2 Cronica 3
Ang Biblia, 2001
3 Pinasimulang(A) itayo ni Solomon ang bahay ng Panginoon sa Jerusalem sa ibabaw ng Bundok Moria, na doon ay nagpakita ang Panginoon kay David na kanyang ama, sa lugar na itinakda ni David, sa giikan ni Ornan na Jebuseo.
2 Siya'y nagpasimulang magtayo nang ikalawang buwan ng ikaapat na taon ng kanyang paghahari.
3 Ang mga ito ang sukat na ginamit ni Solomon para sa pagtatayo ng bahay ng Diyos. Ang haba sa mga siko ayon sa matandang panukat ay animnapung siko, at ang luwang ay dalawampung siko.
4 Ang portiko na nasa harapan ng bahay ay dalawampung siko, kasinluwang ng bahay; at ang taas ay isandaan at dalawampung siko. Ito ay kanyang binalutan ng lantay na ginto sa loob.
5 Mismong ang bahay ay kanyang nilagyan ng kisame ng kahoy na sipres, at binalot ito ng lantay na ginto, at ginawan ito ng mga palma at mga tanikala.
6 Kanyang pinalamutian ang bahay ng mga mamahaling bato. Ang ginto ay mula sa Parvaim.
7 Kanyang binalutan ng ginto ang bahay, ang mga biga, mga pasukan, mga dingding, at ang mga pinto; at inukitan niya ng mga kerubin ang mga dingding.
8 Kanyang(B) ginawa ang dakong kabanal-banalan; ang haba nito ay katumbas ng luwang ng bahay, dalawampung siko, at ang luwang nito ay dalawampung siko. Kanyang binalutan ito ng dalisay na ginto na may timbang na animnaraang talento.
9 Ang bigat ng mga pako ay limampung siklong ginto. At kanyang binalutan ng ginto ang mga silid sa itaas.
10 Sa(C) dakong kabanal-banalan ay gumawa siya ng dalawang kerubin na yari sa kahoy at binalot ang mga ito ng ginto.
11 Ang mga pakpak ng mga kerubin na sama-samang nakabuka ay dalawampung siko ang haba; ang pakpak ng isa ay limang siko na abot sa dingding ng bahay; at ang kabilang pakpak na limang siko ay abot sa pakpak ng unang kerubin.
12 Ang pakpak ng isang kerubin ay limang siko na abot sa dingding ng bahay; at ang kabilang pakpak ay limang siko rin na nakalapat sa pakpak ng unang kerubin.
13 Ang mga pakpak ng mga kerubing ito ay umaabot ng dalawampung siko; ang mga kerubin ay nakatayo sa kanilang mga paa, nakaharap sa bahay.
14 Ginawa(D) niya ang tabing na asul, ube, matingkad na pulang tela at pinong lino, at ginawan ang mga ito ng mga kerubin.
15 Sa harapan ng bahay ay gumawa siya ng dalawang haligi na tatlumpu't limang siko ang taas, at ang kapitel na nasa ibabaw ng bawat isa sa mga iyon ay limang siko.
16 Siya'y gumawa ng mga tanikalang gaya ng kuwintas at inilagay sa ibabaw ng mga haligi; at siya'y gumawa ng isandaang granada, at inilagay sa mga tanikala.
17 Kanyang itinayo ang mga haligi sa harapan ng templo, ang isa'y sa timog, at ang isa'y sa hilaga; ang nasa timog ay tinawag na Jakin,[a] at ang nasa hilaga ay Boaz.[b]
Footnotes
- 2 Cronica 3:17 o Kanyang patatatagin .
- 2 Cronica 3:17 o Dito ay ang Kalakasan .
2 Paralipomeno 3
Ang Dating Biblia (1905)
3 Nang magkagayo'y pinasimulan ni Salomon na itayo ang bahay ng Panginoon, sa Jerusalem sa bundok ng Moria, na pinagkakitaan ng Panginoon kay David na kaniyang ama, sa dakong kaniyang pinaghandaan na pinagtakdaan ni David sa giikan ni Ornan na Jebuseo.
2 At siya'y nagpasimulang magtayo nang ikalawang araw ng ikalawang buwan ng ikaapat na taon ng kaniyang paghahari.
3 Ang mga ito nga ay ang mga tatagangbaon na inilagay ni Salomon na ukol sa pagtatayo ng bahay ng Dios. Ang haba sa mga siko ayon sa panukat ng una ay anim na pung siko, at ang luwang ay dalawangpung siko.
4 At ang portiko na nasa harap ng bahay, ang haba niyao'y ayon sa luwang ng bahay ay dalawang pung siko, at ang taas ay isang daang at dalawangpu: at kaniyang binalutan sa loob ng taganas na ginto.
5 At ang lalong malaking bahay ay kaniyang kinisamihan ng kahoy na abeto, na kaniyang binalot ng dalisay na ginto, at ginawan niya ng mga palma at mga tanikala.
6 At kaniyang ginayakan ang bahay ng mga mahalagang bato na pinakapangpaganda: at ang ginto, ay ginto sa Parvaim.
7 Kaniyang binalutan din naman ng ginto ang bahay, ang mga sikang, ang mga pintuan, at ang mga panig niyaon at ang mga pinto; at inukitan ng mga querubin sa mga panig niyaon.
