Add parallel Print Page Options

Si Haring Josias ng Juda(A)

34 Si(B) Josias ay walong taóng gulang nang maging hari ng Juda. Tatlumpu't isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Tulad ng ninuno niyang si David, naging kalugud-lugod kay Yahweh ang mga ginawa niya. Namuhay siya nang matuwid. Nang ikawalong taon ng kanyang pamamahala, kahit bata pa, ay naglingkod na siya nang tapat sa Diyos ni David na kanyang ninuno. Kaya noong ikalabindalawang taon, sinimulan niyang alisin sa Juda at Jerusalem ang mga sambahan ng mga pagano, ang mga larawan ng diyosang si Ashera at ang lahat ng diyus-diyosang kahoy o tanso. Ipinasibak(C) niya sa kanyang harapan ang larawan ng mga Baal. Giniba niya ang mga altar ng insenso. Winasak niya ang mga imahen ni Ashera at ang mga diyus-diyosang kahoy at ginto. Ipinadurog niya ito nang pinung-pino at ipinasabog sa libingan ng mga sumamba sa kanila. Ipinasunog(D) niya ang mga kalansay ng mga paring pagano sa ibabaw ng kanilang mga dambana. Sa ganoong paraan, nilinis ni Josias ang Jerusalem at ang buong Juda. Ganoon din ang ginawa niya sa mga lunsod ng Manases, Efraim at Simeon at sa mga nawasak na nayon sa paligid ng Neftali. Matapos niyang gawin ang lahat ng ito sa buong Israel, bumalik na siya sa Jerusalem.

Natagpuan ang Aklat ng Kautusan(E)

Inalis ni Josias ang lahat ng karumal-dumal sa buong lupain at sa Templo ng Diyos. Kaya't noong ikalabing walong taon ng kanyang paghahari, sinugo niya si Safan na anak ni Azalias, ang pinuno ng lunsod na si Maasias at ang kalihim niyang si Joas na anak ni Joahaz, upang ipaayos muli ang Templo ni Yahweh. Ibinigay nila kay Hilkias na pinakapunong pari ang pilak na nalikom sa Templo. Ito ang mga nalikom mula sa mga taga-Manases, Efraim, Benjamin, Juda at iba pang mga Israelita at mga taga-Jerusalem. Tinipon ito ng mga Levitang naglilingkod sa Templo. 10 Ibinigay nila ang salaping ito sa namamahala ng gawain sa Templo ni Yahweh para sa pagpapaayos nito. 11 Ang iba nama'y ibinili ng mga bato at kahoy na gagamitin sa pag-aayos ng bubong ng Templo na nasira dahil sa kapabayaan ng mga naunang hari ng Juda. 12 Naging tapat ang mga taong katulong sa gawain. Pinamahalaan sila nina Jahat at Obadias, mga Levita buhat sa angkan nina Merari, Zacarias at Mesulam sa sambahayan ni Kohat. Mga Levita rin na pawang bihasang manunugtog 13 ang nangasiwa sa mga manggagawang naghahakot ng mga gagamitin at sa iba pang gawain. Ang ibang Levita ay ginawang kalihim, karaniwang kawani o kaya'y mga bantay.

14 Nang ilabas nila ang salaping natipon sa Templo, natagpuan ng paring si Hilkias ang Aklat ng Kautusang ibinigay ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises. 15 Kaya tinawag niya si Safan, ang kalihim ng hari at sinabi, “Natagpuan ko sa Templo ang Aklat ng Kautusan.” Ibinigay ni Hilkias kay Safan ang aklat 16 at dinala naman nito sa hari nang siya'y mag-ulat tungkol sa pagpapaayos ng Templo. Sabi niya, “Maayos po ang takbo ng lahat ng gawaing ipinagkatiwala ninyo sa inyong mga lingkod. 17 Tinunaw na po nila ang pilak na nakuha sa Templo at ibinigay sa namamahala ng trabaho.” 18 Sinabi rin ng kalihim ang tungkol sa aklat na ibinigay sa kanya ng paring si Hilkias at binasa niya ito nang malakas sa hari.

