2 Cronica 2
Magandang Balita Biblia
Paghahanda sa Pagtatayo ng Templo(A)
2 Nagpasya si Solomon na magtayo ng templo na kung saan ay sasambahin si Yahweh, at ng palasyo para sa kanyang sarili. 2 Naglagay si Solomon ng 80,000 katao na tagatibag ng bato sa kabundukan, 70,000 tagahakot, at 3,600 tagapamahala. 3 Pagkatapos ay sumulat siya kay Haring Hiram ng Tiro na ganito ang sinasabi: “Kung paano ninyo pinakitunguhan ang aking amang si David at pinadalhan ninyo ng mga kahoy na sedar na ginamit niya sa pagtatayo ng kanyang palasyo, gayundin po sana ang gawin ninyo sa akin. 4 Ngayon po'y magtatayo ako ng isang templo na kung saan ay sasambahin ang aking Diyos na si Yahweh. Magiging banal na lugar iyon para sa kanya bilang dakong sunugan ng insenso at pag-aalayan ng tinapay at handog na susunugin sa umaga, sa hapon, sa Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Bagong Buwan at sa mga takdang kapistahan ni Yahweh na aming Diyos, sapagkat ito'y utos sa Israel magpakailanman. 5 Malaki ang templong ipatatayo ko sapagkat mas dakila ang aming Diyos kaysa alinmang diyos. 6 Ngunit(B) sino nga ba ang makakapagtayo ng isang templong maaaring tirahan niya gayong maging sa kataas-taasang langit ay hindi siya magkasya. At sino naman ako upang ipagtayo siya ng templo? Ang ipatatayo ko'y isa lamang templong mapagsusunugan ng mga handog sa harap niya. 7 Kaya kung maaari, padalhan ninyo ako ng isang taong mahusay na panday ng ginto, pilak, tanso at bakal, sanay humabi ng mga telang kulay ube, pula at asul, at mahusay din naman sa pag-ukit. Siya ang mamamahala sa aking mga manggagawa rito sa Juda at sa Jerusalem, sa mga tauhang inihanda ng aking amang si David. 8 Padalhan din ninyo ako ng mga kahoy na sedar, sipres at algum na galing sa Lebanon. Alam kong bihasa ang mga tauhan ninyo sa pagputol ng kahoy sa Lebanon. Magpapadala ako ng aking mga tauhan upang tumulong. 9 Maraming kahoy ang kailangan kong ihanda sapagkat malaki at kahanga-hanga ang templong aking ipatatayo. 10 Ako ang bahala sa pagkain ng inyong mga tauhang magpuputol ng kahoy. Bibigyan ko sila ng 20,000 malalaking sisidlan[a] na puno ng trigo, 20,000 malalaking sisidlan na puno ng sebada, 2,000 malalaking sisidlan na puno ng alak at 2,000 malalaking sisidlan na puno ng langis.”
11 Ganito naman ang sagot ni Haring Hiram: “Dahil sa pag-ibig ni Yahweh sa kanyang bayan, kayo ang ginawa niyang hari. 12 Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel na lumikha ng langit at lupa. Binigyan niya si Haring David ng isang anak na matalino, may karunungan at kaalaman na siyang magtatayo ng Templo ni Yahweh at ng kanyang palasyo. 13 At ngayon, papupuntahin ko sa inyo si Huram, isang taong matalino at mahusay sa lahat ng trabaho. 14 Ang ina niya'y mula sa lipi ni Dan; taga-Tiro naman ang kanyang ama. Isa siyang mahusay na panday ng ginto, pilak, tanso, bakal, bato at kahoy. Sanay siyang gumawa ng mga kagamitang bato o kahoy man. Bihasa siyang humabi ng mga telang kulay ube, pula at asul at ng linong mamahalin. Magaling din siyang umukit ng anumang uri ng disenyong ipapagawa sa kanya. Kaya niyang gawin ang anumang iutos ninyo sa kanya, kasama ng mga manggagawa ninyo at ng inyong mahal na amang si David. 15 Kaya ipadala na ninyo rito ang trigo, sebada, langis at alak na inyong ipinangako, 16 at magpapaputol na kami ng lahat ng kahoy na kailangan ninyo. Mula sa Lebanon ay palulutangin namin sa dagat ang mga kahoy hanggang Joppa. Buhat naman doon ay kayo na ang magpahakot patungo diyan sa Jerusalem.”
17 Ipinakuha ni Solomon ang bilang ng lahat ng dayuhan sa Israel, tulad ng ginawa ni David. At ang nabilang nila ay 153,600 dayuhan. 18 Inatasan niya ang 70,000 sa paghahakot, at ang 80,000 sa pagtitibag ng bato sa bundok. Ang 3,600 naman ay ginawa niyang tagapamahala ng mga manggagawa.
Footnotes
- 2 Cronica 2:10 MALALAKING SISIDLAN: Ang mga sisidlang ito ay katumbas ng 220 litro.
2 Cronica 2
Ang Biblia (1978)
Ang layunin ni Salomon sa pagtatayo ng templo.
