2 Mga Hari 18
Ang Biblia, 2001
Si Haring Hezekias ng Juda(A)
18 Nang ikatlong taon ni Hosheas na anak ni Ela na hari ng Israel, si Hezekias na anak ni Ahaz na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.
2 Siya ay dalawampu't limang taon nang magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Abi na anak ni Zacarias.
3 Siya'y gumawa ng matuwid sa paningin[a] ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ni David na kanyang ninuno.
4 Kanyang(B) inalis ang matataas na dako, winasak ang mga haligi, at ibinagsak ang mga sagradong poste.[b] Kanyang pinagputul-putol ang ahas na tanso na ginawa ni Moises, sapagkat hanggang sa mga araw na iyon ay pinagsusunugan ito ng insenso ng mga anak ni Israel; ito ay tinawag na Nehustan.
5 Siya'y nagtiwala sa Panginoong Diyos ng Israel at walang naging gaya niya sa lahat ng mga hari ng Juda pagkatapos niya o maging sa mga nauna sa kanya.
6 Sapagkat siya'y humawak nang mahigpit sa Panginoon; siya'y hindi humiwalay sa pagsunod sa kanya, kundi iningatan ang kanyang mga utos na iniutos ng Panginoon kay Moises.
7 Ang Panginoon ay kasama niya; saanman siya magtungo ay nagtatagumpay siya. Siya'y naghimagsik laban sa hari ng Asiria, at ayaw niyang maglingkod sa kanya.
8 Kanyang nilusob ang mga Filisteo hanggang sa Gaza at sa mga nasasakupan nito, mula sa muog-bantayan hanggang sa lunsod na may kuta.
9 Nang ikaapat na taon ni Haring Hezekias, na siyang ikapitong taon ni Hosheas na anak ni Ela na hari ng Israel, si Shalmaneser na hari ng Asiria ay umahon laban sa Samaria at kinubkob niya iyon,
10 at sa katapusan ng tatlong taon ay kanilang sinakop iyon. Nang ikaanim na taon ni Hezekias, na siyang ikasiyam na taon ni Hosheas na hari ng Israel, ang Samaria ay sinakop.
11 Dinala ng hari ng Asiria ang mga Israelita sa Asiria, at inilagay sila sa Hala, at sa Habor, ang ilog ng Gozan, at sa mga lunsod ng mga Medo,
12 sapagkat hindi nila sinunod ang tinig ng Panginoon nilang Diyos, kundi kanilang nilabag ang kanyang tipan, maging ang lahat ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon. Hindi sila nakinig ni sumunod.
Pinagbantaan ng Taga-Asiria ang Jerusalem(C)
13 Nang ikalabing-apat na taon ni Haring Hezekias, si Senakerib na hari ng Asiria ay umahon laban sa lahat ng bayang nakukutaan ng Juda at sinakop ang mga iyon.
14 Si Hezekias na hari ng Juda ay nagsugo sa hari ng Asiria sa Lakish, na nagsasabi, “Ako'y nagkamali; iwan mo ako. Anumang ipataw mo sa akin ay aking papasanin.” At pinatawan ng hari ng Asiria si Hezekias na hari ng Juda ng tatlongdaang talentong pilak at tatlumpung talentong ginto.
15 Ibinigay ni Hezekias sa kanya ang lahat ng pilak na natagpuan sa bahay ng Panginoon, at sa kabang-yaman ng bahay ng hari.
16 Nang panahong yaon ay inalis ni Hezekias ang ginto mula sa mga pintuan ng templo ng Panginoon at mula sa mga haligi na binalutan ni Hezekias na hari ng Juda at ibinigay ito sa hari ng Asiria.
17 Isinugo ng hari ng Asiria ang Tartan, ang Rabsaris, at ang Rabsake na may malaking hukbo mula sa Lakish patungo kay Haring Hezekias sa Jerusalem. At sila'y umahon at nakarating sa Jerusalem. Nang sila'y makarating, sila'y pumasok at tumayo sa tabi ng daluyan ng tubig ng mataas na tipunan ng tubig na nasa lansangan patungo sa Parang na Bilaran.
18 Nang matawag na nila ang hari, lumabas sa kanila si Eliakim na anak ni Hilkias, na siyang katiwala ng bahay, at si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaf na tagapagtala.
19 At sinabi ng Rabsake sa kanila, “Sabihin ninyo kay Hezekias, ‘Ganito ang sabi ng dakilang hari, ang hari ng Asiria: Sa ano ninyo ibinabatay ang pagtitiwala ninyong ito?
