Add parallel Print Page Options

Sinaway ni Natan si David

12 At(A) isinugo ng Panginoon si Natan kay David. Siya'y pumaroon sa kanya at sinabi sa kanya, “May dalawang lalaki sa isang lunsod, ang isa ay mayaman at ang isa ay mahirap.

Ang mayaman ay mayroong napakaraming kawan at bakahan;

ngunit ang mahirap ay walang anumang bagay liban sa isang munting babaing kordero na kanyang binili. Kanyang inalagaan ito at lumaki sa piling niya at ng kanyang mga anak. Kumakain ito ng kanyang sariling pagkain at umiinom sa kanyang sariling inuman, at humihiga sa kanyang kandungan, at sa kanya'y parang isang anak na babae.

Noon ay may dumating na manlalakbay sa mayaman. Ayaw niyang kumuha mula sa kanyang sariling kawan at sa kanyang sariling bakahan para sa manlalakbay na dumating sa kanya. Sa halip ay kinuha niya ang kordero ng taong mahirap at inihanda sa lalaking dumating sa kanya.”

At ang galit ni David ay labis na nagningas laban sa lalaki; at kanyang sinabi kay Natan, “Habang buháy ang Panginoon, ang lalaking gumawa nito ay karapat-dapat na mamatay;

kanyang ibabalik ang kordero na may dagdag na apat, sapagkat kanyang ginawa ang bagay na ito, at sapagkat siya'y walang habag.”

Sinabi ni Natan kay David, “Ikaw ang lalaking iyon. Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, ‘Binuhusan kita ng langis upang maging hari ng Israel, at iniligtas kita sa kamay ni Saul.

Ibinigay ko sa iyo ang bahay ng iyong panginoon, ang mga asawa ng iyong panginoon sa iyong kandungan, at ang sambahayan ng Israel at ng Juda; at kung ito ay maliit pa ay daragdagan pa kita ng higit.

Bakit mo hinamak ang salita ng Panginoon upang gumawa ng masama sa kanyang paningin? Tinaga mo ng tabak si Urias na Heteo, at kinuha mo ang kanyang asawa upang maging iyong asawa, at pinaslang mo siya sa pamamagitan ng tabak ng mga Ammonita.

10 Kaya ngayon ay hindi hihiwalay kailanman ang tabak sa iyong sambahayan; sapagkat hinamak mo ako, at kinuha mo ang asawa ni Urias na Heteo upang maging iyong asawa.’

11 Ganito(B) ang sabi ng Panginoon, ‘Ako'y magpapabangon ng kasamaan laban sa iyo mula sa iyong sariling sambahayan, at kukunin ko ang iyong mga asawa sa harap ng iyong paningin, at aking ibibigay sa iyong kapwa; at kanyang sisipingan ang iyong mga asawa sa liwanag ng araw na ito.

12 Lihim mo itong ginawa, ngunit gagawin ko ang bagay na ito sa harap ng buong Israel, at sa harap ng araw.’”

13 At sinabi ni David kay Natan, “Ako'y nagkasala laban sa Panginoon.” At sinabi ni Natan kay David, “Inalis din ng Panginoon ang iyong kasalanan; hindi ka mamamatay.

14 Gayunman, sapagkat sa pamamagitan ng gawang ito'y binigyan mo ng dahilan ang mga kaaway ng Panginoon, na lumapastangan,[a] ang bata naman na ipinanganak sa iyo ay mamamatay.”

Namatay ang Anak ni David

15 Pagkatapos, si Natan ay umuwi sa kanyang bahay. Sinaktan ng Panginoon ang bata na ipinanganak ng asawa ni Urias kay David, at ito ay nagkasakit.

16 Kaya't nagmakaawa si David sa Diyos para sa bata; at si David ay nag-ayuno at pumasok at humiga sa lupa buong magdamag.

17 Ang matatanda sa kanyang bahay ay tumatayo sa tabi niya upang itindig siya sa lupa; ngunit ayaw niya, ni hindi siya kumain ng tinapay na kasalo nila.

