Add parallel Print Page Options

Binalaan ni Propeta Micaya si Ahab(A)

18 Si Jehoshafat ay nagkaroon ng malaking kayamanan at karangalan; at nakisanib siya kay Ahab sa pamamagitan ng pag-aasawa.

Pagkalipas ng ilang taon, siya ay pumunta kay Ahab sa Samaria. At nagkatay si Ahab ng maraming tupa at baka para sa kanya at sa mga taong kasama niya, at hinimok siya na umahon laban sa Ramot-gilead.

Sinabi ni Haring Ahab ng Israel kay Jehoshafat na hari ng Juda, “Sasama ka ba sa akin sa Ramot-gilead?” Kanyang sinagot siya, “Ako'y gaya mo, at ang aking bayan ay gaya ng iyong bayan. Kami ay sasama sa iyo sa digmaan.”

Nagtanong sa Propeta

At sinabi ni Jehoshafat sa hari ng Israel, “Sumangguni ka muna kung ano ang salita ng Panginoon.”

Nang magkagayo'y tinipon ng hari ng Israel ang mga propeta na apatnaraang katao, at sinabi sa kanila, “Pupunta ba kami sa Ramot-gilead upang makipaglaban, o magpipigil ako?” At sinabi nila, “Umahon ka; sapagkat ibibigay iyon ng Diyos sa kamay ng hari.”

Ngunit sinabi ni Jehoshafat, “Wala ba ritong iba pang propeta ng Panginoon na maaari naming mapagsanggunian?”

Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “May isa pang lalaki na sa pamamagitan niya ay maaari tayong sumangguni sa Panginoon, si Micaya na anak ni Imla. Ngunit kinapopootan ko siya, sapagkat kailanman ay hindi siya nagsasalita ng mabuting propesiya tungkol sa akin, kundi laging kasamaan.” At sinabi ni Jehoshafat, “Huwag magsabi ng ganyan ang hari.”

At tumawag ng isang pinuno ang hari ng Israel, at sinabi, “Dalhin kaagad dito si Micaya na anak ni Imla.”

Noon ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay nakaupo sa kanilang mga trono, na nakadamit-hari. Sila'y nakaupo sa may giikan sa pasukan ng pintuan ng Samaria, at ang lahat ng mga propeta ay nagsasalita sa harapan nila.

10 At si Zedekias na anak ni Canaana ay gumawa para sa kanyang sarili ng mga sungay na bakal, at kanyang sinabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sa pamamagitan ng mga ito ay iyong itutulak ang mga taga-Siria hanggang sila'y mapuksa.’”

11 Lahat ng mga propeta ay nagsalita ng gayong propesiya, na sinasabi, “Umahon ka sa Ramot-gilead at magtagumpay; ibibigay iyon ng Panginoon sa kamay ng hari.”

12 At ang sugo na umalis upang tawagin si Micaya ay nagsalita sa kanya, “Tingnan mo, ang mga salita ng mga propeta na nagkakaisa ay kaaya-aya sa hari. Ang iyong salita ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng kaaya-aya.”

13 Ngunit sinabi ni Micaya, “Kung paanong buháy ang Panginoon, kung ano ang sabihin ng aking Diyos, iyon ang aking sasabihin.”

14 At pagdating niya sa hari, sinabi ng hari sa kanya, “Micaya, hahayo ba kami sa Ramot-gilead upang lumaban, o magpipigil ba ako?” At siya'y sumagot, “Umahon ka at magtagumpay, sila'y ibibigay sa inyong kamay.”

15 Ngunit sinabi ng hari sa kanya, “Ilang ulit ba kitang uutusan na huwag magsalita sa akin ng anuman maliban sa katotohanan sa pangalan ng Panginoon?”

16 Kaya't(B) kanyang sinabi, “Nakita ko ang buong Israel na nakakalat sa mga bundok, gaya ng mga tupa na walang pastol. At sinabi ng Panginoon, ‘Ang mga ito'y walang panginoon; hayaang umuwing payapa ang bawat isa sa kanyang tahanan.’”

