2 Cronica 4
Ang Biblia (1978)
Ang kaayusan ng templo:—(karugtong).
4 (A)Bukod dito'y gumawa siya ng dambanang tanso na dalawangpung siko ang haba niyaon, at dalawangpung siko ang luwang niyaon, at sangpung siko ang taas niyaon.
2 (B)Gumawa rin siya ng dagatdagatan na binubo na may sangpung siko sa labi't labi, na mabilog, at ang taas niyaon ay limang siko; at isang panukat na pisi na may tatlong pung siko na nakalibid sa paligid.
3 At sa ilalim niyao'y may kawangis ng mga baka na lumilibot sa palibot, na sangpung siko, na nakaligid sa palibot ng dagatdagatan. Ang mga baka ay dalawang hanay, na binubo nang bubuin yaon.
4 Nakapatong ang dagatdagatan sa labing dalawang baka, tatlo'y nakaharap sa dakong hilagaan, at tatlo'y nakaharap sa dakong kalunuran, at tatlo'y nakaharap sa dakong timugan, at tatlo'y nakaharap sa dakong silanganan: at ang dagatdagatan ay napapatong sa mga yaon sa ibabaw, at lahat nilang puwitan ay nasa dakong loob.
5 At ang kapal ng dagatdagatan ay isang dangkal; at ang labi niyao'y yaring gaya ng labi ng isang saro, gaya ng bulaklak ng lila: naglalaman ng tatlong libong bath.
6 (C)Siya nama'y gumawa ng sangpung hugasan, at inilagay ang lima sa kanan, at lima sa kaliwa, upang paghugasan: na ang mga bagay na nauukol sa handog na susunugin ay hinugasan doon: nguni't ang dagatdagatan ay upang paghugasan ng mga saserdote.
Ang ibang mga kagamitan sa templo.
7 (D)At siya'y gumawa ng sangpung kandelero na ginto ayon sa ayos tungkol sa mga yaon; at inilagay niya sa templo, na lima sa kanan, at lima sa kaliwa.
8 (E)Gumawa rin naman siya ng sangpung dulang, at inilagay sa templo, na lima sa dakong kanan, at lima sa kaliwa. At siya'y gumawa ng isang daang mangkok na ginto.
9 Bukod dito'y ginawa niya ang looban ng mga saserdote, at ang malaking looban, at ang mga pinto na ukol sa looban at binalot ng tanso ang mga pinto ng mga yaon.
10 At kaniyang inilagay ang dagatdagatan sa dakong kanan ng bahay sa may dakong silanganan na gawing timugan.
Ang pagtatapos ng templo.
11 (F)At ginawa ni Hiram ang mga palayok, at ang mga pala, at ang mga mangkok. Gayon tinapos ni Hiram ang paggawa ng gawain na ginawa niya na ukol sa haring Salomon sa bahay ng Dios:
12 Ang dalawang haligi, at (G)ang mga kabilugan, at ang dalawang kapitel na nasa dulo ng mga haligi, at ang dalawang yaring lambat na nagsisitakip sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nangasa dulo ng mga haligi;
13 At ang apat na raang granada na ukol sa dalawang yaring lambat; dalawang hanay na granada na ukol sa bawa't yaring lambat, upang tumakip sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nangasa dulo ng mga haligi.
14 Ginawa rin niya ang mga tungtungan, at ang mga hugasan ay ginawa niya sa ibabaw ng mga tungtungan;
15 Isang dagatdagatan, at ang labing dalawang baka ay sa ilalim niyaon.
16 Ang mga palayok naman, at ang mga pala, at ang mga pangduro, at lahat ng kasangkapan niyaon, ay ginawa ni Hiram na kaniyang ama para sa haring Salomon na ukol sa bahay ng Panginoon na tansong binuli.
17 Sa kapatagan ng Jordan binubo ng hari, sa malagkit na lupa sa pagitan ng Suchot at ng (H)Sereda.
18 Ganito ginawa ni (I)Salomon ang lahat na kasangkapang ito na totoong sagana; sapagka't ang timbang ng tanso ay hindi makukuro.
19 At ginawa ni Salomon ang lahat na kasangkapan na nangasa bahay ng Dios, ang gintong dambana rin naman, at ang mga dulang na kinaroroonan ng tinapay na handog;
20 At ang mga kandelero na kalakip ng mga ilawan niyaon, na mga paniningasan ayon sa ayos sa harap ng sanggunian, na taganas na ginto;
21 At ang mga bulaklak, at ang mga ilawan at ang mga gunting, na ginto, at yao'y dalisay na ginto;
22 At ang mga gunting, at ang mga mangkok, at ang mga panandok, at ang mga pangsuob, na taganas na ginto: at tungkol sa pasukan ng bahay, ang mga pinakaloob na pinto niyaon na ukol sa kabanalbanalang dako, at ang mga pinto ng bahay, ng templo, ay ginto.
