Add parallel Print Page Options

Dumami ang Langis ng Biyuda

May isang biyuda na ang asawa ay kaanib noon sa grupo ng mga propeta. Isang araw, humingi siya ng tulong kay Eliseo. Sinabi niya, “Patay na po ang asawa ko na inyong lingkod at alam nʼyo kung gaano niya iginagalang ang Panginoon. Ngayon, ang tao po na pinagkakautangan niya ay dumating para kunin ang dalawa naming anak na lalaki upang gawing alipin bilang kabayaran sa utang.” Sinabi sa kanya ni Eliseo, “Ano ang maitutulong ko sa iyo? Sabihin mo sa akin, ano ang mayroon sa bahay mo?” Sumagot ang babae, “Wala po, maliban lang sa kaunting langis sa lalagyan.” Sinabi ni Eliseo, “Puntahan mo ang lahat ng kapitbahay mo at manghiram ka ng maraming sisidlan. Pumasok kayo ng mga anak mo sa bahay nʼyo at isara nʼyo ang pinto. Ibuhos nʼyo ang langis sa lahat ng sisidlan. Itabi mo ang bawat sisidlan na mapupuno mo.”

Kaya ginawa ng babae ang iniutos ni Eliseo sa kanya, at isinara nila ang pinto ng bahay nila. Pagkatapos, dinala sa kanya ng mga anak niya ang mga sisidlan, at nilagyan niya ito ng langis. Nang mapuno na ang lahat ng sisidlan, sinabi niya sa isa sa kanyang mga anak, “Bigyan mo pa ako ng sisidlan.” Sumagot ang anak niya, “Wala na pong sisidlan.” At tumigil na ang pag-agos ng langis.

Pumunta ang babae kay Eliseo na lingkod ng Dios at sinabi niya ang nangyari sa kanya. Sinabi ni Eliseo sa kanya, “Umalis ka at ipagbili ang langis, at bayaran mo ang utang mo. May matitira ka pang sapat na pera para mabuhay kayo ng mga anak mo.”

Si Eliseo at ang Babaeng Taga-Shunem

Isang araw, pumunta si Eliseo sa Shunem. May mayamang babae roon na nag-imbita kay Eliseo na kumain. Simula noon, kapag dumaraan si Eliseo sa Shunem, dumadaan siya sa bahay ng babae at kumakain.

Ngayon, nagsabi ang babae sa asawa niya, “Nalalaman ko na isang banal na lingkod ng Dios ang taong ito na palaging dumadaan dito sa atin. 10 Igawa natin siya ng maliit na kwarto sa may bubungan, at lagyan natin ito ng higaan, mesa, upuan at ilawan, para kapag pupunta siya rito sa atin ay may matuluyan siya.”

11 Isang araw, nang pumunta si Eliseo sa Shunem, umakyat siya sa kwarto at nagpahinga. 12 Inutusan niya ang katulong niyang si Gehazi na tawagin ang babae. Kaya tinawag ni Gehazi ang babae. Pagdating ng babae, 13 sinabi ni Eliseo sa katulong niya, “Dahil sa mabuting pag-aaruga niya sa atin, tanungin mo siya kung ano ang magagawa natin para sa kanya. Gusto ba niyang kausapin ko ang hari o ang kumander ng mga sundalo para sa kanya?” Sumagot ang babae, “Hindi na po kailangan, mabuti naman po ang kalagayan ko kasama ng aking mga kababayan.” 14 Nagtanong si Eliseo kay Gehazi, “Ano kaya ang magagawa natin para sa kanya?” Sumagot si Gehazi, “Wala po siyang anak na lalaki at matanda na ang asawa niya.” 15 Sinabi ni Eliseo, “Tawagin mo siya ulit.” Kaya tinawag siya ni Gehazi at tumayo ang babae sa pintuan. 16 Sinabi ni Eliseo sa kanya, “Sa susunod na taon, sa ganito ring panahon, may kinakalong ka nang anak na lalaki.” Sumagot ang babae, “Huwag naman po sana ninyo akong paasahin. Lingkod po kayo ng Dios.”

17 At nagbuntis nga ang babae at nanganak ng lalaki sa ganoon ding panahon nang sumunod na taon, ayon sa sinabi ni Eliseo.

