Add parallel Print Page Options

Mga minamahal, dahil sa mga ipinangako ng Dios sa atin, linisin natin ang ating sarili sa anumang bagay na nagpaparumi sa ating katawan at espiritu, at sikapin nating mamuhay nang banal at may takot sa Dios.

Ang Kagalakan ni Pablo

Tanggapin ninyo kami sa inyong mga puso. Wala kaming ginawang masama kahit kanino. Hindi namin siniraan o dinaya ang sinuman. Hindi ko sinasabi ito para ipahiya kayo. Gaya ng sinabi ko noong una, mahal na mahal namin kayo at handa kaming mabuhay o mamatay na kasama ninyo. Malaki ang tiwala ko sa inyo, at ipinagmamalaki ko kayo! Labis ninyong pinalakas ang aming loob at nag-uumapaw sa aming puso ang kagalakan sa kabila ng lahat ng aming mga paghihirap.

Nang dumating kami sa Macedonia, wala rin kaming pahinga, dahil kahit saan ay nagdalamhati kami. Sa paligid ay nariyan ang mga kumokontra sa amin, at sa loob naman namin ay may pag-aalala para sa mga mananampalataya. Ngunit pinalakas ng Dios ang aming loob nang dumating si Tito. Tunay na pinalalakas niya ang loob ng mga nalulumbay. At hindi lang ang pagdating ni Tito ang nagpalakas ng aming loob, kundi maging ang balita na pinalakas din ninyo ang loob niya. Ibinalita niya ang pananabik ninyo sa amin, ang inyong panaghoy sa mga pangyayari, at ang katapatan[a] ninyo sa akin. Dahil dito, lalo akong natuwa!

Kahit na nagdulot sa inyo ng kalungkutan ang aking sulat, hindi ko ito pinagsisisihan. Nagsisi ako noong una dahil nakita kong pinalungkot kayo ng aking sulat, ngunit sandali lamang. Ngunit masaya ako ngayon, hindi dahil malungkot kayo, kundi dahil naging paraan iyon para magsisi kayo. At iyan nga ang nais ng Dios na mangyari, kaya hindi nakasama sa inyo ang aking mga sinulat. 10 Sapagkat ang kalungkutang ayon sa kalooban ng Dios ay nagdadala sa atin sa pagsisisi, at nagdudulot ng kaligtasan. Hindi pinagsisihan ang ganitong kalungkutan. Ngunit ang kalungkutan ng mga taong makamundo ay nagdadala sa kanila sa kamatayan. 11 Tingnan ninyo ang idinulot ng kalungkutang ayon sa kalooban ng Dios! Naging masigasig kayong patunayan na wala kayong kasalanan tungkol sa mga bagay na sinasabi ko sa inyo. Nagalit kayo sa gumawa ng kasalanang iyon, at natakot sa maaaring idulot nito. Naging masigasig kayong maibalik ang dati nating samahan. Pinarusahan ninyo ang nagkasala, at pinatunayan ninyo sa lahat ng paraan na wala kayong kinalaman sa kasalanang iyon.

12 Ang dahilan ng pagsulat ko ay hindi para tuligsain ang nagkasala o ipagtanggol ang ginawan niya ng kasalanan, kundi para maipakita ninyo sa presensya ng Dios kung gaano kayo katapat sa amin. 13 At dahil dito, pinalakas ninyo ang aming loob.

At lalo pa kaming sumigla nang makita naming masaya si Tito dahil sa kasiyahang naranasan niya sa inyong piling. 14 Ipinagmalaki ko kayo sa kanya, at napatunayan niyang totoo ang sinabi ko sa kanya tungkol sa inyo, kaya hindi ako napahiya. 15 At sa tuwing naaalala ni Tito ang inyong pagkamasunurin at ang inyong pagtanggap at paggalang, lalo kayong napapamahal sa kanya. 16 At masaya naman ako dahil mapagkakatiwalaan ko kayo nang lubos.

Footnotes

  1. 7:7 katapatan: o, pagmamalasakit.