Add parallel Print Page Options

Digmaan Laban sa Edom

20 Pagkatapos nito, ang mga Moabita at mga Ammonita, at pati ang ilan sa mga Meunita[a] ay dumating laban kay Jehoshafat upang makipaglaban.

Ilang katao ang dumating at nagsabi kay Jehoshafat, “Napakaraming tao ang dumarating laban sa iyo mula sa Edom,[b] mula sa kabila ng dagat; sila'y naroon na sa Hazazon-tamar” (na siya ring En-gedi).

Si Jehoshafat ay natakot, at nagpasiyang hanapin ang Panginoon, at nagpahayag ng pag-aayuno sa buong Juda.

Kaya't ang Juda'y nagtipun-tipon upang humingi ng tulong sa Panginoon; mula sa lahat ng bayan ng Juda ay dumating sila upang hanapin ang Panginoon.

Si Jehoshafat ay tumayo sa kapulungan ng Juda at Jerusalem, sa bahay ng Panginoon, sa harapan ng bagong bulwagan,

at kanyang sinabi, “O Panginoon, Diyos ng aming mga ninuno, di ba ikaw ay Diyos sa langit? Di ba ikaw ay namumuno sa lahat ng kaharian ng mga bansa? Sa iyong kamay ay kapangyarihan at lakas, anupa't walang makakaharap sa iyo.

Hindi(A) ba't ikaw, O aming Diyos, ang nagpalayas sa mga naninirahan sa lupaing ito sa harapan ng iyong bayang Israel, at iyong ibinigay sa binhi ni Abraham na iyong kaibigan magpakailanman?

Sila'y nanirahan doon at ipinagtayo ka ng santuwaryo para sa iyong pangalan, na sinasabi,

‘Kung ang kasamaan ay dumating sa amin, ang tabak, kahatulan,[c] salot, o taggutom, kami ay tatayo sa harapan ng bahay na ito at sa iyong harapan, sapagkat ang iyong pangalan ay nasa bahay na ito; at kami ay dadaing sa iyo sa aming kahirapan, at ikaw ay makikinig at magliligtas?’

10 Tingnan(B) mo ngayon, ang mga tao mula sa Ammon at Moab, at sa Bundok ng Seir, na hindi mo ipinalusob sa Israel nang sila'y lumabas sa lupain ng Ehipto, kundi kanilang iniwasan at hindi nila pinuksa—

11 kanilang ginagantihan kami sa pamamagitan ng pagparito upang palayasin kami sa pag-aari na ibinigay mo sa amin upang manahin.

12 O Diyos namin, hindi mo ba sila hahatulan? Sapagkat kami ay walang magagawa laban sa napakaraming taong ito na dumarating laban sa amin. Hindi namin alam kung ano ang gagawin, ngunit ang aming mga mata ay nakatuon sa iyo.”

13 Samantala, ang buong Juda ay nakatayo sa harapan ng Panginoon, kasama ang kanilang mga bata, kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak.

14 Ang Espiritu ng Panginoon ay dumating kay Jahaziel na anak ni Zacarias, na anak ni Benaya, na anak ni Jeiel, na anak ni Matanias, isang Levita sa mga anak ni Asaf, sa gitna ng kapulungan.

15 At(C) kanyang sinabi, “Makinig kayo, buong Juda at mga mamamayan ng Jerusalem, at Haring Jehoshafat: Ganito ang sabi ng Panginoon sa inyo, ‘Huwag kayong matakot, at huwag kayong panghinaan ng loob sa napakaraming taong ito, sapagkat ang pakikipaglaban ay hindi sa inyo, kundi sa Diyos.

16 Bukas ay harapin ninyo sila. Sila'y aahon sa ahunan ng Sis; inyong matatagpuan sila sa dulo ng libis, sa silangan ng ilang ng Jeruel.

17 Hindi(D) ninyo kailangang lumaban sa digmaang ito. Manatili kayo sa inyong puwesto, tumayo kayong panatag, at tingnan ninyo ang pagtatagumpay ng Panginoon alang-alang sa inyo, O Juda at Jerusalem.’ Huwag kayong matakot o panghinaan ng loob; bukas ay harapin ninyo sila sapagkat ang Panginoon ay sasama sa inyo.”

18 Pagkatapos ay itinungo ni Jehoshafat ang kanyang ulo sa lupa, at ang buong Juda at ang mga mamamayan ng Jerusalem ay nagpatirapa sa Panginoon, na sumasamba sa Panginoon.

19 At ang mga Levita, sa mga anak ng mga Kohatita at sa mga anak ng mga Korahita ay tumayo upang purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, nang napakalakas na tinig.