18 At lumaki na ang bata. Isang araw pumunta siya sa kanyang ama na nagtatrabaho sa bukid kasama ng mga gumagapas. 19 Sinabi niya sa kanyang ama, “Masakit po ang ulo ko! Masakit po ang ulo ko!” Sinabi ng kanyang ama sa utusan, “Dalhin mo siya sa kanyang ina!” 20 Dinala nga ng utusan ang bata sa kanyang ina. Kinalong ng ina ang bata hanggang tanghali at itoʼy namatay. 21 Iniakyat ng ina ang bangkay ng kanyang anak sa kwarto ni Eliseo at inilagay sa higaan nito. Pagkatapos, lumabas siya sa kwarto at isinara ang pinto.

22 Tinawag ng babae ang asawa niya at sinabi, “Padalhan mo ako ng isang utusan at isang asno para mabilis akong makapunta sa lingkod ng Panginoon at makabalik agad.” 23 Nagtanong ang asawa niya, “Bakit ngayon ka pupunta? Hindi naman Pista ng Pagsisimula ng Buwan[a] o Araw ng Pamamahinga?” Sumagot ang babae, “Ayos lang iyon.” 24 Kaya nilagyan niya ng upuan ang asno at sinabi sa utusan niya, “Bilisan mo! Huwag kang titigil hanggaʼt hindi ko sinasabi.”

25 Kaya umalis sila, at nakarating sa Bundok ng Carmel kung saan naroon ang lingkod ng Dios. Nang makita ni Eliseo sa malayo na paparating ang babae, sinabi niya sa katulong niyang si Gehazi, “Tingnan mo, nandiyan ang babae na taga-Shunem! 26 Tumakbo ka at salubungin siya. Kamustahin mo siya, ang kanyang asawa, at ang anak niya.” Sinabi ng babae kay Gehazi, “Mabuti naman ang lahat.”

27 Pero pagdating niya kay Eliseo sa bundok, lumuhod siya at hinawakan ang paa ni Eliseo. Lumapit si Gehazi para hilahin ang babae palayo. Pero sinabi ni Eliseo, “Hayaan mo siya! May dinaramdam siya, pero hindi sinabi sa akin ng Panginoon kung bakit.” 28 Sinabi ng babae, “Ginoo, hindi ako humingi sa inyo ng anak na lalaki, kayo mismo ang nagsabing magkakaanak ako. Sinabi ko pa nga sa inyo na huwag ninyo akong paasahin.”

29 Nang napagtanto ni Eliseo na may nangyari sa bata, sinabi niya kay Gehazi, “Maghanda ka sa pagpunta sa bahay niya. Dalhin mo ang tungkod ko at magmadali ka. Kung may makasalubong ka, huwag mong pansinin. Kung may babati sa iyo huwag mo nang sagutin. Pagdating mo, ilagay mo agad ang tungkod ko sa mukha ng bata.” 30 Pero sinabi ng ina ng bata kay Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon at sa inyo na hindi po ako uuwi kung hindi ko kayo kasama.” Kaya sumama sa kanya si Eliseo.

31 Nauna si Gehazi at inilagay niya ang tungkod sa mukha ng bata, pero hindi nagsalita o gumalaw ang bata. Kaya bumalik si Gehazi para salubungin si Eliseo at sinabi, “Hindi po nabuhay ang bata.”

32 Nang dumating si Eliseo sa bahay, nakita niya ang bata na nakahiga sa higaan niya. 33 Pumasok siya, isinara ang pintuan at nanalangin sa Panginoon. 34 Pagkatapos, dumapa siya sa bata, at inilapat ang bibig niya sa bibig ng bata, ang mata niya sa mata ng bata at ang kamay niya sa kamay nito. Habang nakadapa siya, unti-unting umiinit ang katawan ng bata. 35 Tumayo si Eliseo at nagpabalik-balik sa loob ng silid. Muli siyang dumapa sa bata. Sa pagkakataong iyon, bumahing ang bata ng pitong beses at dumilat.

36 Tinawag ni Eliseo si Gehazi at sinabi, “Tawagin mo ang kanyang ina.” Kaya tinawag nga niya ito. Nang dumating ang babae, sinabi ni Eliseo, “Kunin mo ang iyong anak.” 37 Nagpatirapa ang babae sa paanan ni Eliseo bilang pagpapasalamat[b] sa kanya. Kinuha niya ang anak niya at dinala sa ibaba.

