2 Macabeo 11
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Nagapi ni Judas si Lisias(A)
11 Dahilan sa mga pangyayari, may isang labis na nagalit at nagtangkang maghiganti. Ito'y si Lisias, bantay at katiwala ng hari at pinuno ng pamahalaan. 2 Nagtipon siya ng isang malaking hukbo na binubuo ng 80,000 sundalo, at ng lahat niyang kawal na nakakabayo. Sinalakay niya ang mga Judio. Nais niyang makuha ang Jerusalem upang gawing kolonya ng Griego ang lunsod na ito. 3 Kung magkagayon, sisingilan niya ng buwis ang Templo gaya ng ginagawa niya sa mga banal na dako sa ibang bansang kanyang nasakop, at taun-taon ay ipagbibili niya ang tungkulin ng Pinakapunong Pari. 4 Tuwang-tuwa siya sa dami ng kanyang sundalo, sa libu-libong mangangabayo at walumpung elepante. Hindi na niya binigyang-halaga ang kapangyarihan ng Panginoon. 5 Sa pamamagitan ng hukbong ito'y nilusob niya ang Judea. Pagsapit sa Beth-sur, isang napapaderang lugar na dalawampung milya ang layo sa Jerusalem, sinimulan niya ang walang humpay na pagsalakay.
6 Nang mabalitaan ni Judas Macabeo at ng kanyang mga tauhan ang pagsalakay ni Lisias, sila at ang buong bayan ay lumuluhang nanalangin sa Panginoon na sana'y padalhan sila ng isang anghel na magliligtas sa Israel. 7 Si Judas Macabeo ang unang kumuha ng kanyang sandata upang lumaban; hinikayat niya ang iba na sumama sa kanya at isuong ang kanilang buhay sa panganib alang-alang sa mga kababayan. Kaya't masigla silang lumabas para harapin ang mga kaaway. 8 Hindi pa sila nakakalayo sa Jerusalem nang walang anu-ano'y may lumitaw sa unahan nila na isang mangangabayong nakaputi at may mga ginintuang sandata. 9 Sa nakitang ito, lahat sila'y nagpasalamat sa mahabaging Diyos. Lumakas ang kanilang loob; sa pakiramdam nila, hindi lamang tao kundi maging mababangis na hayop o tanggulan mang bakal ay kaya nilang harapin. 10 Sa tulong ng mahabaging Diyos na nagpadala ng tagapanguna mula sa kalangitan, ang hukbo ni Judas ay nakahanay na tumungo sa labanan. 11 Parang mga leon silang dumaluhong sa mga kaaway at 11,000 kawal bukod pa sa 1,600 kawal na nakakabayo ang napatay nila kaagad. Ang karamihan ay nagsitakas. 12 Sa mga nakatakas, marami ang sugatan at nasamsaman ng kanilang sandata. Maging si Lisias ay hiyang-hiyang tumakas upang iligtas ang sarili.
Nakipagkasundo ang mga Taga-Siria(B)
13 Palibhasa'y matalino, pinag-isipang mabuti ni Lisias ang kanyang pagkatalo at napag-isip-isip niyang mahirap talunin ang mga Judio sapagkat tinutulungan sila ng makapangyarihang Diyos. Kaya't nagpadala siya ng sulat sa mga Judio 14 para makipagkasundo. Nangako rin siyang gagawin ang lahat upang maging kaibigan ng mga Judio ang hari. 15 Sumang-ayon si Judas Macabeo sa lahat ng panukala ni Lisias sapagkat naisip niyang ito'y sa ikabubuti ng kanyang mga kababayan. Ipinagkaloob naman ng hari ang lahat ng kahilingan na ipinadala ni Judas kay Lisias.