19 Nang marinig ng hari ang nilalaman ng aklat, pinunit nito ang kanyang kasuotan. 20 Iniutos niya agad kay Hilkias, kay Ahikam na anak ni Safan, kay Abdon na anak ni Mica, kay Safan, na kalihim, at kay Asaias, ang lingkod ng hari, na sumangguni kay Yahweh. Ang sabi niya, 21 “Sumangguni kayo kay Yahweh para sa akin at para sa nalalabing sambayanan ng Juda at Israel. Alamin ninyo ang mga itinuturo ng aklat na ito. Galit si Yahweh sa atin dahil sinuway ng ating mga ninuno ang salita ni Yahweh at hindi nila sinunod ang mga utos na nakasulat sa aklat na ito.”

22 Ang lahat ng inutusan, sa pangunguna ni Hilkias ay sama-samang sumangguni kay Hulda na isang babaing propeta at asawa ni Sallum. Si Sallum ay anak ni Tokat at apo naman ni Hasra na tagapag-ingat ng mga kasuotan. Siya'y pinuntahan nila sa kanyang tirahan sa bagong bahagi ng Jerusalem at sinabi rito ang nangyari. 23 Sinabi ni Hulda: “Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Sabihin ninyo sa nagsugo sa inyo 24 na padadalhan ko ng malaking sakuna ang lugar na ito at padaranasin ng matinding hirap. Mangyayari ang lahat ng sumpang sinasabi sa aklat na binasa sa harapan ng hari ng Juda. 25 Matutupad iyon sapagkat ako'y kanilang itinakwil at sa ibang mga diyos sila naghandog at sumamba. Ginalit nila ako dahil sa mga diyus-diyosang ginawa nila. Kaya't hindi mapapawi ang galit na ibubuhos ko sa bayang ito.’ 26 Ito ang sabihin ninyo sa hari ng Juda. Sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Nakita kong buong puso kang nagsisi at nagpakumbaba nang marinig mo ang kanyang salita laban sa lugar na ito at sa mamamayan dito. 27 Dahil nagpakumbaba ka, sinira mo ang iyong kasuotan at nakita kong tumangis ka nang marinig mo ang nakahanda kong parusa sa Jerusalem at sa mga naninirahan dito, pinakinggan ko ang iyong panalangin. 28 Kaya, hindi mo na maaabutan ang parusang igagawad ko sa lugar na ito. Isasama kita sa iyong mga ninuno at mamamatay kang mapayapa.’” Ito ang kasagutang dinala nila sa hari.

Ang Pangako ni Josias at ng mga Mamamayan kay Yahweh

29 Dahil dito'y ipinatawag ng hari ang mga matatandang pinuno ng sambayanan sa Juda at Jerusalem. 30 Kaya't sama-sama silang pumunta sa Templo kasama ang mga pari, Levita at lahat ng mamamayan sa Juda at Jerusalem. Tumayo ang hari sa harap ng madla at binasa ang buong Aklat ng Tipan na natagpuan sa Templo. 31 Nakatayo noon ang hari malapit sa isang haligi ng Templo. Nanumpa siya kay Yahweh na susundin nila nang buong puso at kaluluwa ang Kautusan at ang mga itinatakda ng kasunduang nakasulat sa aklat na iyon. 32 Pagkatapos, pinanumpa rin niya ang lahat ng taga-Jerusalem pati ang taga-Benjamin na sumunod sa kasunduang ginawa ng Diyos ng kanilang mga ninuno. 33 Inalis ni Josias sa buong nasasakupan ng bayang Israel ang lahat ng mga diyus-diyosang kasuklam-suklam sa Diyos at habang siya'y nabubuhay, inatasan niya ang bawat mamamayan na maglingkod kay Yahweh, ang Diyos na sinamba ng kanilang mga ninuno.

Si Haring Josias ng Juda(A)

34 Si(B) Josias ay walong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng tatlumpu't isang taon sa Jerusalem.

Kanyang ginawa ang matuwid sa paningin ng Panginoon, at lumakad sa mga landas ni David na kanyang ninuno, at hindi siya lumiko sa kanan o sa kaliwa.

Sapagkat sa ikawalong taon ng kanyang paghahari, samantalang siya'y bata pa, kanyang pinasimulang hanapin ang Diyos ni David na kanyang ninuno. At sa ikalabindalawang taon ay kanyang pinasimulang linisin ang Juda at Jerusalem sa matataas na dako, mga sagradong poste,[a] mga larawang inukit, at mga larawang hinulma.