Ang Himala sa Panahon ng Taggutom

38 Mayroong taggutom sa Gilgal nang bumalik si Eliseo roon. Isang araw, habang nakikipag-usap ang grupo ng mga propeta sa kanya, sinabi niya sa katulong niya, “Isalang mo ang malaking palayok at magluto ka ng pagkain para sa mga taong ito.” 39 Pumunta sa bukid para kumuha ng mga gulay ang isa sa mga propeta. Nakakita siya roon ng gulay na gumagapang, at kumuha siya ng mga bunga nito hanggang mapuno ang damit niya. Pagkauwi, hiniwa-hiwa niya ito at inilagay sa palayok, pero hindi niya alam kung anong klaseng pananim ito. 40 Pagkaluto ng pagkain, ipinamahagi niya ito sa mga tao. Pero habang kumakain, sumigaw sila, “Lingkod ng Dios, napakasama ng lasa nito!”[c] Kaya hindi na nila ito kinain. 41 Sinabi ni Eliseo, “Kumuha ka ng harina.” Ibinuhos niya ang harina sa palayok at sinabi sa katulong, “Ipamahagi mo na ito sa kanila para kainin.” Hindi na masama ang lasa nito.

42 Isang araw, may isang lalaking galing sa Baal Shalisha na nagdala kay Eliseo ng isang sako na may lamang 20 tinapay na gawa sa unang ani ng sebada at mga bagong aning butil. Sinabi ni Eliseo, “Ibigay mo iyan sa grupo ng mga propeta[d] para kainin.” 43 Sinabi ng katulong niya, “Paano ko po ito mapagkakasya sa 100 tao?” Sumagot si Eliseo, “Ibigay mo ito sa kanila para kainin. Ito ang sinasabi ng Panginoon: Makakakain sila at may matitira pa.” 44 Kaya ibinigay niya ito sa kanila, at kumain sila at may natira pa, ayon sa sinabi ng Panginoon.

Pinagaling ang Sakit sa Balat ni Naaman

Iginagalang ng hari ng Aram si Naaman na pinuno ng kanyang hukbo, dahil pinagtagumpay ng Panginoon ang Aram sa pamamagitan niya. Matapang siyang sundalo, pero may malubhang sakit sa balat.[e]

Noong lumusob ang mga sundalo ng Aram sa Israel, may nabihag silang dalagita na naging alipin ng asawa ni Naaman. Isang araw, sinabi ng dalagita sa kanyang amo, “Kung makikipagkita lang ang amo ko na si Naaman sa propeta na nasa Samaria, pagagalingin siya nito sa sakit niya sa balat.”

Pumunta si Naaman sa hari at sinabi niya ang sinabi ng dalagita na mula sa Israel. Sinabi ng hari ng Aram, “Lumakad ka, dalhin mo ang sulat ko sa hari ng Israel.” Kaya umalis si Naaman na may dalang regalo na 350 kilong pilak, 70 kilong ginto at sampung pirasong damit. Ito ang mensahe ng sulat na dinala niya sa hari: Ipinadala ko sa iyo si Naaman na aking lingkod para pagalingin mo ang sakit niya sa balat.

Nang mabasa ng hari ng Israel ang sulat, pinunit niya ang damit niya at sinabi, “Bakit ipinadala niya sa akin ang taong ito na may malubhang sakit sa balat para pagalingin? Dios ba ako? May kapangyarihan ba ako para pumatay at bumuhay? Gumagawa lang siya ng paraan para makipag-away!” Nang malaman ni Eliseo na lingkod ng Dios ang nangyari, nagpadala siya ng ganitong mensahe sa hari: “Bakit mo pinunit ang damit mo? Papuntahin mo sa akin ang taong iyan para malaman niya na may propeta sa Israel.”

Kaya umalis si Naaman sakay ng mga kabayo at karwahe niya at huminto sa pintuan ng bahay ni Eliseo. 10 Nagsugo si Eliseo ng mensahero para sabihin kay Naaman na pumunta siya sa Ilog ng Jordan, lumubog doon ng pitong beses at gagaling siya. 11 Pero nagalit si Naaman at umalis nang padabog. Sinabi niya, “Akala ko, talagang lalabas siya at haharap sa akin. Iniisip ko na tatawagin niya ang Panginoon niyang Dios, at ikukumpas ang kanyang kamay sa ibabaw ng aking balat at pagagalingin ako. 12 Ang mga ilog ng Abana at Farpar sa Damascus ay mas mabuti kaysa sa ibang mga ilog dito sa Israel. Bakit hindi na lang ako roon lumubog para gumaling?” Kaya umalis siyang galit na galit.

