2 Mga Hari 14
Ang Biblia, 2001
Si Haring Amasias ng Juda(A)
14 Nang ikalawang taon ni Joas na anak ni Jehoahaz na hari ng Israel, si Amasias na anak ni Joas na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.
2 Siya'y dalawampu't limang taon nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jehoaddin na taga-Jerusalem.
3 Siya'y gumawa ng matuwid sa paningin ng Panginoon, gayunman ay hindi gaya ni David na kanyang magulang; kanyang ginawa ang ayon sa lahat ng ginawa ni Joas na kanyang ama.
4 Ngunit ang matataas na dako ay hindi inalis; ang taong-bayan ay nagpatuloy na nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako.
5 Nang matatag na ang kaharian sa kanyang kamay, pinatay niya ang kanyang mga lingkod na pumatay sa kanyang amang hari.
6 Ngunit(B) hindi niya pinatay ang mga anak ng mga mamamatay-tao ayon sa nasusulat sa aklat ng kautusan ni Moises, gaya ng iniutos ng Panginoon, na sinasabi, “Ang mga ama ay hindi papatayin dahil sa mga anak, o ang mga anak man ay papatayin dahil sa mga ama; kundi ang bawat tao ay mamamatay dahil sa kanyang sariling kasalanan.”
7 Siya'y pumatay ng sampung libong Edomita sa Libis ng Asin, at sinakop ang Sela nang salakayin niya ito, at tinawag itong Jokteel, na siyang pangalan nito hanggang sa araw na ito.
8 Nang magkagayo'y nagpadala ng mga sugo si Amasias kay Jehoas na anak ni Jehoahaz na anak ni Jehu, na hari ng Israel, na sinasabi, “Halika, tayo'y magharap sa isa't isa.”
9 At si Jehoas na hari ng Israel ay nagpasabi kay Amasias na hari ng Juda, “Ang isang damo na nasa Lebanon ay nagpasabi ng ganito sa isang sedro na nasa Lebanon, na sinasabi, ‘Ibigay mo ang iyong anak na babae upang maging asawa ng aking anak;’ at dumaan ang isang mabangis na hayop ng Lebanon at tinapakan ang damo.
10 Tunay na sinaktan mo ang Edom, at pinapagmataas ka ng iyong puso. Masiyahan ka sa iyong kaluwalhatian, at manatili ka sa bahay; sapagkat bakit ka gagawa ng kaguluhan upang ikaw ay mabuwal, ikaw at ang Juda na kasama mo?”
11 Ngunit ayaw makinig ni Amasias. Kaya't umahon si Jehoas na hari ng Israel, siya at si Amasias na hari ng Juda ay nagharap sa labanan sa Bet-shemes na sakop ng Juda.
12 Ang Juda ay nagapi ng Israel; at bawat isa ay tumakas patungo sa kanya-kanyang tirahan.
13 Nabihag ni Jehoas na hari ng Israel si Amasias na hari ng Juda, na anak ni Jehoas na anak ni Ahazias, sa Bet-shemes, at dumating sa Jerusalem, at ibinagsak ang pader ng Jerusalem na may habang apatnaraang siko mula sa pintuang-bayan ng Efraim hanggang sa pintuang-bayan ng Panulukan.
14 Kanyang sinamsam ang lahat ng ginto at pilak, at ang lahat ng sisidlang matatagpuan sa bahay ng Panginoon at sa kabang-yaman ng bahay ng hari, pati ang mga bihag, at siya'y bumalik sa Samaria.
15 Ang iba sa mga gawa ni Jehoas na kanyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan, at kung paanong siya'y nakipaglaban kay Amasias na hari ng Juda, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga Hari ng Israel?
16 At natulog si Jehoas na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing sa Samaria na kasama ng mga hari sa Israel; at si Jeroboam na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Ang Pagkamatay ni Haring Amasias ng Juda(C)
17 Si Amasias na anak ni Joas, na hari ng Juda ay nabuhay pa ng labinlimang taon pagkamatay ni Jehoas na anak ni Jehoahaz na hari ng Israel.
18 Ang iba sa mga gawa ni Amasias, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[b] ng mga Hari ng Juda?
19 Sila'y nagsabwatan laban sa kanya sa Jerusalem, at siya'y tumakas patungong Lakish. Ngunit kanilang pinasundan siya sa Lakish at pinatay siya roon.
20 Kanilang dinala siya na sakay ng mga kabayo, at siya'y inilibing sa Jerusalem na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David.
21 Kinuha ng buong bayan ng Juda si Azarias na labing-anim na taong gulang, at ginawa siyang haring kapalit ng kanyang amang si Amasias.
22 Kanyang itinayo ang Elat at isinauli ito sa Juda, pagkatapos na ang hari ay matulog na kasama ng kanyang mga ninuno.
23 Nang ikalabinlimang taon ni Amasias na anak ni Joas na hari ng Juda, si Jeroboam na anak ni Joas, na hari ng Israel ay nagsimulang maghari sa Samaria, at siya'y naghari ng apatnapu't isang taon.
24 At gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon. Hindi niya tinalikdan ang lahat ng kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dito'y ibinunsod niya ang Israel sa pagkakasala.
25 Kanyang(D) ibinalik ang hangganan ng Israel mula sa pasukan ng Hamat hanggang sa dagat ng Araba, ayon sa salita ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si propeta Jonas na anak ni Amitai, na mula sa Gat-hefer.
26 Sapagkat nakita ng Panginoon na ang paghihirap ng Israel ay totoong masaklap, sapagkat walang naiwan, laya man o bihag, at walang tumulong sa Israel.
27 Ngunit hindi sinabi ng Panginoon na kanyang papawiin ang pangalan ng Israel mula sa silong ng langit, kaya't kanyang iniligtas sila sa pamamagitan ng kamay ni Jeroboam na anak ni Joas.
28 Ang iba sa mga gawa ni Jeroboam, at ang lahat ng kanyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan, kung paanong siya'y nakipagdigma, at kung paanong binawi niya para sa Israel ang Damasco at ang Hamath, na dating sakop ng Juda, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[c] ng mga Hari ng Israel?
29 At si Jeroboam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, ang mga hari ng Israel. At si Zacarias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Footnotes
- 2 Mga Hari 14:15 o Cronica .
- 2 Mga Hari 14:18 o Cronica .
- 2 Mga Hari 14:28 o Cronica .