2 Cronica 8
Ang Biblia (1978)
Mga bayan na itinayo ni Salomon.
8 At nangyari, (A)sa katapusan ng dalawangpung taon na ipinagtayo ni Salomon ng bahay ng Panginoon, at ng kaniyang sariling bahay.
2 Na ang mga bayan na ibinigay ni Hiram kay Salomon, mga (B)itinayo ni Salomon, at pinatahan doon ang mga anak ni Israel.
3 At si Salomon ay naparoon sa Hamath-soba, at nanaig laban doon.
4 At kaniyang itinayo ang Tadmor sa ilang, at lahat na bayan na imbakan na kaniyang itinayo sa Hamath.
5 Itinayo rin niya ang Bet-horon sa itaas, at ang (C)Bet-horon sa ibaba, na mga bayang nakukutaan, na may mga kuta, mga pintuang-bayan, at mga halang;
6 At ang Baalath at ang lahat na bayan na imbakan na tinatangkilik ni Salomon, at lahat na bayan na ukol sa kaniyang mga karo, at ang mga bayan na ukol sa kaniyang mga mangangabayo, at lahat na ninasa ni Salomon, na itayo para sa kaniyang kasayahan sa Jerusalem, at sa Libano, at sa buong lupain ng kaniyang sakop.
Mga manggagawa ni Salomon.
7 Tungkol sa buong bayan na naiwan sa mga Hetheo, at mga Amorrheo, at mga Perezeo, at mga Heveo, at mga Jebuseo, na hindi sa Israel;
8 Ang kanilang mga anak na naiwan pagkamatay nila sa lupain na hindi nilipol ng mga anak ni Israel, ay sa kanila naglagay si Salomon ng mangaatag na mga alipin, hanggang sa araw na ito.
9 Nguni't sa mga anak ni Israel ay walang ginawang alipin si Salomon sa kaniyang gawain; kundi sila'y mga lalaking mangdidigma, at mga pinuno sa kaniyang mga pinunong kawal, at mga pinuno sa kaniyang mga karo, at sa kaniyang mga mangangabayo.
10 At ito ang mga pangulong pinuno ng haring Salomon, na (D)dalawang daan at limang pu na nagpupuno sa bayan.
11 At iniahon ni Salomon ang anak na babae ni Faraon mula sa bayan ni David hanggang sa bahay na kaniyang itinayo na ukol sa kaniya; sapagka't kaniyang sinabi, Hindi tatahan ang aking asawa sa bahay ni David na hari sa Israel, sapagka't ang mga dako ay banal na pinagpasukan sa kaban ng Panginoon.
Mga paghahandog ni Salomon.
12 Nang magkagayo'y naghandog si Salomon sa Panginoon ng mga handog na susunugin, sa dambana ng Panginoon, (E)na kaniyang itinayo sa harap ng portiko,
13 Sa makatuwid baga'y ayon sa kailangan sa bawa't araw, na naghahandog (F)ayon sa utos ni Moises, sa mga (G)sabbath, at sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan, na (H)makaitlo sa isang taon, sa kapistahan ng tinapay na walang lebadura, at sa kapistahan ng mga sanglinggo, at sa kapistahan ng mga balag.
14 At siya'y naghalal, ayon sa utos ni David na kaniyang ama ng mga (I)bahagi ng mga saserdote sa kanilang paglilingkod, at ng mga (J)Levita sa kanilang mga katungkulan upang mangagpuri, at upang mangasiwa sa harap ng mga saserdote, ayon sa kailangan ng katungkulan sa bawa't araw: ang mga (K)tagatanod-pinto naman ayon sa kanilang mga bahagi sa bawa't pintuang-daan: sapagka't gayon ang iniutos ni David na lalake ng Dios.
15 At sila'y hindi nagsihiwalay sa utos ng hari sa mga saserdote at mga Levita tungkol sa anomang bagay, o tungkol sa mga kayamanan.
16 Ang lahat ngang gawain ni Salomon ay nahanda sa araw ng pagtatayo ng bahay ng Panginoon, at hanggang sa natapos. Sa gayo'y nayari ang bahay ng Panginoon.
Ang kaniyang Comersio.