Sinira ni Josias ang Pagsambang Pagano

At(C) kanilang winasak ang mga dambana ng mga Baal sa kanyang harapan; at kanyang ibinagsak ang mga dambana ng insenso na nasa ibabaw nila. Ang mga sagradong poste,[b] mga larawang inukit, at mga larawang hinulma ay kanyang pinagputul-putol, dinurog, at isinabog sa mga libingan ng naghandog sa kanila.

Sinunog(D) din niya ang mga buto ng mga pari sa kanilang mga dambana, at nilinis ang Juda at ang Jerusalem.

At sa mga bayan ng Manases, Efraim, at Simeon, hanggang sa Neftali, sa kanilang mga guho sa palibot,

ay kanyang winasak ang mga dambana at dinurog ang mga sagradong poste[c] at mga larawang inukit hanggang maging alabok, at pinagputul-putol ang lahat ng dambana ng insenso sa buong lupain ng Israel. Pagkatapos ay bumalik siya sa Jerusalem.

Natuklasan ang Aklat ng Kautusan(E)

Sa ikalabingwalong taon ng kanyang paghahari, nang kanyang malinis na ang lupain at ang bahay, ay kanyang sinugo si Safan na anak ni Azalia, at si Maasias na tagapamahala ng lunsod, at si Joah na anak ni Joahaz na tagapagtala, upang kumpunihin ang bahay ng Panginoon niyang Diyos.

Sila'y pumunta kay Hilkias na pinakapunong pari at ibinigay ang salapi na dinala sa bahay ng Diyos na nalikom ng mga Levita at mga bantay sa pintuan mula sa kamay ng Manases at ng Efraim, at sa lahat ng nalabi sa Israel, Juda, Benjamin, at sa mga naninirahan sa Jerusalem.

10 Iyon ay kanilang ibinigay sa mga manggagawang namamahala sa bahay ng Panginoon; at ibinigay iyon ng mga manggagawa na gumagawa sa bahay ng Panginoon upang kumpunihin at isaayos ang bahay.

11 Ibinigay nila iyon sa mga karpintero at sa mga tagapagtayo upang ibili ng mga batong tinabas, at ng mga trosong panghalang at mga biga para sa mga gusaling hinayaang magiba ng mga hari ng Juda.

12 At matapat na ginawa ng taong-bayan ang gawain. Inilagay na mga tagapamahala sa kanila sina Jahat at Obadias na mga Levita, mula sa mga anak ni Merari; at sina Zacarias at Mesulam, mula sa mga anak ng mga Kohatita upang mangasiwa. Ang mga Levita, na pawang bihasa sa mga kagamitang panugtog,

13 ay namahala sa mga tagabuhat ng mga pasan at pinamamahalaan ang lahat ng gumagawa sa bawat uri ng paglilingkod; at ang ibang mga Levita ay mga manunulat, mga pinuno, at mga bantay-pinto.

14 Samantalang kanilang inilalabas ang salaping ipinasok sa bahay ng Panginoon, natagpuan ni Hilkias na pari ang aklat ng kautusan ng Panginoon na ibinigay sa pamamagitan ni Moises.

15 Sinabi ni Hilkias kay Safan na kalihim, “Aking natagpuan ang aklat ng kautusan sa bahay ng Panginoon.” At ibinigay ni Hilkias ang aklat kay Safan.

16 Dinala ni Safan ang aklat sa hari, at bukod dito'y iniulat pa sa hari, “Lahat ng ipinamahala sa iyong mga lingkod ay kanilang ginagawa.

17 Kanilang kinuhang lahat ang salaping natagpuan sa bahay ng Panginoon at ibinigay ito sa kamay ng mga tagapamahala at mga manggagawa.”

18 At sinabi ni Safan na kalihim sa hari, “Si Hilkias na pari ay nagbigay sa akin ng isang aklat.” At binasa ito ni Safan sa harapan ng hari.

