2 Corinto 8
Ang Biblia, 2001
Tungkol sa Pagbibigay
8 Ngayon,(A) nais naming malaman ninyo, mga kapatid, ang biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa mga iglesya ng Macedonia;
2 kung paanong sa matinding pagsubok ng kapighatian, ang kasaganaan ng kanilang kagalakan at ang kanilang labis na kahirapan ay sumagana sa kayamanan ng kanilang kagandahang-loob.
3 Ako ay makapagpapatunay na sila ay kusang-loob na nagbigay ayon sa kanilang kakayahan, at higit pa sa kanilang makakaya,
4 na nakikiusap sa amin nang matindi tungkol sa biyaya na makibahagi sa paglilingkod sa mga banal.
5 At ito ay hindi tulad sa aming inaasahan, kundi ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon, at sa amin sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos.
6 Anupa't kami ay nakiusap kay Tito na yamang siya'y nagpasimula ay dapat din niyang tapusin sa inyo ang biyayang ito.
7 Ngunit, yamang kayo'y sumasagana sa lahat ng mga bagay, sa pananampalataya, sa pananalita, sa kaalaman, sa buong kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin, sikapin din ninyo na kayo ay sumagana sa biyayang ito.
8 Sinasabi ko ito hindi bilang isang utos, ngunit aking sinusubok ang pagiging tunay ng inyong pag-ibig kapag inihambing sa kasigasigan ng iba.
9 Sapagkat nalalaman ninyo ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na bagaman siya'y mayaman, subalit alang-alang sa inyo ay naging dukha, upang sa pamamagitan ng kanyang kadukhaan ay maging mayaman kayo.
10 At sa bagay na ito ay nagbibigay ako ng payo: pinakamabuti para sa inyo ngayon na tapusin ang sinimulan ninyo nang nakaraang taon, hindi lamang upang gumawa kundi magkaroon ng pagnanais na gumawa.
11 At ngayon, tapusin ninyo ang paggawa, upang kung paanong may sigasig sa pagnanais ay gayundin sa pagtatapos, ayon sa inyong kakayahan.
12 Sapagkat kung mayroong pagnanais, tinatanggap ang kaloob ayon sa tinataglay, at hindi ayon sa hindi tinataglay.
13 Hindi ko ibig sabihin na ang iba ay maginhawahan at kayo'y mabigatan, kundi para sa pagkakapantay-pantay,
14 ang inyong kasaganaan sa kasalukuyang panahon ang magpuno sa kanilang kakulangan, upang ang kanilang kasaganaan ay magpuno sa inyong pangangailangan, upang magkaroon ng pagkakapantay-pantay.
15 Gaya(B) ng nasusulat,
“Ang nagtipon ng marami ay hindi nagkaroon ng labis,
at ang nagtipon ng kaunti ay hindi kinulang.”
Si Tito at ang mga Sugo ng Iglesya
16 Subalit salamat sa Diyos na naglagay ng gayunding pagsisikap para sa inyo sa puso ni Tito.
17 Sapagkat tinanggap niya hindi lamang ang aming pakiusap at palibhasa siya'y lalong sumigasig, siya ay patungo sa inyo sa kanyang sariling kalooban.
18 Isinusugo namin kasama niya ang kapatid na tanyag sa mga iglesya dahil sa kanyang pangangaral ng ebanghelyo.
19 At hindi lamang iyon, kundi siya ay hinirang ng mga iglesya na maglakbay na kasama namin ukol sa biyayang ito na aming pinangangasiwaan, sa ikaluluwalhati ng Panginoon, at upang ipakita ang aming pagnanais.
20 Iniiwasan namin ito upang huwag kaming sisihin tungkol sa kasaganaang ito na aming pinangangasiwaan;
21 sapagkat(C) isinasaalang-alang namin ang mga bagay na kapuri-puri hindi lamang sa harapan ng Panginoon, kundi maging sa harapan ng mga tao.
22 At kasama nila ay isinusugo namin ang aming kapatid na maraming ulit naming napatunayang masikap sa maraming bagay, subalit ngayon ay higit pang masikap, dahil sa kanyang malaking pagtitiwala sa inyo.
23 Tungkol kay Tito, siya'y aking katuwang at kamanggagawa sa paglilingkod sa inyo; at para sa aming mga kapatid, sila'y mga sugo ng mga iglesya, ang kaluwalhatian ni Cristo.
24 Kaya't ipakita ninyo sa kanila sa harapan ng mga iglesya ang katunayan ng inyong pag-ibig, at ng aming pagmamalaki tungkol sa inyo.