2 Cronica 23
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
23 Nang ikapitong taon, gumawa na ng hakbang si Jehoyada. Gumawa siya ng kasunduan sa limang kumander ng daan-daang sundalo. Silaʼy sina Azaria na anak ni Jehoram, Ishmael na anak ni Jehohanan, Azaria na anak ni Obed, Maaseya na anak ni Adaya at Elishafat na anak ni Zicri. 2 Umikot sila sa buong Juda para tipunin ang mga Levita at ang mga pinuno ng mga pamilya.
Pagdating ng mga tao sa Jerusalem, 3 pumunta sila sa templo at gumawa ng kasunduan kay Joash, na anak ng hari. Sinabi ni Jehoyada sa mga tao, “Ito na ang panahon na ang anak ng hari ay dapat maghari. Nangako ang Panginoon na palaging mayroon sa angkan ni David na maghahari.[a] 4 Ngayon, ito ang gagawin ninyo: Ang isa sa tatlong grupo ng pari at Levita, na nagbabantay sa Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa mga pintuan ng templo. 5 Ang pangalawa sa tatlong grupo nila ay magbabantay sa palasyo ng hari. At ang huli sa tatlong grupo ay magbabantay sa Pintuan ng Sur. Ang ibaʼy doon sa bakuran ng templo ng Panginoon. 6 Walang papasok sa templo ng Panginoon, maliban lang sa mga pari at mga Levita na naglilingkod sa oras na iyon. Pwede silang pumasok dahil itinalaga sila para sa gawaing ito. Pero ang ibaʼy kailangang sa labas lang magbabantay ayon sa utos ng Panginoon. 7 Dapat bantayang mabuti ng mga Levita ang hari, na nakahanda ang kanilang mga sandata, at susundan nila siya kahit saan siya magpunta. Ang sinumang papasok sa templo na hindi pari o Levita ay dapat patayin.”
8 Ginawa ng mga Levita at ng mga taga-Juda ang iniutos ng paring si Jehoyada. Tinipon ng mga kumander ang mga tauhan nila na nagbabantay sa Araw ng Pamamahinga, pati rin ang mga hindi nagbabantay sa araw na iyon. Hindi muna pinauwi ni Jehoyada ang mga Levita kahit tapos na ang kanilang takdang oras. 9 Pagkatapos, binigyan ni Jehoyada ang mga kumander ng mga sibat at ng malalaki at maliliit na pananggalang na pag-aari noon ni Haring David, na itinago sa templo ng Panginoon. 10 Pinapwesto niya ang mga armadong lalaki sa palibot ng templo at ng altar para protektahan ang hari.
11 Pagkatapos, pinalabas ni Jehoyada at ng kanyang mga anak si Joash na anak ng hari at kinoronahan. Binigyan siya ng kopya ng mga tuntunin tungkol sa pamamahala ng hari,[b] at idineklara siyang hari. Pinahiran siya ng langis para ipakita na siya na ang hari at sumigaw agad ang mga tao, “Mabuhay ang Hari!”
12 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga tao na tumatakbo at nagsisigawan para papurihan ang hari, pumunta siya sa kanila roon sa templo ng Panginoon. 13 At nakita niya roon ang bagong hari na nakatayo malapit sa haligi, sa may pintuan ng templo. Nasa tabi ng hari ang mga kumander at ang mga tagatrumpeta, at ang lahat ng tao roon ay nagsasaya at nagpapatunog ng mga trumpeta. Ang mga mang-aawit ay nangunguna sa pagpupuri sa Dios, na tumutugtog ng mga instrumento. Nang makita itong lahat ni Atalia, pinunit niya ang kanyang damit sa sama ng loob, at sumigaw, “Mga traydor! Mga traydor!”
14 Inutusan ni Jehoyada ang mga kumander ng mga sundalo, “Dalhin ninyo sa labas si Atalia at patayin ang sinumang magliligtas sa kanya. Huwag nʼyo siyang patayin dito sa loob ng templo ng Panginoon.” 15 Kaya dinakip nila siya at dinala sa labas ng pintuan na dinadaanan ng mga kabayong papunta sa palasyo, at doon siya pinatay.