20 Iyong sinasabi (ngunit mga salitang walang kabuluhan lamang) may payo at kalakasan sa pakikidigma. Ngayon, kanino ka nagtitiwala, na ikaw ay maghimagsik laban sa akin?
21 Narito ngayon, ikaw ay umaasa sa Ehipto, sa baling tungkod na iyon na tutusok sa kamay ng sinumang taong sasandal doon. Gayon si Faraon na hari ng Ehipto sa lahat ng umaasa sa kanya.
22 Ngunit kung inyong sasabihin sa akin, “Kami ay umaasa sa Panginoon naming Diyos,” hindi ba siya yaong inalisan ni Hezekias ng matataas na dako at ng mga dambana, na sinasabi sa Juda at Jerusalem, “Kayo'y sasamba sa dambanang ito sa Jerusalem?”
23 Halika ngayon, makipagpustahan ka sa aking panginoong hari ng Asiria. Bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung makakaya mong lagyan ng mga mangangabayo ang mga iyon.
24 Paano mo maitataboy ang isang punong-kawal mula sa pinakamahina sa mga lingkod ng aking panginoon, samantalang umaasa ka sa Ehipto para sa mga karwahe at mga mangangabayo?
25 Bukod dito, ako ba'y umahon na hindi ko kasama ang Panginoon laban sa lugar na ito upang ito'y wasakin? Sinabi ng Panginoon sa akin, Umahon ka laban sa lupaing ito, at wasakin mo ito.’”
26 Nang magkagayo'y sinabi ni Eliakim na anak ni Hilkias, at nina Sebna at Joah sa Rabsake, “Hinihiling ko sa iyo, magsalita ka sa iyong mga lingkod sa wikang Aramaico sapagkat naiintindihan namin iyon. Huwag kang magsalita sa amin sa wikang Juda, sa mga pandinig ng taong-bayan na nasa pader.”
27 Ngunit sinabi ng Rabsake sa kanila, “Sinugo ba ako ng aking panginoon upang sabihin ang mga salitang ito sa iyong panginoon at sa inyo, at hindi sa mga lalaking nakaupo sa pader na nakatadhanang kasama ninyo na kumain ng kanilang sariling dumi at uminom ng kanilang sariling ihi?”
28 Pagkatapos ay tumayo ang Rabsake at sumigaw ng malakas sa wikang Juda, “Pakinggan ninyo ang salita ng dakilang hari, ang hari ng Asiria!”
29 Ganito ang sabi ng hari, “Huwag kayong padaya kay Hezekias, sapagkat kayo'y hindi niya maililigtas sa aking kamay.
30 Huwag ninyong hayaang pagtiwalain kayo ni Hezekias sa Panginoon sa pagsasabing, ‘Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon, at ang lunsod na ito ay hindi ibibigay sa kamay ng hari ng Asiria.’
31 Huwag kayong makinig kay Hezekias, sapagkat ganito ang sabi ng hari ng Asiria, ‘Makipagpayapaan kayo sa akin at lumabas kayo sa akin; at ang bawat isa sa inyo ay kakain mula sa kanyang sariling puno ng ubas, at ang bawat isa mula sa kanyang sariling puno ng igos, at ang bawat isa sa inyo ay iinom ng tubig sa kanyang sariling balon;
32 hanggang sa ako'y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, isang lupain ng trigo at ng alak, isang lupain ng tinapay at ng mga ubasan, isang lupain ng langis na olibo at ng pulot, upang kayo'y mabuhay at hindi mamatay. At huwag kayong makinig kay Hezekias kapag kayo'y ililigaw niya sa pagsasabing, Ililigtas tayo ng Panginoon.
33 Mayroon na bang sinuman sa mga diyos ng mga bansa na nakapagligtas ng lupain niya sa kamay ng hari ng Asiria?
34 Nasaan ang mga diyos ng Hamat at Arpad? Nasaan ang mga diyos ng Sefarvaim, Hena at Iva? Nailigtas ba nila ang Samaria sa aking kamay?
35 Sino sa lahat ng mga diyos ng mga lupain ang nakapagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na anupa't ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?’”
36 Ngunit ang bayan ay tahimik, at hindi siya sinagot ng kahit isang salita, sapagkat ang utos ng hari ay, “Huwag ninyo siyang sagutin.”
37 Nang magkagayon, si Eliakim na anak ni Hilkias, na katiwala ng sambahayan, si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaf, ang tagapagtala, ay pumunta kay Hezekias na punit ang kanilang suot at sinabi sa kanya ang mga salita ng Rabsake.
