2 Macabeo 2
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Itinago ni Jeremias ang Tolda
2 “Sa talaan ng kasaysayan ay mababasa na hindi lamang inutusan ni Propeta Jeremias ang mga dinalang-bihag na magdala ng apoy na nabanggit. 2 Itinuro din niya sa kanila ang Kautusan at pinaalalahanan sila na maaaring mailigaw ang kanilang isipan kapag nakita nila ang mga napapalamutiang mga rebultong pilak at ginto. 3 Sinabi niya na mag-ingat sila upang huwag mapalayo sa utos ng Diyos.
4 “Nakatala rin sa kasaysayang iyon na, dahil sa utos ng Diyos, ipinag-utos ng propeta na dalhin kasunod niya ang Toldang Tagpuan at ang Kaban ng Tipan. Pagkatapos, humiwalay siya at umakyat sa bundok na inakyat ni Moises upang matanaw ang lupang pangako. 5 Sa bundok ay nakakita si Jeremias ng isang yungib at doon niya dinala ang Tolda, ang Kaban ng Tipan at ang altar na sunugan ng insenso. Tinakpan niya ang yungib matapos maipasok ang mga dala niya.
6 “May ilan siyang kasamahan na nagtangkang sumunod sa kanya para tandaan ang landas na kanyang dinaanan, ngunit hindi nila matunton iyon. 7 Nalaman ni Jeremias ang kanilang ginawa at nagalit siya. Sinabi niya, ‘Ang pook na iyon ay hindi ninyo dapat malaman hanggang hindi natitipong muli ng Diyos ang kanyang mga lingkod at hanggang sila'y hindi niya kinahahabagan. 8 Kapag(A) sila'y natipon na, saka pa lamang niya iyon ipapaalam, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay makikita sa alapaap tulad sa kapanahunan ni Moises, at gaya din noong manalangin si Solomon at hilingin niyang dakilain at pabanalin ng Diyos ang dakong iyon.’
Ipinagdiwang ni Solomon ang Pista
9 “Nabanggit din sa kasaysayan na ang matalinong si Haring Solomon ay nag-alay ng handog nang maganap ang pagtatalaga sa nayaring templo. 10 Nakatala rin sa kasaysayan na pagkatapos niyang manalangin, bumabâ ang apoy mula sa langit at tinupok ang kanyang handog, tulad ng nangyari nang si Moises ay manalangin noong unang panahon. 11 Noo'y sinabi ni Moises, ‘Natupok ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan sapagkat hindi ito kinakain.’ 12 Walong araw ding ipinagdiwang ni Solomon ang Pista.
Ang Aklatan ni Nehemias
13 “Ang mga pangyayaring ito'y nababanggit din sa talaang bayan at sa pansariling talaan ni Nehemias. Nagtayo si Nehemias ng isang aklatan at doo'y tinipon niya ang mga aklat tungkol sa hari, at ang mga sinulat ng mga propeta at ni David; mayroon pang mga sulat buhat sa palasyo tungkol sa mga banal na handog. 14 Tinipon naman ni Judas ang mga aklat na nagkahiwa-hiwalay dahil sa digmaan, kaya mayroon tayo ngayong mga sipi ng mga iyon. 15 Magpadala lamang kayo ng kukuha, kung inyong kakailanganin ito.
Ang Pagdiriwang ng Pagdalisay ng Templo
16 “Malapit(B) na ang pagdiriwang ng pagdalisay sa Templo kaya kami'y sumulat sa inyo upang ipaalala na ipagdiwang din ninyo ito. 17 Ang Diyos ang nagligtas sa kanyang mga lingkod at siya rin ang nagbigay na muli sa atin ng lupaing banal, ng ating kaharian, ng paglilingkod sa kanya bilang pari, at ng pagsamba sa templo 18 ayon sa ipinangako niya sa kautusan. Tayo'y iniligtas niya sa napakalaking kapahamakan at kanyang pinadalisay ang banal na templo. Kaya nagtitiwala kami sa Diyos na siya'y mahahabag sa atin, at sa lalong madaling panahon ay titipunin sa kanyang dakong banal ang lahat niyang mga lingkod, saanman sila naroon.”
Pambungad na Pananalita ng May-akda
19 Ito ang kasaysayan ni Judas Macabeo at ng kanyang mga kapatid, na itinala ni Jason ng Cirene sa limang sulat. Kasama rin dito ang ulat tungkol sa pagdalisay sa templo, ang pagtatalaga ng altar, 20 ang pakikibaka laban kay Antioco Epifanes at sa anak nitong si Eupator, 21 at ang pangitain ng kalangitan na nakita ng mga bayaning nagtanggol sa pananampalatayang Judio. Totoong iilan nga sila, subalit naagaw nila sa mga kaaway ang buong lupain at napalayas nila ang mga Hentil. 22 Nabawi nila ang templong naging bantog sa daigdig. Sila rin ang nagpalaya sa lunsod ng Jerusalem at nagpaalala tungkol sa mga kautusang halos hindi na sinusunod. Hindi ipinagkait ng Panginoon ang kanyang tulong sa kanila.
23 Napakahaba ng kasaysayang ito na sinulat ni Jason sa kanyang limang aklat, ngunit sisikapin kong mailagay sa isa lamang aklat. 24 Ang sinumang naghahangad umunawa ng kasaysayang ito ay lubhang mahihirapan dahil sa napakaraming pangyayaring iniuulat. 25 Kaya't sisikapin kong ayusin upang hindi ito mahirap basahin, at para madaling sauluhin ng sinumang nais magsaulo nito. 26 Hindi magaang gampanan ang gawaing ito; nakakapagod ito at madalas kang puyat. 27 Katulad ko'y isang naghahanda ng malaking salu-salo na nais dulutan ng kasiyahan ang lahat. Ngunit sa ikasisiya ng madla, handa akong magtiis ng hirap. 28 Sa gagawin kong ito'y hindi ko sisikaping ilahad ang maliliit na sangkap ng salaysay ng unang sumulat, kundi iyon lamang buod ng mga pangyayari. 29 Ang arkitekto'y nag-uukol ng pansin sa buong gusali, subalit binibigyang-pansin lamang ng nagpapalamuti ang mga kailangang pagandahin. At ganito nga ang aking gagawin. 30 Ang mananalaysay ay nagsasaliksik at nagsisiyasat nang lubusan bago isulat ang kasaysayan. 31 Ngunit ang naglalahad lamang ng buod ng isang kasaysayan ay dapat bigyang laya na paikliin ang salaysay. 32 Ngayon nga'y magsisimula na ako. Sapat na ang pambungad na pananalitang ito, sapagkat hindi makatarungan na pahabain ang pasimula ng isang pinaikling kasaysayan.