2 Cronica 6
Magandang Balita Biblia
Binasbasan ni Solomon ang Buong Israel(A)
6 Sinabi noon ni Solomon:
“Sinabi ninyo, Yahweh, na ibig ninyong manirahan sa makapal na ulap.
2 Ipinagtayo ko kayo ng isang maringal na bahay,
isang lugar na titirhan ninyo magpakailanman.”
3 Pagkatapos ay humarap ang hari at binasbasan ang buong sambayanang Israel. 4 Sinabi(B) niya: “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Tinupad niya ang kanyang pangako kay David na aking ama. Sinabi niya noon: 5 ‘Mula nang ilabas ko sa Egipto ang aking bayan hanggang ngayon, hindi ako pumili ng alinmang lunsod sa mga lipi ng Israel upang ipagtayo ako roon ng isang Templo kung saan ako'y sasambahin. Hindi pa rin ako pumipili ng sinuman upang mamuno sa Israel. 6 Ngunit pinili ko ang Jerusalem upang doon ako sambahin at hinirang ko si David upang mamuno sa aking bayang Israel.’
7 “Binalak ni David na aking ama na ipagtayo ng templo si Yahweh, ang Diyos ng Israel, upang doon siya sambahin. 8 Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, ‘Mabuti ang binabalak mong magtayo ng isang Templo para sa akin. 9 Subalit hindi ikaw ang magtatayo niyon, kundi ang isa sa magiging anak mo.’
10 “Natupad ngayon ang pangako ni Yahweh. Humalili ako sa aking amang si David at ngayo'y nakaupo ako sa trono ng Israel gaya ng pangako ni Yahweh. Naitayo ko na ang Templo kung saan ay sasambahin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. 11 Nailagay ko na roon ang Kaban ng Tipan na kinalalagyan ng kasunduang ginawa ni Yahweh sa sambayanang Israel.”
Ang Panalangin ni Solomon para sa Sarili(C)
12 Pagkatapos, sa harap ng buong sambayanan ng Israel, tumayo si Solomon sa harap ng altar ni Yahweh at iniunat ang kanyang mga kamay. 13 Gumawa siya ng isang entabladong tanso, dalawa't kalahating metro ang haba gayundin ang luwang at isa't kalahating metro ang taas. Ito ay pinagawa sa gitna ng bulwagan. 14 Nanalangin siya ng ganito:
“Yahweh, Diyos ng Israel, walang Diyos na katulad ninyo sa langit man o sa lupa. Tinutupad ninyo ang inyong pangako sa inyong mga lingkod. Tapat ang pag-ibig na ipinapakita ninyo sa kanila habang sila'y nananatiling tapat sa inyo. 15 Tinupad ninyo ngayon ang inyong pangako sa inyong lingkod na si David na aking ama. 16 Yahweh,(D) Diyos ng Israel, patuloy sana ninyong tuparin ang inyong pangako kay David na inyong lingkod nang sabihin ninyo sa kanya: ‘Hindi ko ipapahintulot na ang iyong angkan ay mawalan ng isang nakaupo sa trono ng Israel kung susunod ang iyong mga anak sa Kautusan ko, tulad ng ginawa mo.’ 17 Pagtibayin po ninyo Yahweh, Diyos ng Israel, ang mga pangakong binitiwan ninyo sa aking amang si David na inyong lingkod.
18 “Subalit(E) maaari po bang manirahan sa lupa ang Diyos? Kung ang langit, ang kataas-taasang langit, ay hindi sapat na maging tahanan ninyo, ito pa kayang hamak na Templong aking itinayo? 19 Gayunman, pakinggan po ninyo Yahweh, aking Diyos, ang panalangin at pagsusumamo ng inyong lingkod. 20 Huwag(F) ninyong iwaglit sa inyong paningin araw-gabi ang Templong ito, yamang ipinangako ninyong dito sasambahin ang inyong pangalan. Pakinggan sana ninyo ako kapag ako'y humarap sa Templong ito at nananalangin.
Ang Panalangin ni Solomon para sa Sambayanan
21 “Pakinggan po ninyo ang inyong lingkod at ang inyong bayan tuwing kami'y mananalangin na nakaharap sa lugar na ito. Pakinggan ninyo kami mula sa langit na inyong tahanan at sana'y patawarin ninyo kami.
22 “Sakaling magkasala ang isang tao sa kanyang kapwa at siya'y panumpain sa harap ng inyong altar sa Templong ito, 23 pakinggan po ninyo siya, Yahweh, buhat sa langit. Kayo ang humatol sa inyong mga lingkod. Parusahan ninyo ang nagkasala ayon sa bigat ng kanyang kasalanan at pagpalain ang walang sala.