Footnotes
- 2 Mga Hari 18:3 Sa Hebreo ay mga mata .
- 2 Mga Hari 18:4 Sa Hebreo ay Ashera .
2 Hari 18
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Paghahari ni Hezekia sa Juda(A)
18 Naging hari ng Juda ang anak ni Ahaz na si Hezekia nang ikatlong taon ng paghahari ng anak ni Elah na si Hoshea sa Israel. 2 Si Hezekia ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 29 na taon. Ang ina niya ay si Abijah na anak ni Zacarias. 3 Matuwid ang ginawa ni Hezekia sa paningin ng Panginoon, tulad ng ginawa ng ninuno niyang si David. 4 Ipinatanggal niya ang mga sambahan sa matataas na lugar, ipinadurog ang mga alaalang bato at ipinagiba ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. Ipinadurog din niya ang tansong ahas na ginawa ni Moises, dahil mula noong nagsunog dito ng insenso si Moises ay sinamba na ito ng mga mamamayan ng Israel. Tinawag na Nehushtan ang tansong ahas.
5 Nagtiwala si Hezekia sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Walang naging hari sa Juda na katulad niya, kahit ang mga nauna o mga sumunod pa sa kanya. 6 Nanatili siyang tapat sa Panginoon at hindi siya tumalikod sa kanya. Sinunod niya ang mga utos na ibinigay ng Panginoon kay Moises. 7 Sumakanya ang Panginoon kaya nagtagumpay siya sa lahat ng ginawa niya. Nagrebelde siya sa hari ng Asiria at hindi niya ito pinaglingkuran. 8 Nasakop ni Hezekia ang Filistia hanggang sa Gaza at mga hangganan nito, mula sa mga bantayang tore hanggang sa napapaderang lungsod.
9 Nang ikaapat na taon ng paghahari ni Hezekia, na siyang ikapitong taon ng paghahari ni Hoshea sa Israel, lumusob si Haring Shalmanaser ng Asiria sa Israel at sinimulang paligiran ang bayan ng Samaria. 10 Pagkalipas ng tatlong taon, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Hezekia at ikasiyam na taong paghahari ni Hoshea, nasakop ng Asiria ang Samaria. 11 Dinala ng hari ng Asiria ang mga Israelita sa Asiria at pinatira sila sa lungsod ng Hala, sa mga lugar na malapit sa Ilog ng Habor sa Gozan at sa mga bayan ng Media. 12 Nangyari ito sa mga taga-Israel dahil hindi sila sumunod sa Panginoon na kanilang Dios. Nilabag nila ang kanyang kasunduan at hindi sumunod sa lahat ng utos na ibinigay ng Panginoon sa pamamagitan ng lingkod niyang si Moises. Hindi nila pinakinggan o sinunod ang mga utos nito.
Nilusob ng Asiria ang Juda(B)
13 Nang ika-14 na taon ng paghahari ni Hezekia, nilusob ni Haring Senakerib ng Asiria ang lahat ng napapaderang lungsod ng Juda at sinakop ito. 14 Kaya nagpadala ng mensahe si Haring Hezekia sa hari ng Asiria sa Lakish: “Nagkasala ako sa pagrerebelde ko sa iyo. Ibibigay ko ang kahit anong hihilingin mo, basta umalis ka lang dito sa amin.” Kaya pinagbayad ng hari ng Asiria si Haring Hezekia ng mga sampung toneladang pilak at isang toneladang ginto. 15 Ibinigay ni Hezekia ang lahat ng pilak na nasa templo ng Panginoon at ang nasa kabang-yaman ng palasyo. 16 Ipinatanggal ni Hezekia pati na ang mga ginto na nakabalot sa mga pintuan at hamba[a] ng templo ng Panginoon at ibinigay niyang lahat sa hari ng Asiria.