19 Nang marinig ng hari ang mga salita ng kautusan, pinunit niya ang kanyang suot.

20 At inutusan ng hari sina Hilkias, Ahicam na anak ni Safan, Abdon na anak ni Micaias, Safan na kalihim, at si Asaya na lingkod ng hari, na sinasabi,

21 “Humayo kayo at sumangguni sa Panginoon, para sa akin at sa kanila na naiwan sa Israel at Juda, tungkol sa mga salita ng aklat na natagpuan sapagkat malaki ang poot ng Panginoon na nabubuhos sa atin. Sapagkat hindi iningatan ng ating mga ninuno ang salita ng Panginoon, upang gawin ang ayon sa lahat ng nasusulat sa aklat na ito.”

22 Kaya't si Hilkias at silang mga sinugo ng hari, ay pumunta kay Hulda na babaing propeta, na asawa ni Shallum na anak ni Tokhat, na anak ni Haras, na tagapag-ingat ng silid ng kasuotan; (siya nga'y nakatira sa Jerusalem sa Ikalawang Bahagi;) at kanilang sinabi sa kanya ang gayon.

23 At sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: ‘Sabihin ninyo sa lalaking nagsugo sa inyo sa akin,

24 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ako'y magdadala ng kasamaan sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito, lahat ng sumpa na nakasulat sa aklat na binasa sa harapan ng hari ng Juda.

25 Sapagkat tinalikuran nila ako at nagsunog sila ng insenso sa ibang mga diyos, upang galitin sa pamamagitan ng lahat ng gawa ng kanilang mga kamay; kaya't ang aking poot ay ibubuhos sa dakong ito at hindi mapapawi.

26 Ngunit sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo upang sumangguni sa Panginoon, ganito ang sasabihin ninyo sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Tungkol sa mga salitang iyong narinig,

27 sapagkat ang iyong puso ay nagsisisi, at ikaw ay nagpakumbaba sa harapan ng Diyos nang iyong marinig ang kanyang mga salita laban sa dakong ito, at sa mga mamamayan nito, at ikaw ay nagpakumbaba sa harapan ko, at pinunit mo ang iyong suot, at umiyak sa harapan ko; dininig din kita, sabi ng Panginoon.

28 Ilalakip kita sa iyong mga ninuno, at ikaw ay mapapalakip na payapa sa iyong libingan. Hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat ng kasamaang aking dadalhin sa lugar na ito at sa mamamayan nito.’” At kanilang dinala ang mensahe sa hari.

Nakipagtipan si Josias upang Sundin ang Panginoon(F)

29 Nang magkagayo'y nagsugo ang hari at tinipon ang lahat ng matatanda sa Juda at sa Jerusalem.

30 Umakyat ang hari sa bahay ng Panginoon, kasama ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem, ang mga pari at mga Levita, at lahat ng mga tao, maging dakila at hamak. Kanyang binasa sa kanilang mga pandinig ang lahat ng salita ng aklat ng tipan na natagpuan sa bahay ng Panginoon.

31 Ang hari ay tumayo sa kanyang lugar at nakipagtipan sa harapan ng Panginoon, upang lumakad nang ayon sa Panginoon at ingatan ang kanyang mga utos, mga patotoo, at mga tuntunin, ng kanyang buong puso at kaluluwa, upang isagawa ang mga salita ng tipan na nasusulat sa aklat na ito.

32 Kanyang pinanumpa rito ang lahat ng nasa Jerusalem at Benjamin. At ginawa ng mga naninirahan sa Jerusalem ang ayon sa tipan ng Diyos ng kanilang mga ninuno.

33 At inalis ni Josias ang lahat ng karumaldumal sa lahat ng lupaing pag-aari ng mga anak ni Israel, at ang lahat ng nasa Israel ay pinapaglingkod sa Panginoon nilang Diyos. Sa lahat ng kanyang mga araw ay hindi sila humiwalay sa pagsunod sa Panginoong Diyos ng kanilang mga ninuno.

Footnotes

  1. 2 Cronica 34:3 Sa Hebreo ay Ashera .
  2. 2 Cronica 34:4 Sa Hebreo ay Ashera .
  3. 2 Cronica 34:7 Sa Hebreo ay Ashera .

34 Si Josias ay may walong taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing tatlong pu't isang taon sa Jerusalem.

At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, at lumakad ng mga lakad ni David na kaniyang magulang, at hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa.

