Add parallel Print Page Options
'2 Samuel 10 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang kaniyang pahatid kay Hanun.

10 At nangyari pagkatapos nito, (A)na ang hari (B)ng mga anak ni Ammon ay namatay, at si Hanun na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

At sinabi ni David, Aking (C)pagpapakitaan ng kagandahang loob si Hanun na anak ni Naas, na gaya ng pagpapakita ng kagandahang loob ng kaniyang ama sa akin. Sa gayo'y nagsugo si David sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod upang aliwin siya tungkol sa kaniyang ama. At nagsiparoon ang mga lingkod ni David sa lupain ng mga anak ni Ammon.

Nguni't sinabi ng mga prinsipe ng mga anak ni Ammon kay Hanun na kanilang panginoon, Inakala mo bang pinararangalan ni David ang iyong ama, kaya't siya'y nagsugo ng mga tagaaliw sa iyo? hindi ba nagsugo si David ng kaniyang mga bataan sa iyo upang kilalanin ang bayan, at upang tiktikan, at upang daigin?

Sa gayo'y kinuha ni Hanun ang mga lingkod ni David, at inahit ang kalahati ng kanilang balbas, at pinutol ang kanilang mga suot sa gitna, sa kanilang pigi, at pinayaon.

Nang kanilang saysayin kay David, siya'y nagsugo upang salubungin sila; sapagka't ang mga lalake ay totoong nangapahiya. At sinabi ng hari, Mangaghintay kayo sa Jerico hanggang sa tumubo ang inyong balbas, at kung magkagayo'y mangagbalik kayo.

Tinalo ni David ang magkakampi na Ammon at Siria.

At nang makita ng mga anak ni Ammon na sila'y naging nakapopoot kay David, ang mga anak ni Ammon ay nangagsugo, at inupahan ang mga taga (D)Siria sa Beth-rehob, at ang mga taga Siria sa Soba, na dalawang pung libong naglalakad, at ang hari sa (E)Maaca na may isang libong lalake, at ang mga lalaking taga Tob na labing dalawang libong lalake.

At nang mabalitaan ni David, kaniyang sinugo si Joab at ang buong hukbo ng (F)makapangyarihang mga lalake.

At ang mga anak ni Ammon ay nagsilabas at nagsihanay ng pakikipagbaka sa pasukan sa pintuang-bayan: at ang mga taga Siria sa Soba, at sa Rehob, at ang mga lalaking taga Tob at mga taga Maaca, ay nangabubukod sa parang.

Nang makita nga ni Joab na ang pagbabaka ay nauumang laban sa kaniyang harapan at likuran, siya'y pumili ng lahat na mga hirang na lalake sa Israel, at ipinaghahanay niya laban sa mga taga Siria:

10 At ang nalabi sa bayan ay kaniyang ibinigay sa kamay ni Abisai na kaniyang kapatid, at kaniyang ipinaghahanay laban sa mga anak ni Ammon.

11 At kaniyang sinabi, Kung ang mga taga Siria ay maging malakas kay sa akin, iyo ngang tutulungan ako: nguni't kung ang mga anak ni Ammon ay maging malakas kay sa iyo, ay paparoon nga ako at tutulungan kita.

12 Magpakatapang ka, at tayo'y magpakalalake para sa (G)ating bayan, at sa mga bayan ng ating Dios: at (H)gawin nawa ng Panginoon ang inaakala niyang mabuti.

13 Sa gayo'y nagsilapit si Joab at ang bayan na kasama niya sa pakikipagbaka laban sa mga taga Siria: at sila'y nagsitakas sa harap niya.

14 At nang makita ng mga anak ni Ammon na ang mga taga Siria ay nagsitakas, sila naman ay nagsitakas sa harap ni (I)Abisai, at nagsipasok sa bayan. Ngayo'y bumalik si Joab na mula sa mga anak ni Ammon, at naparoon sa Jerusalem.

15 At nang makita ng mga taga Siria na sila'y nasasahol sa harap ng Israel, sila'y nagpipisan.

16 At nagsugo si (J)Hadadezer at dinala ang mga taga Siria na nangaroon sa dako pa roon ng Ilog; at sila'y nagsiparoon sa Helam, na kasama ni Sobach na puno ng hukbo ni Hadadezer sa kanilang unahan.

17 At nasaysay kay David, at kaniyang pinisan ang buong Israel, at tumawid sa Jordan, at naparoon sa Helam. At ang mga taga Siria ay nagsihanay laban kay David, at nagsilaban sa kaniya.

18 At ang mga taga Siria ay nagsitakas sa harap ng Israel; at pumatay si David sa mga taga Siria ng mga tao ng pitong daang karo, at apat na pung libo na (K)nangangabayo, at sinaktan si Sobach na kapitan sa kanilang hukbo, na anopa't namatay roon.

