Add parallel Print Page Options

Mga Huwad na Propeta

Ngunit noo'y may lumitaw ring mga huwad na propeta sa gitna ng sambayanan, kung paanong sa gitna ninyo'y lilitaw din ang mga bulaang guro. Palihim silang magpapasok ng mga maling aral na makapipinsala sa inyong pananampalataya. Itatakwil nila pati na ang Panginoong tumubos sa kanila, kaya't ito ang magdadala sa kanila ng mabilis na pagkapuksa. At marami ang susunod sa kanilang mga gawang mahahalay, at dahil sa mga ito ay hahamakin ang daan ng katotohanan. Sa kanilang kasakiman, pagsasamantalahan nila kayo sa pamamagitan ng mga pakunwaring salita. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila at hindi natutulog ang kapahamakang darating sa kanila.

Maging ang mga anghel na nagkasala ay hindi pinaligtas ng Diyos; itinapon niya sila sa impiyerno,[a] kung saan sila'y iginapos sa kadiliman at doon paghihintayin hanggang paghuhukom. Maging (A) ang masasamang tao noong unang panahon ay hindi niya pinaligtas. Ginunaw niya ang unang daigdig sa pamamagitan ng baha at wala siyang iniligtas maliban kay Noe na tagapangaral ng katuwiran, at ang pito niyang kasama. Pinarusahan (B) din ng Diyos at tinupok ang mga lungsod ng Sodoma at Gomorra at ginawang halimbawa ng kasasapitan ng mga masama. Ngunit (C) iniligtas ng Diyos ang matuwid na si Lot, isang taong lubhang nabagabag dahil sa mahahalay na pamumuhay ng masasama noon. Naghirap ang kalooban ng taong ito dahil sa kasamaang araw-araw niyang nasaksihan at napakinggan habang siya'y nakatira doon. Halimbawa ang mga ito na alam ng Panginoon kung paano niya ililigtas mula sa mga pagsubok ang mga tapat sa kanya, at kung paano ilalaan ang masasama sa parusa hanggang araw ng paghuhukom, 10 lalung-lalo na ang mga sumusunod sa masasamang pagnanasa ng likas na pagkatao at humahamak sa maykapangyarihan.

Sila'y pangahas, matitigas ang ulo, at hindi natatakot na lapastanganin ang mga maluwalhating nilalang sa kalangitan. 11 Samantalang ang mga anghel na higit na malakas at makapangyarihan ay hindi nanlait sa kanilang paghaharap sa Panginoon ng sakdal laban sa kanila. 12 Subalit ang mga taong ito'y lumalait sa mga bagay na hindi naman nila nauunawaan. Para silang mga hayop na walang bait at nagpapadala lamang sa kanilang mabangis na simbuyo. Kaya kung paanong isinilang upang hulihin at patayin ang mga ganitong hayop, ang mga taong ito'y papatayin din. 13 Pagbabayaran nila ang ginawa nilang kasamaan sa iba. Hindi na sila nahihiyang magpakasawa sa kamunduhan araw-araw. Nakikisalo sila sa inyong mga handaan, ngunit puro kasiraan at kahihiyan ang kanilang ginagawa. Ikinatutuwa pa nila ang kanilang panlilinlang. 14 Ang mga mata nila'y punung-puno ng pangangalunya at walang kabusugan sa pagkakasala. Inaakit pa nila na magkasala ang mga mahihina. Sanay na sanay ang kanilang puso sa kasakiman. Mga anak na isinumpa! 15 Iniwan (D) nila ang daang matuwid at sila'y naligaw. Sinundan nila ang daan ng anak ni Beor[b] na si Balaam na umibig sa bayad ng masama. 16 Ngunit siya'y sinaway ng isang asno sa kanyang kamalian, isang hayop na hindi makapagsalita, ngunit nagsalita na parang tao upang siya'y pigilan sa kanyang kahibangan.

17 Ang katulad ng mga taong ito'y mga bukal na walang tubig at mga ulap na itinataboy ng malalakas na hangin. Matinding kadiliman ang naghihintay sa kanila. 18 Mga kayabangang walang kabuluhan ang lumalabas sa kanilang bibig, at pinupukaw nila ang masasamang pagnanasa upang akitin pabalik sa kahalayan ang mga taong bahagya pa lang lumalayo sa mga taong namumuhay sa pandaraya. 19 Nangangako sila ng kalayaan sa mga hinihikayat nila gayong sila mismo'y mga alipin ng kabulukan, sapagkat alipin ang sinuman ng anumang nananaig sa kanya. 20 Kung ang mga nakatakas na sa karumihan ng sanlibutan dahil sa kanilang pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo ay muling maakit at nagpadaig sa kasamaan, mas masahol pa sa dati ang magiging kalagayan nila. 21 Mas mabuti pang hindi nila nalaman ang daan ng katuwiran, kaysa matapos nila itong makilala ay talikdan nila ang banal na utos na ibinigay sa kanila. 22 Angkop (E) na angkop sa kanila ang kawikaang, “Bumabalik ang aso sa kanyang sariling suka,” at, “Mas nais ng baboy ang maglublob sa putik kahit nahugasan na.”

Footnotes

  1. 2 Pedro 2:4 Sa Griyego, Tartaro.
  2. 2 Pedro 2:15 Sa Griyego, Buzor.