13 Pero lumapit ang mga utusan niya at sinabi, “Amo, kung may ipinapagawa po sa inyo na malaking bagay ang propeta, hindi ba gagawin ninyo ito? Pero bakit hindi ninyo magawa ang sinabi niya na maghugas at gagaling kayo.” 14 Kaya pumunta si Naaman sa Ilog ng Jordan at lumubog ng pitong beses, ayon sa sinabi ng lingkod ng Dios. Gumaling nga ang kanyang sakit at kuminis ang kanyang balat gaya ng balat ng sanggol. 15 Pagkatapos, bumalik si Naaman at ang mga kasama niya sa lingkod ng Dios. Tumayo siya sa harap ni Eliseo at sinabi, “Ngayon, napatunayan ko na wala nang ibang Dios sa buong mundo maliban sa Dios ng Israel. Kaya pakiusap, tanggapin mo ang regalo ko sa iyo, Ginoo.”

16 Sumagot si Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon na aking pinaglilingkuran, na hindi ako tatanggap ng anumang regalo.” Pinilit siya ni Naaman na tanggapin ang regalo, pero tumanggi siya. 17 Sinabi ni Naaman, “Kung hindi mo tatanggapin ang regalo ko, bigyan mo na lang po ako ng lupa na kayang dalhin ng aking dalawang mola[f] at dadalhin ko sa amin.[g] Mula ngayon, hindi na ako mag-aalay ng mga handog na sinusunog at iba pang mga handog sa ibang dios maliban sa Panginoon. 18 Pero patawarin sana ako ng Panginoon kapag sumama ako sa hari na pumunta sa templo ng dios na si Remon para sumamba. Dapat lang na gawin ko ito bilang opisyal ng hari. Patawarin sana ako ng Panginoon kung luluhod din ako roon.” 19 Sinabi ni Eliseo, “Umalis ka nang payapa.”

Pero hindi pa nakakalayo si Naaman, 20 sinabi ni Gehazi sa sarili niya, “Hindi dapat hinayaan ng aking amo na paalisin ang Arameong si Naaman nang hindi tinatanggap ang regalong dala niya. Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon na hahabulin ko siya at kukuha ako ng kahit ano sa kanya.”

21 Kaya nagmamadaling hinabol ni Gehazi si Naaman. Nang makita ni Naaman si Gehazi na tumatakbo papunta sa kanya, bumaba siya sa karwahe at sinalubong ito. Nagtanong si Naaman, “May masama bang nangyari?” 22 Sumagot si Gehazi, “Wala naman po. Isinugo po ako ng aking amo para sabihin sa inyo na may dumating na dalawang binatang propeta mula sa kaburulan ng Efraim. Pakibigyan ninyo sila ng 35 kilong pilak at dalawang pirasong damit.” 23 Sinabi ni Naaman, “Oo, narito ang 70 kilong pilak.” At pinilit niya si Gehazi na tanggapin iyon. Ipinasok ni Naaman ang pilak sa dalawang sisidlan kasama ang dalawang pirasong damit, ibinigay ito sa dalawa niyang lingkod at dinala kay Gehazi. 24 Pagdating ng mga lingkod sa bundok, kinuha ni Gehazi ang dalawang sisidlan at pinabalik sila. Pagkatapos, dinala niya iyon sa bahay niya at itinago. 25 Nang pumunta siya kay Eliseo, tinanong siya nito, “Saan ka nanggaling, Gehazi?” Sumagot si Gehazi, “Wala po akong pinuntahan.” 26 Pero sinabi ni Eliseo, “Hindi mo ba alam na ang espiritu ko ay naroon, nang bumaba si Naaman sa karwahe niya para salubungin ka? Hindi ito ang oras para tumanggap ng pera, damit, taniman ng olibo, ubasan, mga baka, tupa, at mga utusan. 27 Dahil sa ginawa mong ito, malilipat sa iyo ang malubhang sakit sa balat ni Naaman at sa mga lahi mo magpakailanman.” Nang umalis na si Gehazi, nagkaroon nga siya ng mapanganib na sakit sa balat at naging kasingputi ng niyebe ang balat niya.

