Add parallel Print Page Options

28 Si Achaz ay may dalawangpung taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing labing anim na taon sa Jerusalem: at hindi siya gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, na gaya ni David na kaniyang magulang.

Kundi siya'y lumakad ng mga lakad ng mga hari sa Israel, at iginawa rin naman ng mga larawang binubo ang mga Baal.

Bukod dito'y nagsunog siya ng kamangyan sa libis ng anak ni Hinnom, at sinunog ang kaniyang mga anak sa apoy, ayon sa mga karumaldumal ng mga bansa, na mga pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.

At siya'y naghain at nagsunog ng kamangyan sa mga mataas na dako, at sa mga burol, at sa ilalim ng bawa't punong kahoy na sariwa.

Kaya't ibinigay ng Panginoon niyang Dios siya sa kamay ng hari sa Siria; at sinaktan nila siya, at tumangay sa kaniya ng isang malaking karamihang bihag, at mga dinala sa Damasco. At siya nama'y nabigay sa kamay ng hari sa Israel na siyang sumakit sa kaniya ng malaking pagpatay.

Sapagka't si Peca na anak ni Remalias ay pumatay sa Juda ng isang daan at dalawangpung libo sa isang araw, silang lahat ay mga matapang na lalake; sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang.

At pinatay ni Zichri, na makapangyarihang lalake sa Ephraim, si Maasias na anak ng hari, at si Azricam na pinuno sa bahay, at si Elcana na pangalawa ng hari.

At ang mga anak ni Israel ay nagsipagdala ng bihag sa kanilang mga kapatid na dalawang daang libo, mga babae, mga anak na lalake at babae, at nagsipaglabas din ng maraming samsam na mula sa kanila, at dinala ang samsam sa Samaria.

Nguni't isang propeta ng Panginoon ay nandoon, na ang pangalan ay Obed: at siya'y lumabas na sinalubong ang hukbo na dumarating sa Samaria, at sinabi sa kanila, Narito, sapagka't ang Panginoon, ang Dios ng inyong mga magulang, ay naginit sa Juda, ay ibinigay niya sila sa inyong kamay, at inyong pinatay sila sa isang pagaalab ng loob na umaabot hanggang sa langit.

10 At ngayo'y inyong inaakalang pasukuin ang mga anak ni Juda at ng Jerusalem na maging pinaka aliping lalake at babae sa inyo: wala ba kayong pagsalangsang sa inyong sarili laban sa Panginoon ninyong Dios?

11 Ngayo'y dinggin nga ninyo ako, at pabalikin ninyo ang mga bihag, na inyong kinuhang bihag sa inyong mga kapatid: sapagka't ang malaking pagiinit ng Panginoon ay dumating sa inyo.

12 Nang magkagayo'y ilan sa mga pangulo sa mga anak ni Ephraim, si Azarias na anak ni Johanan, si Berachias na anak ni Mesillemoth at si Ezechias na anak ni Sallum, at si Amasa na anak ni Hadlai, ay nagsitayo laban sa kanila na nanggaling sa pakikipagdigma,

13 At sinabi sa kanila, Huwag kayong magsisipagdala ng mga bihag dito: sapagka't inyong inaakala na magdala sa atin ng pagsalangsang laban sa Panginoon, upang idagdag sa ating mga kasalanan at sa ating mga pagsalangsang: sapagka't ang ating pagsalangsang ay malaki, at may malaking pagiinit laban sa Israel.

14 Sa gayo'y iniwan ng mga lalaking may sakbat ang mga bihag at ang mga samsam sa harap ng mga prinsipe at ng buong kapisanan.

15 At ang mga lalaking nasaysay sa pangalan ay nagsitindig, at kinuha ang mga bihag, at sa samsam ay binihisan ang lahat na hubad sa kanila, at dinamtan at sinapatusan, at mga pinakain at pinainom, at mga pinahiran ng langis, at dinala ang lahat na mahina sa kanila na nakasakay sa mga asno, at mga dinala sa Jerico, na bayan ng mga puno ng palma, sa kanilang mga kapatid: saka nagsibalik sila sa Samaria.

