2 Mga Hari 19
Magandang Balita Biblia
Sumangguni si Ezequias kay Isaias(A)
19 Nang marinig ni Ezequias ang ipinapasabi ni Haring Senaquerib ng Asiria, pinunit niya ang kanyang kasuotan. Nagsuot siya ng damit-sako at pumasok sa Templo. 2 Pinagsuot din niya ng damit-sako si Eliakim na tagapamahala sa palasyo, ang kalihim niyang si Sebna at ang matatandang pari at pinapunta kay propeta Isaias na anak ni Amoz. 3 Ipinasabi niya, “Ngayon ay araw ng kahirapan, kaparusahan at kahihiyan. Para tayong mga batang dapat nang isilang ngunit hindi mailabas sapagkat ang ina nito'y wala nang lakas. 4 Narinig sana ng Diyos mong si Yahweh ang lahat ng sinabi ng opisyal na sinugo ni Haring Senaquerib ng Asiria upang laitin ang Diyos na buháy. Parusahan nawa ni Yahweh na iyong Diyos ang mga lumait sa kanya. Kaya, ipanalangin mo ang mga nalalabi pa sa bayan ng Diyos.”
5 Pagdating ng mga inutusan ng hari, 6 sinabi ni Isaias sa mga ito, “Sabihin ninyo sa inyong hari na ipinapasabi ni Yahweh na huwag siyang matakot sa mga panlalait ng hari ng Asiria. 7 Magpapadala si Yahweh ng masamang balita sa hari ng Asiria at ito'y babalik sa kanyang lupain at doon na siya ipapapatay ni Yahweh.”
Muling Nagbanta ang Hari ng Asiria(B)
8 Umuwi na ang opisyal ng Asiria nang mabalitaan niya na umalis na sa Laquis ang hari ng Asiria. Nang siya'y makabalik, nadatnan niya na sinasalakay nito ang Libna. 9 Dumating noon ang balita sa hari ng Asiria na sila'y lulusubin ni Haring Tirhaka ng Etiopia kaya nagsugo siya uli kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: 10 “Huwag mo nang dayain ang iyong sarili na sa pamamagitan ng pananalig mo sa iyong Diyos ay maliligtas ang Jerusalem sa kamay ng hari ng Asiria. 11 Alam mo naman kung paano natalo ng mga naunang hari ng Asiria ang ibang lupain. Hindi ka rin makakaligtas sa akin. 12 Nailigtas ba ng kanilang mga diyos ang Gozan, ang Haran, ang Rezef at ang mga taga-Eden sa Telasar na tinalo ng aking mga ninuno? 13 Nasaan ang mga hari ng Hamat, Arpad, Sefarvaim, Hena o Iva?”
14 Binasa ni Ezequias ang sulat na ibinigay sa kanya ng mga sugo ni Senaquerib. Pagkatapos, pumasok siya sa Templo at inilatag ang sulat sa harapan ni Yahweh. 15 Nanalangin(C) si Ezequias ng ganito: “Yahweh, Diyos ng Israel na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin. Kayo lamang ang Diyos sa lahat ng kaharian sa ibabaw ng lupa. Kayo ang lumikha ng langit at lupa. 16 Pakinggan po ninyo ako, Yahweh. Narinig ninyo ang pag-alipusta ni Senaquerib sa inyo, Diyos na buháy. 17 Alam po namin, Yahweh, na marami nang bansang winasak ang mga hari ng Asiria. 18 Nagawa nilang sunugin ang mga diyos ng mga bansang iyon sapagkat hindi naman talagang Diyos ang mga iyon kundi mga kahoy at batong inanyuan ng mga tao. 19 Kaya ngayon, Yahweh, iligtas po ninyo kami kay Senaquerib para malaman ng buong daigdig na kayo lamang ang kaisa-isang Diyos.”
