2 Cronica 33
Magandang Balita Biblia
Si Haring Manases ng Juda(A)
33 Si Manases ay labindalawang taóng gulang nang maging hari ng Juda. Limampu't limang taon siyang naghari sa Jerusalem. 2 Hindi(B) kinalugdan ni Yahweh ang ginawa niya sapagkat tinularan niya ang kasamaan ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa lupaing iyon nang sakupin iyon ng bayang Israel. 3 Muli niyang itinayo ang mga sambahan ng mga pagano na winasak ng kanyang amang si Ezequias. Nagtayo rin siya ng mga dambana para kay Baal, gumawa ng mga imahen ng diyosang si Ashera at sumamba sa mga bituin. 4 Nagtayo(C) siya ng mga altar ng mga pagano sa Templo, sa lugar na sinabi ni Yahweh kung saan siya'y sasambahin magpakailanman. 5 Pati ang dalawang bulwagan ng Templo ay nilagyan niya ng mga altar para sa mga bituin. 6 Ang mga anak niyang lalaki ay sinunog niya sa Libis ng Ben Hinom bilang handog sa mga diyus-diyosan. Naging mahilig siya sa mga panghuhula, pangkukulam at salamangka. Nagpupunta rin siya sa mga sumasangguni sa espiritu ng namatay na at sa mga manghuhula. Dahil sa mga kasamaang ito, nagalit sa kanya si Yahweh. 7 Pati(D) ang inukit niyang larawan ng isang diyus-diyosan ay dinala niya sa Templo. Tungkol sa templong iyon ay sinabi ng Diyos kay David at sa anak nitong si Solomon: “Ang Templong ito sa Jerusalem ay pinili ko sa mga lipi ng Israel upang dito ako sambahin magpakailanman. 8 Kung susundin nilang mabuti ang mga utos at tuntuning ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ni Moises, hindi ko na sila aalisin sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno.” 9 Ngunit iniligaw ni Manases ang mga taga-Juda at Jerusalem. Inakay niya ang mga ito sa mga kasamaang masahol pa sa kasamaan ng mga bansang nilipol ni Yahweh nang sakupin iyon ng bayang Israel.
Ang Pagsisisi ni Manases
10 Binigyang-babala ni Yahweh si Manases at ang buong bayan, ngunit ayaw nilang makinig. 11 Kaya ipinasalakay sila ni Yahweh sa hukbo ng hari ng Asiria. Nahuli nila si Manases, ikinadena at dinalang-bihag sa Babilonia. 12 Sa oras ng kagipitan ay nagpakumbaba siya, nanalangin sa Diyos niyang si Yahweh, at humingi rito ng saklolo. 13 Pinakinggan ng Diyos ang kanyang panalangin kaya't pinabalik siya sa Jerusalem at muling naghari doon. Noon kinilala ni Manases na si Yahweh ay Diyos.
14 Pagkatapos nito, nagpatayo siya ng karagdagang pader sa labas ng Lunsod ni David sa gawing kanluran ng Batis ng Gihon patungo sa libis hanggang sa may Pintuan ng Isda. Pinaligiran din niya ng mataas na pader ang Ofel. Naglagay din siya ng mga pinunong-kawal sa mga may pader na lunsod ng Juda. 15 Inalis niya sa Templo ang mga diyus-diyosan ng mga bansa at ang imahen ni Ashera. Ipinaalis din niya ang mga altar na ipinagawa niya sa bundok na kinatatayuan ng Templo sa Jerusalem at ipinatapon sa labas ng lunsod. 16 Ipinatayo niyang muli ang altar ni Yahweh at naghandog siya ng handog na pagkaing butil at pasasalamat. Iniutos niya sa mga mamamayan ng Juda na maglingkod kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. 17 Nagpatuloy ang mga tao sa kanilang paghahandog sa mga dambana sa burol ngunit iyo'y ginagawa nila para kay Yahweh na kanilang Diyos.
Ang Buod ng Kasaysayan ni Manases(E)
18 Ang iba pang ginawa ni Manases, ang panalangin niya sa kanyang Diyos at ang mga pahayag ng mga propetang nagsalita sa kanya sa pangalan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 19 Ang kanyang panalangin at ang kasagutan ng Diyos dito, gayundin ang mga kasalanang ginawa niya ay nakasulat naman sa Kasaysayan ng mga Propeta. Naroon din ang tungkol sa mga ipinatayo niyang mga sambahan ng mga pagano, ang mga ipinagawa niyang larawan ni Ashera at ang mga ginawa niyang diyus-diyosan bago siya nagbalik-loob sa Diyos. 20 Namatay si Manases at inilibing sa kanyang palasyo. Humalili sa kanya bilang hari ang kanyang anak na si Ammon.
Si Haring Ammon ng Juda(F)
21 Si Ammon ay dalawampu't dalawang taóng gulang nang maging hari at dalawang taon siyang naghari sa Jerusalem. 22 Tulad ng kanyang amang si Manases, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sumamba siya at naglingkod sa mga diyus-diyosang ginawa ng kanyang ama. 23 Ngunit hindi tulad ng kanyang ama, hindi siya nagpakumbaba kay Yahweh. Mas malaki ang kanyang naging kasalanan kaysa sa kanyang ama. 24 Nagsabwatan ang kanyang mga tauhan at pinatay siya ng mga ito sa loob ng palasyo. 25 Nagalit naman ang mga taong-bayan at ang mga tauhang iyo'y pinatay din nila. Pagkatapos, ginawa nilang hari si Josias na anak ni Ammon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.