17 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Di ba sinabi ko sa iyo na siya'y hindi magsasalita ng mabuting propesiya tungkol sa akin, kundi kasamaan?”

18 Sinabi ni Micaya, “Kaya't pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon: Nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa kanyang trono, at ang lahat ng hukbo ng langit na nakatayo sa kanyang kanan at sa kanyang kaliwa.

19 At sinabi ng Panginoon, ‘Sinong aakit kay Ahab na hari ng Israel, upang siya'y umahon at mabuwal sa Ramot-gilead?’ At ang isa'y nagsalita ng isang bagay at ang iba'y nagsalita ng iba.

20 Dumating ang isang espiritu at tumayo sa harapan ng Panginoon, na nagsasabi, ‘Aakitin ko siya.’ At sinabi ng Panginoon sa kanya, ‘Sa anong paraan?’

21 At kanyang sinabi, ‘Ako'y hahayo at magiging isang sinungaling na espiritu sa bibig ng lahat niyang mga propeta.’ At kanyang sinabi, ‘Aakitin mo siya, at magtatagumpay ka; humayo ka at gayon ang gawin mo!'

22 Kaya't ngayon, ang Panginoon ay naglagay ng sinungaling na espiritu sa bibig ng mga propeta mong ito; ang Panginoon ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo.”

23 Si Zedekias na anak ni Canaana ay lumapit at sinampal si Micaya, at sinabi, “Saan dumaan ang Espiritu ng Panginoon mula sa akin upang magsalita sa iyo?”

24 At sinabi ni Micaya, “Makikita mo sa araw na iyon kapag ikaw ay pumasok sa pinakaloob na silid upang magtago.”

25 Sinabi ng hari ng Israel, “Hulihin si Micaya, at ibalik siya kay Amon na tagapamahala ng lunsod at kay Joas na anak ng hari;

26 at sabihin ninyo, ‘Ganito ang sabi ng hari, Ilagay ang taong ito sa bilangguan, at pakainin siya ng kaunting tinapay at tubig hanggang sa ako'y bumalik nang payapa.’”

27 At sinabi ni Micaya, “Kung ikaw ay makabalik nang payapa, ang Panginoon ay hindi nagsalita sa pamamagitan ko.” At kanyang sinabi, “Makinig kayong lahat, kayong mga taong-bayan!”

Ang Kamatayan ni Ahab(C)

28 Kaya't ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay pumunta sa Ramot-gilead.

29 At sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Ako'y magbabalatkayo at pupunta sa labanan, ngunit ikaw ay magsuot ng iyong balabal.” At ang hari ng Israel ay nagbalatkayo; at sila'y pumunta sa labanan.

30 Samantala, ang hari ng Siria ay nag-utos sa mga punong-kawal ng kanyang mga karwahe, na sinasabi, “Huwag kayong makipaglaban sa maliit o sa malaki man, kundi sa hari ng Israel lamang.”

31 Nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe si Jehoshafat, kanilang sinabi, “Iyon ang hari ng Israel.” Kaya't sila'y pumihit upang lumaban sa kanya; at si Jehoshafat ay sumigaw at tinulungan siya ng Panginoon. Inilayo sila ng Diyos sa kanya;

32 sapagkat nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe na hindi iyon ang hari ng Israel, sila'y tumigil sa paghabol sa kanya.

33 Subalit isang lalaki ang nagpahilagpos ng kanyang pana at hindi sinasadyang tinamaan ang hari ng Israel sa pagitan ng mga dugtungan ng baluti, kaya't sinabi niya sa nagpapatakbo ng kanyang karwahe, “Ipihit mo at ilayo mo ako sa labanan, sapagkat ako'y nasugatan.”

34 Ang labanan ay naging mainit nang araw na iyon; at ang hari ng Israel ay nanatili sa kanyang karwahe paharap sa mga taga-Siria hanggang sa kinahapunan, at sa paglubog ng araw ay namatay siya.