Sapagka't sa ikawalong taon ng kaniyang paghahari, samantalang siya'y bata pa, kaniyang pinasimulang hinanap ang Dios ni David na kaniyang magulang: at sa ikalabing dalawang taon ay kaniyang pinasimulang nilinis ang Juda at Jerusalem na inalis ang mga mataas na dako, at ang mga Asera, at ang mga larawang inanyuan, at ang mga larawang binubo.

At kanilang ibinagsak ang mga dambana ng mga Baal sa kaniyang harapan; at ang mga larawang araw na nasa ibabaw nila, ay kaniyang ibinagsak; at ang mga Asera, at ang mga larawang inanyuan, at ang mga larawang binubo, ay kaniyang pinagputolputol, at dinurog, at isinabog sa mga libingan ng nangaghain sa kanila.

At sinunog niya ang mga buto ng mga saserdote sa kanilang mga dambana, at nilinis ang Juda at ang Jerusalem.

At gayon ang ginawa niya sa mga bayan ng Manases at Ephraim at Simeon, hanggang sa Nephtali, sa kanilang mga guho sa palibot.

At kaniyang ibinagsak ang mga dambana at pinukpok ang mga Asera at ang mga larawang inanyuan ay dinurog, at pinagputolputol ang lahat na larawang araw sa buong lupain ng Israel, at nagbalik sa Jerusalem.

Sa ikalabing walong taon nga ng kaniyang paghahari, nang kaniyang malinis ang lupain, at ang bahay, ay kaniyang sinugo si Saphan na anak ni Asalias, at si Maasias na tagapamahala ng bayan, at si Joah na anak ni Joachaz na kasangguni, upang husayin ang bahay ng Panginoon niyang Dios.

At sila'y nagsiparoon kay Hilcias na dakilang saserdote at ibinigay ang salapi na napasok sa bahay ng Dios, na nakuha ng mga Levita, na mga tagatanod-pinto, sa kamay ng Manases at ng Ephraim, at sa lahat ng nalabi sa Israel, at sa buong Juda, at Benjamin, at sa mga taga Jerusalem.

10 At kanilang ibinigay sa kamay ng mga manggagawa na siyang namamahala sa bahay ng Panginoon; at ibinigay ng mga manggagawa ng bahay ng Panginoon upang husayin at pagtibayin ang bahay;

11 Sa makatuwid baga'y sa mga anluwagi at sa mga nagtatayo ibinigay nila, upang ibili ng mga batong tinabas, at ng mga kahoy na panghalang, at upang ipaggawa ng mga sikang sa mga bahay na giniba ng mga hari, sa Juda.

12 At ginawa ng mga lalake na may pagtatapat ang gawain: at ang mga tagapamahala ng mga yaon ay si Jahath at si Abdias, na mga Levita, sa mga anak ni Merari; at si Zacharias at si Mesullam, sa mga anak ng mga Coathita, upang ipagpatuloy: at ang iba sa mga Levita, lahat na bihasa sa mga panugtog ng tugtugin.

13 Nasa mga tagadala ng mga pasan naman sila, at pinamamahalaan ang lahat na nagsisigawa ng gawain sa sarisaring paglilingkod: at sa mga Levita ay may mga kalihim, at mga pinuno, at mga tagatanod-pinto.

14 At nang kanilang ilalabas ang salapi na napasok sa bahay ng Panginoon, nasumpungan ni Hilcias na saserdote ang aklat ng kautusan ng Panginoon na ibinigay sa pamamagitan ni Moises.

15 At si Hilcias ay sumagot, at sinabi niya kay Saphan na kalihim: Aking nasumpungan ang aklat ng kautusan sa bahay ng Panginoon, At ibinigay ni Hilcias ang aklat kay Saphan.

16 At dinala ni Saphan ang aklat sa hari, at bukod dito'y nagdala ng salita sa hari, na sinasabi, Lahat na ipinamahala sa iyong mga lingkod, ay kanilang ginagawa.

17 At kanilang ibinubo ang salapi na nasumpungan sa bahay ng Panginoon, at ibinigay sa kamay ng mga tagapamahala, at sa kamay ng mga manggagawa.

18 At sinaysay ni Saphan na kalihim sa hari, na sinasabi, Si Hilcias na saserdote ay nagbigay sa akin ng isang aklat. At binasa ni Saphan sa harap ng hari.