Ang Mensahe ni Isaias para kay Haring Ezequias(D)
20 Nagpadala ng sugo si Isaias kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: “Ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na narinig niya ang panalangin mo tungkol sa hari ng Asiria. 21 Ito naman ang sinasabi ni Yahweh tungkol kay Senaquerib:
‘Pinagtatawanan ka, Senaquerib, ng anak ng Zion;
kinukutya ka at nililibak!
Inaalipusta ka ng lunsod ng Jerusalem.
22 “‘Sino ba ang iyong nilalait at pinagtatawanan,
at hinahamak ng iyong pagsigaw?
Hindi mo na ako iginalang,
ang Banal na Diyos ng Israel!
23 Ang paghamak mo kay Yahweh ay ipinahayag ng iyong mga sugo.
Ang ipinagmamalaki mo'y maraming karwahe,
na kayang akyatin ang matataas na bundok ng Lebanon.
Pinagpuputol mo ang malalaking sedar
at mga piling sipres doon;
napasok mo rin ang liblib na lugar,
makapal na gubat ay iyong ginalugad.
24 Humukay ka ng maraming balon,
tubig ng dayuhan ay iyong ininom.
Ang lahat ng batis sa bansang Egipto
ay pawang natuyo nang matapakan mo.
25 “‘Tila hindi mo pa nababalitaan
ang aking balak noon pa mang araw?
Ang lahat ng iyon ngayo'y nagaganap
matitibay na lunsod na napapaligiran ng pader,
napabagsak mong lahat at ngayo'y bunton ng pagkawasak.
26 Ang mga nakatira sa mga nasabing bayan,
pawang napahiya at ang lakas ay naparam.
Ang kanilang katulad at kabagay
ay halamang lanta na sumusupling pa lamang,
natuyong damo sa ibabaw ng bubong.
27 “‘Lahat ng ginagawa mo'y aking nalalaman,
ang pinagmulan mo at patutunguhan.
Hindi na rin lingid ang iyong isipan,
alam kong sa akin ika'y nasusuklam.
28 Dahil sa matinding poot mo sa akin,
at kahambugan mong sa aki'y di lihim,
ang ilong mong iya'y aking tatalian
at ang iyong bibig, aking bubusalan,
ibabalik kita sa iyong pinagmulan.’”
29 Sinabi ni Isaias, “Haring Ezequias, ito ay magiging isang palatandaan para sa iyo: Sa taóng ito, ang kakainin mo'y bunga ng mga supling ng pinag-anihan. At sa susunod na taon ay mga bunga rin noon. Ngunit sa ikatlong taon, maghasik kayo at mag-ani, magtanim ng ubas at kainin ang mga bunga niyon. 30 At ang mga natirang buháy sa sambahayan ni Juda, ay muling dadami, mag-uugat at mamumunga nang sagana. 31 May makakaligtas sa Jerusalem, may matitirang buháy sa Zion. Sapagkat ito ang gustong mangyari ni Yahweh.”
32 Ito naman ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa hari ng Asiria: “Hindi siya makakapasok sa lunsod na ito ni makakatudla kahit isang palaso. Hindi niya ito malulusob ni mapapaligiran. 33 Kung paano siya dumating, ganoon din siya aalis. Hindi niya masasakop ang lunsod na ito. 34 Ipagtatanggol ko at ililigtas ang lunsod na ito alang-alang sa aking karangalan at alang-alang sa aking pangako kay David na aking lingkod.”
35 Nang gabing iyon, pinasok ng anghel ni Yahweh ang kampo ng mga taga-Asiria at 185,000 kawal ang pinatay nito. Kinabukasan, nang bumangon ang mga hindi napatay, nakita nilang naghambalang ang mga bangkay. 36 Kaya nagmamadaling umuwi sa Nineve si Haring Senaquerib.
37 Minsan, nang si Senaquerib ay nananalangin sa templo ng diyos niyang si Nisroc, pinatay siya sa pamamagitan ng tabak ng dalawa niyang anak na sina Adramelec at Sarezer. Pagkatapos, nagtago ang mga ito sa lupain ng Ararat. At si Ezarhadon ang humalili sa kanyang amang si Haring Senaquerib.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.