Lumutang sa Tubig ang Ulo ng Palakol

Isang araw, pumunta ang grupo ng mga propeta kay Eliseo at sinabi, “Nakikita po ninyo na maliit ang pinagtitipunan natin. Kaya pumunta po tayo sa Ilog ng Jordan kung saan maraming punongkahoy, at doon tayo gumawa ng lugar na pagtitipunan natin.” Sinabi ni Eliseo, “Sige, lumakad na kayo.” Pero sinabi ng isa sa kanila, “Kung maaari po, Guro, sumama na lang kayo sa amin.” Sumagot siya, “O sige, sasama ako.” Kaya sumama siya sa kanila.

Pumunta nga sila sa Ilog ng Jordan at pumutol ng mga punongkahoy. Habang ang isa sa kanila ay pumuputol ng punongkahoy, nahulog ang ulo ng palakol niya sa tubig, kaya sumigaw siya, “Guro, hiniram ko lang po iyon!” Tinanong ni Eliseo, “Saang banda nahulog?” Itinuro niya kung saang banda ito nahulog, pumutol si Eliseo ng sanga at inihagis ito sa tubig. At lumutang ang ulo ng palakol. Sinabi ni Eliseo, “Kunin mo na.” At kinuha nga niya ito.

Pinahinto ni Eliseo ang Paglusob ng mga Arameo

Nang nakikipaglaban ang hari ng Aram sa Israel, nagkaroon sila ng pagpupulong ng kanyang mga opisyal at sinabi niya, “Dito ko itatayo ang kampo ko.”

Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel, “Mag-ingat kayo! Huwag kayong dumaan sa lugar na iyon dahil pupunta roon ang mga Arameo.” 10 Kaya nag-utos ang hari ng Israel na sabihan ang mga nakatira sa lugar na sinasabi ni Eliseo na maging handa sila. Palaging nagbibigay ng babala si Eliseo sa hari.[h]

11 Dahil dito, nagalit ang hari ng Aram. Ipinatawag niya ang mga opisyal niya at sinabi, “Sino sa inyo ang kumakampi sa hari ng Israel?” 12 Nagsalita ang isa sa opisyal niya, “Wala po talaga kahit isa man sa amin, Mahal na Hari. Ang propeta sa Israel na si Eliseo ang nagpapahayag sa hari ng Israel ng lahat ng sinasabi ninyo kahit pa ang sinasabi nʼyo sa loob ng inyong kwarto.” 13 Sinabi ng hari, “Lumakad ka at hanapin siya para makapagpadala ako ng mga tauhan upang hulihin siya.”

Nang sinabi sa hari na si Eliseo ay naroon sa Dotan, 14 nagpadala siya roon ng maraming sundalo na nakasakay sa mga kabayo at karwahe. Gabi na nang nakarating sila sa Dotan at pinaligiran nila ito.

15 Kinabukasan, gumising ng maaga ang katulong ni Eliseo, nakita niya ang mga sundalo na nakasakay sa mga kabayo at karwahe na nakapaligid sa lungsod. Sinabi niya kay Eliseo, “Ano po ang gagawin natin, amo?” 16 Sumagot si Eliseo, “Huwag kang matakot. Mas marami tayong kasama kaysa sa kanila.” 17 Nanalangin si Eliseo, “Panginoon, buksan po ninyo ang mga mata ng katulong ko para makakita siya.” Binuksan ng Panginoon ang mga mata ng katulong, at nakita niya na puno ng mga kabayo at karwaheng apoy ang kaburulan sa paligid ni Eliseo.

18 Habang papunta ang mga kaaway kay Eliseo, nanalangin siya, “Panginoon, bulagin[i] po ninyo ang mga taong ito.” Kaya binulag sila ng Panginoon ayon sa hiling ni Eliseo. 19 Sinabi ni Eliseo sa mga kaaway, “Hindi ito ang tamang daan at hindi ito ang lungsod ng Dotan. Sumunod kayo sa akin, dadalhin ko kayo sa taong hinahanap ninyo.” Kaya dinala sila ni Eliseo sa Samaria.

20 Pagpasok nila sa Samaria nanalangin si Eliseo, “Panginoon, buksan po ninyo ang mga mata nila para makakita sila.” Binuksan nga ng Panginoon ang mga mata ng mga sundalo ng Aram at nakita nila na nasa loob na sila ng Samaria. 21 Pagkakita ng hari ng Israel sa kanila, tinanong niya si Eliseo, “Papatayin ko po ba sila, ama?” 22 Sumagot si Eliseo, “Huwag mo silang patayin. Pinapatay ba natin ang mga bihag sa labanan? Bigyan mo sila ng makakain at maiinom at pabalikin mo sila sa kanilang hari.”[j] 23 Kaya naghanda ang hari ng isang malaking salo-salo para sa kanila at pagkatapos, pinauwi sila sa kanilang hari. At mula noon, hindi na muling lumusob ang mga Arameo sa lupain ng Israel.