16 Nang panahong yao'y nagsugo ang haring Achaz sa mga hari sa Asiria upang tulungan siya.

17 Sapagka't nagsiparoon uli ang mga Idumeo at sinaktan ang Juda, at dinalang bihag.

18 Nilusob naman ng mga Filisteo ang mga bayan ng mababang lupain, at ang Timugan ng Juda, at sinakop ang Beth-semes, at ang Ajalon, at ang Gederoth, at ang Socho pati ang mga nayon niyaon, at ang Timna pati ang mga nayon niyaon, ang Gimzo man at ang mga nayon niyaon: at sila'y nagsitahan doon.

19 Sapagka't ibinaba ng Panginoon ang Juda dahil kay Achaz na hari sa Israel; sapagka't hinubaran ang Juda, at sumalangsang na mainam laban sa Panginoon.

20 At si Tilgath-pilneser na hari sa Asiria ay naparoon sa kaniya, at ginipit siya, nguni't hindi siya pinalakas.

21 Sapagka't si Achas ay kumuha ng bahagi sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari at sa mga prinsipe, at ibinigay sa hari sa Asiria: nguni't hindi siya tinulungan.

22 At sa panahon ng kaniyang kagipitan ay lalo pa manding sumalangsang siya laban sa Panginoon, ang hari ring ito na si Achaz.

23 Sapagka't siya'y naghain sa mga dios ng Damasco, na sumakit sa kaniya: at sinabi niya, Sapagka't tinulungan sila ng mga dios ng mga hari sa Siria, kaya't ako'y maghahain sa kanila, upang tulungan nila ako. Nguni't sila ang naging kapahamakan niya at ng buong Israel.

24 At pinisan ni Achaz ang mga sisidlan ng bahay ng Dios, at pinagputolputol ang mga sisidlan ng bahay ng Dios, at isinara ang mga pinto ng bahay ng Panginoon; at siya'y gumawa sa kaniya ng mga dambana sa bawa't sulok ng Jerusalem.

25 At sa bawa't iba't ibang bayan ng Juda ay gumawa siya ng mga mataas na dako upang pagsunugan ng kamangyan sa mga ibang dios, at minungkahi sa galit ang Panginoon, ang Dios ng kaniyang mga magulang.

26 Ang iba nga sa kaniyang mga gawa, at ang lahat niyang mga lakad, na una at huli, narito, nangasusulat sa aklat ng mga hari sa Juda at Israel.

27 At si Achaz ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing nila siya sa bayan, sa Jerusalem; sapagka't hindi nila dinala siya sa mga libingan ng mga hari sa Israel: at si Ezechias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

Si Haring Ahaz ng Juda(A)

28 Si Ahaz ay dalawampung taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Hindi niya ginawa ang matuwid sa paningin ng Panginoon, na gaya ni David na kanyang ninuno,

kundi siya'y lumakad sa mga landas ng mga hari ng Israel. Gumawa rin siya ng mga larawang hinulma para sa mga Baal.

At nagsunog siya ng insenso sa libis ng anak ni Hinom, at sinunog ang kanyang mga anak bilang handog, ayon sa mga karumaldumal na kaugalian ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel.

Siya'y nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako sa mga burol, at sa ilalim ng bawat sariwang punungkahoy.

Pakikidigma sa Siria at sa Israel(B)

Kaya't(C) ibinigay siya ng Panginoon niyang Diyos sa kamay ng hari ng Siria, na gumapi sa kanya at binihag ang malaking bilang ng kanyang kababayan at dinala sila sa Damasco. Ibinigay rin siya sa kamay ng hari ng Israel na gumapi sa kanya at napakarami ang napatay.

Sapagkat si Peka na anak ni Remalias ay pumatay sa Juda ng isandaan at dalawampung libo sa isang araw, lahat sila ay matatapang na mandirigma, sapagkat kanilang tinalikuran ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.

