2 Mga Hari 7
Ang Biblia (1978)
Hinulaan ni Eliseo ang kasaganaan.
7 At sinabi ni Eliseo, Dinggin ninyo ang salita ng Panginoon, ganito ang sabi ng Panginoon: Bukas sa may ganitong oras, ang isang takal ng mainam na harina ay maipagbibili ng isang siklo, at ang (A)dalawang takal ng sebada ay ng dalawang siklo, sa pintuang-bayan ng Samaria.
2 Nang magkagayo'y (B)ang punong kawal na pinangangapitan ng hari ay sumagot sa lalake ng Dios, at nagsabi, Narito, kung ang Panginoo'y gagawa (C)ng mga dungawan sa langit, mangyayari ba ito? At kaniyang sinabi, Narito, makikita mo yaon ng iyong mga mata, nguni't hindi ka kakain niyaon.
Apat na ketongin na nagsiwalat ng pagtakas ng taga Siria.
3 Mayroon ngang apat na may ketong sa (D)pasukan ng pintuang-bayan: at sila'y nagsangusapan. Bakit nauupo tayo rito hanggang sa tayo'y mamatay?
4 Kung ating sabihin, Tayo'y magsisipasok sa bayan, ang kagutom nga'y nasa bayan, at tayo'y mamamatay roon: at kung tayo'y magsisitigil ng pagkaupo rito, tayo'y mamamatay rin. Ngayon nga'y halina, at tayo'y lumapit sa hukbo ng mga taga Siria: kung tayo'y iligtas nilang buháy, tayo'y mabubuhay; at kung tayo'y patayin nila, mamamatay lamang tayo.
5 At sila'y nagsitindig (E)pagtatakip silim, upang magsiparoon sa kampamento ng mga taga Siria: at nang sila'y magsidating sa pinakamalapit na bahagi ng kampamento ng mga taga Siria, narito, walang tao roon.
6 Sapagka't (F)ipinarinig ng Panginoon sa hukbo ng mga taga Siria ang hugong ng mga karo, at ang huni ng mga kabayo, sa makatuwid baga'y ang hugong ng malaking hukbo: at sila'y nagsangusapan. Narito, inupahan ng hari ng Israel laban sa atin ang mga hari ng (G)mga Hetheo, at ang mga hari ng mga taga Egipto, upang magsidaluhong sa atin.
7 Kaya't sila'y nagsitindig, at nagsitakas sa pagtatakip silim, at iniwan ang kanilang mga tolda, at ang kanilang mga kabayo, at ang kanilang mga asno, at ang buong kampamento, na gaya ng dati, at nagsitakas dahil sa kanilang buhay.
8 At nang ang mga may ketong na ito'y magsidating sa pinakamalapit na bahagi ng kampamento, sila'y nagsipasok sa isang tolda, at nagsikain at nagsiinom, at nagsipagdala mula roon ng pilak, at ng ginto, at ng bihisan, at nagsiyaon at itinago; at sila'y bumalik, at pumasok sa ibang tolda, at nagdala rin mula roon, at nagsiyaon at itinago.
9 Nang magkagayo'y nagsangusapan sila. Hindi mabuti ang ginagawa natin: ang araw na ito ay araw ng mabubuting balita, at tayo'y tumatahimik: kung tayo'y magsipaghintay ng hanggang sa pagliliwayway sa kinaumagahan, parusa ang aabot sa atin: ngayon nga'y halina, tayo'y magsiyaon at ating saysayin sa sangbahayan ng hari.
10 Sa gayo'y nagsiparoon sila, at nagsitawag sa tagatanod-pinto ng bayan: at kanilang isinaysay sa kanila, na sinasabi, Kami ay nagsiparoon sa kampamento ng mga taga Siria, at, narito, walang lalake roon ni tinig man ng lalake, kundi mga nakataling kabayo, at mga asnong nangakatali, at ang mga tolda na gaya ng dati.
11 At tinawag niya ang mga tagatanod-pinto; at kanilang sinaysay sa sangbahayan ng hari sa loob.
12 At ang hari ay bumangon sa gabi, at nagsabi sa kaniyang mga lingkod, Ipakikita ko sa inyo ngayon kung ano ang ginawa ng mga taga Siria sa atin. Kanilang talastas na tayo'y gutom; kaya't sila'y nagsilabas ng kampamento upang magsipangubli sa parang, na nagsasabi, Pagka sila'y nagsilabas sa bayan, ating kukunin silang buháy at papasok tayo sa bayan.
13 At isa sa kaniyang mga lingkod ay sumagot, at nagsabi, Isinasamo ko sa inyo na kunin ng ilan ang lima sa mga kabayong nalabi, na natira sa bayan (narito, sila'y gaya ng buong karamihan ng Israel na natira roon; narito, sila'y gaya ng buong karamihan ng Israel na nalipol:) at tayo'y magsugo at ating tingnan.
14 Sila nga'y nagsikuha ng dalawang karo na may mga kabayo; at ang hari ay nagsugo na pinasundan ang hukbo ng mga taga Siria, na nagsabi, Kayo ay yumaon at tingnan ninyo.
15 At kanilang sinundan sila hanggang sa Jordan; at, narito, ang buong daa'y puno ng mga kasuutan at ng mga kasangkapan na mga inihagis ng mga taga Siria sa kanilang pagmamadali. At ang mga sugo ay nagsibalik at nagsaysay sa hari.
16 At ang bayan ay lumabas, at sinamsaman ang kampamento ng mga taga Siria. Sa gayo'y ang takal ng mainam na harina ay naipagbili ng isang siklo, at ang dalawang (H)takal ng sebada ay isang siklo, ayon sa salita ng Panginoon.
17 At inihabilin ng hari (I)sa punong kawal na pinangangapitan niya, ang katungkulan sa pintuang-bayan: at niyapakan siya ng bayan sa pintuang-bayan, at siya'y namatay na gaya ng sinabi ng lalake ng Dios, (J)na nagsalita nang lusungin siya ng hari.
18 At nangyari, gaya ng sinabi ng lalake ng Dios sa hari, na sinasabi, Ang dalawang takal ng sebada ay maipagbibili isang siklo, at ang isang takal ng mainam na harina ay isang siklo, mangyayari bukas sa may ganitong oras sa pintuang-bayan ng Samaria;
19 At ang punong kawal na yaon ay sumagot sa lalake ng Dios, at nagsabi, Ngayon, narito, kung ang Panginoon ay gagawa ng mga dungawan sa langit, mangyayari ba ang gayong bagay? At kaniyang sinabi, (K)Narito, makikita mo yaon ng iyong mga mata, nguni't hindi ka kakain niyaon:
20 Nangyari ngang gayon sa kaniya; sapagka't niyapakan siya ng bayan sa pintuang-bayan, at siya'y namatay.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978