24 “Sakaling ang inyong bayang Israel ay matalo ng kaaway dahil sa kanilang pagkakasala sa inyo, sa sandaling sila'y magbalik-loob sa inyo, kumilala ng inyong kapangyarihan, nanalangin at nagsumamo sa inyo sa Templong ito, 25 pakinggan po ninyo sila mula diyan sa langit. Patawarin po ninyo ang inyong bayan at ibalik ninyo sila sa lupaing inyong ibinigay sa kanilang mga ninuno.
26 “Kapag pinigil ninyo ang ulan sapagkat nagkasala sa inyo ang inyong bayang Israel, at kung sila'y manalangin sa Templong ito, magpuri sa inyong pangalan at magsisi sa kanilang kasalanan at kilalaning iyon ang dahilan ng inyong pagpaparusa, 27 pakinggan po ninyo sila mula sa langit. Patawarin ninyo ang inyong mga lingkod, ang inyong bayang Israel. Ituro ninyo sa kanila ang landas na dapat nilang tahakin. Papatakin na ninyo ang ulan sa lupaing ipinamana ninyo sa inyong bayan.
28 “Kapag nagkaroon ng taggutom at salot sa lupain, kung malanta at matuyo ang mga halaman, kung ang mga ito'y salantain ng higad at balang, at kung ang alinman sa kanilang mga lunsod ay makubkob ng kaaway, kung lumaganap ang sakit at salot, 29 sa sandaling ang inyong bayang Israel o sinuman sa kanila ay magsisi at iunat ang mga kamay na nananalangin paharap sa lugar na ito upang tumawag at magmakaawa sa iyo, 30 pakinggan ninyo sila mula sa langit na inyong trono at patawarin ninyo sila. Ibigay ninyo sa bawat isa ang nararapat sa kanyang mga gawa, sapagkat kayo lamang ang nakakaalam ng nilalaman ng puso ng tao. 31 Sa ganoon, mananatili silang may takot sa inyo habang sila'y nabubuhay dito sa lupaing ibinigay ninyo sa aming mga ninuno. 32 Idinadalangin ko rin ang dayuhang mula sa malayong lugar at hindi kabilang sa inyong bayang Israel na magsasadya sa Templong ito upang manalangin sapagkat nabalitaan ang inyong dakilang pangalan at kapangyarihan. 33 Pakinggan ninyo siya mula sa langit na inyong trono at ipagkaloob ninyo sa kanya ang kanyang hinihiling. Sa ganoon, kikilalanin ng lahat ng tao sa daigdig ang inyong pangalan. At tulad ng Israel, malalaman nila na kayo ay sinasamba sa Templong ito.
34 “Kapag ang inyong bayan ay nakipagdigma laban sa kanilang mga kaaway bilang pagsunod sa inyong utos, at sila'y nanalangin na nakaharap sa lunsod na ito na inyong pinili at sa Templong aking ipinatayo upang dito'y sambahin kayo, 35 pakinggan po ninyo sila mula sa langit. Pagtagumpayin ninyo sila.
36 “Kapag ang inyong bayan ay nagkasala sa inyo (at walang taong hindi nagkakasala) at dahil sa galit ninyo'y pinabayaan ninyo silang matalo at dalhing-bihag ng kanilang mga kaaway sa malayo o malapit na lupain, 37 kung sa lupaing pinagdalhan sa kanila'y makilala nila ang kanilang kamalian at tanggaping sila'y nagkasala at nagpakasama, 38 sa sandaling sila'y magsisi nang taos-puso at magbalik-loob sa inyo at mula roo'y humarap sila sa lupaing ibinigay mo sa kanilang mga ninuno, sa lunsod na ito na iyong pinili at sa Templong ito na aking ipinatayo upang dito'y sambahin kayo, 39 pakinggan ninyo sila mula sa langit na inyong tahanan. Pakinggan ninyo ang kanilang panalangin at pagsusumamo at iligtas ninyo sila. Patawarin ninyo ang inyong bayan sa kanilang pagkakasala sa inyo. 40 Pagmasdan ninyo kami, O Diyos, at pakinggan ang mga panalanging iniaalay sa lugar na ito.
41 ‘Sa(G) iyong tahanan, Panginoong Yahweh, pumasok ka kasama ang Kaban,
ang Kaban na sagisag ng inyong kapangyarihan.
Iyong mga pari, hayaang magpahayag ng iyong kaligtasan,
ang mga hinirang sumigaw sa galak!
42 Huwag ninyong itakwil, Panginoong Yahweh, ang pinili ninyong hari.
Alalahanin ninyo ang inyong tapat na pag-ibig kay David na inyong lingkod.’”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.