17 Ipinadala ng hari ng Asiria ang pinuno ng mga kumander, mga punong opisyal, at ang kumander ng mga sundalo niya. Kasama nila ang napakaraming sundalo mula sa Lakish para harapin si Haring Hezekia sa Jerusalem. Tumigil sila malapit sa may daluyan ng tubig na nasa itaas ng lugar na pinag-iimbakan ng tubig kung saan naglalaba ang mga tao. 18 Ipinatawag nila si Haring Hezekia, pero ang pinapunta ng hari ay sina Eliakim na anak ni Hilkia, na namamahala ng palasyo, Shebna na kalihim at Joa na anak ni Asaf, na namamahala ng mga kasulatan sa kaharian. 19 Sinabi sa kanila ng kumander ng mga sundalo, “Sabihin nʼyo kay Hezekia na ito ang sinasabi ng makapangyarihang hari ng Asiria:
“ ‘Ano ba ang ipinagmamalaki mo? 20 Sinasabi mong maabilidad at malakas ang mga sundalo mo, pero walang kabuluhan ang mga sinasabi mo. Sino ba ang ipinagmamalaki mo at nagrerebelde ka sa akin? 21 Ang Egipto ba? Ang bansang ito at ang hari nito ay parang nabaling tungkod na nakakasugat sa kamay kapag ginamit mo. 22 Maaari ninyong sabihin na nagtitiwala kayo sa Panginoon na inyong Dios, pero hindi baʼt ikaw din Hezekia ang nagpagiba ng mga sambahan niya sa matataas na lugar pati ng mga altar nito. At sinabi mo pa sa mga nakatira sa Jerusalem at mga lungsod ng Juda na sumamba sila sa nag-iisang altar doon sa Jerusalem?’
23 “Ngayon inaalok ka ng aking amo, ang hari ng Asiria. Bibigyan ka namin ng 2,000 kabayo kung may 2,000 ka ring mangangabayo! 24 Hindi ka mananalo kahit sa pinakamababang opisyal ng aking amo. Bakit Umaasa ka lang naman sa Egipto na bibigyan ka nito ng mga karwahe at mangangabayo. 25 Iniisip mo bang hindi ako inutusan ng Panginoon na pumunta rito? Ang Panginoon mismo ang nag-utos sa akin na lusubin at lipulin ang bansang ito.”
26 Sinabi nina Eliakim, Shebna at Joa sa kumander ng mga sundalo, “Pakiusap, kausapin mo kami sa wikang Aramico, dahil naiintindihan din namin ang wikang ito. Huwag mong gamitin ang wikang Hebreo dahil maririnig ka ng mga taong nasa mga pader ng lungsod.” 27 Pero sumagot ang kumander, “Inutusan ako ng aking amo na ipaalam ang mga bagay na ito hindi lang sa inyo at sa inyong hari kundi sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem. Magugutom at mauuhaw kayong lahat kapag nilusob namin kayo. Kaya kakainin ninyo ang inyong mga dumi at iinumin ninyo ang inyong mga ihi.”
28 Pagkatapos, tumayo ang kumander at sumigaw sa wikang Hebreo, “Pakinggan ninyo ang mensahe ng makapangyarihang hari ng Asiria! 29 Ito ang sinabi niya: Huwag kayong magpaloko kay Hezekia. Hindi niya kayo maililigtas mula sa mga kamay ko! 30 Huwag kayong maniwala sa kanya na magtiwala sa Panginoon kapag sinabi niya, ‘Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon; hindi ipapaubaya ang lungsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria.’
31 “Huwag kayong makinig kay Hezekia! Ito ang ipinapasabi ng hari ng Asiria: Huwag na kayong lumaban sa akin; sumuko na lang kayo! Papayagan ko kayong kainin ang bunga ng inyong mga ubasan at mga puno ng igos at inumin ang tubig sa sarili ninyong mga balon, 32 hanggang sa dumating ako at dadalhin ko kayo sa lupaing katulad din ng inyong lupain na may mga ubasan na magbibigay sa inyo ng bagong katas ng ubas at may mga trigo na magagawa ninyong tinapay, at mayroon ding mga punong olibo at mga pulot. Piliin ninyo ang mabuhay kaysa ang mamatay. Huwag ninyong pakinggan si Hezekia! Inililigaw lang niya kayo kapag sinasabi niyang, ‘Ililigtas tayo ng Panginoon!’ 33 May mga dios ba sa ibang bansa na nailigtas ang kanilang bayan mula sa kamay ng hari ng Asiria? 34 May nagawa ba ang mga dios ng Hamat, Arpad, Sefarvaim, Hena, at Iva? Nailigtas ba nila ang Samaria mula sa mga kamay ko? 35 Alin sa mga dios ng mga bansang ito ang nakapagligtas sa kanilang bansa laban sa akin? Kaya papaano maililigtas ng Panginoon ang Jerusalem mula sa mga kamay ko?” 36 Hindi sumagot ang mga tao dahil inutusan sila ni Haring Hezekia na huwag sumagot. 37 Pagkatapos, pinunit nina Eliakim, Shebna, at Joa ang damit nila sa sobrang kalungkutan. Bumalik sila kay Hezekia at ipinaalam ang lahat ng sinabi ng kumander ng mga sundalo.
Footnotes
- 18:16 hamba: sa Ingles, “doorpost.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