20 Kinaumagahan, sila'y maagang bumangon at lumabas sa ilang ng Tekoa. Habang sila'y lumalabas, si Jehoshafat ay tumayo at nagsabi, “Pakinggan ninyo ako, O Juda at mga mamamayan ng Jerusalem! Manalig kayo sa Panginoon ninyong Diyos, at kayo'y magiging matatag. Maniwala kayo sa kanyang mga propeta, at kayo'y magtatagumpay.”

21 Pagkatapos niyang sumangguni sa mga tao, kanyang hinirang ang mga aawit sa Panginoon at magpupuri sa kanya sa banal na kaayusan, habang sila'y nangunguna sa hukbo at nagsasabi, “Magpasalamat kayo sa Panginoon; sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.”

22 Nang sila'y magpasimulang umawit at magpuri, ang Panginoon ay naglagay ng pagtambang laban sa mga taga-Ammon, Moab, at Bundok ng Seir na dumating laban sa Juda kaya't sila'y nagapi.

23 Sapagkat sinalakay ng mga anak ni Ammon at ni Moab ang mga mamamayan ng Bundok ng Seir, at lubos silang pinuksa. Pagkatapos nilang patayin ang mga mamamayan ng Bundok ng Seir, silang lahat ay tumulong upang puksain ang isa't isa.

24 Nang ang Juda ay dumating sa bantayang tore sa ilang, sila'y tumingin sa dako ng napakaraming tao, sila'y mga bangkay na nakabuwal sa lupa at walang nakatakas.

25 Nang si Jehoshafat at ang kanyang mga tauhan ay pumaroon upang kunin ang samsam sa kanila, nakatagpo sila ng napakaraming baka, mga ari-arian, mga damit, at mahahalagang bagay na kanilang kinuha para sa kanilang sarili hanggang sa hindi na nila kayang dalhin. Tatlong araw nilang hinakot ang samsam na talagang napakarami.

26 Nang ikaapat na araw, sila'y nagtipun-tipon sa Libis ng Beraca;[d] sapagkat doo'y pinuri nila ang Panginoon. Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Libis ng Beraca hanggang sa araw na ito.

27 Pagkatapos sila'y bumalik, bawat lalaki ng Juda at Jerusalem, at si Jehoshafat sa unahan nila, pabalik sa Jerusalem na may kagalakan; sapagkat sila'y pinapagkatuwa ng Panginoon sa kanilang mga kaaway.

28 Sila'y dumating sa Jerusalem na may mga salterio, alpa, at mga trumpeta patungo sa bahay ng Panginoon.

29 At ang takot sa Diyos ay dumating sa lahat ng mga kaharian ng mga bansa nang kanilang mabalitaang ang Panginoon ay nakipaglaban sa mga kaaway ng Israel.

30 Kaya't ang kaharian ni Jehoshafat ay naging tahimik, sapagkat binigyan siya ng kanyang Diyos ng kapahingahan sa palibot.

Ang Katapusan ng Paghahari ni Jehoshafat(E)

31 Gayon naghari si Jehoshafat sa Juda. Siya'y tatlumpu't limang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng dalawampu't limang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Azuba na anak ni Silhi.

32 Siya'y lumakad sa landas ni Asa na kanyang ama at hindi siya lumihis doon. Ginawa niya ang matuwid sa paningin ng Panginoon.

33 Gayunman, ang matataas na dako ay hindi inalis; hindi pa nailalagak ng bayan ang kanilang puso sa Diyos ng kanilang mga ninuno.

34 Ang iba pa sa mga gawa ni Jehoshafat, mula una hanggang katapusan, ay nakasulat sa kasaysayan ni Jehu na anak ni Hanani, na nakatala sa Aklat ng mga Hari ng Israel.

35 Pagkatapos nito si Jehoshafat na hari ng Juda ay nakiisa kay Ahazias na hari ng Israel na siyang gumawa ng masama.

36 Siya'y nakisama sa kanya sa paggawa ng mga sasakyang-dagat upang magtungo sa Tarsis, at kanilang ginawa ang mga sasakyang-dagat sa Ezion-geber.

37 At si Eliezer na anak ni Dodavahu na taga-Maresha ay nagsalita ng propesiya laban kay Jehoshafat, na sinasabi, “Sapagkat ikaw ay nakiisa kay Ahazias, wawasakin ng Panginoon ang iyong mga ginawa.” At ang mga sasakyang-dagat ay nawasak at sila'y hindi nakapunta sa Tarsis.

Footnotes

  1. 2 Cronica 20:1 Sa Hebreo ay Ammonita .
  2. 2 Cronica 20:2 Sa ibang mga kasulatan ay Anam .
  3. 2 Cronica 20:9 o tabak ng kahatulan .
  4. 2 Cronica 20:26 o Pagpupuri .