Mga Pagbabagong Ginawa ni Jehoyada(A)
16 Pagkatapos, gumawa ng kasunduan sina Jehoyada, ang mga tao, at ang hari na magiging mamamayan sila ng Panginoon. 17 Pumunta agad ang lahat ng tao sa templo ni Baal at giniba ito. Dinurog nila ang mga altar at mga dios-diosan doon, at pinatay nila si Matan na pari ni Baal sa harapan ng mga altar.
18 Pagkatapos, ipinagkatiwala ni Jehoyada sa mga paring Levita ang pamamahala sa templo ng Panginoon gaya ng ginawa ni David noon. Maghahandog sila ng mga handog na sinusunog ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises, at magsasaya at aawit ayon sa iniutos ni David. 19 Nagpalagay din si Jehoyada ng mga guwardya ng pintuan ng templo ng Panginoon para walang makapasok na tao na itinuturing na marumi.
20 Pagkatapos, isinama niya ang mga kumander, ang mga kilalang tao, at ang lahat ng tao, at inihatid nila ang hari sa palasyo mula sa templo ng Panginoon. Doon sila dumaan sa Hilagang Pintuan. At naupo ang hari sa kanyang trono. 21 Nagdiwang ang mga tao, at naging mapayapa na ang lungsod matapos patayin si Atalia.
2 Cronica 23
Ang Biblia (1978)
Ang pagtutol ni Joiada.
23 At sa ikapitong taon ay lumakas si (A)Joiada, at nakipagtipan siya sa mga pinunong kawal ng dadaanin, kay Azarias na anak ni Joram, at kay Ismael na anak ni Johanan, at kay Azarias na anak ni Obed, at kay Maasias na anak ni Adaias, at kay Elisaphat na anak ni Zichri.
2 At kanilang nilibot ang Juda, at pinisan ang mga Levita mula sa lahat na bayan ng Juda, at ang mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng Israel, at sila'y nagsiparoon sa Jerusalem.
3 At ang buong kapisanan ay nakipagtipan sa hari sa bahay ng Dios. At sinabi niya sa kanila, Narito, ang anak ng hari ay maghahari, gaya ng (B)sinalita ng Panginoon tungkol sa mga anak ni David.
4 Ito ang bagay na inyong gagawin: isang ikatlong bahagi ninyo, na pumapasok sa sabbath, sa mga saserdote at sa mga Levita, magiging mga tagatanod-pinto;
5 At ang ikatlong bahagi ay magiging sa bahay ng hari; at ang ikatlong bahagi (C)sa pintuang-bayan ng patibayan; at ang buong bayan ay malalagay sa mga looban ng bahay ng Panginoon.
6 Nguni't walang papasok sa bahay ng Panginoon, liban sa (D)mga saserdote, at nagsisipangasiwang mga Levita; sila'y magsisipasok, sapagka't sila'y mga banal: nguni't ang buong bayan ay magiingat ng pagbabantay sa Panginoon.
7 At kukulungin ng mga Levita ang hari sa palibot, bawa't isa'y may dalang kaniyang mga sandata sa kaniyang kamay; at sinomang pumasok sa bahay, patayin: at kayo'y magsiabay sa hari pagka siya'y pumapasok at pagka siya'y lumalabas.
8 Gayon ginawa ng mga Levita at ng buong Juda ang ayon sa lahat na iniutos ni Joiada na saserdote: at sila'y kumuha bawa't lalake ng kaniyang mga lalake, yaong nagsisipasok sa sabbath, na kasama niyaong nagsisilabas sa sabbath; sapagka't (E)hindi pinayaon ni Joiada na saserdote ang mga pangkat.
9 At si Joiada na saserdote ay nagbigay sa mga pinunong kawal ng mga dadaanin ng mga sibat, at mga maliit na kalasag at mga kalasag na naging sa haring David, na nangasa bahay ng Dios.
10 At kaniyang inilagay ang buong bayan, na bawa't isa'y may kaniyang sandata sa kaniyang kamay, mula sa dakong kanan ng bahay hanggang sa dakong kaliwa ng bahay, sa siping ng dambana at ng bahay, sa siping ng hari sa palibot.
11 Nang magkagayo'y kanilang inilabas ang anak ng hari, at ipinutong nila ang putong sa kaniya, at binigyan siya ng patotoo, at ginawa siyang hari: at pinahiran siya ng langis ni Joiada at ng kaniyang mga anak; at kanilang sinabi, Mabuhay ang hari.
Pinatay si Athalia.