2 Cronica 4
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Kagamitan ng Templo(A)
4 Nagpagawa rin si Solomon ng tansong altar na 30 talampakan ang haba, 30 talampakan ang lapad at 15 talampakan ang taas. 2 Nagpagawa rin siya ng malaking lalagyan ng tubig na parang kawa, na tinatawag na Dagat. Ang lalim nito ay pitoʼt kalahating talampakan, ang luwang ay 15 talampakan, at ang sukat sa paligid ay 45 talampakan. 3 Napapalibutan ito ng dalawang hanay ng palamuting hugis toro sa ilalim ng bibig nito. Ang mga palamuti ay kasama na nang gawin ito. 4 Nakapatong ang sisidlan sa likod ng 12 tansong toro na magkakatalikod. Ang tatlong toro ay nakaharap sa gawing hilaga, ang tatlo ay sa kanluran, ang tatlo ay sa timog, at ang tatlo ay sa gawing silangan. 5 Ang kapal ng sisidlan ay mga tatlong pulgada, at ang ilalim nito ay parang bibig ng tasa na nakakurba palabas katulad ng namumukadkad na bulaklak ng liryo. At maaari itong malagyan ng 17,500 galong tubig. 6 Nagpagawa rin siya ng sampung planggana para paghugasan ng mga kagamitan sa mga handog na sinusunog. Inilagay ang lima sa gawing timog at ang lima ay sa gawing hilaga. Pero ang tubig sa lalagyan na tinatawag na Dagat ay ginagamit ng mga pari na panghugas. 7 Nagpagawa rin siya ng sampung lalagyan ng ilaw na ginto ayon sa plano, at inilagay sa templo, lima sa gawing hilaga at lima sa gawing timog. 8 Nagpagawa siya ng 10 mesa at inilagay sa templo, lima sa gawing timog at lima sa gawing hilaga. Nagpagawa rin siya ng 100 gintong mangkok na ginagamit sa pangwisik.
9 Nagpagawa rin siya ng bakuran ng mga pari at maluwang na bakuran sa labas. Pinagawan niya ng mga pintuan ang mga daanan papasok sa bakuran ng templo at pinabalutan niya ng tanso. 10 Inilagay niya ang sisidlan ng tubig na tinatawag na Dagat sa gawing timog-silangan ng templo. 11 Nagpagawa rin siya ng mga palayok, mga pala, at mga mangkok na ginagamit sa pangwisik.
Natapos ni Huram ang lahat ng ipinagawa sa kanya ni Solomon para sa templo ng Dios. Ito ang kanyang mga ginawa:
12 ang dalawang haligi;
ang dalawang parang mangkok na ulo ng mga haligi;
ang dalawang magkadugtong na mga kadenang palamuti sa ulo ng mga haligi;
13 ang 400 palamuti na ang hugis ay parang prutas na pomegranata (nakakabit ang dalawang hilera nito sa bawat magkadugtong na mga kadenang nakapaikot sa ulo ng mga haligi);
14 ang mga kariton at mga planggana;
15 ang lalagyan ng tubig na tinatawag na Dagat at ang 12 tansong toro sa ilalim nito;
16 ang mga palayok, mga pala, malalaking tinidor para sa karne, at ang iba pang kagamitan.
Ang lahat ng bagay na ipinagawa ni Haring Solomon kay Huram na para sa templo ng Panginoon ay gawa lahat sa pinakintab na tanso. 17 Ipinagawa ang mga ito ni Haring Solomon sa pamamagitan ng hulmahan na nasa kapatagan ng Jordan, sa pagitan ng Sucot at Zaretan. 18 Napakaraming tanso na ginamit ni Solomon kaya hindi na kayang alamin ang eksaktong timbang nito.
19 Nagpagawa rin si Solomon ng mga kagamitang ito para sa templo ng Dios:
ang gintong altar,
ang mga gintong mesa na pinaglalagyan ng tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios,
20 ang mga patungan ng ilaw na purong ginto at ang mga lampara nito na pinapailaw sa harapan ng Pinakabanal na Lugar ayon sa tuntunin tungkol dito,
21 ang palamuting bulaklak, ang mga ilawan at ang mga pang-ipit, na puro ginto lahat;
22 ang mga panggupit ng mitsa ng ilaw, mga mangkok na ginagamit sa pangwisik, mga sandok at mga sisidlan ng insenso na puro ginto rin lahat;
ang mga pintuan ng templo at ang mga pintuan papasok sa Pinakabanal na Lugar, na nababalutan ng ginto.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.