Pinatay ni Zicri, na isang matapang na mandirigma sa Efraim, si Maasias na anak ng hari, at si Azricam na pinuno sa palasyo at si Elkana na pangalawa sa hari.

At dinalang-bihag ng mga anak ni Israel ang dalawandaang libo sa kanilang mga kapatid, mga babae, mga anak na lalaki at babae. Kumuha rin sila ng maraming samsam mula sa kanila at dinala ang samsam sa Samaria.

Si Propeta Oded

Ngunit isang propeta ng Panginoon ang naroon na ang pangalan ay Oded; at siya'y lumabas upang salubungin ang hukbo na dumating sa Samaria, at sinabi sa kanila, “Sapagkat ang Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ay nagalit sa Juda, kanyang ibinigay sila sa inyong kamay, ngunit inyong pinatay sila sa matinding galit na umabot hanggang sa langit.

10 At ngayo'y binabalak ninyong lupigin ang mga anak ni Juda at ng Jerusalem, lalaki at babae, bilang inyong mga alipin. Wala ba kayong mga kasalanan laban sa Panginoon ninyong Diyos?

11 Ngayo'y pakinggan ninyo ako, at pabalikin ninyo ang mga bihag na inyong kinuha mula sa inyong mga kapatid, sapagkat ang matinding galit ng Panginoon ay nasa inyo.”

12 Ilan rin sa mga pinuno sa mga anak ni Efraim, si Azarias na anak ni Johanan, si Berequias na anak ni Mesillemot, si Jehizkias na anak ni Shallum, at si Amasa na anak ni Hadlai, ay nagsitayo laban sa kanila na nanggaling sa pakikidigma.

13 At sinabi sa kanila, “Huwag ninyong dadalhin dito ang mga bihag, sapagkat binabalak ninyong dalhan kami ng pagkakasala laban sa Panginoon, na dagdag sa aming kasalukuyang mga kasalanan at paglabag. Sapagkat ang ating pagkakasala ay napakalaki na at may malaking poot laban sa Israel.”

14 Kaya't iniwan ng mga lalaking may sandata ang mga bihag at ang mga samsam sa harapan ng mga pinuno at ng buong kapulungan.

15 At ang mga lalaking nabanggit ang pangalan ay tumindig at kinuha ang mga bihag, at sa pamamagitan ng samsam ay binihisan ang lahat ng hubad sa kanila. Dinamitan sila at binigyan ng sandalyas, pinakain, pinainom, at binuhusan ng langis. Nang maisakay ang lahat ng mahihina sa kanila sa mga asno, kanilang dinala sila sa kanilang mga kapatid sa Jerico, na lunsod ng mga puno ng palma. Pagkatapos ay bumalik sila sa Samaria.

Humingi ng Tulong si Ahaz sa Asiria(D)

16 Nang panahong iyon ay nagsugo si Haring Ahaz sa mga hari ng Asiria upang humingi ng tulong.

17 Sapagkat muling sinalakay ng mga Edomita at ginapi ang Juda, at nakadala ng mga bihag.

18 At ang mga Filisteo ay nagsagawa ng mga paglusob sa mga bayan sa Shefela at sa Negeb ng Juda, at sinakop ang Bet-shemes, Ayalon, Gederot, ang Soco at ang mga nayon niyon, ang Timna at ang mga nayon niyon, at ang Gimzo at ang mga nayon niyon; at sila'y nanirahan doon.

19 Sapagkat ibinaba ng Panginoon ang Juda dahil kay Ahaz na hari ng Israel; sapagkat siya'y gumawa ng masama sa Juda at naging taksil sa Panginoon.

20 Kaya't si Tilgatpilneser na hari ng Asiria ay dumating laban sa kanya, at pinahirapan siya, sa halip na palakasin siya.

21 Sapagkat si Ahaz ay kumuha sa bahay ng Panginoon at sa bahay ng hari at ng mga pinuno at nagbigay ng buwis sa hari ng Asiria, ngunit hindi ito nakatulong sa kanya.

