2 Cronica 15-16
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Mga Pagbabagong Ginawa ni Asa
15 Pinuspos ng Espiritu ng Dios si Azaria na anak ni Obed. 2 Nakipagkita siya kay Asa at sinabi, “Pakinggan nʼyo po ako Haring Asa, at lahat kayong taga-Juda at taga-Benjamin. Mananatili ang Panginoon sa inyo habang nananatili kayo sa kanya. Kung dudulog kayo sa kanya, tutulungan niya kayo. Pero kung tatalikuran nʼyo siya, tatalikuran din niya kayo. 3 Sa mahabang panahon, namuhay ang mga Israelita na walang tunay na Dios, walang paring nagtuturo sa kanila, at walang kautusan. 4 Pero sa kanilang paghihirap, dumulog sila sa Panginoon, ang Dios ng Israel, at tinulungan niya sila. 5 Nang panahong iyon, mapanganib ang maglakbay dahil nagkakagulo ang mga tao. 6 Naglalaban ang mga bansa at ang mga lungsod, dahil ginulo sila ng Dios sa pamamagitan ng ibaʼt ibang mga kahirapan. 7 Pero kayo naman, magpakatapang kayo at huwag manghina dahil ang mga gawa ninyo ay gagantimpalaan.”
8 Nang marinig ni Asa ang mensahe ni Azaria na anak ni Obed, nagpakatapang siya. Inalis niya ang kasuklam-suklam na mga dios-diosan sa buong Juda at Benjamin, at sa mga bayan na kanyang inagaw sa mababang bahagi ng Efraim. Ipinaayos niya ang altar ng Panginoon na nasa harapan ng balkonahe ng templo ng Panginoon.
9 Pagkatapos, ipinatipon niya ang lahat ng mamamayan ng Juda at Benjamin, at ang mga mamamayan mula sa Efraim, Manase, at Simeon na nakatirang kasama nila. Maraming lumipat sa Juda mula sa Israel nang makita nilang si Asa ay sinasamahan ng Panginoon na kanyang Dios.
10 Nagtipon sila sa Jerusalem noong ikatlong buwan nang ika-15 taon ng paghahari ni Asa. 11 At sa oras na iyon, naghandog sila sa Panginoon ng mga hayop na kanilang nasamsam sa labanan – 700 baka at 7,000 tupa at kambing. 12 Gumawa sila ng kasunduan na dumulog sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, nang buong puso nilaʼt kaluluwa. 13 Ang sinumang hindi dumulog sa Panginoon, ang Dios ng Israel ay papatayin, bata man o matanda, lalaki man o babae. 14 Nangako sila sa Panginoon sa malakas na tinig na may pagsasaya at pagpapatunog ng mga trumpeta at mga trumpeta. 15 Nagsaya ang lahat ng taga-Juda dahil nangako sila nang buong puso. Dumulog sila sa Panginoon nang taimtim sa kanilang puso, at tinulungan niya sila. At binigyan niya sila ng kapayapaan sa kanilang mga kalaban kahit saan.
16 Inalis din ni Haring Asa ang kanyang lolang si Maaca sa pagkareyna nito dahil gumawa ito ng karumal-dumal na posteng simbolo ng diosang si Ashera. Ipinaputol ni Asa ang poste, ipinasibak ito, at ipinasunog sa Lambak ng Kidron. 17 Kahit hindi nawala ang mga sambahan sa matataas na lugar,[a] naging matapat pa rin si Asa sa Panginoon sa buong buhay niya. 18 Dinala niya sa templo ng Panginoon ang mga pilak, ginto at iba pang mga bagay na inihandog niya at ng kanyang ama sa Panginoon.
19 Hindi nagkaroon ng digmaan hanggang sa ika-35 taon ng paghahari ni Asa.
Ang Huling Taon ni Asa(A)
16 Nang ika-36 na taon ng paghahari ni Asa, nilusob ni Haring Baasha ng Israel ang Juda. At pinabakuran niya ang Rama para walang makalabas o makapasok sa teritoryo ni Haring Asa ng Juda. 2 Ipinakuha ni Asa ang mga pilak at ginto sa mga bodega ng templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo. At ibinigay niya ito kay Haring Ben Hadad ng Aram[b] doon sa Damascus kung saan siya nakatira. 3 Ito ang mensahe ni Asa kay Ben Hadad: “Gumawa tayo ng kasunduan na magkakampihan tayo, gaya ng ginawa ng ating mga magulang. Tanggapin mo ang ipinadala ko sa iyong pilak at ginto, at hinihiling kong tigilan mo na ang pagkampi kay Haring Baasha ng Israel para pabayaan na niya ako.”
4 Pumayag si Ben Hadad sa kahilingan ni Haring Asa, at inutusan niya ang mga kumander ng kanyang mga sundalo na lusubin ang mga bayan ng Israel. Nasakop nila ang Ijon, Dan, Abel Maim, at ang lahat ng lungsod ng Naftali na ginagamit na bodega. 5 Nang marinig ito ni Baasha, ipinahinto niya ang pagpapatayo ng pader sa Rama. 6 Pagkatapos, nag-utos si Haring Asa sa lahat ng lalaki ng Juda na kunin nila ang mga bato at mga troso na ginagamit ni Baasha sa paggawa ng pader ng Rama. At ginamit ito ni Haring Asa sa paggawa ng pader ng Geba at ng Mizpa.
7 Nang panahong iyon, pumunta ang propetang si Hanani kay Haring Asa ng Juda at sinabi sa kanya, “Dahil nagtiwala ka sa hari ng Aram at hindi sa Panginoon na iyong Dios, hindi nʼyo malilipol ang mga sundalo ng hari ng Aram. 8 Naalala mo ba kung ano ang nangyari sa mga taga-Etiopia at taga-Libya, na ang mga sundalo, mga karwahe at mga mangangabayo ay napakarami? Nang panahong iyon, nagtiwala ka sa Panginoon, at kayoʼy pinagtagumpay niya sa kanila. 9 Sapagkat nakatingin ang Panginoon sa buong mundo para palakasin ang mga taong matapat sa kanya. Kamangmangan ang iyong ginawa! Kaya mula ngayon makikipaglaban ka na.”
10 Dahil dito, labis na nagalit si Asa sa propeta, kaya itoʼy kanyang pinakulong. At sa panahong ding iyon, nagsimulang pahirapan ni Asa ang iba niyang mga mamamayan.
11 Ang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Asa mula sa simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda at ng Israel. 12 Nang ika-39 na taon ng paghahari ni Asa, nagtiis siya ng karamdaman sa paa. Kahit malubha na ang kanyang karamdaman, hindi siya humingi ng tulong sa Panginoon kundi sa mga manggagamot. 13 At nang ika-41 taon ng paghahari niya, namatay siya. 14 Inilibing siya sa libingan na ipinagawa niya para sa kanyang sarili sa Lungsod ni David.[c] Inilagay siya sa kabaong na may ibaʼt ibang mga pabango. At nagpaningas ng malaking apoy ang mga tao sa pagpaparangal sa kanya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®