Add parallel Print Page Options

18 Nangyari nga, nang ikatlong taon ni Oseas na anak ni Ela na hari sa Israel, na si Ezechias na anak ni Achaz na hari sa Juda ay nagpasimulang maghari.

May dalawangpu't limang taon siya nang magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawangpu't siyam na taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Abi na anak ni Zacharias.

At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ni David na kaniyang magulang.

Kaniyang inalis ang mga mataas na dako, at sinira ang mga haligi, at ibinagsak ang mga Asera: at kaniyang pinagputolputol ang ahas na tanso na ginawa ni Moises; sapagka't hanggang sa mga araw na yaon ay pinagsusunugan ng kamangyan ng mga anak ni Israel; at pinanganlang Nehustan.

Siya'y tumiwala sa Panginoon, na Dios ng Israel; na anopa't nang mamatay siya ay walang naging gaya niya sa lahat ng hari sa Juda, o sa nangauna man sa kaniya.

Sapagka't siya'y lumakip sa Panginoon; siya'y hindi humiwalay ng pagsunod sa kaniya, kundi iningatan ang kaniyang mga utos na iniutos ng Panginoon kay Moises.

At ang Panginoon ay sumasa kaniya; saan man siya lumabas ay gumiginhawa siya; at siya'y nanghimagsik laban sa hari sa Asiria, at hindi niya pinaglingkuran.

Kaniyang sinaktan ang mga Filisteo hanggang sa Gaza, at ang mga hangganan niyaon, mula sa moog ng bantay hanggang sa bayang nakukutaan.

At nangyari, nang ikaapat na taon ng haring Ezechias, na siyang ikapitong taon ni Oseas na anak ni Ela na hari sa Israel, na si Salmanasar na hari sa Asiria ay umahon laban sa Samaria, at kinubkob niya.

10 At sa katapusan ng tatlong taon ay kanilang sinakop: sa makatuwid baga'y nang ikaanim na taon ni Ezechias, na siyang ikasiyam na taon ni Oseas na hari sa Israel, ang Samaria ay sinakop.

11 At dinala ng hari sa Asiria ang Israel sa Asiria, at inilagay sa Hala, at sa Habor, sa ilog ng Gozan, at sa mga bayan ng mga Medo:

12 Sapagka't hindi nila sinunod ang tinig ng Panginoon nilang Dios, kundi kanilang sinalangsang ang kaniyang tipan, ang lahat na iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon, at hindi dininig o ginawa man.

13 Nang ikalabing apat na taon nga ng haring Ezechias ay umahon si Sennacherib na hari sa Asiria laban sa lahat na bayang nakukutaan ng Juda, at pinagsakop.

14 At si Ezechias na hari sa Juda ay nagsugo sa hari sa Asiria sa Lachis, na nagsasabi, Ako'y nagkasala; talikdan mo ako: ang iyong ipabayad sa akin ay aking babayaran. At siningil ng hari sa Asiria si Ezechias na hari sa Juda ng tatlong daang talentong pilak at tatlong pung talentong ginto.

15 At ibinigay ni Ezechias ang lahat na pilak na nasumpungan sa bahay ng Panginoon, at sa mga kayamanan ng bahay ng hari.

16 Nang panahong yaon ay inihiwalay ni Ezechias ang ginto sa mga pintuan ng templo ng Panginoon, at sa mga haligi na binalutan ni Ezechias na hari sa Juda, at ibinigay sa hari sa Asiria.

17 At sinugo ng hari sa Asiria si Thartan at si Rab-saris, at si Rabsaces, sa haring kay Ezechias na mula sa Lachis na may malaking hukbo sa Jerusalem. At sila'y nagsiahon at nagsiparoon sa Jerusalem. At nang sila'y mangakaahon, sila'y nagsiparoon at nagsitayo sa tabi ng padaluyan ng tubig ng mataas na tipunan ng tubig na nasa lansangan sa parang ng tagapagpaputi ng kayo.

18 At nang matawag na nila ang hari, ay nilabas sila ni Eliacim na anak ni Hilcias, na siyang katiwala ng bahay, at ni Sebna na kalihim, at ni Joah na anak ni Asaph na kasangguni.

19 At sinabi ni Rabsaces sa kanila, Sabihin ninyo ngayon kay Ezechias, Ganito ang sabi ng dakilang hari, ng hari sa Asiria, Anong pagasa ito sa iyong tinitiwalaan?

20 Iyong sinasabi (nguni't mga salitang walang kabuluhan lamang) May payo at kalakasan sa pakikipagdigma. Ngayon, kanino ka tumitiwala, na ikaw ay nanghimagsik laban sa akin?