Tinalo ni Jehoshafat ang Moab at Ammon

20 Pagkatapos, nakipaglaban ang mga Moabita at mga Ammonita, kasama ng ibang mga Meuneo,[a] kay Jehoshafat. May mga taong pumunta kay Jehoshafat at nagsabi, “Napakarami pong sundalo ang papalapit upang lusubin kayo. Silaʼy galing sa Edom,[b] sa kabilang bahagi ng Dagat na Patay. Naroon sila sa Hazazon Tamar” (na tinatawag ding En Gedi). Natakot si Jehoshafat at dumulog siya sa Panginoon. At nag-utos siya na mag-ayuno ang lahat ng taga-Juda. Kaya nagtipon ang mga tao mula sa lahat ng bayan ng Juda upang humingi ng tulong sa Panginoon. Tumayo si Jehoshafat sa harapan ng mamamayan ng Juda at ng Jerusalem doon sa harap ng templo ng Panginoon, sa harapan ng bagong bakuran nito, at nagsabi, “O Panginoon, Dios ng aming mga ninuno, kayo po ang Dios na nasa langit. Kayo ang namamahala sa lahat ng kaharian sa mundo. Makapangyarihan po kayo dahil walang makakalaban sa inyo. O Dios namin, hindi baʼt itinaboy nʼyo po ang mga nakatira sa lupaing ito sa pamamagitan ng inyong mga mamamayan? At hindi ba ibinigay nʼyo po ito sa kanila na mga lahi ni Abraham na inyong kaibigan, para maging kanila magpakailanman? Nakatira po sila rito at pinatayuan ng templo para sa karangalan ng inyong pangalan. Sinabi nila, ‘Kung may sakunang darating sa amin gaya ng labanan, kasamaan, o taggutom, tatayo kami sa inyong presensya sa harap ng templong ito kung saan pinararangalan kayo. Hihingi kami ng tulong sa inyo sa aming kahirapan, at pakikinggan nʼyo kami at ililigtas.’

10 “Ngayon, nilulusob kami ng mga tao mula sa Ammon, Moab at Bundok ng Seir. Noon, ang mga teritoryo nila ay hindi nʼyo pinapayagang sakupin ng mga Israelita nang lumabas sila sa Egipto. Kaya umiwas ang mga Israelita sa kanila at hindi sila nilipol. 11 Pero ngayon, masdan nʼyo po ang iginanti nila sa amin. Nilulusob nila kami para itaboy kami sa lupain na inyo pong ibinigay sa amin bilang mana. 12 O Dios namin, hindi nʼyo po ba sila parurusahan? Sapagkat wala kaming kakayahang humarap sa napakaraming sundalo na lumulusob sa amin. Hindi po namin alam kung ano ang gagawin namin, pero nagtitiwala po kami sa inyo.”

13 Habang nakatayo roon ang lahat ng lalaking taga-Juda, kasama ang kanilang mga asawaʼt anak, at kanilang mga sanggol, 14 pinatnubayan ng Espiritu ng Panginoon si Jahaziel na nakatayo roon kasama nila. Si Jahaziel ay anak ni Zacarias. Si Zacarias ay anak ni Benaya. Si Benaya ay anak ni Jeyel. At si Jeyel ay anak ni Matania na Levita at mula sa angkan ni Asaf.

15 Sinabi ni Jahaziel, “Makinig po kayo, Haring Jehoshafat, at lahat kayong nakatira sa Juda at Jerusalem! Ito ang sinasabi ng Panginoon sa inyo, ‘Huwag kayong matakot o manlupaypay dahil sa napakaraming sundalong ito, dahil ang pakikipaglaban ay hindi sa inyo kundi sa Dios. 16 Bukas, puntahan nʼyo sila. Makikita nʼyo sila na aahon sa ahunan ng Ziz, sa dulo ng kapatagan na papuntang disyerto ng Jeruel. 17 Hindi na kailangan na makipaglaban pa kayo. Maghanda lang kayo at magpakatatag, at masdan nʼyo ang katagumpayan na gagawin ng Panginoon para sa inyo. Kayong mga taga-Juda at taga-Jerusalem, huwag kayong matakot o manghina. Harapin nʼyo sila bukas at ang Panginoon ay sasama sa inyo.’ ” 18 Lumuhod si Jehoshafat at ang lahat ng taga-Juda at taga-Jerusalem sa pagsamba sa Panginoon. 19 Pagkatapos, tumayo ang ibang mga Levita mula sa mga pamilya nina Kohat at Kora at nagpuri sa Panginoon, ang Dios ng Israel, sa napakalakas na tinig.