Ang Sulat ni Lisias sa mga Judio
16 Ganito ang nilalaman ng sulat ni Lisias sa mga Judio:
“Bumabati si Lisias sa sambayanang Judio. 17 Ang inyong mga sugo na sina Juan at Absalom ay nagharap ng inyong nilagdaang liham at hiniling nilang sang-ayunan ko ang inyong mga kahilingan. 18 Lahat ng kahilingan para sa hari ay dinala ko sa kanya at ipinagkaloob niya ang mga bagay na nararapat. 19 Maging tapat lamang kayo sa pamahalaan, gagawin ko ang lahat alang-alang sa inyong kapakanan sa hinaharap. 20 Para lalong maging maliwanag, iniutos ko sa aking mga kinatawan na makipag-usap sa inyo at sa inyong mga sugo. 21 Hangad ko ang ikabubuti ninyo. Isinulat ngayon, ikadalawampu't apat na araw ng buwan ng Dioscorintio, taong 148.”
Ang Sulat ng Hari kay Lisias
22 Ganito naman ang sulat ng hari:
“Pagbati sa kapatid kong Lisias, mula kay Haring Antioco. 23 Ngayong patay na ang aking ama, at kasama na ng mga diyos, nais kong bigyang laya ang aking mga nasasakupan na mamahala sa kanilang sarili. 24 Alam kong ang mga Judio ay hindi nasisiyahan sa pamamalakad ng aking yumaong ama tungkol sa mga kaugaliang Griego na ipinipilit sa kanila. Nais nilang mamuhay ayon sa kanilang sariling kaugalian, at iyan ang kahilingan nila ngayon. 25 Nais kong mamuhay sila nang walang gumagambala, tulad ng iba kong nasasakupan, kaya't ibinabalik ko sa kanila ang Templo at pinahihintulutan kong mamuhay sila ayon sa kaugalian ng kanilang mga ninuno. 26 Magsugo ka ng mga kinatawan upang ipaalam sa kanila ito at patunayan ang hangad kong makipagkaibigan. Sa gayon, hindi na sila mababahala at magiging panatag na sila sa kanilang gawain.”
Ang Sulat ng Hari sa mga Judio
27 Ganito naman ang sulat ng hari sa mga mamamayang Judio:
“Pagbati buhat kay Haring Antioco, para sa pamahalaang Judio at sa buong mamamayan. 28 Nawa, kayo'y nasa mabuting kalagayan tulad namin. 29 Ibinalita ni Menelao na nais na raw ninyong bumalik sa sariling tahanan at mamuhay ayon sa inyong kaugalian. 30 Kung gayon, ang lahat ng gustong umuwi bago dumating ang ikatatlumpung araw ng buwan ng Xantico ay aming pinahihintulutan. 31 Masusunod na ninyo ang inyong mga tuntunin sa pagkain at iba pang kautusan. Walang sinumang Judiong paparusahan dahil sa pagkakasalang nagawa niya dahil sa hindi niya alam na ito'y pagkakasala. 32 Si Menelao mismo ang isinugo ko sa inyo para ipaliwanag ang tungkol dito. 33 Hangad ko ang inyong ikabubuti. Sinulat ngayon, ikalabing limang araw ng buwan ng Xantico, taong 148.”
Ang Sulat ng mga Taga-Roma sa mga Judio
34 Ang mga taga-Roma ay nagpadala rin ng liham sa mga Judio na ganito naman ang nilalaman:
“Pagbati sa mga Judio, mula kina Quinto Memmio at Tito Manio, mga kinatawan ng Roma. 35 Pinapagtibay namin ang anumang ipahihintulot sa inyo ni Lisias na kamag-anak ng hari. 36 Pag-aralan ninyo ang mga kahilingan ninyo na ipinadala ni Lisias sa hari. Matapos ninyong mapag-aralan, ipadala ninyo agad sa amin ang inyong kapasyahan upang aming maipaglaban ang inyong kapakanan, sapagkat kami ay pupunta sa Antioquia. 37 Kaya huwag na kayong mag-aksaya ng panahon. Magpadala agad kayo ng mga sugong magbabalita sa amin ng inyong kapasyahan. 38 Hangad namin ang inyong ikabubuti. Ikalabing limang araw ng buwan ng Xantico, taong 148.”