2 Corinto 8
Ang Dating Biblia (1905)
8 Bukod dito, mga kapatid, ay ipinatatalastas namin sa inyo ang biyaya ng Dios na ipinagkaloob sa mga iglesia ng Macedonia;
2 Kung paanong sa maraming pagsubok sa kapighatian ang kasaganaan ng kanilang katuwaan at ang kanilang malabis na karukhaan ay sumagana sa kayamanan ng kanilang kagandahang-loob.
3 Sapagka't ayon sa kanilang kaya, ay nagpapatotoo ako at higit pa sa kanilang kaya, ay nagsiabuloy sila sa sariling kalooban,
4 Na lubhang ipinamamanhik sa amin ang tungkol sa biyayang ito at sa pakikisama sa pangangasiwa ng mga abuloy sa mga banal:
5 At ito, ay hindi ayon sa aming inaasahan, kundi ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon, at sa amin sa pamamagitan ng kalooban ng Dios.
6 Ano pa't namanhik kami kay Tito, na yamang siya'y nagpasimula nang una, ay siya na rin ang gumanap sa inyo ng biyayang ito.
7 Datapuwa't yamang kayo'y nagsisisagana sa lahat ng mga bagay, sa pananampalataya, at pananalita, at kaalaman, at sa buong kasipagan, at sa inyong pagibig sa amin ay magsisagana naman kayo sa biyayang ito.
8 Hindi ako nangungusap na tulad sa naguutos, kundi gaya ng sumusubok sa pamamagitan ng kasipagan ng iba ang katapatan naman ng inyong pagibig.
9 Sapagka't nalalaman ninyo ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo, na, bagaman siya'y mayaman, gayon ma'y nagpakadukha dahil sa inyo, upang sa pamamagitan ng kaniyang karukhaan ay magsiyaman kayo.
10 At sa ganito'y ibinibigay ko ang aking pasiya: sapagka't ito'y nararapat sa inyo, na naunang nangagpasimula na may isang taon na, hindi lamang sa paggawa, kundi naman sa pagnanais.
11 Datapuwa't ngayo'y tapusin din naman ninyo ang paggawa; upang kung paanong nagkaroon ng sikap ng pagnanais, ay gayon din namang magkaroon ng pagkatapos ayon sa inyong kaya.
12 Sapagka't kung may sikap, ay tinatanggap ayon sa tinataglay, hindi ayon sa di tinataglay.
13 Sapagka't hindi ko sinasabi ito upang ang mga iba ay magaanan at kayo'y mabigatan;
14 Kundi ayon sa pagkakapantay-pantay: ang inyong kasaganaan ay naging abuloy sa panahong ito sa kanilang kakulangan, upang ang kanilang kasaganaan naman ay maging abuloy sa inyong kailangan; upang magkaroon ng pagkakapantaypantay.
15 Gaya ng nasusulat, Ang nagtipon ng marami ay hindi naglabis; at ang nagtipon ng kaunti ay hindi kinulang.
16 Datapuwa't salamat sa Dios, na naglalagay sa puso ni Tito niyaong masikap na pagiingat sa inyo.
17 Sapagka't tunay na tinanggap niya ang aming pamanhik, nguni't palibhasa'y lubha siyang masikap, ay napariyan sa inyo sa kaniyang sariling kalooban.
18 At sinugo naming kasama niya ang kapatid na ang kaniyang kapurihan sa evangelio ay sa lahat ng mga iglesia;
19 At hindi lamang gayon, kundi siya naman ang inihalal ng mga iglesia na maglakbay na kasama namin tungkol sa biyayang ito, na pinangangasiwaan namin sa ikaluluwalhati ng Panginoon, at upang ipamalas ang aming sikap:
20 Na iniilagan ito, na sinoma'y huwag kaming sisihin tungkol sa abuloy na ito na aming pinangangasiwaan:
21 Sapagka't iniisip namin ang mga bagay na kapuripuri, hindi lamang sa paningin ng Panginoon, kundi naman sa paningin ng mga tao.
22 At aming sinugong kasama nila ang aming kapatid, na aming nasubok na madalas na masikap sa maraming bagay, datapuwa't ngayon ay lalo nang masikap, dahil sa malaking pagkakatiwala niya sa inyo.
23 Kung may magsiyasat tungkol kay Tito, siya'y aking kasama at kamanggagawa sa pagpapagal sa inyo; o sa aming mga kapatid, sila'y mga sugo ng mga iglesia, at kaluwalhatian ni Cristo.
24 Inyo ngang ipakita sa kanila sa harapan ng mga iglesia ang katunayan ng inyong pagibig, at ng aming pagmamapuri dahil sa inyo.