12 At nang marinig ni Athalia ang kaingay ng bayan, na tumatakbo at pinupuri ang hari, siya'y naparoon sa bayan sa loob ng bahay ng Panginoon:
13 At siya'y tumingin, at, narito, ang hari ay nakatayo sa siping ng kaniyang haligi sa pasukan, at ang mga punong kawal at ang mga may pakakak ay sa siping ng hari: at ang buong bayan ng lupain ay nagalak, at humihip ng mga pakakak; ang mga mangaawit naman ay nagsitugtog ng mga panugtog ng tugtugin, (F)at tinugmaan ang awit ng papuri. Nang magkagayo'y hinapak ni Athalia ang kaniyang suot, at sinabi: Paglililo, Paglililo.
14 At inilabas ni Joiada na saserdote ang mga pinunong kawal ng dadaanin na nangalalagay sa hukbo, at sinabi sa kanila, Palabasin ninyo siya sa pagitan ng mga hanay; at sinomang sumunod sa kaniya, patayin ng tabak: sapagka't sinabi ng saserdote, Huwag patayin siya sa bahay ng Panginoon.
15 Sa gayo'y binigyang daan nila siya; at siya'y (G)naparoon sa pasukan ng pintuang-daan ng kabayo sa bahay ng hari: at pinatay nila siya roon.
Ang pagsamba kay Baal ay pinaram.
16 At si Joiada ay nakipagtipan sa kaniya, at sa buong bayan, at sa hari na sila'y magiging bayan ng Panginoon.
17 At ang buong bayan ay naparoon sa bahay ni Baal, at ibinagsak, at pinagputolputol ang kaniyang mga dambana at ang kaniyang mga larawan, at (H)pinatay si Mathan na saserdote ni Baal sa harap ng mga dambana.
18 At inihalal ni Joiada ang mga katungkulan sa bahay ng Panginoon, sa kapangyarihan ng kamay ng mga (I)saserdote na mga Levita, na siyang (J)binahagi ni David sa bahay ng Panginoon, upang maghandog ng mga handog na susunugin sa Panginoon, gaya ng nasusulat (K)sa kautusan ni Moises, na may pagkagalak, at may pagawit ayon sa ayos ni David.
19 At kaniyang inilagay ang mga (L)tagatanod-pinto sa mga pintuangdaan ng bahay ng Panginoon, upang walang pumasok na marumi sa anomang bagay.
20 At kaniyang ipinagsama ang mga pinunong kawal ng dadaanin at ang mga mahal na tao, at ang mga tagapamahala ng bayan, at ang buong bayan ng lupain, at ibinaba ang hari mula sa bahay ng Panginoon: at sila'y pumasok sa bahay ng hari, na nagdaan sa pinakamataas na pintuang-daan, at inilagay ang hari sa luklukan ng kaharian.
21 Sa gayo'y ang buong bayan ng lupain ay nagalak, at ang bayan ay natahimik: at pinatay nila ng tabak si Athalia.
2 Cronica 23
Ang Biblia, 2001
Ang Paghihimagsik Laban kay Atalia(A)
23 Ngunit sa ikapitong taon ay lumakas ang loob ni Jehoiada, at nakipagtipan siya sa mga punong-kawal ng daan-daan, kina Azarias na anak ni Jeroham, Ismael na anak ni Jehohanan, Azarias na anak ni Obed, Maasias na anak ni Adaya, at kay Elisafat na anak ni Zicri.
2 Kanilang nilibot ang Juda at tinipon ang mga Levita mula sa lahat ng bayan ng Juda, at ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng Israel, at sila'y dumating sa Jerusalem.
3 Ang(B) buong kapulungan ay nakipagtipan sa hari sa bahay ng Diyos. At sinabi ni Jehoiada[a] sa kanila, “Narito, ang anak ng hari! Hayaan siyang maghari gaya nang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga anak ni David.
4 Ito ang bagay na inyong gagawin: sa inyong mga pari at mga Levita na magtatapos ang paglilingkod sa Sabbath, ikatlong bahagi sa inyo ang magiging mga bantay-pinto.
5 Ang ikatlong bahagi ay sa bahay ng hari, at ang ikatlong bahagi ay sa Pintuan ng Saligan; at ang buong bayan ay sa mga bulwagan ng bahay ng Panginoon.
