2 Cronica 7
Ang Biblia, 2001
Ang Pagtatalaga ng Templo(A)
7 Nang(B) matapos na ni Solomon ang kanyang panalangin, bumaba ang isang apoy mula sa langit at tinupok ang handog na sinusunog at ang mga alay at napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang templo.
2 Ang mga pari ay hindi makapasok sa bahay ng Panginoon, sapagkat napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon.
3 Nang(C) makita ng lahat ng mga anak ni Israel ang apoy na bumaba at ang kaluwalhatian ng Panginoon na nasa templo, iniyuko nila ang kanilang mga mukha sa lupa at sumamba, at nagpasalamat sa Panginoon, na nagsasabi, “Sapagkat siya'y mabuti; sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.”
4 Pagkatapos ang hari at ang buong bayan ay naghandog ng alay sa harapan ng Panginoon.
5 Si Haring Solomon ay naghandog bilang alay ng dalawampu't dalawang libong baka at isandaan at dalawampung libong tupa. Sa gayon itinalaga ng hari at ng buong bayan ang bahay ng Diyos.
6 Ang mga pari ay nakatayo sa kanilang mga lugar; gayundin ang mga Levita na may mga kagamitang panugtog sa Panginoon na ginawa ni Haring David para sa pasasalamat sa Panginoon—sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman—tuwing si David ay mag-aalay ng papuri sa pamamagitan ng kanilang pangangasiwa. Katapat nila, ang mga pari ay nagpatunog ng mga trumpeta at ang buong Israel ay tumayo.
7 Itinalaga ni Solomon ang gitna ng bulwagan na nasa harapan ng bahay ng Panginoon; sapagkat doon niya inialay ang mga handog na sinusunog at ang taba ng mga handog pangkapayapaan, sapagkat hindi makaya ng tansong dambana na ginawa ni Solomon ang handog na sinusunog, ang handog na butil at ang taba.
Ang Pista ng Pagtatalaga
8 Nang panahong iyon ipinagdiwang ni Solomon at ng buong Israel na kasama niya ang kapistahan sa loob ng pitong araw. Iyon ay isang napakalaking kapulungan, mula sa pasukan sa Hamat hanggang sa batis ng Ehipto.
9 Nang ikawalong araw, sila ay nagdaos ng isang taimtim na pagtitipon; sapagkat kanilang isinagawa ang pagtatalaga sa dambana sa loob ng pitong araw at ang kapistahan ay pitong araw.
10 Sa ikadalawampu't tatlong araw ng ikapitong buwan, kanyang pinauwi ang bayan sa kani-kanilang mga tolda, na nagagalak at may masayang puso dahil sa kabutihan na ipinakita ng Panginoon kay David, kay Solomon, at sa Israel na kanyang bayan.
Muling Nagpakita ang Diyos kay Solomon(D)
11 Sa gayon tinapos ni Solomon ang bahay ng Panginoon at ang bahay ng hari. Lahat ng pinanukalang gawin ni Solomon sa bahay ng Panginoon at sa kanyang sariling bahay ay matagumpay niyang nagawa.
12 Pagkatapos ang Panginoon ay nagpakita kay Solomon sa gabi, at sinabi sa kanya, “Narinig ko ang iyong dalangin, at pinili ko ang dakong ito para sa aking sarili bilang bahay ng pag-aalay.
13 Kapag aking isinara ang langit upang huwag magkaroon ng ulan, o kung aking utusan ang balang upang lamunin ang lupain, o kung ako'y magsugo ng salot sa gitna ng aking bayan;
14 at kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at manalangin, at hanapin ako[a] at tumalikod sa kanilang masasamang lakad; akin silang papakinggan mula sa langit, at patatawarin ko ang kanilang kasalanan at pagagalingin ang kanilang lupain.
15 Ngayon ang aking mga mata ay mabubuksan, at ang aking mga tainga ay makikinig sa panalangin na ginagawa sa dakong ito.
16 Sapagkat ngayon ay aking pinili at itinalaga ang bahay na ito upang ang aking pangalan ay manatili roon magpakailanman; ang aking mga mata at ang aking puso ay mananatili roon sa lahat ng panahon.
