2 Cronica 23
Magandang Balita Biblia
Ang Paghihimagsik Laban kay Reyna Atalia(A)
23 Noong ikapitong taon, naglakas-loob si Joiada na makipagkasundo sa mga pinuno ng hukbo na sina Azarias na anak ni Jeroham, Ismael na anak ni Jehohanan, Azarias na anak ni Obed, Maasias na anak ni Adaya at Elisafat na anak ni Zicri. Mga pinuno sila ng mga pangkat na daan-daan. 2 Nilibot nila ang buong Juda at tinipon sa Jerusalem ang lahat ng Levita mula sa mga lunsod at ang mga pinuno ng mga angkan ng Israel. 3 Nagtipun-tipon(B) sila sa bulwagan ng Templo ng Diyos at nanumpa ng katapatan sa hari. Sinabi sa kanila ni Joiada: “Narito ang anak ng yumaong hari! Dapat siyang maghari ayon sa pangako ni Yahweh tungkol sa mga anak ni David. 4 Ito ang inyong gagawin: Ang ikatlong bahagi ng mga pari at Levita na naglilingkod kung Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa mga pintuan, ang isa pang ikatlo'y sa palasyo 5 at ang natirang ikatlo'y doon naman sa Pintong Saligan. Ang buong bayan naman ay maghihintay sa mga bulwagan ng Templo ni Yahweh. 6 Walang papasok sa Templo kundi ang mga pari at mga Levitang naglilingkod. Sila lamang ang makakapasok sapagkat sila lamang ang itinalaga ng Diyos para dito. Subalit ang mga taong-bayan ay maghihintay sa labas gaya nang ipinag-uutos ni Yahweh. 7 Sa palibot ng hari'y magbabantay ang mga Levita na ang bawat isa'y may sandata. Papatayin ang sinumang mangahas pumasok sa Templo. Huwag ninyong hihiwalayan ang hari.”
8 Sinunod ng mga Levita at ng mga mamamayan ng Juda ang lahat ng utos ng paring si Joiada. Ang bawat pinuno ay laging kasama ng kanyang mga tauhan pati ang pangkat na pamalit o papalitan sa Araw ng Pamamahinga sapagkat sila'y hindi pinapauwi ni Joiada. 9 Ibinigay niya sa mga pinuno ng hukbo ang mga sibat at ang malalaki at maliliit na panangga ni Haring David na nakatago sa Templo. 10 May sandata ang bawat isa at ang lahat ay nakabantay sa bawat sulok mula sa timog hanggang hilaga ng palasyo at sa palibot ng altar sa harapan ng Templo. 11 Nang maisagawa na ang lahat ng ito, inilabas ni Joiada ang anak ng hari at pinutungan ng korona. Ibinigay sa kanya ang isang kopya ng kasulatan tungkol sa paghahari at ipinahayag siyang hari. Lumapit si Joiada at ang kanyang mga anak at pinahiran siya ng langis. Nagsigawan ang lahat, “Mabuhay ang hari!”
12 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga taong nagbubunyi sa hari, pumunta siya sa Templo. 13 Nakita niyang nakatayo ang hari sa may haligi sa may pintuan ng Templo. Lahat ay masayang umaawit at may tumutugtog ng trumpeta at ng iba pang mga instrumento. Pinunit ni Atalia ang kanyang kasuotan at sumigaw, “Ito'y isang kataksilan!”
14 “Ilabas ang babaing iyan!” utos ni Joiada sa mga pinuno ng hukbo. “Patayin ang sinumang magtangkang magligtas sa kanya. Huwag ninyo siyang patayin sa loob ng Templo ni Yahweh.”
15 Dinakip nila si Atalia at dinala sa palasyo sa may pintong daanan ng mga kabayo. Doon nila siya pinatay.
Ang mga Repormang Isinagawa ng Paring si Joiada(C)
16 Pagkatapos, nakipagkasunduan si Joiada sa mga tao at sa hari na sila'y magiging sambayanan ni Yahweh. 17 Nagkaisa ang lahat na wasakin ang Templo ni Baal kaya't dinurog nila ang mga altar at ang mga rebultong naroon. Pinatay nila sa harap ng mga altar si Matan, ang pari ni Baal. 18 Naglagay si Joiada ng mga tagapagbantay sa Templo, sa ilalim ng pamamahala ng mga pari at ng mga Levita na inilagay ni David sa tungkuling iyon. Sila ang mag-aalay ng mga handog na susunugin ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises. Sila rin ang mamamahala sa awitan at sa pagdiriwang ayon sa kaayusang ginawa ni David. 19 Pinabantayan ni Joiada ang lahat ng pintuan ng Templo para hindi makapasok ang sinumang itinuturing na marumi. 20 Pagkatapos, tinawag niya ang mga pinuno ng bawat pangkat na daan-daan, ang mga pangunahing mamamayan, mga pinuno ng bayan at ang lahat ng mamamayan sa lupain. Inihatid nila ang hari mula sa Templo patungo sa palasyo. Dumaan sila sa malaking pintuan at kanilang pinaupo sa trono ang hari. 21 Nagdiwang ang lahat ng tao sa buong lupain. Naging tahimik ang lunsod nang mapatay si Atalia.
2 Cronica 23
Ang Biblia (1978)
Ang pagtutol ni Joiada.
23 At sa ikapitong taon ay lumakas si (A)Joiada, at nakipagtipan siya sa mga pinunong kawal ng dadaanin, kay Azarias na anak ni Joram, at kay Ismael na anak ni Johanan, at kay Azarias na anak ni Obed, at kay Maasias na anak ni Adaias, at kay Elisaphat na anak ni Zichri.