Pinaligiran ang Samaria

24 Kinalaunan, tinipon ni Haring Ben Hadad ng Aram ang kanyang buong hukbo, at nilusob ang Samaria. 25 Dahil dito, nagkaroon ng malaking taggutom sa lungsod, hanggang sa nagsitaasan ang mga bilihin. Ang halaga ng ulo ng asno ay 80 pirasong pilak at ang isang gatang na dumi ng kalapati[k] ay limang pirasong pilak.

26 Isang araw, habang dumaraan ang hari ng Israel sa itaas ng pader,[l] may isang babae na sumigaw sa kanya, “Tulungan po ninyo ako, Mahal na Hari!” 27 Sumagot ang hari, “Kung hindi ka tinutulungan ng Panginoon, paano kita matutulungan? Wala akong trigo o katas ng ubas na maibibigay sa iyo.” 28 Pagkatapos nagtanong ang hari, “Ano ba ang problema mo?” Sumagot ang babae, “Sinabi po sa akin ng babaeng ito, ‘Kainin natin ang anak mong lalaki at bukas ang anak ko namang lalaki.’ 29 Kaya niluto po namin ang aking anak at kinain. Nang sumunod na araw sinabi ko sa kanya na ibigay na niya ang kanyang anak para makain namin. Pero itinago niya ito.”

30 Nang marinig ng hari ang sinabi ng babae, pinunit niya ang damit niya sa sobrang kalungkutan. Habang naglalakad siya sa gilid ng pader, nakita siya ng mga tao na nakasuot ng sako na nakasuson sa kanyang damit dahil sa pagluluksa niya. 31 Sinabi niya, “Parusahan sana ako nang matindi ng Panginoon kung hindi ko mapaputol ang ulo ni Eliseo na anak ni Shafat sa araw na ito!”

32 Nakaupo si Eliseo sa bahay niya na nakikipag-usap sa mga tagapamahala ng Israel nang magsugo ang hari ng mensahero para mauna sa kanya doon kay Eliseo. Pero bago dumating ang mensahero ng hari, sinabi ni Eliseo sa mga tagapamahala, “Tingnan ninyo, isang mamamatay-tao ang nagpadala ng tao para pugutan ako. Kapag dumating na ang taong iyon, isara ninyo ang pinto at huwag siyang papapasukin. Ang hari mismo na kanyang amo ay kasunod niya.” 33 Habang nagsasalita si Eliseo, dumating ang mensahero ng hari at sinabi, “Ang Panginoon ang nagpadala ng paghihirap sa atin. Bakit hihintayin ko pa na tumulong siya?”

Footnotes

  1. 4:23 Pista ng Pagsisimula ng Buwan: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
  2. 4:37 pagpapasalamat: o, pagpaparangal.
  3. 4:40 napakasama ng lasa: o, nakakalason ito.
  4. 4:42 sa grupo ng mga propeta: sa Hebreo, sa mga tao.
  5. 5:1 malubhang sakit sa balat: Sa ibang salin ng Biblia, ketong. Ang Hebreong salita nito ay ginamit sa ibaʼt ibang klase ng sakit sa balat na itinuturing na marumi ayon sa Lev. 13.
  6. 5:17 mola: sa Ingles, “mule.” Hayop na parang kabayo.
  7. 5:17 Pinaniniwalaan noon na ang isang dios ay dapat sambahin sa sarili niyang lupain.
  8. 6:10 Kaya … hari: o, Kaya ipinausisa ng hari ng Israel ang lugar na sinasabi ni Eliseo. Binabalaan palagi ni Eliseo ang hari ng Israel para palagi itong mag-ingat sa lugar na iyon.
  9. 6:18 bulagin: Maaring ang ibig sabihin, iligaw.
  10. 6:22 hari: sa Hebreo, panginoon.
  11. 6:25 dumi ng kalapati: Maaaring pangalan ito ng isang klase ng buto ng gulay.
  12. 6:26 itaas ng pader: makapal ang mga pader nila, kaya maaaring dumaan dito.