2 Si Salomon nga ay nagpasiya na ipagtayo ng bahay ang pangalan ng Panginoon, at ng isang bahay ang kaniyang kaharian.
2 (A)At si Salomon ay bumilang ng pitong pung libong lalake upang magsipagpasan ng mga pasan, at walong pung libong lalake na mga maninibag ng bato sa mga bundok, at tatlong libo at anim na raan upang mamahala sa kanila.
3 (B)At si Salomon ay nagsugo kay Hiram na hari sa Tiro, na ipinasasabi, (C)Kung paanong iyong ginawa kay David na aking ama at pinadalhan siya ng mga sedro upang ipagtayo siya ng bahay na matirahan doon, gayon din ang gawin mo sa akin.
4 Narito, aking ipinagtatayo ng isang bahay ang pangalan ng Panginoon kong Dios, upang italaga sa kaniya, at upang magsunog sa harap niya ng kamangyan na may mga mainam na espesia, at maiukol sa (D)palaging tinapay na handog, at sa mga (E)handog na susunugin sa umaga at hapon, sa mga sabbath, at sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan sa Panginoon naming Dios. Ito ang utos sa Israel magpakailan man.
5 At ang bahay na aking itinatayo ay dakila: sapagka't dakila ang aming Dios kay sa lahat ng mga Dios.
6 Nguni't sinong makapagtatayo para sa kaniya ng isang bahay, (F)dangang sa langit at sa langit ng mga langit ay hindi siya magkasiya? sino nga ako, na ipagtatayo ko siya ng isang bahay, liban sa magsunog lamang ng kamangyan sa harap niya?
7 Ngayon nga'y suguan mo ako ng isang lalake na bihasang manggagawa sa ginto, at sa pilak, at sa tanso, at sa bakal, at sa kulay ube, at matingkad na pula, at bughaw, at ng makauukit ng sarisaring ukit, upang makasama ng mga matalinong lalake na kasama ko sa Juda at sa Jerusalem, (G)na itinaan ni David na aking ama.
8 Padalhan mo rin ako ng mga kahoy na sedro, mga kahoy na abeto, at mga kahoy na algum, na mula sa Libano, sapagka't talastas ko na ang iyong mga bataan ay matalinong pumutol ng kahoy sa Libano. At, narito, ang aking mga alipin ay sasama sa iyong mga bataan,
9 Sa makatuwid baga'y upang ipaghanda ako ng kahoy na sagana: sapagka't ang bahay na aking itatayo ay magiging dakila at kagilagilalas.
10 At (H)narito, aking ibibigay sa iyong mga bataan, na mga mamumutol ng kahoy, ang dalawangpung libong koro ng binayong trigo, at dalawang pung libong koro ng sebada, at dalawangpung libong (I)bath ng alak, at dalawangpung libong bath ng langis.
Ang tulong ni Hiram sa pagtatayo ng templo.
11 Nang magkagayo'y si Hiram na hari sa Tiro ay sumagot sa sulat, na kaniyang ipinadala kay Salomon, (J)Sapagka't minamahal ng Panginoon ang kaniyang bayan, ay ginawa ka niyang hari sa kanila.
12 Sinabi ni Hiram bukod dito, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na lumikha ng langit at lupa, na nagbigay kay David na hari ng isang pantas na anak, na may bait at kaalaman, na ipagtatayo ng isang bahay ang Panginoon, at ng isang bahay ang kaniyang kaharian.
13 At ngayo'y nagsugo ako ng bihasang lalake na may kaalaman, kay Hiram na aking ama,
14 Na anak ng isang babae sa mga anak ni Dan; at ang kaniyang ama ay (K)taga Tiro na bihasang manggagawa sa ginto, at sa pilak, sa tanso, sa bakal, sa bato, at sa kahoy, sa kulay ube, sa bughaw, at sa mainam na kayong lino, at sa matingkad na pula; upang umukit din naman ng anomang paraan ng ukit, at magmunakala ng anoman; upang magkaroon ng isang takdang dako sa kaniya na kasama ng iyong mga bihasang lalake at ng mga bihasang lalake ng aking panginoong si David na iyong ama.
15 Ngayon nga'y ang trigo at ang sebada, ang langis at ang alak, na sinalita ng (L)aking panginoon, ipadala niya sa kaniyang mga bataan:
16 At kami ay magsisiputol ng kahoy mula sa Libano, kung gaano ang iyong kakailanganin: at aming dadalhin sa iyo sa mga balsa na idadaan sa dagat hanggang sa (M)Joppe; at iyong iaahon sa Jerusalem.
17 At binilang ni Salomon ang lahat na taga ibang lupa na nangasa lupain ng Israel, ayon sa bilang na ibinilang ni (N)David na kaniyang ama sa kanila; at nasumpungan ay isang daan at limang pu't tatlong libo at anim na raan.
18 At kaniyang inilagay sa kanila ay pitong pung libong tagadala ng pasan, at walong pung libo na mga maninibag ng bato sa mga bundok, at tatlong libo at anim na raan na kapatas upang magayos ng gawain ng bayan.