17 Tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harapan ko, gaya ng paglakad ni David na iyong ama, at iyong gagawin ang ayon sa lahat ng aking iniutos sa iyo, at iyong iingatan ang aking mga tuntunin at ang aking mga batas,
18 aking(E) patatatagin ang trono ng iyong kaharian, gaya ng aking ipinakipagtipan kay David na iyong ama, na sinasabi, ‘Hindi ka magkukulang ng lalaki na mamumuno sa Israel.’
19 “Ngunit kung kayo[b] ay humiwalay at talikuran ninyo ang aking mga tuntunin, at ang aking mga utos na aking inilagay sa harapan ninyo, at humayo at maglingkod sa ibang mga diyos at sambahin sila,
20 aking bubunutin sila sa aking lupain na aking ibinigay sa kanila; at ang bahay na ito na aking itinalaga para sa aking pangalan ay itataboy ko sa aking paningin, at gagawin kong isang kawikaan at isang bukambibig sa lahat ng mga bayan.
21 Sa bahay na ito na dakila, bawat magdaraan ay magtataka at magsasabi, ‘Bakit ganito ang ginawa ng Panginoon sa lupaing ito at sa bahay na ito?’
22 Kanilang sasabihin, ‘Sapagkat kanilang pinabayaan ang Panginoong Diyos ng kanilang mga ninuno na naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto, at bumaling sa ibang mga diyos, at sinamba at pinaglingkuran ang mga ito; kaya't kanyang dinala ang lahat ng kasamaang ito sa kanila.’”
Footnotes
- 2 Cronica 7:14 Sa Hebreo ay ang aking mukha .
- 2 Cronica 7:19 Sa Hebreo ay sila .
2 Paralipomeno 7
Ang Dating Biblia (1905)
7 Nang makatapos nga ng pananalangin si Salomon, ang apoy ay lumagpak mula sa langit, at sinupok ang handog na susunugin at ang mga hain; at napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay.
2 At ang mga saserdote ay hindi mangakapasok sa bahay ng Panginoon, sapagka't napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon.
3 At ang lahat na mga anak ni Israel ay nagsitingin, nang ang apoy ay lumagpak, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nasa bahay; at sila'y nangagpatirapa sa lupa sa pabimento, at nagsisamba, at nangagpasalamat sa Panginoon, na nagsisipagsabi, Sapagka't siya'y mabuti; sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man.
4 Nang magkagayo'y ang hari at ang buong bayan ay naghandog ng hain sa harap ng Panginoon.
5 At ang haring Salomon ay naghandog ng hain sa dalawangpu't dalawang libong baka, at isang daan at dalawangpung libong tupa. Gayon ang hari at ang buong bayan ay nagtalaga sa bahay ng Dios.
6 At ang mga saserdote ay nagsitayo ayon sa kanilang mga katungkulan; gayon din ang mga Levita na may mga panugtog ng tugtugin ng Panginoon, na ginawa ni David na hari na ipinagpasalamat sa Panginoon, (sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man), nang si David ay dumalangin sa pamamagitan ng kanilang pangangasiwa: at ang mga saserdote ay nangagpatunog ng mga pakakak sa harap nila, at ang buong Israel ay tumayo.
7 Bukod dito'y itinalaga ni Salomon ang gitna ng looban na nasa harap ng bahay ng Panginoon; sapagka't doon niya inihandog ang mga handog na susunugin, at ang taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan, sapagka't ang tansong dambana na ginawa ni Salomon ay hindi makakaya sa handog na susunugin, at sa handog na harina, at sa taba.
8 Sa gayo'y ipinagdiwang ang kapistahan nang panahong yaon na pitong araw, ni Salomon, at ng buong Israel na kasama niya, ng totoong malaking kapisanan, mula sa pasukan sa Hamath hanggang sa batis ng Egipto.
9 At sa ikawalong araw ay nagsipagdiwang sila ng dakilang kapulungan: sapagka't kanilang iningatan ang pagtatalaga sa dambana na pitong araw, at ang kapistahan ay pitong araw.