20 Kinabukasan nang maagang-maaga pa, pumunta sina Jehoshafat sa disyerto ng Tekoa. Habang naglalakad sila, huminto si Jehoshafat at nagsabi, “Pakinggan nʼyo ako, kayong taga-Juda at taga-Jerusalem! Maniwala kayo sa Panginoon na inyong Dios, at maging matatag kayo. Maniwala kayo sa kanyang propeta, at magtatagumpay kayo.” 21 Pagkatapos niyang makipag-usap sa mga tao, pumili siya ng mga mang-aawit para mauna sa kanila at umawit sa Panginoon upang papurihan siya sa kanyang banal na presensya. Ito ang kanilang inaawit: “Pasalamatan ang Panginoon dahil ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.” 22 At nang nagsimula silang umawit ng mga papuri, pinaglaban-laban ng Panginoon ang mga Moabita, Ammonita at mga taga-Bundok ng Seir. 23 Nilusob ng mga Ammonita at Moabita ang mga sundalo ng mga taga-Bundok ng Seir at nilipol silang lahat. Pagkatapos nilang pumatay, sila naman ang nagpatayan. 24 Pagdating ng mga sundalo ng Juda sa mataas na bahagi ng disyerto, nakita nila ang mga bangkay ng mga kalaban nila na nakahandusay sa lupa. Wala kahit isang buhay. 25 Kaya pinuntahan ito ni Jehoshafat at ng mga tauhan niya, at sinamsam ang kanilang mga ari-arian. Marami ang kanilang nasamsam na mga gamit, mga damit,[c] at iba pang mahahalagang bagay na halos hindi na nila madala. Inabot sila ng tatlong araw sa pagsamsam dahil sa sobrang dami ng mga ari-arian. 26 Nang ikaapat na araw, nagtipon sila sa Lambak ng Beraca kung saan nagpuri sila sa Panginoon. Ito ang dahilan kung bakit tinawag itong Lambak ng Beraca[d] hanggang ngayon.

27 Pagkatapos, bumalik sila sa Jerusalem na pinangunahan ni Jehoshafat. Masaya sila dahil pinagtagumpay sila ng Panginoon sa kanilang mga kalaban. 28 Pagdating nila sa Jerusalem, dumiretso sila sa templo ng Panginoon, na tumutugtog ng mga alpa, lira at mga trumpeta.

29 Nang marinig ng lahat ng kaharian kung paano nakipaglaban ang Panginoon sa mga kalaban ng Israel, natakot sila. 30 Kaya may kapayapaan ang kaharian ni Jehoshafat dahil binigyan siya ng kanyang Dios ng kapayapaan sa kanyang paligid.

Ang Katapusan ng Paghahari ni Jehoshafat(A)

31 Iyon ang paghahari ni Jehoshafat sa Juda. Siyaʼy 35 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 25 taon. Ang ina niya ay si Azuba na anak ni Silhi. 32 Sinunod niya ang pamumuhay ng ama niyang si Asa. Matuwid ang kanyang ginawa sa paningin ng Panginoon. 33 Pero hindi niya inalis ang mga sambahan sa matataas na lugar,[e] at ang mga tao ay hindi pa rin naging tapat sa pagsunod sa Dios ng kanilang ninuno.

34 Ang iba pang salaysay sa paghahari ni Jehoshafat, mula simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Mga Aklat ni Jehu na anak ni Hanani, na kasama sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.

35 Pero sa mga huling bahagi ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda, nakipag-alyansa siya kay Haring Ahazia ng Israel, na isang masamang tao. 36 Nagkasundo sila na magpagawa ng mga barko na pang-negosyo.[f] Ipinagawa nila ito sa piyer ng Ezion Geber. 37 Sinabi ni Eliezer na anak ni Dodavahu na taga-Maresha kay Jehoshafat, “Dahil kumampi ka kay Ahazia, gigibain ko ang ipinagawa ninyo.” Kaya nagiba ang barko at hindi ito nakapaglakbay.

Footnotes

  1. 20:1 Meuneo: Ito ay sa ibang teksto sa Griego. Sa Hebreo, Ammonita.
  2. 20:2 Edom: Ito ay makikita sa isa sa mga tekstong Hebreo. Karamihan, Aram.
  3. 20:25 mga damit: Ito ay sa ibang tekstong Hebreo. Pero karamihan sa ibang kopya, bangkay.
  4. 20:26 Beraca: Ang ibig sabihin, pagpuri.
  5. 20:33 sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
  6. 20:36 mga barko na pang-negosyo: sa Hebreo, mga barko na papuntang Tarshish.