21 Ngayon, narito, ikaw ay tumitiwala sa tungkod na ito na kahoy na lapok, sa makatuwid baga'y sa Egipto; na kung sinoman ay sumandal, ay tutuhog sa kaniyang kamay, at palalagpasan: gayon si Faraon na hari sa Egipto sa lahat na tumitiwala sa kaniya.

22 Nguni't kung inyong sabihin sa akin: Kami ay tumitiwala sa Panginoon naming Dios: hindi ba siya'y yaong inalisan ni Ezechias ng mga mataas na dako, at ng mga dambana, at nagsabi sa Juda at sa Jerusalem, Kayo'y magsisisamba sa harap ng dambanang ito sa Jerusalem?

23 Isinasamo ko nga ngayon sa iyo na magbigay ka ng mga sangla sa aking panginoon na hari sa Asiria, at bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung ikaw ay makapaglalagay sa ganang iyo ng mga mangangabayo sa mga yaon.

24 Paano ngang iyong mapapipihit ang mukha ng isang punong kawal sa pinaka mababa sa mga lingkod ng aking panginoon, at iyong ilalagak ang iyong tiwala sa Egipto dahil sa mga karo at sa mga mangangabayo?

25 Ako ba'y umahon na di ko kasama ang Panginoon laban sa dakong ito upang lipulin? Sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay umahon laban sa lupaing ito, at iyong lipulin.

26 Nang magkagayo'y sinabi ni Eliacim na anak ni Hilcias, at si Sebna, at ni Joah, kay Rabsaces. Isinasamo ko sa iyo na magsalita ka sa iyong mga lingkod ng wikang Siria; sapagka't aming naiintindihan yaon; at huwag kang magsalita sa amin ng wikang Judio, sa mga pakinig ng bayan na nasa kuta.

27 Nguni't sinabi ni Rabsaces sa kanila, Sinugo ba ako ng aking panginoon sa iyong panginoon, at sa iyo, upang salitain ang mga salitang ito? di ba niya ako sinugo sa mga lalake na nangakaupo sa kuta, upang magsikain ng kanilang sariling dumi, at upang magsiinom ng kanilang sariling ihi na kasalo ninyo?

28 Nang magkagayo'y si Rabsaces ay tumayo at sumigaw ng malakas sa wikang Judio, at nagsalita, na sinasabi, Dinggin ninyo ang salita ng dakilang hari, ng hari sa Asiria.

29 Ganito ang sabi ng hari, Huwag kayong dayain ni Ezechias; sapagka't hindi niya kayo maililigtas sa kaniyang kamay.

30 Ni patiwalain man kayo ni Ezechias sa Panginoon, na sabihin, Walang pagsalang ililigtas tayo ng Panginoon, at ang bayang ito ay hindi mabibigay sa kamay ng hari sa Asiria.

31 Huwag ninyong dinggin si Ezechias: sapagka't ganito ang sabi ng hari sa Asiria, Makipagpayapaan kayo sa akin, at labasin ninyo ako; at kumain ang bawa't isa sa inyo ng bunga ng kaniyang puno ng ubas, at ang bawa't isa ng bunga ng kaniyang puno ng igos, at uminom ang bawa't isa sa inyo ng tubig ng kaniyang sariling balon;

32 Hanggang sa ako'y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, na lupain ng trigo at ng alak, na lupain ng tinapay at ng mga ubasan, na lupain ng langis na olibo at ng pulot, upang kayo'y mangabuhay, at huwag mangamatay: at huwag ninyong dinggin si Ezechias, pagka kayo'y hinihikayat niya, na sinasabi, Ililigtas tayo ng Panginoon.

33 Nagligtas ba kailan man ang sinoman sa mga dios sa mga bansa ng kaniyang lupain sa kamay ng hari sa Asiria?

34 Saan nandoon ang mga dios ng Hamath, at ng Arphad? Saan nandoon ang mga dios ng Sepharvaim, ng Hena, at ng Hiva? Iniligtas ba nila ang Samaria sa aking kamay?

35 Sino sa kanila sa lahat na dios ng mga lupain, ang nagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?

36 Nguni't ang bayan ay tumahimik, at hindi sumagot ng kahit isang salita: sapagka't utos ng hari, na sinasabi, Huwag ninyong sagutin siya.

37 Nang magkagayo'y naparoon si Eliacim na anak ni Hilcias, na siyang katiwala sa sangbahayan, at si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaph na kasangguni, kay Ezechias na ang kanilang suot ay hapak, at isinaysay sa kaniya ang mga salita ni Rabsaces.