10 At sa ikadalawangpu't tatlong araw ng ikapitong buwan, ay kaniyang pinauwi ang bayan sa kanilang mga tolda, na galak at may masayang puso dahil sa kabutihan na ipinakita ng Panginoon kay David, at kay Salomon, at sa Israel na kaniyang bayan.
11 Ganito tinapos ni Salomon ang bahay ng Panginoon, at ang bahay ng hari: at lahat na isinaloob ni Salomon gawin sa bahay ng Panginoon, at sa kaniyang sariling bahay, ay nagkawakas ng mabuti.
12 At ang Panginoon ay napakita kay Salomon sa gabi, at sinabi sa kaniya, Aking narinig ang iyong dalangin, at pinili ko ang dakong ito sa aking sarili na pinakabahay na hainan.
13 Kung aking sarhan ang langit na anopa't huwag magkaroon ng ulan, o kung aking utusan ang balang na lamunin ang lupain, o kung ako'y magsugo ng salot sa gitna ng aking bayan;
14 Kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at dumalangin, at hanapin ang aking mukha, at talikuran ang kanilang masamang mga lakad; akin ngang didinggin sa langit, at ipatatawad ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin ko ang kanilang lupain.
15 Ngayo'y ang aking mga mata ay didilat, at ang aking pakinig ay makikinig, sa dalangin na gagawin sa dakong ito.
16 Sapagka't ngayon ay aking pinili at itinalaga ang bahay na ito, upang ang aking pangalan ay dumoon magpakailan man; at ang aking mga mata at ang aking puso ay doroong palagi.
17 At tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harap ko, gaya ng inilakad ni David na iyong ama, at iyong gagawin ang ayon sa lahat na aking iniutos sa iyo, at iyong iingatan ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kahatulan;
18 Akin ngang itatatag ang luklukan ng iyong kaharian ayon sa aking itinipan kay David na iyong ama, na sinasabi, Hindi magkukulang sa iyo ng lalake na magpupuno sa Israel.
19 Nguni't kung kayo ay magsisihiwalay, at iiwan ninyo ang aking mga palatuntunan, at ang aking mga utos na aking inilagay sa harap ninyo, at magsisiyaon at magsisipaglingkod sa ibang mga dios, at magsisisamba sa kanila:
20 Akin ngang bubunutin sila sa aking lupain na aking ibinigay sa kanila; at ang bahay na ito na aking itinalaga para sa aking pangalan, at iwawaksi ko sa aking paningin, at gagawin kong isang kawikaan, at isang kakutyaan sa gitna ng lahat ng mga bayan.
21 At ang bahay na ito na totoong mataas, bawa't magdaan sa kaniya'y magtataka, at magsasabi, Bakit ginawa ng Panginoon ang ganito sa lupaing ito, at sa bahay na ito?
22 At sila'y magsisisagot, Sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang na naglabas sa kanila sa lupain ng Egipto, at nanghawak sa ibang mga dios at sinamba nila, at pinaglingkuran nila: kaya't kaniyang dinala ang lahat na kasamaang ito sa kanila.
2 Cronica 7
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Pagtatalaga ng Templo(A)
7 Nang matapos ni Solomon ang kanyang panalangin, may apoy na bumaba mula sa langit at tinupok ang handog na sinusunog at ang iba pang mga handog, at nabalot ng makapangyarihang presensya ng Panginoon ang templo. 2 Hindi makapasok ang mga pari sa templo ng Panginoon dahil ang makapangyarihang presensya ng Panginoon ay bumalot sa templo. 3 Nang makita ng lahat ng mga Israelita ang apoy na bumaba at ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa ibabaw ng templo, lumuhod sila at sumamba sa Panginoon na may pasasalamat. Sinabi nila, “Ang Panginoon ay mabuti; ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.”