6 Walang papapasukin sa bahay ng Panginoon maliban sa mga pari at mga naglilingkod na Levita. Sila'y maaaring pumasok, sapagkat sila'y banal, ngunit ang buong bayan ay susunod sa tagubilin ng Panginoon.
7 Palilibutan ng mga Levita ang hari, bawat isa'y may sandata sa kanyang kamay; at sinumang pumasok sa bahay ay papatayin. Samahan ninyo ang hari sa kanyang pagpasok at sa kanyang paglabas.”
8 Ginawa ng mga Levita at ng buong Juda ang ayon sa lahat ng iniutos ng paring si Jehoiada. Bawat isa'y nagdala ng kanyang mga tauhan, ang mga matatapos ang paglilingkod sa Sabbath, kasama ng mga magsisimulang maglingkod sa Sabbath, sapagkat hindi pinauwi ng paring si Jehoiada ang mga pangkat.
9 Ibinigay ng paring si Jehoiada sa mga pinunong-kawal ang mga sibat, at ang malalaki at maliliit na mga kalasag na dating kay Haring David, na nasa bahay ng Diyos.
10 Kanyang inilagay ang buong bayan bilang bantay para sa hari, bawat tao'y may sandata sa kanyang kamay, mula sa gawing timog ng bahay hanggang sa gawing hilaga ng bahay, sa palibot ng dambana at ng bahay.
11 Pagkatapos ay kanyang inilabas ang anak ng hari, at ipinutong nila ang korona sa kanya, at ibinigay sa kanya ang patotoo, at ipinahayag siyang hari. Binuhusan siya ng langis ni Jehoiada at ng kanyang mga anak, at kanilang sinabi, “Mabuhay ang hari.”
12 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng taong-bayan na nagtatakbuhan at nagpupuri sa hari, siya'y lumabas patungo sa mga tao sa loob ng bahay ng Panginoon.
13 Nang siya'y tumingin, naroon ang hari na nakatayo sa tabi ng kanyang haligi sa pasukan, at ang mga punong-kawal at ang mga manunugtog ng trumpeta ay nasa tabi ng hari. Ang lahat ng mga taong-bayan ng lupain ay nagagalak at humihihip ng mga trumpeta, ang mga mang-aawit dala ang kanilang panugtog na nangunguna sa pagdiriwang. Kaya't pinunit ni Atalia ang kanyang damit, at sumigaw: “Kataksilan! Kataksilan!”
14 Kaya't inilabas ng paring si Jehoiada ang mga pinunong-kawal na inilagay sa hukbo, at sinabi sa kanila, “Palabasin ninyo siya sa pagitan ng mga hanay; sinumang sumunod sa kanya ay papatayin ng tabak.” Sapagkat sinabi ng pari, “Huwag ninyo siyang patayin sa loob ng bahay ng Panginoon.”
15 Kaya't kanilang binigyang-daan siya at siya'y pumasok sa pintuan ng kabayo sa bahay ng hari, at siya'y kanilang pinatay roon.
Mga Pagbabagong Ginawa ni Jehoiada(C)
16 Si Jehoiada ay gumawa ng tipan sa pagitan niya, ng buong bayan at ng hari na sila'y magiging bayan ng Panginoon.
17 At ang buong bayan ay pumaroon sa bahay ni Baal at giniba ito. Pinagputul-putol nila ang kanyang mga dambana at ang kanyang mga larawan, at pinatay nila si Mattan na pari ni Baal sa harapan ng mga dambana.
18 Naglagay si Jehoiada ng mga bantay para sa bahay ng Panginoon sa pangangasiwa ng mga Levitang pari at ng mga Levitang binuo ni David upang mangasiwa sa bahay ng Panginoon, upang mag-alay ng mga handog na sinusunog sa Panginoon, gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, na may kagalakan at pag-aawitan, ayon sa utos ni David.
19 Kanyang inilagay ang mga bantay-pinto sa mga pintuan ng bahay ng Panginoon, upang huwag pumasok ang sinuman na sa anumang paraan ay marumi.
20 Kanyang isinama ang mga pinunong-kawal, ang mga maharlika, ang mga tagapamahala ng bayan, at ang mga taong-bayan ng lupain, at ibinaba nila ang hari mula sa bahay ng Panginoon, at dumaan sa pinakamataas na pintuan patungo sa bahay ng hari. Iniluklok nila ang hari sa trono ng kaharian.