Ang mga Kasalanan ni Ahaz

22 At sa panahon ng kanyang kagipitan ay lalo pa siyang naging taksil sa Panginoon, ito ring si Haring Ahaz.

23 Sapagkat siya'y nag-alay sa mga diyos ng Damasco na gumapi sa kanya, at sinabi niya, “Sapagkat tinulungan sila ng mga diyos ng mga hari ng Siria, ako'y mag-aalay sa kanila, upang tulungan nila ako.” Ngunit sila ang naging kapahamakan niya at ng buong Israel.

24 Tinipon ni Ahaz ang mga kagamitan ng bahay ng Diyos, at pinagputul-putol ang mga kagamitan ng bahay ng Diyos. Kanyang isinara ang mga pinto ng bahay ng Panginoon at siya'y gumawa para sa sarili ng mga dambana sa bawat sulok ng Jerusalem.

25 Sa bawat lunsod ng Juda ay gumawa siya ng matataas na dako upang pagsunugan ng insenso sa mga ibang diyos, at ginalit ang Panginoon, ang Diyos ng kanyang mga ninuno.

26 Ang iba pa sa kanyang mga gawa, at ang lahat niyang mga lakad, mula una hanggang katapusan, ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel.

27 At(E) si Ahaz ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing nila siya sa lunsod, sa Jerusalem; sapagkat siya'y hindi nila dinala sa mga libingan ng mga hari sa Israel. Si Hezekias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Ang Paghahari ni Ahaz sa Juda(A)

28 Si Ahaz ay 20 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon, hindi katulad ng ginawa ng kanyang ninuno na si David. Sumunod siya sa pamumuhay ng mga hari ng Israel, at gumawa ng metal na mga imahen ni Baal. Nagsunog siya ng mga handog sa Lambak ng Ben Hinom, at inihandog niya mismo sa apoy ang kanyang mga anak na lalaki. Sinunod niya ang kasuklam-suklam na mga kaugalian ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita. Nag-alay siya ng mga handog at nagsunog ng mga insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar,[a] sa ibabaw ng bundok at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy.

Kaya ibinigay siya ng Panginoon na kanyang Dios sa hari ng Aram. Tinalo siya ng mga Arameo at marami sa kanyang mamamayan ang binihag sa Damascus. Ibinigay din siya sa hari ng Israel, na pumatay ng marami sa kanyang mamamayan. Sa isang araw lang 120,000 sundalo ng Juda ang pinatay ni Haring Peka ng Israel, na anak ni Remalia. Nangyari ito sa mga taga-Juda dahil itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno. Pinatay ni Zicri, na isang matapang na sundalo ng Israel,[b] sina Maaseya na anak ni Haring Ahaz, Azrikam na tagapamahala ng palasyo, at Elkana na pangalawa sa hari. Binihag ng mga taga-Israel ang kanilang mga kadugo na taga-Juda – 200,000 asawaʼt mga anak. Sinamsam din nila ang mga ari-arian ng mga taga-Juda at dinala pauwi sa Samaria.

Pero nang dumating ang mga sundalo sa Samaria, sinalubong sila ni Oded na propeta ng Panginoon, at sinabi, “Ipinaubaya sa inyo ng Panginoon na inyong Dios ang Juda dahil sa kanyang galit sa kanila. Pero labis ang ginawa ninyo; pinagpapatay nʼyo sila nang walang awa, at nalaman ito ng Panginoon doon sa langit. 10 At ngayon, gusto pa ninyong alipinin ang mga lalaki at mga babae na mula sa Jerusalem at sa iba pang lungsod ng Juda. Hindi baʼt may kasalanan din kayo sa Panginoon na inyong Dios? 11 Makinig kayo sa akin! Galit na galit ang Panginoon sa inyo. Kaya pabalikin nʼyo ang inyong mga kadugo na inyong binihag.”