19 At nang makita ng lahat na hari na mga lingkod ni Hadadezer na sila'y nasahol sa harap ng Israel, ay nangakipagpayapaan sa Israel (L)at nangaglingkod sa kanila. Sa gayo'y nangatakot ang mga taga Siria na magsitulong pa sa mga anak ni Ammon.

Tinalo ni David ang mga Ammonita(A)

10 Mga ilang panahon pa ang lumipas, namatay si Nahash, ang hari ng mga Ammonita. Pinalitan siya ng anak niyang si Hanun bilang hari. Sinabi ni David, “Magpapakita ako ng kabutihan kay Hanun dahil naging mabuti ang kanyang ama sa akin.” Kaya nagpadala si David ng mga opisyal para ipakita ang pakikiramay niya kay Hanun sa pagkamatay ng ama nito.

Pero pagdating ng mga opisyal ni David sa lupain ng mga Ammonita, sinabi ng mga opisyal ng mga Ammonita kay Hanun na kanilang hari, “Sa tingin nʼyo ba pinahahalagahan ni David ang inyong ama sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga tauhan para makiramay sa kalungkutan nʼyo? Hindi! Ipinadala niya ang mga taong iyan para manmanan lang ang lungsod natin at wasakin.” Kaya ipinadakip ni Hanun ang mga opisyal ni David, inahit ang kalahati ng kanilang balbas, at ginupit ang mga damit nila mula baywang pababa at pagkatapos ay pinauwi sila.

Talagang hiyang-hiya silang umuwi dahil sa kanilang itsura. At nang mabalitaan ni David ang nangyari, nagsugo siya ng mga mensahero para sabihin sa mga opisyal niya na manatili muna sila sa Jerico hanggang sa tumubo na ang mga balbas nila. Pagkatapos, maaari na silang bumalik.

Napag-isip-isip ng mga Ammonita na ginalit nila si David, kaya umupa sila ng 20,000 sundalong Arameo[a] mula sa Bet Rehob at Zoba, 1,000 sundalo mula sa hari ng Maaca, at 12,000 sundalo mula sa Tob. Nang marinig ito ni David, ipinadala niya si Joab at ang lahat ng sundalo niya sa pakikipaglaban. Pumwesto ang mga Ammonita sa bungad ng kanilang lungsod, habang ang mga Arameo naman na galing sa Rehob at Zoba at ang mga sundalong galing sa Tob at Maaca ay naroon sa kapatagan.

Nang makita ni Joab na may mga kalaban sa harap nila at likuran, pumili siya ng pinakamahuhusay na sundalo ng Israel, at pinamunuan niya ang mga ito sa pakikipaglaban sa mga Arameo. 10 Si Abishai naman na kanyang kapatid ang pinamuno niya sa mga natitirang sundalo sa pakikipaglaban sa mga Ammonita. 11 Sinabi ni Joab kay Abishai, “Kapag nakita mo na parang natatalo kami ng mga Arameo, tulungan nʼyo kami, pero kapag kayo ang parang natatalo ng mga Ammonita, tutulungan namin kayo. 12 Magpakatatag tayo at buong tapang na makipaglaban para sa ating mga mamamayan at mga lungsod ng ating Dios. Gagawin ng Panginoon kung ano ang mabuti para sa kanya.” 13 Sumalakay sina Joab at ang mga tauhan niya sa mga Arameo, at nagsitakas ang mga Arameo sa kanila. 14 Nang makita ng mga Ammonita na tumatakas ang mga Arameo, tumakas din sila palayo kay Abishai at pumasok sa lungsod nila. Pagkatapos, umuwi sina Joab sa Jerusalem mula sa pakikipaglaban sa mga Ammonita.

15 Nang mapansin ng mga Arameo na natatalo sila ng mga Israelita, muli silang nagtipon. 16 Tinulungan sila ng ibang mga Arameo na ipinatawag ni Hadadezer mula sa kabila ng Ilog ng Eufrates. Pumunta sila sa Helam sa pamumuno ni Shobac na kumander ng mga sundalo ni Hadadezer.

17 Nang malaman ito ni David, tinipon niya ang lahat ng sundalo ng Israel, tumawid sila sa Ilog ng Jordan at pumunta sa Helam. Naghanda ang mga Arameo para harapin si David, at nakipaglaban sila sa kanya. 18 Pero muling tumakas ang mga Arameo sa mga Israelita. Napatay nina David ang 700 mangangarwahe at 40,000 mangangabayo.[b] Napatay din nila si Shobac, ang kumander ng mga sundalo. 19 Nang makita ng mga haring kaanib ng mga Arameo, na sakop ni Hadadezer, na natalo sila ng mga Israelita, nakipagkasundo sila sa mga Israelita at nagpasakop sa kanila. Kaya mula noon natakot nang tumulong ang mga Arameo sa mga Ammonita.

Footnotes

  1. 10:6 Arameo; o, Syrian.
  2. 10:18 mangangabayo: Itoʼy batay sa Hebreo. Sa ibang kopyang Griego (at sa 1 Cro. 19:18), mga sundalong naglalakad.