Nagsalita si Micaya Laban kay Ahab(A)

18 Yumaman at naging tanyag na si Jehoshafat, at naging mabuti ang kanyang relasyon kay Haring Ahab[a] ng Israel dahil sa pagpapakasal ng ilang miyembro ng kanilang mga pamilya. Pagkalipas ng ilang taon, dumalaw si Jehoshafat kay Ahab sa Samaria. Nagkatay si Ahab ng maraming tupa at baka para sa pagpapapiging kay Jehoshafat at sa mga tauhan niya. At hinikayat niya si Jehoshafat na lusubin ang Ramot Gilead. Sinabi niya kay Jehoshafat, “Sasama ka ba sa amin sa pakikipaglaban sa Ramot Gilead?” Sumagot si Jehoshafat, “Handa akong sumama sa iyo, at handa akong ipagamit sa iyo ang aking mga sundalo. Oo, sasama kami sa inyo sa pakikipaglaban. Pero tanungin muna natin ang Panginoon kung ano ang kanyang masasabi.”

Kaya ipinatawag ni Ahab ang mga propeta – 400 silang lahat, at tinanong, “Pupunta ba kami sa Ramot Gilead o hindi?” Sumagot sila, “Sige, lumakad kayo, dahil pagtatagumpayin kayo ng Panginoon!”

Pero nagtanong si Jehoshafat, “Wala na bang iba pang propeta ng Panginoon na mapagtatanungan natin?” Sumagot si Ahab kay Jehoshafat, “May isa pang maaari nating mapagtanungan – si Micaya na anak ni Imla. Pero napopoot ako sa kanya dahil wala siyang magandang propesiya tungkol sa akin kundi puro kasamaan.” Sumagot si Jehoshafat, “Hindi ka dapat magsalita ng ganyan.” Kaya ipinatawag ni Ahab ang isa sa kanyang opisyal at sinabi, “Dalhin nʼyo agad dito si Micaya na anak ni Imla.”

Ngayon, sina Haring Ahab ng Israel at Haring Jehoshafat ng Juda, na nakasuot ng kanilang damit panghari, ay nakaupo sa kanilang trono sa harapan ng giikan na nasa bandang pintuang bayan ng Samaria, at nakikinig sa sinasabi ng mga propeta. 10 Si Zedekia na isa sa mga propeta, na anak ni Kenaana ay gumawa ng sungay na bakal. Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Sa pamamagitan ng sungay na ito, lilipulin mo, Haring Ahab, ang mga Arameo hanggang sa maubos sila.’ ” 11 Ganito rin ang sinabi ng lahat ng propeta. Sinabi nila, “Lusubin nʼyo po ang Ramot Gilead, Haring Ahab, at magtatagumpay kayo, dahil ibibigay ito sa inyo ng Panginoon.”

12 Samantala, ang mga inutusan sa pagkuha kay Micaya ay nagsabi sa kanya, “Ang lahat ng propeta ay pare-parehong nagsasabing magtatagumpay ang hari, kaya ganoon din ang iyong sabihin.” 13 Pero sinabi ni Micaya, “Nanunumpa ako sa buhay na Panginoon na aking Dios na sasabihin ko lang ang ipinapasabi niya sa akin.”

14 Pagdating ni Micaya kay Haring Ahab, nagtanong ang hari sa kanya, “Micaya, lulusubin ba namin ang Ramot Gilead o hindi?” Sumagot si Micaya, “Lusubin nʼyo at magtatagumpay kayo, dahil ibibigay ito sa inyo.” 15 Pero sinabi ng hari kay Micaya, “Ilang beses ba kitang panunumpain na sabihin mo sa akin ang totoo sa pangalan ng Panginoon?” 16 Kaya sinabi ni Micaya, “Nakita ko sa pangitain na nakakalat ang mga Israelita sa mga kabundukan gaya ng mga tupa na walang nagbabantay, at nagsabi ang Panginoon, ‘Ang mga taong itoʼy wala ng pinuno. Pauwiin sila na may kapayapaan.’ ” 17 Sinabi ni Haring Ahab kay Jehoshafat, “Hindi ba sinabihan na kitang wala siyang magandang propesiya tungkol sa akin kundi puro kasamaan lang?”

