindi ka na niya gagalawin pa.”
11 Pagkatapos ay sinabi niya, “Hinihiling ko na alalahanin ng hari ang Panginoon mong Diyos, upang ang tagapaghiganti ng dugo ay huwag nang pumatay pa, at upang huwag nang mapuksa ang aking anak.” At kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, wala ni isang buhok ng iyong anak ang mahuhulog sa lupa.”
12 Nang magkagayo'y sinabi ng babae, “Hinihiling kong pahintulutan mo ang iyong lingkod na magsalita ng isang bagay sa aking panginoong hari.” At kanyang sinabi, “Magsalita ka.”
13 At sinabi ng babae, “Bakit ka nagbalak ng gayong bagay laban sa bayan ng Diyos? Sapagkat sa pagbibigay ng ganitong pasiya ay itinuring ng hari na nagkasala ang sarili, yamang hindi ipinababalik ng hari ang kanyang sariling itinapon.
14 Tayong lahat ay kailangang mamatay, tayo'y gaya ng tubig na nabuhos sa lupa, na hindi na muling matitipon, ngunit hindi kukunin ng Diyos ang buhay niya na humahanap ng paraan upang ang itinapon ay huwag mamalaging isang ipinatapon.
15 Ngayon ay pumarito ako upang sabihin ang bagay na ito sa aking panginoong hari, sapagkat tinakot ako ng taong-bayan, at inakala ng iyong lingkod, ‘Ako'y magsasalita sa hari, marahil ay gagawin ng hari ang kahilingan ng kanyang lingkod.
16 Sapagkat papakinggan ng hari at ililigtas ang kanyang lingkod sa kamay ng lalaking magkasamang papatay sa akin at sa aking anak mula sa pamana ng Diyos.’
17 At(A) inakala ng iyong lingkod, ‘Ang salita ng aking panginoong hari ang magpapatiwasay sa akin, sapagkat ang aking panginoong hari ay gaya ng anghel ng Diyos upang makilala ang mabuti at masama. Ang Panginoon mong Diyos ay sumaiyo nawa!’”
18 Nang magkagayo'y sinagot ng hari ang babae, “Huwag mong ikubli sa akin ang anumang itatanong ko sa iyo.” At sinabi ng babae, “Hayaang magsalita ang panginoon kong hari.”
19 Sinabi ng hari, “Kasama mo ba ang kamay ni Joab sa lahat ng bagay na ito?” At sumagot ang babae at nagsabi, “Kung paanong ikaw ay buháy panginoon kong hari, walang makakaliko sa kanan o sa kaliwa sa anumang sinabi ng aking panginoong hari. Ang iyong lingkod na si Joab ang siyang nag-utos sa akin, at siyang naglagay ng lahat ng mga salitang ito sa bibig ng iyong lingkod.
20 Upang baguhin ang takbo ng mga pangyayari, ginawa ng iyong lingkod na si Joab ang bagay na ito. Ngunit ang aking panginoon ay may karunungan gaya ng anghel ng Diyos upang malaman ang lahat ng mga bagay na nasa lupa.”
21 Sinabi ng hari kay Joab, “Ngayon, ipinahihintulot ko ito; humayo ka, ibalik mo rito uli ang binatang si Absalom.”
22 Nagpatirapa si Joab sa lupa, at nagbigay galang. Pinuri ni Joab ang hari at sinabi, “Ngayo'y nalalaman ng iyong lingkod na ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, panginoon kong hari, sapagkat ipinagkaloob ng hari ang kahilingan ng kanyang lingkod.”
23 Kaya't tumindig si Joab at pumunta sa Geshur at dinala si Absalom sa Jerusalem.
24 At sinabi ng hari, “Hayaan siyang manirahang bukod sa kanyang sariling bahay, hindi siya dapat lumapit sa aking harapan.” Kaya't nanirahang bukod si Absalom sa kanyang sariling bahay at hindi lumapit sa harapan ng hari.
25 Sa buong Israel nga'y walang hinahangaan sa kanyang kagandahan na gaya ni Absalom. Mula sa talampakan ng kanyang paa hanggang sa tuktok ng kanyang ulo, ay walang kapintasan.
26 Kapag ipinapagupit niya ang buhok sa kanyang ulo (sapagkat sa bawat katapusan ng bawat taon siya ay nagpapagupit; kapag mabigat na sa kanya ay kanyang ipinapagupit) kanyang tinitimbang ang buhok ng kanyang ulo, dalawang daang siklo, ayon sa timbangan ng hari.
27 At ipinanganak kay Absalom ang tatlong lalaki, at isang babae na ang pangala'y Tamar; siya'y isang magandang babae.
28 Kaya't si Absalom ay nanirahan ng buong dalawang taon sa Jerusalem na hindi lumalapit sa harapan ng hari.
29 Nang magkagayo'y ipinasugo ni Absalom si Joab, upang suguin siya sa hari ngunit ayaw niyang pumunta.
30 Kaya't sinabi niya sa kanyang mga alipin, “Tingnan ninyo, ang bukid ni Joab ay malapit sa akin, at siya'y may sebada roon. Humayo kayo at sunugin ninyo iyon.” At sinunog ng mga alipin ni Absalom ang bukid.
31 Nang magkagayo'y bumangon si Joab at pumunta kay Absalom sa kanyang bahay, at sinabi sa kanya, “Bakit sinunog ng iyong mga alipin ang aking bukid?”
32 At sinagot ni Absalom si Joab, “Ako'y nagpasugo sa iyo, ‘Pumarito ka, upang isugo kita sa hari,’ upang itanong, ‘Bakit pa ako umuwi mula sa Geshur? Mas mabuti pang nanatili ako roon.’ Ngayon ay papuntahin mo ako sa harapan ng hari; at kung may pagkakasala sa akin, hayaang patayin niya ako!”
33 Kaya't pumunta si Joab sa hari at sinabi sa kanya; at ipinatawag niya si Absalom. Kaya't humarap siya sa hari at nagpatirapa sa lupa sa harap ng hari; at hinagkan ng hari si Absalom.