4 Pagkatapos, naghandog sa Panginoon si Haring Solomon at ang lahat ng mamamayan. 5 Naghandog sila ng 22,000 baka at 120,000 tupaʼt kambing. Sa ganitong paraan itinalaga ng hari at ng mga mamamayan ang templo ng Panginoon. 6 Pumwesto ang mga pari sa templo, at ganoon din ang mga Levita na umaawit, “Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.” Tinutugtog nila ang awit gamit ang mga instrumento na ipinagawa ni Haring David sa pagpupuri sa Dios. Sa harap ng mga Levita, ang mga pari ay nagpapatunog din ng mga trumpeta nila habang nakatayo ang lahat ng mga Israelita.
7 Itinalaga ni Solomon ang bakuran sa harap ng templo ng Panginoon para roon mag-alay ng mga handog na sinusunog, mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, at mga taba bilang handog para sa mabuting relasyon. Dahil ang tansong altar na ipinagawa niya ay hindi kakasya para sa mga handog na ito.
8 Nagdiwang pa si Solomon at ang lahat ng mga Israelita ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol ng pitong araw. Napakarami ng mga mamamayan na nagtipon mula sa Lebo Hamat sa gawing hilaga hanggang sa Lambak ng Egipto sa gawing timog. 9 Nang ikawalong araw, ginanap nila ang huling pagtitipon, dahil ipinagdiwang nila ang pagtatalaga ng altar at ng buong templo nang ikapitong araw at ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol nang ikapito ring araw. 10 Kinabukasan, na siyang ika-23 araw ng ikapitong buwan, pinauwi ni Solomon ang mga tao. Umuwi sila na masaya dahil sa lahat ng kabutihang ginawa ng Panginoon kay David at kay Solomon, at sa mga mamamayan niyang Israelita.
Nagpakita ang Dios kay Solomon(B)
11 Nang matapos ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo. Natapos niya ang lahat ng binalak niya para rito. 12 At isang gabi, nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Narinig ko ang panalangin mo at pinili ko ang templong ito na lugar para pag-aalayan ng mga handog.
13 “Halimbawang hindi ko paulanin, o kaya namaʼy magpadala ako ng mga balang sa lupa na kakain ng mga tanim, o magpadala ako ng salot sa aking mga mamamayan; 14 at kung ang mga mamamayan ko na aking tinawag ay magpakumbaba, manalangin, dumulog sa akin, at tumalikod sa ginagawa nilang kasamaan, diringgin ko sila mula sa langit at patatawarin ang kanilang kasalanan, at pagpapalain ko ulit pagpapalain ang kanilang lupain. 15 Papansinin ko sila at pakikinggan ang kanilang mga panalangin sa lugar na ito, 16 dahil ang templong ito ay pinili kong isang lugar kung saan pararangalan ako magpakailanman. Iingatan ko ito at laging aalagaan.
17 “At ikaw, kung mamumuhay ka sa aking harapan gaya ng iyong amang si David, at kung gagawin mo ang lahat ng ipinapagawa ko sa iyo at tutuparin ang aking mga tuntunin at mga utos, 18 paghahariin ko ang iyong mga angkan magpakailanman. Ipinangako ko ito sa iyong amang si David nang sabihin ko sa kanya, ‘Hindi ka mawawalan ng angkan na maghahari sa Israel.’ 19 Pero kung tatalikod kayo at hindi tutuparin ang aking mga utos at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo, at kung maglilingkod at sasamba kayo sa ibang mga dios, 20 palalayasin ko kayo sa lupain na ibinigay ko sa inyo, at itatakwil ko ang templong ito na pinili kong lugar para sa karangalan ng aking pangalan. At itoʼy kukutyain at pagtatawanan ng lahat ng tao. 21 At kahit maganda at tanyag ang templong ito, gigibain ko ito. Magugulat at magtataka ang lahat ng daraan dito at magsasabi, ‘Bakit ginawa ito ng Panginoon sa lupain at sa templong ito?’ 22 Sasagot ang iba, ‘Dahil itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, na naglabas sa kanila sa Egipto, at naglingkod sila at sumamba sa ibang mga dios. Iyan ang dahilan kung bakit pinadalhan sila ng Panginoon ng mga kasamaang ito.’ ”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®