12 Ganito rin ang sinabi ng ibang mga pinuno ng Israel sa mga sundalo na dumating galing sa labanan. Ang mga pinuno ay sina Azaria na anak ni Jehohanan, Berekia na anak ni Meshilemot, Jehizkia na anak ni Shalum, at Amasa na anak ni Hadlai. 13 Ito ang sinabi nila sa mga sundalo: “Huwag nʼyong dalhin dito ang mga bihag na iyan, dahil pananagutan natin ito sa Panginoon. Dadagdagan nʼyo pa ba ang kasalanan natin? Marami na tayong kasalanan, at galit na galit na ang Panginoon sa Israel.”

14 Kaya pinakawalan ng mga sundalo ang mga bihag at isinauli ang kanilang ari-arian sa harapan ng mga pinuno at mga mamamayan. 15 Pagkatapos, lumapit sa mga bihag ang apat na pinuno na nabanggit, at tinulungan ang mga bihag. Kumuha sila ng mga damit mula sa mga kagamitang nasamsam ng mga sundalo, at ipinasuot ito sa mga hubad na bihag. Binigyan nila ang mga bihag ng mga damit, sandalyas, inumin, at gamot. Ipinasakay nila sa mga asno ang mga mahina, at dinala nila pabalik ang lahat ng bihag sa kani-kanilang mga kababayan. Doon nila sila iniwan sa Jerico, sa Bayan ng mga Palma. Pagkatapos, umuwi sila sa Samaria.

Humingi ng Tulong si Ahaz sa Asiria(B)

16 Nang panahong iyon, humingi ng tulong si Haring Ahaz sa hari ng Asiria. 17 Sapagkat muling nilusob ng mga taga-Edom ang Juda at binihag ang ibang mga naninirahan dito. 18 Bukod pa rito, nilusob din ng mga Filisteo ang mga bayan ng Juda na nasa kaburulan sa kanluran at nasa Negev. Naagaw nila ang Bet Shemesh, Ayalon, Gederot, Soco, Timnah at Gimzo, pati ang mga baryo sa paligid nito; at doon na sila nanirahan. 19 Ibinaba ng Panginoon ang Juda dahil hinikayat ni Haring Ahaz ang mga mamamayan sa paggawa ng kasamaan, at hindi siya sumunod sa Panginoon. 20 Kaya pagdating ni Haring Tiglat Pileser ng Asiria, ginipit niya si Ahaz sa halip na tulungan. 21 Nanguha si Ahaz ng mga ari-arian sa templo ng Panginoon, sa palasyo, at sa mga bahay ng mga opisyal, at ibinigay niya ito sa hari ng Asiria. Pero hindi ito nakatulong kay Ahaz.

22 Sa panahon ng mga kahirapan ni Haring Ahaz, lalo pa siyang naging suwail sa Panginoon. 23 Nag-alay siya ng mga handog sa mga dios ng mga taga-Damascus na tumalo sa kanya. Sapagkat sinabi niya, “Ang mga hari ng Aram ay tinulungan ng kanilang mga dios. Kaya maghahandog din ako sa mga dios na ito para tulungan din nila ako.” Pero ang mga ito ang nagpahamak sa kanya at sa mga taga-Israel.

24 Kinuha ni Ahaz ang mga kagamitan sa templo ng Dios at ipinadurog ito. Ipinasara niya ang pintuan ng templo, at nagpatayo siya ng mga altar sa bawat kanto ng Jerusalem. 25 Nagpatayo rin siya ng mga sambahan sa matataas na lugar sa lahat ng bayan sa Juda, para makapaghandog sa ibang mga dios. At labis itong nakapagpagalit sa Panginoon, ang Dios ng kanyang mga ninuno.

26 Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Ahaz at sa kanyang pag-uugali, mula sa simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda at Israel. 27 Nang mamatay si Ahaz, inilibing siya sa lungsod ng Jerusalem, pero hindi sa libingan ng mga hari ng Israel. At ang anak niyang si Hezekia ang pumalit sa kanya bilang hari.

Footnotes

  1. 28:4 sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
  2. 28:7 Israel: sa Hebreo, Efraim. Isa sa mga lahi sa Israel at kumakatawan sa buong kaharian ng Israel. Ganito rin sa talatang 12.