Add parallel Print Page Options

Kaya't(A) natapos ang lahat ng gawaing ginawa ni Solomon para sa bahay ng Panginoon. Ipinasok ni Solomon ang mga bagay na itinalaga ni David na kanyang ama; at itinago ang pilak, ginto, at ang lahat ng mga kagamitan sa kabang-yaman ng bahay ng Diyos.

Ang Kaban ng Tipan ay Dinala sa Templo(B)

Pinulong(C) ni Solomon sa Jerusalem ang matatanda ng Israel, at ang lahat ng puno ng mga lipi, ang mga pinuno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng mga anak ni Israel, upang dalhin ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa lunsod ni David na siyang Zion.

Ang lahat ng lalaki ng Israel ay nagtipun-tipon sa harapan ng hari sa kapistahan na nasa ikapitong buwan.

Dumating ang lahat ng matatanda sa Israel at pinasan ng mga Levita ang kaban.

Kanilang dinala ang kaban, ang toldang tipanan, at ang lahat ng mga banal na kasangkapang nasa tolda; ang mga ito'y dinala ng mga pari at ng mga Levita.

Si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel na nagtipun-tipon sa harapan niya ay nasa harapan ng kaban, na naghahandog ng napakaraming mga tupa at mga baka, na ang mga ito ay hindi mabilang.

Ipinasok ng mga pari ang kaban ng tipan ng Panginoon sa kalalagyan sa panloob na santuwaryo ng bahay, sa kabanal-banalang dako, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin.

Sapagkat iniladlad ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak sa ibabaw ng kaban, kaya't ang mga kerubin ay lumulukob sa kaban at sa mga pasanan nito.

Ang mga pasanan ay napakahaba kaya't ang mga dulo ng mga pasanan ay nakikita mula sa banal na dako sa harapan ng panloob na santuwaryo, ngunit ang mga ito ay hindi nakikita sa labas; at ang mga iyon ay naroroon hanggang sa araw na ito.

10 Walang(D) anumang bagay sa loob ng kaban maliban sa dalawang tapyas ng bato na inilagay doon ni Moises sa Horeb, na doon ang Panginoon ay nakipagtipan sa mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa Ehipto.

Ang Kaluwalhatian ng Panginoon

11 Nang ang mga pari ay lumabas sa banal na dako (sapagkat ang lahat ng pari na naroroon ay nagtalaga ng kanilang mga sarili, at hindi sinunod ang kanilang pagkakapangkat-pangkat.

12 Lahat ng mga mang-aawit na mga Levita, sina Asaf, Heman, Jedutun, at ang kanilang mga anak at mga kapatid, na nakadamit ng pinong lino, na may mga pompiyang, mga salterio, at mga alpa, ay nakatayo sa gawing silangan ng dambana na may kasamang isandaan at dalawampung pari na umiihip ng mga trumpeta.

13 Katungkulan(E)(F) ng mga umiihip ng trumpeta at ng mga mang-aawit na sila'y marinig na sama-sama sa pagpupuri at pasasalamat sa Panginoon), at nang ang awit ay inilakas, na may mga trumpeta at mga pompiyang at iba pang kagamitang panugtog, sa pagpupuri sa Panginoon,

“Sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman,”

ang bahay ng Panginoon ay napuno ng ulap,

14 kaya't ang mga pari ay hindi makatayo upang makapaglingkod dahil sa ulap; sapagkat ang kaluwalhatian ng Panginoon ang pumuno sa bahay ng Diyos.

Nang matapos na ni Solomon ang lahat ng gawain para sa templo ng Panginoon, dinala niya sa bodega ng templo ang lahat ng bagay na itinalaga ng ama niyang si David pati na ang ginto, pilak at iba pang kagamitan.

Dinala sa Templo ang Kahon ng Kasunduan(A)

Ipinatawag ni Haring Solomon sa Jerusalem ang mga tagapamahala ng Israel at ang lahat ng pinuno ng mga lahi at ng mga pamilya sa Israel, para kunin ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon mula sa Zion, ang Lungsod ni David. Pumunta silang lahat kay Haring Solomon noong panahon ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol, nang ikapitong buwan.

4-5 Nang magkatipon na ang lahat ng tagapamahala ng Israel, kinuha ng mga pari at ng mga Levita ang Kahon, ang Toldang Tipanan at ang mga banal na gamit nito. Dinala nilang lahat ito sa templo. Naghandog si Haring Solomon at ang buong mamamayan ng Israel sa harapan ng Kahon ng Kasunduan. Napakaraming tupa at baka ang kanilang inihandog, hindi ito mabilang dahil sa dami.

Pagkatapos, dinala ng mga pari ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon sa lugar nito roon sa pinakaloob ng templo, sa Pinakabanal na Lugar, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. Nakalukob ang pakpak ng mga kerubin kaya natatakpan ang Kahon at ang mga hawakang pasanan nito. Itong mga hawakang pasanan ay mahaba, ang dulo nito ay kita sa Banal na Lugar, sa harapan ng pinakaloob ng templo, pero hindi ito makita sa labas ng Banal na Lugar. At naroon pa ito hanggang ngayon. 10 Walang ibang laman ang Kahon maliban sa dalawang malalapad na bato na inilagay ni Moises noong nandoon siya sa Horeb, kung saan gumawa ng kasunduan ang Panginoon sa mga Israelita pagkatapos nilang lumabas sa Egipto.

11 Pagkatapos, lumabas ang mga pari sa Banal na Lugar. Ang lahat ng pari na naroon ay nagpakalinis, oras man ng kanilang paglilingkod o hindi. 12 Ang mga musikerong Levita na sina Asaf, Heman, Jedutun at ang kanilang mga anak at mga kamag-anak ay tumayo sa bandang silangan ng altar. Nakasuot sila ng pinong linen at tumutugtog ng pompyang, alpa at lira. Sinasamahan sila ng 120 pari na nagpapatunog ng trumpeta. 13 Ang mga mang-aawit ay nagpuri at nagpasalamat sa Panginoon na tinutugtugan ng mga trumpeta, pompyang at iba pang mga instrumento. Ito ang kanilang inaawit:

“Ang Panginoon ay mabuti; ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.”

Pagkatapos, may ulap na bumalot sa templo ng Panginoon. 14 Hindi na makaganap ang mga pari ng kanilang gawain sa templo dahil sa ulap, dahil binalot ng makapangyarihang presensya ng Panginoon ang kanyang templo.