8 At kaniyang ginawa ang kabanalbanalang bahay; ang haba niyaon, ayon sa luwang ng bahay, ay dalawangpung siko, at ang luwang niyaon ay dalawangpung siko; at kaniyang binalutan ng dalisay na ginto, na may timbang na anim na raang talento.
9 At ang bigat ng mga pako ay limangpung siklong ginto. At kaniyang binalot ng ginto ang pinakamataas na silid.
10 At sa kabanalbanalang bahay ay gumawa siya ng dalawang querubin na gawang nilarawan; at binalot nila ng ginto.
11 At ang mga pakpak ng mga querubin ay dalawangpung siko ang haba; ang pakpak ng isang querubin ay limang siko, na abot sa panig ng bahay; at ang kabilang pakpak ay gayon din na limang siko na abot sa pakpak ng isang querubin.
12 At ang pakpak ng isang querubin ay limang siko, na abot sa panig ng bahay: at ang kabilang pakpak ay limang siko rin, na nakadaiti sa pakpak ng isang querubin.
13 Ang mga pakpak ng mga querubing ito ay nangakaladlad ng dalawangpung siko: at sila'y nangakatayo ng kanilang mga paa, at ang kanilang mga mukha ay paharap sa dako ng bahay.
14 At kaniyang ginawa ang lambong na bughaw, at kulay ube, at matingkad na pula, at mainam na kayong lino, at ginawan ng mga querubin.
15 Siya'y gumawa rin sa harap ng bahay ng dalawang haligi na may tatlongpu't limang siko ang taas, at ang kapitel na nasa ibabaw ng bawa't isa sa mga yaon ay limang siko.
16 At kaniyang ginawan ng mga tanikala ang sanggunian at inilagay sa ibabaw ng mga haligi; at siya'y gumawa ng isang daang granada, at inilagay sa mga tanikala.
17 At kaniyang itinayo ang mga haligi sa harap ng templo, ang isa'y sa kanan, at ang isa'y sa kaliwa; at tinawag ang pangalan niyaong nasa kanan ay Jachin, at ang pangalan niyaong nasa kaliwa ay Boaz.
2 Cronica 3
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Nagpatayo si Solomon ng Templo sa Jerusalem
3 At sinimulan na ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon sa Jerusalem doon sa Bundok ng Moria, kung saan nagpakita ang Panginoon sa ama niyang si David. Doon niya ito ipinatayo sa giikan ni Arauna na Jebuseo, ang lugar na inihanda ni David. 2 Sinimulan niya itong ipatayo noong ikalawang araw ng ikalawang buwan, nang ikaapat na taon ng paghahari niya.
3 Ang pundasyon ng templo ng Dios ay may taas na 90 talampakan at lapad na 30 talampakan. 4 Ang balkonahe sa harapan ng templo ay 30 talampakan ang lapad, gaya ng lapad ng templo, at ang taas ay 30 talampakan din. Pinabalutan ni Solomon ang loob nito ng purong ginto.
5 Pinadingdingan niya ang bulwagan ng templo ng kahoy na sipres at pinabalutan ng purong ginto, at pinalamutian ng mga disenyo na palma at mga kadena. 6 Nilagyan din niya ang templo ng mga palamuti na mamahaling bato at ginto na galing pa sa Parvaim. 7 Pinabalutan niya ng ginto ang mga biga, hamba ng pintuan, mga dingding at mga pintuan. At pinaukitan niya ng kerubin ang mga dingding.
8 Ang Pinakabanal na Lugar ay may lapad na 30 talampakan at may haba na 30 talampakan din, na gaya ng lapad ng templo. Ang loob nitoʼy binalutan ng mga 21 toneladang ginto. 9 Ang mga pako ay ginto na may timbang na kalahating kilo. Ang mga dingding sa itaas na bahagi ay binalutan din ng ginto.
10 Nagpagawa si Solomon sa loob ng Pinakabanal na Lugar ng dalawang kerubin at pinabalutan ito ng ginto. 11-13 Ang bawat kerubin ay may dalawang pakpak, at ang bawat pakpak ay may habang pitoʼt kalahating talampakan. Kaya ang kabuuang haba ng nakalukob na mga pakpak ng dalawang kerubin ay 30 talampakan. Ang kabilang dulo ng kanilang pakpak ay nagpapang-abot, at ang kabilang pakpak nito ay nakadikit sa dingding. 14 Ang kurtina na nakatakip sa Pinakabanal na Lugar ay gawa mula sa pinong telang linen na asul, kulay ube at pula, na may burdang kerubin.
Ang Dalawang Haligi(A)
15 Gumawa rin si Solomon ng dalawang haligi sa harapan ng templo na ang taas ng bawat isa ay 52 talampakan. Ang bawat haligi ay may hugis-ulo na ang taas ay pitoʼt kalahating talampakan. 16 Ang bawat hugis-ulo ng haligi ay nilagyan ng mga kadena na may nakasabit na mga palamuting ang korte ay parang prutas na pomegranata. Ang mga palamuting ito ay 100 piraso. 17 Ipinatayo niya ang mga haligi sa harapan ng templo. Ang isaʼy sa gawing timog at ang isaʼy sa gawing hilaga. Ang haligi sa gawing timog ay tinawag niyang Jakin at ang haligi sa gawing hilaga ay tinawag niyang Boaz.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®