18 Sinabi pa ni Micaya, “Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon! Nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa kanyang trono, na may nakatayo sa kanan niya at kaliwa niyang mga makalangit na nilalang. 19 At sinabi ng Panginoon, ‘Sino ang hihikayat kay Haring Ahab ng Israel para lusubin ang Ramot Gilead upang mamatay siya roon?’ Iba-iba ang sagot ng mga makalangit na nilalang. 20 At may espiritu na lumapit sa Panginoon at nagsabi, ‘Ako ang hihikayat sa kanya.’ Nagtanong ang Panginoon, ‘Sa paanong paraan?’ 21 Sumagot siya, ‘Pupunta ako at pagsasalitain ko ng kasinungalingan ang mga propeta ni Ahab.’ Sinabi ng Panginoon, ‘Lumakad ka at gawin mo ito. Magtatagumpay ka sa paghihikayat sa kanya.’ ”

22 Sinabi agad ni Micaya, “Pinadalhan ng Panginoon ang iyong mga propeta ng espiritu na nagpasalita sa kanila ng kasinungalingan. Ipinahintulot ng Panginoon na matalo ka.” 23 Lumapit agad si Zedekia kay Micaya at sinampal ito. Sinabi agad ni Zedekia, “Paano mong nasabi na ang Espiritu ng Panginoon ay umalis sa akin at nakipag-usap sa iyo?” 24 Sumagot si Micaya, “Malalaman mo ito sa araw na matalo kayo sa labanan at magtatago ka sa kaloob-loobang kwarto ng bahay.”

25 Nag-utos agad si Haring Ahab, “Dakpin nʼyo si Micaya at dalhin pabalik kay Ammon na pinuno ng lungsod at kay Joash na aking anak. 26 At sabihin nʼyo sa kanila na nag-utos ako na ikulong ang taong ito, tinapay at tubig lang ang ibigay sa kanya hanggang makabalik akong ligtas mula sa labanan.”

27 Sinabi ni Micaya, “Kung makabalik ka ng walang nangyari, ang ibig sabihin hindi nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan ko.” At sinabi ni Micaya sa lahat ng tao roon, “Tandaan nʼyo ang sinabi ko!”

Namatay si Ahab(B)

28 Kaya lumusob sa Ramot Gilead si Haring Ahab ng Israel at si Haring Jehoshafat ng Juda. 29 Sinabi ni Ahab kay Jehoshafat, “Sa panahon ng labanan, hindi ako magpapakilala na ako ang hari, pero ikaw ang siyang magsusuot ng damit panghari.” Kaya nagkunwari ang hari ng Israel, at nakipaglaban sila.

30 Samantala, nag-utos ang hari ng Aram sa kumander ng kanyang mga mangangarwahe, “Huwag ninyong lusubin ang kahit sino, kundi ang hari lang ng Israel.” 31 Pagkakita ng mga kumander ng mga mangangarwahe kay Jehoshafat, inisip nila na siya ang hari ng Israel, kaya nilusob nila ito. Pero humingi ng tulong sa Panginoon si Jehoshafat, at tinulungan siya at inilayo sa mga kalaban niya. 32 Nang mapansin ng mga kumander ng mga mangangarwahe na hindi pala siya ang hari ng Israel, huminto sila sa paghabol sa kanya.

33 Pero habang namamana ang isang sundalong Arameo sa mga sundalo ng Israel, natamaan niya ang hari ng Israel sa pagitan ng kanyang panangga sa dibdib. Sinabi ni Haring Ahab sa nagdadala ng kanyang karwahe, “Ilayo mo ako sa labanan! Dahil nasugatan ako.” 34 Matindi ang labanan nang araw na iyon, at ang hari ng Israel ay nakasandal lang sa kanyang karwahe na nakaharap sa mga Arameo hanggang hapon. At nang lumubog na ang araw, siyaʼy namatay.

Footnotes

  1. 18:1 Ahab: sa Hebreo, hari ng Israel. Ganito rin sa talatang 7-9,17,25,29.

Ang pakikipagkamaganak ni Josaphat kay Achab.