2 Corinto 8
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Pagtutulungan ng mga Cristiano
8 Ngayon mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang ginawa ng mga iglesya sa Macedonia dahil sa biyaya ng Dios sa kanila. 2 Kahit na dumaranas sila ng maraming pagsubok, masayang-masaya pa rin sila. Kaya nga naging lubos silang mapagbigay sa kabila ng kanilang matinding kahirapan. 3 Makapagpapatotoo ako sa inyo na kusang-loob silang nagbigay at higit pa nga sa kanilang makakaya. 4 Sapagkat sila na mismo ang paulit-ulit na nakiusap sa amin na bigyan sila ng pagkakataong makatulong sa mahihirap na mga mananampalataya.[a] 5 At higit pa nga sa aming inaasahan ang kanilang ginawa, dahil una sa lahat, inialay nila ang kanilang mga sarili sa Panginoon at sa amin, ayon sa kalooban ng Dios. 6 Dahil sa kanilang ginawa ay pinakiusapan namin si Tito na bumalik sa inyo, at tapusin ang inumpisahan niyang pangongolekta ng inyong tulong para sa mga kapatid sa Judea. 7 Kayong mga nasa Corinto ay nangunguna sa lahat ng bagay – malakas ang inyong pananampalataya, magaling kayong magturo, marami kayong alam, masipag sa paglilingkod sa Dios, at malaki ang inyong pag-ibig sa amin. Kaya gusto namin na manguna rin kayo sa pagbibigay. 8 Hindi sa inuutusan ko kayo; sinasabi ko lamang sa inyo ang ginagawang pagtulong ng iba para maipakita rin ninyo sa amin na tunay ang inyong pagmamahal. 9 Sapagkat alam naman ninyo ang biyayang ipinakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit na mayaman siya doon sa langit ay nagpakadukha siya dito sa mundo alang-alang sa atin, para sa pamamagitan ng kanyang kahirapan ay maging mayaman tayo.
10 Kaya ito ang maipapayo ko sa inyo: Makabubuti kung ipagpapatuloy ninyo ang inumpisahan ninyong pagbibigay noong nakaraang taon. Kayo ang unang nakaisip nito, at kayo rin ang unang nagsagawa. 11 Kaya ituloy ninyo ito! Pagsikapan ninyong tapusin ang gawain na masigasig ninyong inumpisahan, at magbigay kayo sa abot ng inyong makakaya. 12 Sapagkat kung kusang-loob ang inyong pagbibigay, tatanggapin ng Dios ang anumang makayanan ninyo. Hindi niya kayo pinagbibigay nang hindi ninyo kaya. 13 Hindi ko sinasabi na magbigay kayo para guminhawa ang iba at kayo naman ang maghirap, kundi para magkaroon ng pagkakapantay-pantay sa ating kalagayan. 14 Sa ngayon ay masagana kayo, kaya nararapat lamang na tulungan ninyo ang nangangailangan. Sa panahon na kayo naman ang mangailangan, at sila ang masagana, sila naman ang tutulong sa inyo. Sa ganoon, magkakapantay-pantay ang kalagayan ng isaʼt isa. 15 Ayon nga sa Kasulatan,
“Ang nagtipon ng marami ay hindi sumobra,
at ang nagtipon ng kaunti ay hindi naman kinulang.”
16 Nagpapasalamat kami sa Dios na ipinadama niya sa puso ni Tito ang pagmamalasakit sa inyo na tulad ng pagmamalasakit namin sa inyo. 17 Sapagkat hindi lang siya sumang-ayon sa aming pakiusap, kundi siya na rin mismo ang may gustong pumunta riyan. 18 Pasasamahin namin sa kanya ang isa sa mga kapatid natin na kilala sa lahat ng iglesya dahil sa paglilingkod niya para sa Magandang Balita. 19 Hindi lang iyan, siya rin ang pinili ng mga iglesya na sumama sa amin para magdala ng tulong sa mga nangangailangan, nang sa ganoon ay maparangalan ang Panginoon at maipakita namin na talagang gusto naming makatulong. 20 Isinusugo namin siya kasama si Tito dahil nais naming maiwasang may masabi ang iba tungkol sa pangangasiwa namin sa malaking tulong na ito. 21 Sapagkat sinisikap naming gawin ang tama, hindi lamang sa paningin ng Panginoon, kundi maging sa paningin ng tao.
22 Kasama nila sa pagpunta riyan ang isa pang kapatid sa pananampalataya, na subok na namin sa maraming bagay at nakita namin ang kanyang sigasig sa pagtulong. At higit pa nga ang kanyang sigasig ngayon, dahil malaki ang kanyang tiwala sa inyo. 23 Tungkol naman kay Tito, siya ang kasama at katulong ko sa aking mga gawain diyan sa inyo. Tungkol naman sa mga kapatid na kasama niya, sila ang mga kinatawan ng mga iglesya. Ang kanilang pamumuhay ay isang karangalan para kay Cristo. 24 Kaya ipakita ninyo sa kanila ang inyong pagmamahal para mapatunayan nila na talagang totoo ang pagmamalaki namin sa inyo, at malaman din ito ng ibang iglesya sa pamamagitan nila.
Footnotes
- 8:4 mga mananampalataya: sa Griego, hagios, na ang ibig sabihin ay itinuring ng Dios na sa kanya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®