2 Mga Hari 8:25-29
Ang Biblia, 2001
Si Haring Ahazias ng Juda(A)
25 Nang ikalabindalawang taon ni Joram na anak ni Ahab, na hari ng Israel, nagsimulang maghari si Ahazias na anak ni Jehoram na hari sa Juda.
26 Si Ahazias ay dalawampu't dalawang taong gulang nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Atalia na apo ni Omri na hari ng Israel.
27 Siya'y lumakad din sa landas ng sambahayan ni Ahab, at gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, sapagkat siya'y manugang sa sambahayan ni Ahab.
28 Siya'y sumama kay Joram na anak ni Ahab upang makipagdigma laban kay Hazael na hari ng Siria sa Ramot-gilead, na doon ay sinugatan ng mga taga-Siria si Joram.
29 Si Haring Joram ay bumalik sa Jezreel upang magpagaling sa kanyang mga sugat na likha ng mga taga-Siria sa Rama nang siya'y lumaban kay Hazael na hari ng Siria. Si Ahazias na anak ni Jehoram, na hari ng Juda ay lumusong upang tingnan si Joram na anak ni Ahab sa Jezreel, sapagkat siya'y sugatan.
Read full chapter
2 Mga Hari 9:21-28
Ang Biblia, 2001
21 Sinabi ni Joram, “Maghanda kayo.” At kanilang inihanda ang kanyang karwahe. Si Joram na hari ng Israel at si Ahazias na hari ng Juda ay nagsilabas, bawat isa sa kanyang karwahe, at sila'y umalis upang salubungin si Jehu, at nasalubong siya sa lupang pag-aari ni Nabat na Jezreelita.
22 Nang makita ni Joram si Jehu, ay kanyang sinabi, “Kapayapaan ba, Jehu?” At siya'y sumagot, “Paanong magkakaroon ng kapayapaan, habang ang mga pakikiapid at mga pangkukulam ng iyong inang si Jezebel ay napakarami?”
23 Kaya't pumihit si Joram at tumakas, na sinasabi kay Ahazias, “Pagtataksil, O Ahazias!”
24 Binunot ni Jehu ng kanyang buong lakas ang pana at pinana si Joram sa pagitan ng kanyang mga balikat. Ang pana ay tumagos sa kanyang puso, at siya'y nabuwal sa kanyang karwahe.
25 Sinabi ni Jehu kay Bidkar na kanyang punong-kawal, “Buhatin mo siya at ihagis sa lupang pag-aari ni Nabat na Jezreelita. Sapagkat naaalala ko, nang ako't ikaw ay nakasakay na magkasama na kasunod ni Ahab na kanyang ama, kung paanong binigkas ng Panginoon ang salitang ito laban sa kanya:
26 ‘Kung(A) paanong tunay na aking nakita kahapon ang dugo ni Nabat, at ang dugo ng kanyang mga anak, sabi ng Panginoon, pagbabayarin kita sa lupang ito.’ Ngayon nga'y buhatin mo siya at ihagis mo sa lupa, ayon sa salita ng Panginoon.”
Napatay si Haring Ahazias ng Juda
27 Ngunit nang makita ito ni Ahazias na hari ng Juda, siya'y tumakas patungo sa Bet-hagan. At siya'y hinabol ni Jehu, at sinabi, “Panain mo rin siya;” at pinana nila siya sa karwahe sa ahunan sa Gur na malapit sa Ibleam. At siya'y tumakas patungo sa Megido, at namatay roon.
28 Dinala siya ng kanyang mga lingkod sa isang karwahe patungo sa Jerusalem, at inilibing siya sa kanyang libingan na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David.
Read full chapter