Ang Paghahari ni Hezekia sa Juda(A)

18 Naging hari ng Juda ang anak ni Ahaz na si Hezekia nang ikatlong taon ng paghahari ng anak ni Elah na si Hoshea sa Israel. Si Hezekia ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 29 na taon. Ang ina niya ay si Abijah na anak ni Zacarias. Matuwid ang ginawa ni Hezekia sa paningin ng Panginoon, tulad ng ginawa ng ninuno niyang si David. Ipinatanggal niya ang mga sambahan sa matataas na lugar, ipinadurog ang mga alaalang bato at ipinagiba ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. Ipinadurog din niya ang tansong ahas na ginawa ni Moises, dahil mula noong nagsunog dito ng insenso si Moises ay sinamba na ito ng mga mamamayan ng Israel. Tinawag na Nehushtan ang tansong ahas.

Nagtiwala si Hezekia sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Walang naging hari sa Juda na katulad niya, kahit ang mga nauna o mga sumunod pa sa kanya. Nanatili siyang tapat sa Panginoon at hindi siya tumalikod sa kanya. Sinunod niya ang mga utos na ibinigay ng Panginoon kay Moises. Sumakanya ang Panginoon kaya nagtagumpay siya sa lahat ng ginawa niya. Nagrebelde siya sa hari ng Asiria at hindi niya ito pinaglingkuran. Nasakop ni Hezekia ang Filistia hanggang sa Gaza at mga hangganan nito, mula sa mga bantayang tore hanggang sa napapaderang lungsod.

Nang ikaapat na taon ng paghahari ni Hezekia, na siyang ikapitong taon ng paghahari ni Hoshea sa Israel, lumusob si Haring Shalmanaser ng Asiria sa Israel at sinimulang paligiran ang bayan ng Samaria. 10 Pagkalipas ng tatlong taon, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Hezekia at ikasiyam na taong paghahari ni Hoshea, nasakop ng Asiria ang Samaria. 11 Dinala ng hari ng Asiria ang mga Israelita sa Asiria at pinatira sila sa lungsod ng Hala, sa mga lugar na malapit sa Ilog ng Habor sa Gozan at sa mga bayan ng Media. 12 Nangyari ito sa mga taga-Israel dahil hindi sila sumunod sa Panginoon na kanilang Dios. Nilabag nila ang kanyang kasunduan at hindi sumunod sa lahat ng utos na ibinigay ng Panginoon sa pamamagitan ng lingkod niyang si Moises. Hindi nila pinakinggan o sinunod ang mga utos nito.

Nilusob ng Asiria ang Juda(B)

13 Nang ika-14 na taon ng paghahari ni Hezekia, nilusob ni Haring Senakerib ng Asiria ang lahat ng napapaderang lungsod ng Juda at sinakop ito. 14 Kaya nagpadala ng mensahe si Haring Hezekia sa hari ng Asiria sa Lakish: “Nagkasala ako sa pagrerebelde ko sa iyo. Ibibigay ko ang kahit anong hihilingin mo, basta umalis ka lang dito sa amin.” Kaya pinagbayad ng hari ng Asiria si Haring Hezekia ng mga sampung toneladang pilak at isang toneladang ginto. 15 Ibinigay ni Hezekia ang lahat ng pilak na nasa templo ng Panginoon at ang nasa kabang-yaman ng palasyo. 16 Ipinatanggal ni Hezekia pati na ang mga ginto na nakabalot sa mga pintuan at hamba[a] ng templo ng Panginoon at ibinigay niyang lahat sa hari ng Asiria.

17 Ipinadala ng hari ng Asiria ang pinuno ng mga kumander, mga punong opisyal, at ang kumander ng mga sundalo niya. Kasama nila ang napakaraming sundalo mula sa Lakish para harapin si Haring Hezekia sa Jerusalem. Tumigil sila malapit sa may daluyan ng tubig na nasa itaas ng lugar na pinag-iimbakan ng tubig kung saan naglalaba ang mga tao. 18 Ipinatawag nila si Haring Hezekia, pero ang pinapunta ng hari ay sina Eliakim na anak ni Hilkia, na namamahala ng palasyo, Shebna na kalihim at Joa na anak ni Asaf, na namamahala ng mga kasulatan sa kaharian. 19 Sinabi sa kanila ng kumander ng mga sundalo, “Sabihin nʼyo kay Hezekia na ito ang sinasabi ng makapangyarihang hari ng Asiria:

