Add parallel Print Page Options

Tulong sa mga Kapatid na Nangangailangan

Hindi na kailangang sumulat pa ako sa inyo tungkol sa pagtulong sa mga kapatid sa iglesya. Alam kong handa na kayong tumulong, kaya't ipinagmamalaki ko kayo sa mga taga-Macedonia. Ang sabi ko'y handa na kayong mga taga-Acaya noon pang nakaraang taon, at dahil dito'y lalo silang sumigla sa pagtulong. Kaya't pinapapunta ko riyan ang mga kapatid na ito upang mapatunayang tama ang aming pagmamalaki tungkol sa inyo, at nang maihanda na ninyo ang inyong tulong, gaya ng sinabi ko. Kung hindi, kung may mga taga-Macedonia na sumama sa akin at makita nilang hindi pala kayo handa, baka mapahiya ako at pati kayo. Kaya't pinakiusapan ko ang mga kapatid na mauna riyan, upang maihanda ang tulong na ipinangako ninyo. Sa gayon, makikita na talagang kusang-loob ang pagbibigay ninyo at hindi sapilitan.

Ito ang ibig kong sabihin: ang nagtatanim ng kakaunti ay aani ng kakaunti, at ang nagtatanim ng marami ay aani ng marami. Ang(A) bawat isa'y dapat magbigay ayon sa kanyang pasya, maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang may kagalakan. Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan, upang sumagana kayo para sa mabubuting gawa. Tulad(B) ng nasusulat,

“Siya'y masaganang nagbibigay sa mga dukha;
    ang kanyang kabutihan ay walang hanggan.”

10 Ang(C) Diyos na nagbibigay ng binhing itatanim at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay sa inyo ng binhi, at magpapalago nito upang magbunga nang sagana ang inyong kabutihang-loob. 11 Pasasaganain niya kayo sa lahat ng bagay upang mas marami ang inyong matulungan. Sa gayon, lalong darami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa inyong tulong na dadalhin namin sa kanila. 12 Ang paglilingkod ninyo upang tumulong sa mga kapatid ay hindi lamang makakatugon sa kanilang pangangailangan, kundi magiging dahilan pa ng nag-uumapaw na pagpapasalamat nila sa Diyos. 13 Ang bukas-palad ninyong pagbibigay sa kanila at sa lahat ang siyang magpapatunay na matapat ninyong sinusunod ang Magandang Balita ni Cristo. Dahil diyan, magpupuri sila sa Diyos. 14 Kaya't buong pagmamahal nila kayong ipapanalangin, dahil sa di-masukat na kagandahang-loob ng Diyos sa inyo. 15 Salamat sa Diyos dahil sa kanyang kaloob na walang kapantay!

Ang Ambagan para sa mga Taga-Jerusalem

Ngayon, kalabisan na para sa akin na sulatan kayo tungkol sa paglilingkod para sa mga banal,

sapagkat nalalaman ko ang inyong pananabik, na aking ipinagmamalaki tungkol sa inyo sa mga taga-Macedonia, na ang Acaia ay nakapaghanda na noong nakaraang taon pa, at ang inyong sigasig ay nakapukaw sa karamihan sa kanila.

Subalit aking isinugo ang mga kapatid upang ang aming pagmamalaki tungkol sa inyo ay huwag mawalan ng kabuluhan sa bagay na ito, upang ayon sa aking sinabi, kayo'y makapaghanda,

baka sakaling kung ang ilang taga-Macedonia ay dumating na kasama ko at kayo'y maratnang hindi handa, kami ay mapapahiya upang hindi na namin sabihing pati kayo, sa pagtitiwalang ito.

Kaya't inisip ko na kailangang himukin ang mga kapatid na maunang pumariyan sa inyo, at ihanda agad ang inyong kaloob na ipinangako nang una, upang ito'y maihanda bilang isang kusang-loob na handog at hindi sapilitan.

At ito ang ibig kong sabihin: Ang naghahasik nang bahagya ay mag-aani rin nang bahagya, at ang naghahasik nang sagana ay mag-aani rin nang sagana.

Ang bawat isa ay magbigay ayon sa ipinasiya ng kanyang puso, hindi mabigat sa kalooban, o dala ng pangangailangan, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay na masaya.

At kaya ng Diyos na pasaganain ang lahat ng biyaya sa inyo, upang sa pagkakaroon ninyo ng sapat sa lahat ng bagay ay palagi kayong sumagana sa bawat mabuting gawa.

Gaya(A) ng nasusulat,

“Siya'y nagsabog, siya'y nagbigay sa mga dukha;
    ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.”

10 Siyang(B) nagbibigay ng binhi sa manghahasik at ng tinapay bilang pagkain ay siyang magbibigay at magpaparami ng inyong binhi upang ihasik, at magpaparami ng mga bunga ng inyong pagiging matuwid;

11 na kayo ay pinayayaman sa bawat bagay dahil sa inyong kagandahang-loob, na sa pamamagitan namin ay nagbubunga ng pasasalamat sa Diyos.

12 Sapagkat ang pangangasiwa sa paglilingkod na ito ay hindi lamang pumupuno sa pangangailangan ng mga banal, kundi umaapaw rin sa pamamagitan ng maraming pasasalamat sa Diyos.

13 Sa pamamagitan ng pagpapatunay ng ministeryong ito, niluluwalhati ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa inyong pagpapahayag sa ebanghelyo ni Cristo, at dahil sa pagiging bukas-palad ng inyong pag-aambag para sa kanila at sa lahat ng tao;

14 habang sila ay nananabik sa inyo at nananalangin para sa inyo, dahil sa nag-uumapaw na biyaya ng Diyos sa inyo.

15 Salamat sa Diyos dahil sa kanyang di-mailarawang kaloob.