2 At kanilang nilibot ang Juda, at pinisan ang mga Levita mula sa lahat na bayan ng Juda, at ang mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng Israel, at sila'y nagsiparoon sa Jerusalem.
3 At ang buong kapisanan ay nakipagtipan sa hari sa bahay ng Dios. At sinabi niya sa kanila, Narito, ang anak ng hari ay maghahari, gaya ng (B)sinalita ng Panginoon tungkol sa mga anak ni David.
4 Ito ang bagay na inyong gagawin: isang ikatlong bahagi ninyo, na pumapasok sa sabbath, sa mga saserdote at sa mga Levita, magiging mga tagatanod-pinto;
5 At ang ikatlong bahagi ay magiging sa bahay ng hari; at ang ikatlong bahagi (C)sa pintuang-bayan ng patibayan; at ang buong bayan ay malalagay sa mga looban ng bahay ng Panginoon.
6 Nguni't walang papasok sa bahay ng Panginoon, liban sa (D)mga saserdote, at nagsisipangasiwang mga Levita; sila'y magsisipasok, sapagka't sila'y mga banal: nguni't ang buong bayan ay magiingat ng pagbabantay sa Panginoon.
7 At kukulungin ng mga Levita ang hari sa palibot, bawa't isa'y may dalang kaniyang mga sandata sa kaniyang kamay; at sinomang pumasok sa bahay, patayin: at kayo'y magsiabay sa hari pagka siya'y pumapasok at pagka siya'y lumalabas.
8 Gayon ginawa ng mga Levita at ng buong Juda ang ayon sa lahat na iniutos ni Joiada na saserdote: at sila'y kumuha bawa't lalake ng kaniyang mga lalake, yaong nagsisipasok sa sabbath, na kasama niyaong nagsisilabas sa sabbath; sapagka't (E)hindi pinayaon ni Joiada na saserdote ang mga pangkat.
9 At si Joiada na saserdote ay nagbigay sa mga pinunong kawal ng mga dadaanin ng mga sibat, at mga maliit na kalasag at mga kalasag na naging sa haring David, na nangasa bahay ng Dios.
10 At kaniyang inilagay ang buong bayan, na bawa't isa'y may kaniyang sandata sa kaniyang kamay, mula sa dakong kanan ng bahay hanggang sa dakong kaliwa ng bahay, sa siping ng dambana at ng bahay, sa siping ng hari sa palibot.
11 Nang magkagayo'y kanilang inilabas ang anak ng hari, at ipinutong nila ang putong sa kaniya, at binigyan siya ng patotoo, at ginawa siyang hari: at pinahiran siya ng langis ni Joiada at ng kaniyang mga anak; at kanilang sinabi, Mabuhay ang hari.
Pinatay si Athalia.
12 At nang marinig ni Athalia ang kaingay ng bayan, na tumatakbo at pinupuri ang hari, siya'y naparoon sa bayan sa loob ng bahay ng Panginoon:
13 At siya'y tumingin, at, narito, ang hari ay nakatayo sa siping ng kaniyang haligi sa pasukan, at ang mga punong kawal at ang mga may pakakak ay sa siping ng hari: at ang buong bayan ng lupain ay nagalak, at humihip ng mga pakakak; ang mga mangaawit naman ay nagsitugtog ng mga panugtog ng tugtugin, (F)at tinugmaan ang awit ng papuri. Nang magkagayo'y hinapak ni Athalia ang kaniyang suot, at sinabi: Paglililo, Paglililo.
14 At inilabas ni Joiada na saserdote ang mga pinunong kawal ng dadaanin na nangalalagay sa hukbo, at sinabi sa kanila, Palabasin ninyo siya sa pagitan ng mga hanay; at sinomang sumunod sa kaniya, patayin ng tabak: sapagka't sinabi ng saserdote, Huwag patayin siya sa bahay ng Panginoon.
15 Sa gayo'y binigyang daan nila siya; at siya'y (G)naparoon sa pasukan ng pintuang-daan ng kabayo sa bahay ng hari: at pinatay nila siya roon.
Ang pagsamba kay Baal ay pinaram.
16 At si Joiada ay nakipagtipan sa kaniya, at sa buong bayan, at sa hari na sila'y magiging bayan ng Panginoon.
17 At ang buong bayan ay naparoon sa bahay ni Baal, at ibinagsak, at pinagputolputol ang kaniyang mga dambana at ang kaniyang mga larawan, at (H)pinatay si Mathan na saserdote ni Baal sa harap ng mga dambana.
18 At inihalal ni Joiada ang mga katungkulan sa bahay ng Panginoon, sa kapangyarihan ng kamay ng mga (I)saserdote na mga Levita, na siyang (J)binahagi ni David sa bahay ng Panginoon, upang maghandog ng mga handog na susunugin sa Panginoon, gaya ng nasusulat (K)sa kautusan ni Moises, na may pagkagalak, at may pagawit ayon sa ayos ni David.
19 At kaniyang inilagay ang mga (L)tagatanod-pinto sa mga pintuangdaan ng bahay ng Panginoon, upang walang pumasok na marumi sa anomang bagay.
20 At kaniyang ipinagsama ang mga pinunong kawal ng dadaanin at ang mga mahal na tao, at ang mga tagapamahala ng bayan, at ang buong bayan ng lupain, at ibinaba ang hari mula sa bahay ng Panginoon: at sila'y pumasok sa bahay ng hari, na nagdaan sa pinakamataas na pintuang-daan, at inilagay ang hari sa luklukan ng kaharian.
21 Sa gayo'y ang buong bayan ng lupain ay nagalak, at ang bayan ay natahimik: at pinatay nila ng tabak si Athalia.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