21 Kaya't ang mga taong-bayan ng lupain ay nagalak, at ang lunsod ay natahimik, pagkatapos na si Atalia ay mapatay ng tabak.
Footnotes
- 2 Cronica 23:3 Sa Hebreo ay niya .
2 Chronicles 23
New International Version
23 In the seventh year Jehoiada showed his strength. He made a covenant with the commanders of units of a hundred: Azariah son of Jeroham, Ishmael son of Jehohanan, Azariah son of Obed, Maaseiah son of Adaiah, and Elishaphat son of Zikri. 2 They went throughout Judah and gathered the Levites(A) and the heads of Israelite families from all the towns. When they came to Jerusalem, 3 the whole assembly made a covenant(B) with the king at the temple of God.
Jehoiada said to them, “The king’s son shall reign, as the Lord promised concerning the descendants of David.(C) 4 Now this is what you are to do: A third of you priests and Levites who are going on duty on the Sabbath are to keep watch at the doors, 5 a third of you at the royal palace and a third at the Foundation Gate, and all the others are to be in the courtyards of the temple of the Lord. 6 No one is to enter the temple of the Lord except the priests and Levites on duty; they may enter because they are consecrated, but all the others are to observe(D) the Lord’s command not to enter.[a] 7 The Levites are to station themselves around the king, each with weapon in hand. Anyone who enters the temple is to be put to death. Stay close to the king wherever he goes.”
8 The Levites and all the men of Judah did just as Jehoiada the priest ordered.(E) Each one took his men—those who were going on duty on the Sabbath and those who were going off duty—for Jehoiada the priest had not released any of the divisions.(F) 9 Then he gave the commanders of units of a hundred the spears and the large and small shields that had belonged to King David and that were in the temple of God. 10 He stationed all the men, each with his weapon in his hand, around the king—near the altar and the temple, from the south side to the north side of the temple.
11 Jehoiada and his sons brought out the king’s son and put the crown on him; they presented him with a copy(G) of the covenant and proclaimed him king. They anointed him and shouted, “Long live the king!”
12 When Athaliah heard the noise of the people running and cheering the king, she went to them at the temple of the Lord. 13 She looked, and there was the king,(H) standing by his pillar(I) at the entrance. The officers and the trumpeters were beside the king, and all the people of the land were rejoicing and blowing trumpets, and musicians with their instruments were leading the praises. Then Athaliah tore her robes and shouted, “Treason! Treason!”
14 Jehoiada the priest sent out the commanders of units of a hundred, who were in charge of the troops, and said to them: “Bring her out between the ranks[b] and put to the sword anyone who follows her.” For the priest had said, “Do not put her to death at the temple of the Lord.” 15 So they seized her as she reached the entrance of the Horse Gate(J) on the palace grounds, and there they put her to death.
16 Jehoiada then made a covenant(K) that he, the people and the king[c] would be the Lord’s people. 17 All the people went to the temple of Baal and tore it down. They smashed the altars and idols and killed(L) Mattan the priest of Baal in front of the altars.
18 Then Jehoiada placed the oversight of the temple of the Lord in the hands of the Levitical priests,(M) to whom David had made assignments in the temple,(N) to present the burnt offerings of the Lord as written in the Law of Moses, with rejoicing and singing, as David had ordered. 19 He also stationed gatekeepers(O) at the gates of the Lord’s temple so that no one who was in any way unclean might enter.
20 He took with him the commanders of hundreds, the nobles, the rulers of the people and all the people of the land and brought the king down from the temple of the Lord. They went into the palace through the Upper Gate(P) and seated the king on the royal throne. 21 All the people of the land rejoiced, and the city was calm, because Athaliah had been slain with the sword.(Q)
Footnotes
- 2 Chronicles 23:6 Or are to stand guard where the Lord has assigned them
- 2 Chronicles 23:14 Or out from the precincts
- 2 Chronicles 23:16 Or covenant between the Lord and the people and the king that they (see 2 Kings 11:17)
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Holy Bible, New International Version®, NIV® Copyright ©1973, 1978, 1984, 2011 by Biblica, Inc.® Used by permission. All rights reserved worldwide.
NIV Reverse Interlinear Bible: English to Hebrew and English to Greek. Copyright © 2019 by Zondervan.