18 Si Josaphat nga ay nagkaroon ng (A)kayamanan, at dangal na sagana; at (B)siya'y nakipagkamaganak kay Achab.

(C)At pagkatapos ng ilang taon, kaniyang nilusong si Achab sa Samaria. At ipinagpatay siya ni Achab ng mga tupa at baka na sagana, at ang bayan na kasama niya; at inupahan siya na umahon na kasama niya sa Ramoth-galaad.

At sinabi ni Achab na hari sa Israel kay Josaphat na hari sa Juda, Sasama ka ba sa akin sa Ramoth-galaad? At sinagot niya siya, Ako'y gaya mo, at ang aking bayan ay gaya ng iyong bayan; at kami ay sasaiyo sa pakikipagdigma.

Nagtanong sa propeta.

At sinabi ni Josaphat sa hari sa Israel, Magusisa ka ngayon, isinasamo ko sa iyo, sa salita ng Panginoon.

Nang magkagayo'y pinisan ng hari sa Israel ang mga propeta, na apat na raang lalake, at sinabi sa kanila, Magsisiparoon ba kami sa Ramoth-galaad upang makipagbaka, o uurong ako? At sinabi nila, Umahon ka; sapagka't ibibigay ng Dios sa kamay ng hari.

Nguni't sinabi ni Josaphat: Wala ba ritong ibang propeta ng Panginoon, upang tayo'y makapagusisa sa kaniya?

At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, May isa pang lalake na mapaguusisaan natin sa Panginoon: nguni't kinapopootan ko siya: sapagka't kailan man ay hindi siya nanghuhula ng mabuti tungkol sa akin, kundi laging kasamaan; si Micheas nga na anak ni Imla. At sinabi ni Josaphat, Huwag magsabi ng ganyan ang hari.

Nang magkagayo'y tumawag ang hari sa Israel ng isang pinuno, at kaniyang sinabi, Dalhin mo ritong madali si Micheas na anak ni Imla.

Ang hari nga ng Israel at si Josaphat na hari sa Juda, ay nakaupo bawa't isa sa kanikaniyang luklukan na nakapanamit hari, at sila'y nakaupo sa isang hayag na dako sa pasukan ng pintuang-bayan ng Samaria; at ang lahat na propeta ay nanganghula sa harap nila.

10 At si Sedechias na anak ni Chenaana ay gumawa ng mga sungay na bakal, at kaniyang sinabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa pamamagitan ng mga ito ay iyong itutulak ang mga taga Siria, hanggang sa mangalipol.

11 At lahat na propeta ay nanganghulang gayon, na sinasabi, Umahon ka sa Ramoth-galaad, at guminhawa ka: sapagka't ibibigay ng Panginoon sa kamay ng hari.

Ang babala ni Micheas.

12 At ang sugo na yumaong tumawag kay Micheas ay nagsalita sa kaniya na sinasabi, Narito, ang mga salita ng mga propeta ay nagsaysay ng mabuti sa hari na magkakaisa: isinasamo ko nga sa iyo na ang iyong salita ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng mabuti.

13 At sinabi ni Micheas, Buháy ang Panginoon, kung ano ang sabihin ng aking Dios, yaon ang aking sasalitain.

14 At nang siya'y dumating sa hari, sinabi ng hari sa kaniya, Micheas, magsisiyaon ba kami sa Ramoth-galaad upang makipagbaka, o uurong ako? At sinabi niya, Magsiyaon kayo at magsiginhawa nawa; at sila'y mangabibigay sa inyong kamay.

15 At sinabi ng hari sa kaniya: Makailang ipasusumpa ko sa iyo na ikaw ay huwag magsalita ng anoman sa akin kundi katotohanan sa pangalan ng Panginoon?

16 At kaniyang sinabi, Aking nakita ang buong Israel na nangangalat sa mga bundok, na gaya ng mga tupa na walang pastor: at sinabi ng Panginoon, Ang mga ito'y walang panginoon; umuwing payapa ang bawa't lalake sa kaniyang bayan.

17 At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, Di ba isinaysay ko sa iyo na siya'y hindi manghuhula ng mabuti tungkol sa akin, kundi kasamaan?