19 At nangyari, nang marinig ng hari ang mga salita ng kautusan, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot.

20 At ang hari ay nagutos kay Hilcias, at kay Ahicham na anak ni Saphan, at kay Abdon na anak ni Micha, at kay Saphan na kalihim, at kay Asaia na lingkod ng hari, na kaniyang sinasabi,

21 Kayo'y magsiyaon, isangguni ninyo ako sa Panginoon, at silang naiwan sa Israel, at sa Juda, tungkol sa mga salita ng aklat na nasumpungan: sapagka't malaki ang pagiinit ng Panginoon na nabugso sa atin, sapagka't hindi iningatan ng ating mga magulang ang salita ng Panginoon, upang gawin ayon sa lahat na nasusulat sa aklat na ito.

22 Sa gayo'y si Hilcias at silang pinagutusan ng hari, nagsiparoon kay Hulda na propetisa, na asawa ni Sallum na anak ni Tikoath, na anak ni Hasra, na tagapagingat ng silid ng kasuutan; (siya nga'y tumahan sa Jerusalem sa ikalawang pook;) at kanilang sinabi sa kanila sa gayong paraan.

23 At sinabi niya sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel: Saysayin ninyo sa lalake na nagsugo sa inyo sa akin.

24 Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magdadala ng kasamaan sa dakong ito, at sa mga tagarito, sa makatuwid baga'y lahat ng sumpa na nangakasulat sa aklat na kanilang nabasa sa harap ng hari sa Juda:

25 Sapagka't kanilang pinabayaan ako, at nagsunog ng kamangyan sa ibang mga dios, upang mungkahiin nila ako sa galit ng lahat na gawa ng kanilang mga kamay; kaya't ang aking pagiinit ay nabugso sa dakong ito, at hindi mapapawi.

26 Nguni't sa hari sa Juda, na nagsugo sa inyo upang magusisa sa Panginoon, ganito ang sasabihin ninyo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel: Tungkol sa mga salita na iyong narinig,

27 Sapagka't ang iyong puso ay malumanay, at ikaw ay nagpakababa sa harap ng Dios ng iyong marinig ang kaniyang mga salita laban sa dakong ito, at laban sa mga tagarito; at ikaw ay nagpakababa sa harap ko, at hinapak mo ang iyong suot, at umiyak sa harap ko; dininig naman kita, sabi ng Panginoon.

28 Narito, ipipisan kita sa iyong mga magulang, at ikaw ay mapipisan na payapa sa iyong libingan, at hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat na kasamaan na aking dadalhin sa dakong ito, at sa mga tagarito. At sila'y nagbalik ng salita sa hari.

29 Nang magkagayo'y nagsugo ang hari at pinisan ang lahat na matanda sa Juda at sa Jerusalem.

30 At sumampa ang hari sa bahay ng Panginoon, at ang lahat na lalake ng Juda, at ang mga taga Jerusalem, at ang mga saserdote, at ang mga Levita, at ang buong bayan, malaki at gayon din ang maliit: at kaniyang binasa sa kanilang mga pakinig ang lahat na salita ng aklat ng tipan na nasumpungan sa bahay ng Panginoon.

31 At ang hari ay tumayo sa kaniyang dako, at nakipagtipan sa harap ng Panginoon, upang lumakad ng ayon sa Panginoon, at upang ingatan ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga patotoo, at ang kaniyang mga palatuntunan, ng buong puso niya, at ng buong kaluluwa niya, upang tuparin ang mga salita ng tipan na nasusulat sa aklat na ito.

32 At kaniyang pinapanayo sa tipan ang lahat na nasumpungan sa Jerusalem at Benjamin. At ginawa ng mga taga Jerusalem ang ayon sa tipan ng Dios ng kanilang mga magulang.

33 At inalis ni Josias ang lahat na karumaldumal sa lahat ng lupain na ukol sa mga anak ni Israel, at pinapaglingkod ang lahat na nangasumpungan sa Israel, upang mangaglingkod nga sa Panginoon nilang Dios. Lahat ng mga kaarawan niya ay hindi sila nagsihiwalay sa pagsunod sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang.

'2 Paralipomeno 34 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.