18 Nang ikapitong araw, ang bata ay namatay. Natakot ang mga lingkod ni David na sabihin sa kanya na ang bata ay patay na; sapagkat kanilang sinabi, “Samantalang ang bata ay buháy pa, tayo ay nakipag-usap sa kanya, at hindi siya nakinig sa atin; kaya't paano natin sasabihin sa kanya na ang bata ay patay na? Baka saktan niya ang kanyang sarili.”

19 Ngunit nang makita ni David na ang kanyang mga lingkod ay nagbubulung-bulungan, nahiwatigan ni David na ang bata ay patay na. Kaya't itinanong ni David sa kanyang mga lingkod, “Patay na ba ang bata?” At kanilang sinabi, “Siya'y patay na.”

20 Nang magkagayo'y bumangon si David sa lupa at naligo, nagbuhos at nagbihis ng kanyang damit; at siya'y pumunta sa bahay ng Panginoon at sumamba. Pagkatapos ay pumunta siya sa kanyang sariling bahay; at nang siya'y humingi, kanilang hinainan siya ng pagkain at siya'y kumain.

21 Sinabi sa kanya ng kanyang mga lingkod, “Anong bagay ito na iyong ginawa? Ikaw ay nag-ayuno at umiyak dahil sa bata nang siya'y buháy pa; ngunit nang mamatay ang bata, ikaw ay bumangon at kumain ng tinapay.”

22 At kanyang sinabi, “Nang ang bata'y buháy pa, ako'y nag-ayuno at umiyak, sapagkat aking sinabi, ‘Sino ang nakakaalam kung maaawa sa akin ang Panginoon, upang ang bata'y mabuhay?’

23 Ngunit ngayo'y patay na siya; bakit pa ako mag-aayuno? Maibabalik ko pa ba siya? Ako'y pupunta sa kanya, ngunit siya'y hindi babalik sa akin.”

Ipinanganak si Solomon

24 At inaliw ni David si Batseba na kanyang asawa, lumapit siya sa kanya, at sumiping sa kanya. Siya'y nanganak ng isang lalaki, at tinawag niya ang kanyang pangalan na Solomon. Minahal siya ng Panginoon;

25 at nagpadala ng mensahe sa pamamagitan ni Natan na propeta; kaya't tinawag niya ang kanyang pangalan na Jedidiah,[b] dahil sa Panginoon.

Nasakop ni David ang Rabba(C)

26 Noon ay nakipaglaban si Joab sa Rabba ng mga Ammonita at sinakop ang pangunahing lunsod.

27 Nagpadala si Joab ng mga sugo kay David, at nagsabi, “Ako'y nakipaglaban sa Rabba, bukod dito, aking sinakop ang lunsod ng tubig.

28 Ngayo'y tipunin mo ang nalabi sa bayan, at humimpil ka laban sa lunsod, at sakupin mo; baka sakupin ko ang lunsod at tawagin ito ayon sa aking pangalan.”

29 Tinipon ni David ang buong bayan at pumunta sa Rabba, at lumaban doon at sinakop ito.

30 Kinuha niya ang korona ng kanilang hari sa kanyang ulo; ang bigat niyon ay isang talentong ginto, at sa mga iyon ay may mahahalagang bato; at ipinutong iyon sa ulo ni David. Siya'y naglabas ng napakaraming samsam sa lunsod.

31 At kanyang inilabas ang mga taong naroon, at pinagawa sa pamamagitan ng mga lagari, mga suyod na bakal, mga palakol na bakal, at sa mga lutuan ng laryo. Gayon ang ginawa niya sa lahat ng mga bayan ng mga Ammonita. Pagkatapos, si David at ang buong bayan ay bumalik sa Jerusalem.

Footnotes

  1. 2 Samuel 12:14 o sa pamamagitan ng gawang ito'y nilapastangan mo ang Panginoon .
  2. 2 Samuel 12:25 o minamahal ng Panginoon .