2 Cronica 22
Ang Biblia, 2001
Si Haring Ahazias ng Juda(A)
22 Ginawang hari ng mga mamamayan ng Jerusalem si Ahazias na kanyang bunsong anak bilang hari na kapalit niya, sapagkat pinatay ng pulutong ng mga lalaking dumating na kasama ng mga taga-Arabia ang lahat ng nakatatandang anak na lalaki. Kaya't si Ahazias na anak ni Jehoram na hari ng Juda ay naghari.
2 Si Ahazias ay apatnapu't dalawang taong gulang nang nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Atalia na anak ni Omri.
3 Lumakad rin siya sa mga landas ng sambahayan ni Ahab, sapagkat ang kanyang ina ang kanyang tagapayo sa paggawa ng kasamaan.
4 Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab; sapagkat pagkamatay ng kanyang ama sila ang kanyang mga tagapayo, na kanyang ikinapahamak.
5 Sumunod din siya sa kanilang payo, at sumama kay Jehoram na anak ni Ahab na hari ng Israel upang makidigma kay Hazael na hari ng Siria sa Ramot-gilead. At sinugatan ng mga taga-Siria si Joram.
6 At siya'y bumalik upang magpagaling sa Jezreel sa mga sugat na tinamo niya sa Rama, nang siya'y makipaglaban kay Hazael na hari ng Siria. At si Azarias na anak ni Jehoram na hari ng Juda ay lumusong upang tingnan si Joram na anak ni Ahab sa Jezreel, sapagkat siya'y may sakit.
7 Ngunit itinalaga na ng Diyos na ang pagbagsak ni Ahazias ay darating sa kanyang pagdalaw kay Joram. Sapagkat nang siya'y dumating doon, siya'y lumabas na kasama ni Jehoram upang salubungin si Jehu na anak ni Nimsi, na siyang binuhusan ng langis ng Panginoon upang wasakin ang sambahayan ni Ahab.
8 Nang si Jehu ay maglalapat ng kahatulan sa sambahayan ni Ahab, kanyang nakaharap ang mga pinuno ng Juda at ang mga anak ng mga kapatid ni Ahazias, na naglilingkod kay Ahazias, at kanyang pinatay sila.
9 Hinanap niya si Ahazias, na nahuli habang nagtatago sa Samaria, at dinala kay Jehu at siya'y pinatay. Kanilang inilibing siya, sapagkat kanilang sinabi, “Siya'y apo[a] ni Jehoshafat na humanap sa Panginoon nang buo niyang puso.” At ang sambahayan ni Ahazias ay wala ni isa mang may kakayahang mamuno sa kaharian.
Si Reyna Atalia ng Juda(B)
10 Nang makita ni Atalia na ina ni Ahazias na ang kanyang anak ay patay na, siya'y humanda upang patayin ang lahat ng angkan ng hari mula sa sambahayan ni Juda.
11 Ngunit kinuha ni Josabet, na anak na babae ng hari, si Joas na anak ni Ahazias, at ipinuslit siya mula sa mga anak ng hari na malapit nang patayin, at kanyang inilagay siya at ang kanyang yaya sa isang silid-tulugan. Gayon siya ikinubli ni Josabet, na anak ni Haring Jehoram, at asawa ng paring si Jehoiada, (sapagkat siya'y kapatid ni Ahazias) kay Atalia, kaya't siya'y hindi niya napatay.
12 At siya'y nanatiling kasama nila sa loob ng anim na taon, na nakatago sa bahay ng Diyos, habang si Atalia ay naghahari sa lupain.
Footnotes
- 2 Cronica 22:9 Sa Hebreo ay anak .