18 At sinabi ni Micheas, Kaya't dinggin ninyo ang salita ng Panginoon: Aking nakita ang Panginoon na nakaupo sa kaniyang luklukan, at ang buong hukbo ng langit na nakatayo sa kaniyang kanan at sa kaniyang kaliwa.

19 At sinabi ng Panginoon, Sinong dadaya kay Achab na hari sa Israel, upang siya'y umahon at mabuwal sa Ramoth-galaad? At ang isa'y nagsalita na nagsabi ng ayon sa ganitong paraan, at ang iba'y nagsabi ayon sa gayong paraan.

20 At lumabas ang isang espiritu, at tumayo sa harap ng Panginoon, at nagsabi, Aking dadayain siya. At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Sa ano?

21 At kaniyang sinabi, Ako'y lalabas, at ako'y magiging magdarayang espiritu sa bibig ng lahat niyang mga propeta. At kaniyang sinabi, Iyong dadayain siya, at mananaig ka rin: lumabas ka, at gawin mong gayon.

22 Ngayon nga, narito, inilagay ng Panginoon ang magdarayang espiritu sa bibig ng iyong mga propetang ito; ang Panginoon ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo.

Ang parusa kay Micheas.

23 Nang magkagayo'y lumapit si Sedechias na anak ni Chenaana, at sinampal si Micheas, at nagsabi, Saan nagdaan ang Espiritu ng Panginoon na mula sa akin upang magsalita sa iyo?

24 At sinabi ni Micheas, Narito, iyong makikita sa araw na yaon, pagka ikaw ay papasok sa pinakaloob na silid upang magkubli.

25 At sinabi ng hari sa Israel, Dalhin ninyo si Micheas, at ibalik ninyo siya kay Amon na tagapamahala ng bayan, at kay Joas na anak ng hari;

26 At sabihin ninyo, Ganito ang sabi ng hari, Ilagay ang taong ito sa bilangguan, at pakanin siya ng tinapay ng kadalamhatian at ng tubig ng kadalamhatian hanggang sa ako'y bumalik na payapa.

27 At sinabi ni Micheas, Kung ikaw ay bumalik sa anomang paraan na payapa, ang Panginoon ay hindi nagsalita sa pamamagitan ko. At kaniyang sinabi, Dinggin ninyo, ninyong mga bayan, ninyong lahat.

Umahon sa Ramoth-galaad.

28 Sa gayo'y ang hari sa Israel at si Josaphat na hari sa Juda ay nagsiahon sa Ramoth-galaad.

29 At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, Ako'y magpapakunwaring iba, at paroroon ako sa pagbabaka; nguni't ikaw ay magbalabal ng iyong mga balabal hari. Sa gayo'y ang hari ng Israel ay nagpakunwaring iba; at sila'y nagsiparoon sa pagbabaka.

30 Ang hari nga sa Siria ay nagutos sa mga pinunong kawal ng kaniyang mga karo, na sinasabi, Huwag kayong magsilaban kahit sa maliit o sa malaki man, liban lamang sa hari sa Israel.

31 At nangyari, nang makita ng mga punong kawal ng mga karo ni Josaphat, na kanilang sinabi, Siyang hari sa Israel. Kaya't (D)sila'y nagsiligid upang magsilaban sa kaniya: nguni't si Josaphat ay humiyaw, at tinulungan siya ng Panginoon; at kinilos sila ng Dios na humiwalay sa kaniya.

32 At nangyari nang makita ng mga pinunong kawal ng mga karo na hindi siyang hari sa Israel, na sila'y nagsihiwalay ng paghabol sa kaniya.

33 At inihilagpos ng isang lalake ang kaniyang pana sa isang pagbabakasakali, at tinamaan ang hari sa Israel, sa pagitan ng mga pagkakasugpong ng sakbat kaya't sinabi niya sa nagpapatakbo ng karo, Ipihit mo ang iyong kamay, at ihiwalay mo ako sa hukbo; sapagka't ako'y nasugatan ng mabigat.

34 At ang pagbabaka ay lumala nang araw na yaon; gayon ma'y ang hari sa Israel ay nanatili sa kaniyang karo laban sa mga taga Siria hanggang sa kinahapunan: at sa may paglubog ng araw ay namatay siya.