“ ‘Ano ba ang ipinagmamalaki mo? 20 Sinasabi mong maabilidad at malakas ang mga sundalo mo, pero walang kabuluhan ang mga sinasabi mo. Sino ba ang ipinagmamalaki mo at nagrerebelde ka sa akin? 21 Ang Egipto ba? Ang bansang ito at ang hari nito ay parang nabaling tungkod na nakakasugat sa kamay kapag ginamit mo. 22 Maaari ninyong sabihin na nagtitiwala kayo sa Panginoon na inyong Dios, pero hindi baʼt ikaw din Hezekia ang nagpagiba ng mga sambahan niya sa matataas na lugar pati ng mga altar nito. At sinabi mo pa sa mga nakatira sa Jerusalem at mga lungsod ng Juda na sumamba sila sa nag-iisang altar doon sa Jerusalem?’

23 “Ngayon inaalok ka ng aking amo, ang hari ng Asiria. Bibigyan ka namin ng 2,000 kabayo kung may 2,000 ka ring mangangabayo! 24 Hindi ka mananalo kahit sa pinakamababang opisyal ng aking amo. Bakit Umaasa ka lang naman sa Egipto na bibigyan ka nito ng mga karwahe at mangangabayo. 25 Iniisip mo bang hindi ako inutusan ng Panginoon na pumunta rito? Ang Panginoon mismo ang nag-utos sa akin na lusubin at lipulin ang bansang ito.”

26 Sinabi nina Eliakim, Shebna at Joa sa kumander ng mga sundalo, “Pakiusap, kausapin mo kami sa wikang Aramico, dahil naiintindihan din namin ang wikang ito. Huwag mong gamitin ang wikang Hebreo dahil maririnig ka ng mga taong nasa mga pader ng lungsod.” 27 Pero sumagot ang kumander, “Inutusan ako ng aking amo na ipaalam ang mga bagay na ito hindi lang sa inyo at sa inyong hari kundi sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem. Magugutom at mauuhaw kayong lahat kapag nilusob namin kayo. Kaya kakainin ninyo ang inyong mga dumi at iinumin ninyo ang inyong mga ihi.”

28 Pagkatapos, tumayo ang kumander at sumigaw sa wikang Hebreo, “Pakinggan ninyo ang mensahe ng makapangyarihang hari ng Asiria! 29 Ito ang sinabi niya: Huwag kayong magpaloko kay Hezekia. Hindi niya kayo maililigtas mula sa mga kamay ko! 30 Huwag kayong maniwala sa kanya na magtiwala sa Panginoon kapag sinabi niya, ‘Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon; hindi ipapaubaya ang lungsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria.’

31 “Huwag kayong makinig kay Hezekia! Ito ang ipinapasabi ng hari ng Asiria: Huwag na kayong lumaban sa akin; sumuko na lang kayo! Papayagan ko kayong kainin ang bunga ng inyong mga ubasan at mga puno ng igos at inumin ang tubig sa sarili ninyong mga balon, 32 hanggang sa dumating ako at dadalhin ko kayo sa lupaing katulad din ng inyong lupain na may mga ubasan na magbibigay sa inyo ng bagong katas ng ubas at may mga trigo na magagawa ninyong tinapay, at mayroon ding mga punong olibo at mga pulot. Piliin ninyo ang mabuhay kaysa ang mamatay. Huwag ninyong pakinggan si Hezekia! Inililigaw lang niya kayo kapag sinasabi niyang, ‘Ililigtas tayo ng Panginoon!’ 33 May mga dios ba sa ibang bansa na nailigtas ang kanilang bayan mula sa kamay ng hari ng Asiria? 34 May nagawa ba ang mga dios ng Hamat, Arpad, Sefarvaim, Hena, at Iva? Nailigtas ba nila ang Samaria mula sa mga kamay ko? 35 Alin sa mga dios ng mga bansang ito ang nakapagligtas sa kanilang bansa laban sa akin? Kaya papaano maililigtas ng Panginoon ang Jerusalem mula sa mga kamay ko?” 36 Hindi sumagot ang mga tao dahil inutusan sila ni Haring Hezekia na huwag sumagot. 37 Pagkatapos, pinunit nina Eliakim, Shebna, at Joa ang damit nila sa sobrang kalungkutan. Bumalik sila kay Hezekia at ipinaalam ang lahat ng sinabi ng kumander ng mga sundalo.

Footnotes

  1. 18:16 hamba: sa Ingles, “doorpost.”
'2 Mga Hari 18 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.