17 Nang magkagayo'y naparoon si Salomon sa Ezion-geber, at sa (L)Eloth, sa tabi ng dagat sa lupain ng Edom.
18 At nagpadala sa kaniya si Hiram ng mga sasakyang dagat sa pamamagitan ng kamay ng kaniyang mga bataan, at mga bataan na bihasa sa dagat; at sila'y nagsiparoon sa Ophir na kasama ng mga bataan ni Salomon, at nagsipagdala mula roon ng (M)apat na raan at limangpung talentong ginto, at dinala sa haring Salomon.
2 Cronica 8
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Iba Pang Naipatayo ni Solomon(A)
8 Pagkatapos ng 20 taong pagpapatayo ni Solomon ng templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo, 2 muli niyang ipinatayo ang mga bayan na ibinigay sa kanya ni Hiram[a] at pinatirhan sa mga Israelita. 3 Ito rin ang panahong nilusob ni Solomon at inagaw ang Hamat Zoba. 4 Ipinatayo rin niyang muli ang Tadmor na nasa disyerto at ang mga lungsod sa Hamat na pinaglalagyan ng kanyang mga pangangailangan. 5 Pinatibay niya ang itaas at ilalim na bahagi ng Bet Horon. Pinaligiran niya ito ng mga pader at pinalagyan ng pintuan na may mga kandado. 6 Ganito rin ang ginawa niya sa Baalat at sa iba pang mga lungsod na lagayan ng kanyang mga pangangailangan, mga karwahe at mga kabayo. Ipinatayo niya ang lahat ng gusto niyang ipatayo sa Jerusalem, Lebanon at sa lahat ng lupaing sakop niya.
7-8 May mga tao pang naiwan sa Israel na hindi mga Israelita. Sila ang mga lahi ng mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo, na hindi nalipol ng mga Israelita nang agawin nila ang lupain ng Canaan. Ginawa silang alipin ni Solomon at pinilit na gumawa, at nanatili silang alipin hanggang ngayon. 9 Pero hindi ginawang alipin ni Solomon ang sinumang Israelita. Sa halip, ginawa niya itong kanyang mga sundalo, mga kapitan ng kanyang mga sundalo at mga kumander ng kanyang mga mangangarwahe at mga mangangabayo. 10 Ang 250 sa kanilaʼy ginawa ni Solomon na mga opisyal na namamahala ng mga gumagawa sa kanyang mga proyekto.
11 Nang matapos na ang palasyo na ipinagawa ni Solomon para sa kanyang asawa na anak ng Faraon,[b] inilipat niya ang kanyang asawa roon mula sa Lungsod ni David. Sapagkat sinabi niya, “Hindi pwedeng tumira ang asawa ko sa palasyo ni Haring David, dahil banal ang lugar na iyon dahil naroon dati ang Kahon ng Panginoon.”
12 Pagkatapos, naghandog si Solomon ng mga handog na sinusunog para sa Panginoon sa altar na kanyang ipinatayo sa harapan ng balkonahe ng templo. 13 Tinupad niya ang utos ni Moises na maghandog ayon sa nararapat na ihandog araw-araw at sa panahon ng Araw ng Pamamahinga, Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[c] at ng tatlong pista na ipinagdiriwang taun-taon: ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, Pista ng Pag-aani, at Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol. 14 At ayon sa tuntunin ng ama niyang si David, pinagbukod-bukod niya ang mga pari at mga Levita para sa kanilang mga gawain. Ang mga Levita ang nangunguna sa mga tao sa pagpupuri sa Dios at sila ang tumutulong sa mga pari sa kanilang gawain sa templo araw-araw. Ibinukod din niya ang mga guwardya ng bawat pintuan sa templo, dahil ito ang utos ni David na lingkod ng Dios. 15 Sinunod ni Solomon ang lahat ng utos ni Haring David tungkol sa mga pari at mga Levita at sa mga bodega.
16 Natapos ang lahat ng ipinagawa ni Solomon sa templo, mula sa paglalagay ng pundasyon nito hanggang sa matapos ito.
17 Pagkatapos, pumunta si Solomon sa Ezion Geber at Elat, sa baybayin ng Dagat na Pula, sa lupain ng Edom. 18 Pinadalhan siya ni Hiram ng mga barko na pinamahalaan ng sarili niyang mga opisyal na mahuhusay na mandaragat. Naglakbay sila kasama ng mga tauhan ni Solomon papuntang Ofir. At sa pagbalik nila, may dala silang mga 16 na toneladang ginto, at dinala nila ito kay Haring Solomon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®