2 Paralipomeno 2
Ang Dating Biblia (1905)
2 Si Salomon nga ay nagpasiya na ipagtayo ng bahay ang pangalan ng Panginoon, at ng isang bahay ang kaniyang kaharian.
2 At si Salomon ay bumilang ng pitong pung libong lalake upang magsipagpasan ng mga pasan, at walong pung libong lalake na mga maninibag ng bato sa mga bundok, at tatlong libo at anim na raan upang mamahala sa kanila.
3 At si Salomon ay nagsugo kay Hiram na hari sa Tiro, na ipinasasabi, Kung paanong iyong ginawa kay David na aking ama at pinadalhan siya ng mga sedro upang ipagtayo siya ng bahay na matirahan doon, gayon din ang gawin mo sa akin.
4 Narito, aking ipinagtatayo ng isang bahay ang pangalan ng Panginoon kong Dios, upang italaga sa kaniya, at upang magsunog sa harap niya ng kamangyan na may mga mainam na espesia, at maiukol sa palaging tinapay na handog, at sa mga handog na susunugin sa umaga at hapon, sa mga sabbath, at sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan sa Panginoon naming Dios. Ito ang utos sa Israel magpakailan man.
5 At ang bahay na aking itinatayo ay dakila: sapagka't dakila ang aming Dios kay sa lahat ng mga Dios.
6 Nguni't sinong makapagtatayo para sa kaniya ng isang bahay, dangang sa langit at sa langit ng mga langit ay hindi siya magkasiya? sino nga ako, na ipagtatayo ko siya ng isang bahay, liban sa magsunog lamang ng kamangyan sa harap niya?
7 Ngayon nga'y suguan mo ako ng isang lalake na bihasang manggagawa sa ginto, at sa pilak, at sa tanso, at sa bakal, at sa kulay ube, at matingkad na pula, at bughaw, at ng makauukit ng sarisaring ukit, upang makasama ng mga matalinong lalake na kasama ko sa Juda at sa Jerusalem, na itinaan ni David na aking ama.
8 Padalhan mo rin ako ng mga kahoy na sedro, mga kahoy na abeto, at mga kahoy na algum, na mula sa Libano, sapagka't talastas ko na ang iyong mga bataan ay matalinong pumutol ng kahoy sa Libano. At, narito, ang aking mga alipin ay sasama sa iyong mga bataan,
9 Sa makatuwid baga'y upang ipaghanda ako ng kahoy na sagana: sapagka't ang bahay na aking itatayo ay magiging dakila at kagilagilalas.
10 At narito, aking ibibigay sa iyong mga bataan, na mga mamumutol ng kahoy, ang dalawangpung libong koro ng binayong trigo, at dalawang pung libong koro ng sebada, at dalawangpung libong bath ng alak, at dalawangpung libong bath ng langis.
11 Nang magkagayo'y si Hiram na hari sa Tiro ay sumagot sa sulat, na kaniyang ipinadala kay Salomon, Sapagka't minamahal ng Panginoon ang kaniyang bayan, ay ginawa ka niyang hari sa kanila.
12 Sinabi ni Hiram bukod dito, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na lumikha ng langit at lupa, na nagbigay kay David na hari ng isang pantas na anak, na may bait at kaalaman, na ipagtatayo ng isang bahay ang Panginoon, at ng isang bahay ang kaniyang kaharian.
13 At ngayo'y nagsugo ako ng bihasang lalake na may kaalaman, kay Hiram na aking ama,
14 Na anak ng isang babae sa mga anak ni Dan; at ang kaniyang ama ay taga Tiro na bihasang manggagawa sa ginto, at sa pilak, sa tanso, sa bakal, sa bato, at sa kahoy, sa kulay ube, sa bughaw, at sa mainam na kayong lino, at sa matingkad na pula; upang umukit din naman ng anomang paraan ng ukit, at magmunakala ng anoman; upang magkaroon ng isang takdang dako sa kaniya na kasama ng iyong mga bihasang lalake at ng mga bihasang lalake ng aking panginoong si David na iyong ama.
15 Ngayon nga'y ang trigo at ang sebada, ang langis at ang alak, na sinalita ng aking panginoon, ipadala niya sa kaniyang mga bataan:
16 At kami ay magsisiputol ng kahoy mula sa Libano, kung gaano ang iyong kakailanganin: at aming dadalhin sa iyo sa mga balsa na idadaan sa dagat hanggang sa Joppe; at iyong iaahon sa Jerusalem.
17 At binilang ni Salomon ang lahat na taga ibang lupa na nangasa lupain ng Israel, ayon sa bilang na ibinilang ni David na kaniyang ama sa kanila; at nasumpungan ay isang daan at limang pu't tatlong libo at anim na raan.
18 At kaniyang inilagay sa kanila ay pitong pung libong tagadala ng pasan, at walong pung libo na mga maninibag ng bato sa mga bundok, at tatlong libo at anim na raan na kapatas upang magayos ng gawain ng bayan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978